Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 14-15
  • Pagsasaya sa Karnabal—Tama o Mali?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsasaya sa Karnabal—Tama o Mali?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasayahan o Maingay na Pagsasaya?
  • Inilarawan ang Maingay na Pagsasaya
  • Walang-taros na Pagsasaya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Tumutugon sa Mensahe ng Kaharian ang mga “Wastong Nakaayon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 14-15

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagsasaya sa Karnabal​—Tama o Mali?

“HINDI mo ito mapipigil,” sabi ni Michael. “Ang musika ay humihila sa iyo mula sa iyong upuan, nagpapakilos sa iyong mga paa, nagpapasigla sa iyong ulo​—mayroon kang tinatawag na carnival fever!” Tunay, taun-taon ang karnabal ay nagpapabilis sa tibok ng puso ng milyun-milyon sa buong daigdig, subalit wala nang titindi pa rito kaysa sa bansa kung saan nakatira si Michael, sa Brazil. Noong linggo bago ang Miyerkules de Senisa, ang mga taga-Brazil ay nagsusuot ng magagarang damit, di alumana ang oras at ang araw, at sumasali sa isang panoorin na yumayanig sa bansa mula sa kagubatan ng Amazon hanggang sa mga dalampasigan ng Rio de Janeiro. Panahon ito upang umawit, magsayaw ng samba, at makalimot.

“Iyan ang isang dahilan kung bakit napakapopular nito,” paliwanag ni Michael, na isang masugid na nakikisaya sa karnabal sa loob ng mga taon. “Ang karnabal ay nagbibigay sa mga tao ng pagkakataon na makalimutan ang kanilang mga hirap.” At lalo na sa milyun-milyong mahihirap​—na nabubuhay nang walang sapat na tubig, walang kuryente, walang trabaho, at walang pag-asa​—maraming bagay ang dapat kalimutan. Sa kanila ang karnabal ay gaya ng isang aspirin: maaaring hindi nito malunasan ang mga problema, subalit kahit paano ay pinangyayari nitong huwag mong maramdaman ang kirot. Karagdagan pa rito, isaalang-alang ang pangmalas tungkol sa karnabal na pinaniniwalaan ng ilan sa klerong Romano Katoliko​—isang obispo ang nagsabi na ang karnabal ay “lubhang kapaki-pakinabang para sa sikolohikal na pagkakatimbang ng mga tao.” Kaya madaling maunawaan kung bakit inaakala ng marami na ang karnabal ay isang kapaki-pakinabang at sinasang-ayunan ng simbahan na paglilibang. Subalit, ano naman ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa mga pagsasaya sa karnabal?

Kasayahan o Maingay na Pagsasaya?

Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi na may “panahon ng pagtawa . . . at panahon ng paglukso.” (Eclesiastes 3:4) Yamang ang salitang Hebreo para sa “tawa” ay maaari ring isaling “magsaya,” maliwanag na kung tungkol sa ating Maylikha, walang masama sa ating pagkakaroon ng isang kaayaaya, kasiya-siyang panahon. (Tingnan ang 1 Samuel 18:6, 7.) Sa katunayan, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na matuwa at magalak. (Eclesiastes 3:22; 9:7) Kaya ang Bibliya ay sumasang-ayon sa angkop na kasayahan.

Gayunman, hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang lahat ng uri ng kasayahan. Binabanggit ni apostol Pablo na ang maingay na pagsasaya, o magulong kasayahan, ay kabilang sa “mga gawa ng laman” at na ang mga nagsasagawa ng maingay na pagsasaya ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kaya nga, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na “lumakad nang disente, hindi sa maiingay na pagsasaya.” (Roma 13:13) Kaya ang tanong ay, Sa anong kategorya kabilang ang karnabal​—inosenteng kasayahan o walang pagpipigil at maingay na pagsasaya? Upang masagot, hayaan mo munang ipaliwanag naming higit kung ano ang itinuturing ng Bibliya bilang maingay na pagsasaya.

Ang salitang “maingay na pagsasaya,” o koʹmos sa Griego, ay lumilitaw ng tatlong ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa tuwina’y sa hindi kaayaayang diwa. (Roma 13:13; Galacia 5:21; 1 Pedro 4:3) At hindi kataka-taka sapagkat ang koʹmos ay nagmumula sa napakasamang pagsasaya na alam na alam ng sinaunang mga Kristiyano na nagsasalita ng Griego. Alin-alin?

Ang mananalaysay na si Will Durant ay nagpapaliwanag: “Isang pangkat ng mga tao na nagdadala ng sagradong phalli [sagisag ng sangkap sa sekso ng lalaki] at umaawit ng kansiyon kay Dionisio . . . nangangahulugan, sa terminolohiyang Griego, isang komos, o maingay na pagsasaya.” Si Dionisio, ang diyos ng alak sa mitolohiyang Griego, ay ginaya ng mga Romano noong dakong huli, na muling pinanganlan siyang Bacchus. Subalit, ang salitang koʹmos ay hindi nagbago ng pangalan. Ang iskolar ng Bibliya na si Dr. James Macknight ay sumulat: “Ang salitang koʹmois [isang maramihang anyo ng koʹmos] ay galing sa Comus, ang diyos ng kapistahan at maingay na pagsasaya. Ang maingay na mga pagsasayang ito ay isinasagawa sa karangalan ni Bacchus, na noong pagkakataong iyon ay pinanganlang Comastes.’ Oo, ang mga pagsasaya para kay Dionisio at kay Bacchus ang mismong paglalarawan sa maingay na pagsasaya. Anu-ano ang mga tampok ng mga kapistahang ito?

Inilarawan ang Maingay na Pagsasaya

Ayon kay Durant, noong panahon ng mga kapistahan ng Griego na nagpaparangal kay Dionisio, ang mga pulutong na nagsasaya ay “uminom nang walang pagpipigil, at . . . itinuturing na mangmang ang sinumang ayaw magwala. Sila’y nagmamartsa sa magulong prusisyon, . . . at habang sila’y umiinom at sumasayaw sila’y nagiging lubusang walang pagpipigil.” Sa katulad na paraan, ang mga kapistahang Romano sa karangalan ni Bacchus (tinatawag na Bacchanalia) ay nagtatampok ng pag-iinuman at mahalay na mga awit at musika at mga tanawin ng “lubhang kahiya-hiyang mga kilos,” sulat ni Macknight. Sa gayon ang magulong pulutong, labis-labis na pag-iinuman, mahalay na pagsasayaw at musika, at imoral na sekso ang bumubuo sa pangunahing mga sangkap ng Griego-Romanong maiingay na pagsasaya.

Ang mga karnabal ba sa ngayon ay may mga bagay na lumilikha ng maingay na pagsasaya? Isaalang-alang ang ilang pagsipi mula sa mga ulat ng balita tungkol sa mga pagsasaya sa karnabal: “Totoong maiingay na pulutong.” “Isang apat-na-araw na katuwaan ng inuman at magdamag na pagpaparti.” “Ang hang-over ng karnabal ay maaaring tumagal ng ilang araw para sa ilang maingay na nagsasaya.” Ang “halos nakabibinging tunog sa malapitan ay nagpapangyari sa mga pagtatanghal ng mga pangkat ng ‘heavy metal’ . . . na bale-wala kung ihahambing.” “Sa ngayon, ang anumang pagsasaya sa karnabal na walang mga homoseksuwal ay parang steak au poivre na walang paminta.” “Ang karnabal ay naging kasingkahulugan ng ganap na hubo’t hubad.” Ang mga sayaw sa karnabal ay nagtatampok ng “mga tanawin ng masturbasyon . . . at ng iba’t ibang anyo ng seks[uwal] na pagtatalik.”

Tunay, ang mga pagkakahawig sa pagitan ng mga karnabal ngayon at niyaong sa sinaunang mga kapistahan ay totoong kapansin-pansin anupat ang isang maingay na nagsasaya kay Bacchus ay makasasabay sa kumpas kung siya ay babangon sa gitna ng makabagong-panahong karnabal parti. At hindi natin dapat pagtakhan iyan, komento ng Brazilianong prodyuser sa telebisyon na si Cláudio Petraglia, sapagkat sinasabi niyang ang mga karnabal sa ngayon “ay nagmula sa mga kapistahan ni Dionisio at ni Bacchus at iyan, talaga, ang katangian ng karnabal.” Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na ang karnabal ay maaaring iugnay sa kapistahan ng paganong Saturnalia ng sinaunang Roma. Kaya ang karnabal, bagaman kabilang sa isang naiibang panahon, ay kabilang sa iisang pamilya na gaya ng mga nauna rito. Ang pangalan ng pamilya? Maingay na pagsasaya.

Ano ang dapat na maging epekto ng kaalamang ito sa mga Kristiyano ngayon? Gayunding epekto na tinaglay ng sinaunang mga Kristiyano na nakatira sa mga lalawigan sa Asia Minor na naimpluwensiyahan ng Griego. Bago naging mga Kristiyano sila dati’y nagpapakalabis sa “mga gawa ng mahalay na paggawi, mga kalibugan, mga pagpapakalabis sa alak, maiingay na pagsasaya [koʹmois], mga paligsahan sa pag-inom, at mga ilegal na idolatriya.” (1 Pedro 1:1; 4:3, 4) Subalit, pagkatapos malaman na minamalas ng Diyos ang maiingay na pagsasaya bilang “mga gawang nauukol sa kadiliman,” huminto sila sa pakikibahagi sa tulad karnabal na mga pagsasaya.​—Roma 13:12-14.

Si Michael, na nabanggit kanina, ay gayundin ang ginawa. Ipinaliliwanag niya kung bakit: “Habang lumalago ang aking kaalaman sa Bibliya, napag-unawa ko na ang mga pagsasaya sa karnabal at ang mga simulain ng Bibliya ay gaya ng langis at tubig​—ang mga ito’y hindi nagsasama.” Noong 1979, si Michael ay nagpasiya. Hindi na siya nakibahagi sa mga pagsasaya sa karnabal. Anong pagpili ang gagawin mo?

[Larawan sa pahina 14]

Griegong banga bago ang panahong Kristiyano na naglalarawan kay Dionisio (larawan sa kaliwa)

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng The British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share