KABANATA 17
Patibayin ang Iyong Kabanal-banalang Pananampalataya
“Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, . . . panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.”—JUDAS 20, 21.
1, 2. Anong proyekto ng pagtatayo ang ginagawa mo, at bakit napakahalaga na tiyakin nating matibay ito?
PUSPUSAN ang iyong pagsisikap para maitayo ang isang matibay na gusali. Matagal-tagal na ring nagsimula ang konstruksiyong ito at magpapatuloy pa ito. Sa kasalukuyan, mahirap ang trabaho pero kasiya-siya naman. Anuman ang mangyari, desidido kang ituloy ito; hindi ka susuko ni tatamarin man sa pagtatayo ng gusaling iyon, at titiyakin mong matibay ito dahil apektado nito ang iyong buhay, maging ang iyong kinabukasan. Bakit? Dahil ang gusaling itinatayo mo ay ikaw mismo!
2 Idiniin ng alagad na si Judas ang pagtatayo at pagpapatibay na ginagawa natin sa ating sarili. Nang himukin niya ang mga Kristiyano na manatili sa pag-ibig ng Diyos, isiniwalat din niya sa tekstong iyon ang susi para magawa ito: “Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya.” (Judas 20, 21) Maliwanag, para mapatibay ang iyong sarili, kailangan mong patibayin ang iyong pananampalataya. Anu-ano ang ilang paraan upang magawa mo ito at sa gayo’y manatili sa pag-ibig ng Diyos? Talakayin natin ang tatlong paraan para mapatibay natin ang ating pananampalataya.
PATULOY NA PATIBAYIN ANG IYONG PANANAMPALATAYA SA MATUWID NA MGA KAHILINGAN NI JEHOVA
3-5. (a) Dahil gusto kang linlangin ni Satanas, ano ang gusto niyang isipin mo tungkol sa mga kahilingan ni Jehova? (b) Ano ang dapat maging pananaw natin sa mga kahilingan ng Diyos, at ano ang magiging epekto nito sa atin? Ilarawan.
3 Una sa lahat, kailangan nating patibayin ang ating pananampalataya sa kautusan ng Diyos. Sa pag-aaral ng aklat na ito, naisaalang-alang mo na ang ilang matuwid na kahilingan ni Jehova may kaugnayan sa ating paggawi. Ano ang nadarama mo hinggil sa mga kahilingang ito? Gusto ni Satanas na linlangin ka at isipin mong napakahigpit ng mga kautusan, simulain, at pamantayan ni Jehova, anupat napagkakaitan ka ng mga bagay na makabubuti sa iyo. Yamang naging mabisa ang taktikang ito noon sa Eden, patuloy pa rin niya itong ginagamit ngayon. (Genesis 3:1-6) Magiging mabisa rin kaya ang kaniyang taktika sa iyo? Pangunahin nang nakadepende iyan sa iyong pananaw sa buhay.
4 Bilang paglalarawan: Habang namamasyal ka sa isang magandang parke, napansin mo ang isang bahagi ng parke na nababakuran ng isang matibay at mataas na bakod. Dahil nakita mong napakaganda ng tanawin sa kabilang bakod, gusto mong makita ito nang malapitan. Sa umpisa, baka isipin mong hindi naman kailangan ang bakod na iyon dahil sagabal lamang iyon sa iyong pamamasyal. Pero nang sumilip ka, mayroon pala roong isang mabangis na leon na waring nag-aabang ng masisila! Alam mo na ngayon kung para saan ang bakod—isa itong proteksiyon. Mayroon bang maninila na nag-aabang sa iyo ngayon? Nagbababala ang Salita ng Diyos: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”—1 Pedro 5:8.
5 Si Satanas ay isang mabangis na maninila. Dahil ayaw ni Jehova na maging biktima tayo ni Satanas, gumawa Siya ng mga kautusan upang protektahan tayo sa maraming “tusong mga gawa” ng balakyot na iyon. (Efeso 6:11, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Kaya sa tuwing binubulay-bulay natin ang mga kautusan ng Diyos, dapat nating matanto na ang mga ito ay kapahayagan ng pag-ibig ng ating makalangit na Ama. Kung ganiyan ang ating pananaw, makadarama tayo ng katiwasayan at kagalakan kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito . . . ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”—Santiago 1:25.
6. Ano ang pinakamahusay na paraan para mapatibay mo ang iyong pananampalataya sa matuwid na mga kautusan at simulain ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.
6 Ang pamumuhay ayon sa mga utos ng Diyos ang pinakamahusay na paraan para mapatibay ang ating pananampalataya sa Tagapagbigay-Kautusan at ang ating pananalig na isang karunungan ang sumunod sa kaniyang mga kautusan. Halimbawa, kalakip sa “kautusan ng Kristo” na ituro sa iba ang “lahat ng mga bagay na iniutos” niya. (Galacia 6:2; Mateo 28:19, 20) Mahalaga para sa mga Kristiyano na sundin ang tagubilin na patuloy na magtipong sama-sama para sa pagsamba at pagpapatibayan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Iniutos din sa atin ni Jehova na palagian tayong manalangin nang taimtim sa kaniya. (Mateo 6:5-8; 1 Tesalonica 5:17) Habang namumuhay tayo ayon sa mga utos na ito, lalong nagiging maliwanag sa atin na talagang maibigin ang mga patnubay na iyon. Ang pagsunod sa mga ito ay nagdudulot ng kagalakan at kasiyahang hindi kailanman masusumpungan sa maligalig na daigdig na ito. Habang pinag-iisipan mong mabuti kung paano ka nakikinabang sa pamumuhay kasuwato ng mga kautusan ng Diyos, hindi ba’t lalong tumitibay ang iyong pananampalataya sa mga kautusang ito?
7, 8. Paano pinapatibay ng Salita ng Diyos ang mga nababahala na baka hindi nila patuloy na magawa kung ano ang tama sa paglipas ng mga taon?
7 Kung minsan, nababahala ang ilan na baka hindi nila patuloy na masunod ang mga kautusan ni Jehova sa paglipas ng mga taon. Kung ganiyan ang nadarama mo, tandaan ang mga salitang ito: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:17, 18) Hindi ba nakapagpapatibay ang mga salitang iyan?
8 Ipinaaalaala sa atin ng mga salitang ito ni Jehova na makikinabang tayo kung susunod tayo sa kaniya. Nangako siya ng dalawang pagpapala. Una, ang ating kapayapaan ay magiging gaya ng ilog—payapa, sagana, at tuluy-tuloy ang agos. Ikalawa, ang ating katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat. Kung nakatayo ka sa dalampasigan at pinagmamasdan mo ang sunud-sunod na mga alon, tiyak na iisipin mong wala na itong katapusan. Alam mong ang mga alon ay patuloy na darating at hahampas sa dalampasigan sa loob ng di-masukat na panahon. Sinasabi ni Jehova na ang iyong katuwiran—ang iyong paggawa ng tama—ay maaaring maging gaya ng mga alon. Habang sinisikap mong maging tapat sa kaniya, hinding-hindi ka niya pababayaan! (Awit 55:22) Hindi ba’t napapatibay ng nakaaantig na mga pangakong iyon ang pananampalataya mo kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga kahilingan?
“SUMULONG TAYO TUNGO SA PAGKAMAYGULANG”
9, 10. (a) Bakit isang magandang tunguhin para sa mga Kristiyano na sumulong tungo sa pagkamaygulang? (b) Bakit nakadarama ng kasiyahan ang isang taong may espirituwal na pananaw?
9 Ang ikalawang aspekto para mapatibay ang iyong pananampalataya ay isinisiwalat sa kinasihang mga salitang ito: “Sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang ay isang magandang tunguhin para sa isang Kristiyano. Di-gaya ng kasakdalan, na imposibleng maabot ng mga tao sa ngayon, ang pagkamaygulang ay isang tunguhin na posibleng abutin. Isa pa, mas nakadarama ng kagalakan ang mga Kristiyano sa paglilingkod kay Jehova habang nagiging may-gulang sila. Bakit?
10 Ang may-gulang na Kristiyano ay isang taong espirituwal. Tinitingnan niya ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. (Juan 4:23) Sumulat si Pablo: “Yaong mga kaayon ng laman ay nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman, ngunit yaong mga kaayon ng espiritu ay sa mga bagay ng espiritu.” (Roma 8:5) Ang taong may makalamang saloobin ay hindi gaanong nasisiyahan sa buhay, dahil makasarili siya, makitid ang pananaw, at nakapokus sa materyal na mga bagay. Ang isa naman na may espirituwal na pananaw ay nakadarama ng kasiyahan, dahil nakatuon ang kaniyang pansin kay Jehova, ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gustung-gustong paluguran ng isang taong espirituwal si Jehova at masaya siya kahit dumaranas siya ng pagsubok. Bakit? Ang mga pagsubok ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataong patunayan na sinungaling si Satanas at malinang ang katapatan, na ikinatutuwa naman ng ating makalangit na Ama.—Kawikaan 27:11; Santiago 1:2, 3.
11, 12. (a) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa “kakayahan sa pang-unawa” ng isang Kristiyano, at ano ang kahulugan ng salitang isinalin na “nasanay”? (b) Anong pagsasanay ang dapat gawin sa katawan para sumulong ito?
11 Sa pamamagitan ng pagsasanay, sumusulong ang isa tungo sa pagkamaygulang at nagiging isang taong espirituwal. Pansinin ang sinasabi ng talatang ito: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, sa kanila na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagsasanay sa ating kakayahan sa pang-unawa, ginamit niya ang salitang Griego na isinaling “nasanay” na malamang na karaniwang iniuugnay sa pagsasanay na ginagawa sa mga gymnasium sa Gresya noong unang siglo, kung kaya puwede rin itong isaling ‘nasanay gaya ng isang gymnast.’ Isipin natin ngayon kung ano ang nasasangkot sa gayong pagsasanay.
Nagiging bihasa ang isang “gymnast” dahil sa pagsasanay
12 Nang ipanganak tayo, hindi pa tayo sanay na kontrolin ang ating mga galaw. Halimbawa, hindi pa kontrolado ng isang sanggol ang kaniyang maliliit na braso at binti. Kaya ikinakawag-kawag lamang ng sanggol ang kaniyang mga braso, anupat natatamaan pa nga niya ang kaniyang mukha, kung kaya nagugulat siya at umiiyak. Unti-unti, habang patuloy niyang iginagalaw ang mga bahagi ng kaniyang katawan, nasasanay siyang kontrolin ang mga ito. Ang sanggol ay natututong gumapang at habang siya’y lumalaki, natututo rin siyang lumakad at tumakbo.a Pero kumusta naman ang isang gymnast? Kapag napapanood mo ang isang atletang lumulukso at nagpapaikut-ikot nang buong-husay at eksaktung-eksakto, tiyak na iisipin mong nasanay na nga nang husto ang mga kalamnan ng kaniyang katawan. Ang kakayahang ito ng gymnast ay hindi basta na lamang nangyari—kinailangan niyang magsanay nang napakaraming oras. Ang gayong pagsasanay sa katawan, ayon sa Bibliya, ay “kapaki-pakinabang nang kaunti.” Tiyak na mas kapaki-pakinabang nga kung ang sasanayin natin ay ang ating espirituwal na kakayahan sa pang-unawa!—1 Timoteo 4:8.
13. Paano natin sasanayin ang ating kakayahan sa pang-unawa?
13 Sa aklat na ito, marami tayong tinalakay na tutulong sa iyo para sanayin ang iyong kakayahan sa pang-unawa upang makapanatili kang tapat kay Jehova bilang isang taong espirituwal. Sa tulong ng panalangin, pag-isipan mong mabuti ang mga simulain at kautusan ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga desisyon sa araw-araw. Sa bawat desisyong gagawin mo, tanungin ang iyong sarili: ‘Anong mga kautusan o simulain sa Bibliya ang nauugnay rito? Paano ko maikakapit ang mga ito? Anong desisyon ang makalulugod sa aking makalangit na Ama?’ (Kawikaan 3:5, 6; Santiago 1:5) Kung ganito ang iyong gagawin sa tuwing magpapasiya ka, lalong masasanay ang iyong kakayahan sa pang-unawa. Ang ganitong pagsasanay ay tutulong sa iyo na maging isang tunay na taong espirituwal at makapanatiling gayon.
14. Sa ano tayo dapat manabik para sumulong sa espirituwal, pero anong pag-iingat ang dapat nating tandaan?
14 Bagaman maaabot ng isa ang pagkamaygulang, maaari pa rin niyang patuloy na pasulungin ang kaniyang espirituwalidad. Ang pagsulong o paglaki ay nakadepende sa pagkain. Kaya naman sinabi ni Pablo: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang.” Para mapatibay ang iyong pananampalataya, dapat na patuloy tayong kumuha ng matitigas na pagkaing espirituwal. Kapag wasto mong ikinakapit ang iyong natututuhan, iyan ay karunungan, at sinasabi ng Bibliya: “Karunungan ang pangunahing bagay.” Kaya dapat tayong magkaroon ng tunay na pananabik sa mahahalagang katotohanang ibinibigay sa atin ng ating Ama. (Kawikaan 4:5-7; 1 Pedro 2:2) Mangyari pa, ang pagkakaroon ng kaalaman at makadiyos na karunungan ay hindi dahilan para ang isa ay magyabang o maging palalo. Kailangan nating palaging suriin ang ating sarili para hindi mag-ugat at tumubo sa ating puso ang pagmamataas o iba pang kahinaan. Sumulat si Pablo: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”—2 Corinto 13:5.
15. Bakit kailangan ang pag-ibig para sumulong sa espirituwal?
15 Ang pagtatayo ng bahay ay maaaring matapos, pero tuloy pa rin ang pagtatrabahong ginagawa rito para mapanatili itong matibay. Kailangan ang pagmamantini at pagkukumpuni, at baka kailangang magdagdag ng kuwarto kapag nagbago ang mga kalagayan. Ano naman ang kailangan natin para sumulong sa pagkamaygulang at mapanatili ang ating espirituwalidad? Higit sa lahat, kailangan natin ang pag-ibig. Kailangan nating pasidhiin ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapananampalataya. Kung wala tayong pag-ibig, walang halaga ang lahat ng ating nalalaman at ginagawa—para lamang itong isang nakaririnding ingay. (1 Corinto 13:1-3) Sa pamamagitan ng pag-ibig, maaabot natin ang Kristiyanong pagkamaygulang at patuloy tayong susulong sa espirituwal.
LAGING ITUON ANG ISIP SA PAG-ASANG INILALAAN NI JEHOVA
16. Inuudyukan tayo ni Satanas na magpadaig sa anong kaisipan, at anong proteksiyon ang inilalaan ni Jehova para sa atin?
16 Tingnan natin ang isa pang aspekto para mapatibay ang iyong pananampalataya. Para patibayin ang iyong sarili bilang tunay na tagasunod ni Kristo, kailangan mong bantayan ang iyong paraan ng pag-iisip. Kayang-kaya ni Satanas, ang tagapamahala ng sanlibutang ito, na udyukan ang mga tao na magpadaig sa negatibong kaisipan, pag-aalinlangan, at kawalan ng pag-asa. (Efeso 2:2) Nanganganib ang isang Kristiyano kapag ganito ang kaniyang kaisipan, gaya ng isang bahay na yari sa kahoy na nanganganib masira dahil sa bukbok. Mabuti na lamang at naglalaan si Jehova ng napakahalagang tulong upang maproteksiyunan tayo—ang pag-asa.
17. Paano inilalarawan ng Salita ng Diyos ang kahalagahan ng pag-asa?
17 Inisa-isa sa Bibliya ang iba’t ibang bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma na kailangan natin sa pakikipaglaban kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan. Ang isang mahalagang bahagi ng kagayakang pandigma ay ang helmet, “ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8) Noong panahon ng Bibliya, alam ng isang sundalo na hindi siya makaliligtas sa isang labanan kung wala siyang helmet. Ang helmet ay karaniwan nang yari sa metal na sinapnan ng gamusa o katad sa loob nito. Isinusuot ito para hindi mapinsala ang ulo kapag hinampas ito. Kung paanong ang helmet ay proteksiyon sa ulo, ang pag-asa naman ay proteksiyon sa iyong isip.
18, 19. Paano ipinakita ni Jesus na itinuon niya ang kaniyang isip sa pag-asa, at paano natin siya matutularan?
18 Laging itinutuon ni Jesus ang kaniyang isip sa pag-asa, anupat siya ang pangunahin nating halimbawa sa bagay na ito. Alalahanin natin ang mga dinanas ni Jesus noong huling gabi niya sa lupa. Ipinagkanulo siya ng isang matalik na kaibigan kapalit ng salapi. Ikinaila siya ng isa pa niyang kaibigan. Iniwan siya ng kaniyang mga kasama at tumakas ang mga ito. Itinakwil siya ng kaniyang mga kababayan, anupat isinigaw ng mga ito na pahirapan siya ng mga sundalong Romano hanggang sa mamatay siya. Tiyak na wala nang titindi pa sa mga pagsubok na dinanas ni Jesus. Ano ang nakatulong sa kaniya na makapagbata? Sinasagot iyan sa Hebreo 12:2: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Hindi kailanman nawala sa isip ni Jesus ang “kagalakang inilagay sa harap niya.”
19 Anong kagalakan ang inilagay sa harap ni Jesus? Buweno, alam niyang kung magbabata siya, magkakaroon siya ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Makapagbibigay siya ng pinakamatibay na patotoo na talagang sinungaling si Satanas. Wala nang iba pang pag-asa na makapagbibigay kay Jesus ng gayon kalaking kagalakan! Alam din niya na ang kaniyang tapat na landasin ay gagantimpalaan ni Jehova—muli niyang makakasama ang kaniyang Ama sa malapit na hinaharap. Itinuon ni Jesus ang kaniyang isip sa masayang pag-asang ito sa panahon ng pinakamatitinding pagsubok. Gayundin ang dapat nating gawin. Mayroon ding kagalakan na inilagay sa harap natin. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ni Jehova ng pribilehiyong magkaroon ng bahagi sa pagpapabanal ng kaniyang dakilang pangalan. Mapatutunayan nating sinungaling si Satanas kung pipiliin natin si Jehova bilang ating Soberano at kung mananatili tayo sa pag-ibig ng ating Ama anumang pagsubok at tukso ang mapaharap sa atin.
20. Ano ang makatutulong sa iyo na ituon ang isip mo sa iyong pag-asa at manatiling positibo?
20 Hindi lamang gustong gantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod kundi sabik na sabik din siyang gawin ito. (Isaias 30:18; Malakias 3:10) Gustung-gusto niyang ipagkaloob sa kaniyang mga lingkod ang matuwid na mga hangarin ng kanilang puso. (Awit 37:4) Kaya tiyakin mo na palaging nakatuon ang iyong isip sa pag-asang inilagay sa harap mo. Huwag na huwag kang magpapadaig sa negatibo, walang kabuluhan, at pilipit na pag-iisip ng matandang sanlibutang ito ni Satanas. Kung napapansin mong unti-unting pumapasok sa iyong isip at puso ang espiritu ng sanlibutang ito, taimtim na manalangin kay Jehova na bigyan ka sana ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Ang bigay-Diyos na kapayapaang iyan ang magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan.—Filipos 4:6, 7.
21, 22. (a) Anong napakagandang pag-asa ang pinananabikan ng mga kabilang sa “malaking pulutong”? (b) Anong pag-asa ng mga Kristiyano ang pinakagusto mo, at ano ang determinado mong gawin?
21 Napakasarap bulay-bulayin ang kapana-panabik na pag-asang inilagay sa harap mo! Kung bahagi ka ng “malaking pulutong” na ‘lalabas mula sa malaking kapighatian,’ isip-isipin na lamang ang isang uri ng buhay na malapit mo nang makamit. (Apocalipsis 7:9, 14) Kapag wala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, siguradong makadarama ka ng malaking kaginhawahan na maaaring hindi mo pa mauunawaan sa ngayon. Kung sa bagay, sino nga ba sa atin ang nakaranas mabuhay nang walang panggigipit ni Satanas? Kapag wala na ang gayong panggigipit, napakasarap magtrabaho habang ginagawa nating paraiso ang lupa sa pangunguna ni Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala! Sabik na sabik na tayong makitang natutupad ang ating pag-asa! Sa wakas, mawawala na ang sakit at kapansanan, sasalubungin natin ang ating mga mahal sa buhay mula sa libingan, at mabubuhay tayo sa paraang nilayon ng Diyos! Habang tayo ay nagiging sakdal, isa pang mas malaking gantimpala ang makakamit natin. Ito ay ang pangakong isiniwalat sa Roma 8:21—ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”
22 Gusto ni Jehova na mapasaiyo ang isang uri ng kalayaang hindi maaarok ng iyong isip. Ang pagkakamit ng kalayaang iyan ay nakadepende sa iyong pagiging masunurin. Hindi ba’t sulit kung ngayon pa lamang ay magsisikap ka nang sumunod kay Jehova sa araw-araw? Kung gayon, anuman ang mangyari, patuloy mong patibayin ang iyong kabanal-banalang pananampalataya, upang makapanatili ka sa pag-ibig ng Diyos magpakailanman!
a Ayon sa mga siyentipiko, nagkakaroon tayo ng pantanging pandamdam na tinatawag na proprioception, kung kaya nakokontrol natin ang galaw ng ating mga braso at binti. Halimbawa, dahil sa pandamdam na ito, naipapalakpak mo ang iyong mga kamay kahit nakapikit ka. Ang isang adultong pasyente na nawalan na ng proprioception ay hindi na makatayo, makalakad, o makaupo man lamang.