Hayaang Umiral at Mag-umapaw ang Iyong Pagpipigil-sa-sarili
“Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagpipigil-sa-sarili.”—2 PEDRO 1:5, 6.
1. Sa anong pambihirang kalagayan makapagpapatotoo ang isang Kristiyano?
SINABI ni Jesus: “Kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila.” (Mateo 10:18) Kung ikaw ay tinawag sa harap ng isang gobernador, isang hukom, o isang pangulo, ano ba ang ipahahayag mo? Marahil una ay tungkol sa kung bakit ka naroroon, ang bintang laban sa iyo. Ang espiritu ng Diyos ang tutulong sa iyo na gawin iyon. (Lucas 12:11, 12) Subalit maguguniguni mo ba ang pagpapahayag tungkol sa pagpipigil-sa-sarili? Itinuturing mo ba iyan na isang mahalagang bahagi ng ating mensaheng Kristiyano?
2, 3. (a) Papaano nangyari na si Pablo ay nakapagpatotoo kay Felix at Drusilla? (b) Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay isang angkop na paksang ipahayag ni Pablo sa kalagayang iyon?
2 Isaalang-alang ang isang halimbawa ng isang tunay na pangyayari. Isa sa mga saksi ni Jehova ang inaresto at nilitis. Nang bigyan ng pagkakataon na magsalita, ibig niyang ipaliwanag ang kaniyang mga paniniwala bilang isang Kristiyano, bilang patotoo. Suriin mo ang ulat at makikita mo na siya ay nagbigay ng patotoo ng isang manananggol “tungkol sa katuwiran at pagpipigil-sa-sarili at sa paghuhukom na darating.” Tinutukoy namin ang isang karanasan ni apostol Pablo sa Cesaria. Nagkaroon ng unang pagsisiyasat. “Makalipas ang ilang araw ay dumating si Felix kasama si Drusilla na kaniyang asawa, na isang babaing Judio, at kaniyang ipinasundo si Pablo at nakinig sa kaniya tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.” (Gawa 24:24) Iniuulat ng kasaysayan na si Felix ay “namihasa sa paggawa ng bawat uri ng kalupitan at kahalayan, hawak ang kapangyarihan ng hari habang taglay ang lahat ng katutubong gawi ng isang alipin.” Siya’y makalawang nag-asawa bago niya hinikayat si Drusilla na humiwalay sa kaniyang asawa (na labag sa kautusan ng Diyos) at maging kaniyang ikatlong asawa. Marahil siya (si Drusilla) ang ibig na makarinig ng tungkol sa bagong relihiyon, ang Kristiyanismo.
3 Nagpatuloy si Pablo na magpahayag “tungkol sa katuwiran at pagpipigil-sa-sarili at sa paghuhukom na darating.” (Gawa 24:25) Ipinakita nito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga pamantayan ng Diyos ng katuwiran at ng kalupitan at kawalang-katarungan na dito’y bahagi sina Felix at Drusilla. Marahil si Pablo ay umasang mahihikayat si Felix na magpakita ng katarungan sa kaniyang kaso. Subalit bakit isasali pa ang “pagpipigil-sa-sarili at ang paghuhukom na darating”? Ang imoral na magkaparehang ito ay nag-uusisa kung ano ang hinihiling ng “pananampalataya kay Kristo Jesus.” Kaya kailangang malaman nila na ang pagsunod sa kaniya ay humihiling ng pagpipigil ng mga kaisipan, ng pananalita, at ng mga pagkilos ng isang tao, na siyang ibig sabihin ng pagpipigil-sa-sarili. Lahat ng tao ay mananagot sa Diyos ukol sa kanilang pag-iisip, salita, at mga gawa. Sa gayon, ang lalong mahalaga kaysa anumang hatol buhat kay Felix sa kaso ni Pablo ay ang hatol na tatanggapin ng gobernador at ng kaniyang asawa sa harap ng Diyos. (Gawa 17:30, 31; Roma 14:10-12) Mauunawaan nga kung bakit pagkatapos marinig ang mensahe ni Pablo, “si Felix ay nangilabot.”
Ito’y Mahalaga Ngunit Hindi Madali
4. Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagka-Kristiyano?
4 Kinilala ni apostol Pablo na ang pagpipigil-sa-sarili ay isang mahalagang bahagi ng pagka-Kristiyano. Ito’y pinatunayan ni apostol Pedro, isa sa mga malalapít na nakasama ni Jesus. Sa pagsulat sa mga “magiging kabahagi sa kalikasan ng Diyos” sa langit, ipinayo ni Pedro ang pagpapakita ng ilang katangian na mahalaga, tulad ng pananampalataya, pag-ibig, at pagpipigil-sa-sarili. Sa gayon, ang pagpipigil-sa-sarili ay kasangkot sa katiyakang ito: “Kung nasa inyo ang mga bagay na ito at nag-uumapaw, kayo’y hindi magiging tamad o walang bunga tungkol sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2 Pedro 1:1, 4-8.
5. Bakit tayo dapat lalo nang mabahala tungkol sa pagpipigil-sa-sarili?
5 Gayunman, alam mo na mas madaling sabihin na tayo’y dapat magpakita ng pagpipigil-sa-sarili kaysa aktuwal na gawin ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Ang isang dahilan ay sapagkat isang pambihirang katangian ang pagpipigil-sa-sarili. Sa 2 Timoteo 3:1-5 ay binanggit ni Pablo ang mga saloobin na mangingibabaw sa panahon natin, sa “mga huling araw.” Isang katangian na makikita sa panahon natin ay na marami ang “walang pagpipigil-sa-sarili.” Nakikita natin na ito’y totoo sa buong paligid natin, hindi ba?
6. Papaano nakikita sa ngayon ang kawalan ng pagpipigil-sa-sarili?
6 Maraming tao ang naniniwala na makabubuti sa ating kalusugan na “bigyang daan ang ating damdamin nang walang pagpipigil” o “magpasiklab ng matitinding damdamin o galit.” Ang kanilang pananaw ay pinatitibay ng papel na ginagampanan ng tanyag na mga modelo na waring ipinagwawalang-bahala ang anumang uri ng pagpipigil-sa-sarili, na walang sinusunod kundi ang kanilang mapupusok na damdamin. Bilang halimbawa: Marami na mahilig sa propesyonal na isports ang nahirati na sa walang-patumanggang pagpapakita ng emosyon, kahit nga ng marahas na pagkagalit. Natatandaan mo ba, kahit na lamang sa mga pahayagan, ang mga pagkakataon na sumiklab ang mararahas na pag-aaway o mga pang-uumog sa mga laro? Datapuwat, ang punto natin ay hindi ang gumugol tayo ng malaking panahon sa paggunita sa mga halimbawa ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili. Makapaglilista ka ng maraming bagay na kung saan kailangan tayong magpakita ng pagpipigil-sa-sarili—sa ating pagkain at pag-inom, sa ating pakikitungo sa mga di-kasekso, at sa panahon at salaping ginugugol sa libangan. Subalit sa halip na suriin nang pahapyaw ang marami sa gayong mga bagay, tingnan natin kung saan unang-unang kailangang magpakita tayo ng pagpipigil-sa-sarili.
Pagpipigil-sa-Sarili Hinggil sa Ating mga Damdamin
7. Anong bahagi ng pagpipigil-sa-sarili ang nararapat bigyan ng pantanging pansin?
7 Marami sa atin ang makatuwirang nagtagumpay sa pakikitungo o pagpipigil sa ating mga kilos. Hindi tayo nagnanakaw, napadadala sa imoralidad, o pumapatay; alam natin kung ano ang kautusan ng Diyos tungkol sa gayong mga kasamaan. Ngunit, gaano tayo katagumpay sa pagsupil ng ating emosyon? Pagsapit ng panahon, ang mga taong bigo sa paglinang ng emosyonal na pagpipigil-sa-sarili ay kalimitan nawawalan ng pagpipigil-sa-sarili kung tungkol sa kanilang mga pagkilos. Kaya tayo’y magtutok ng pansin sa ating emosyon.
8. Ano ang inaasahan ni Jehova sa atin tungkol sa ating emosyon?
8 Ang Diyos na Jehova ay hindi umaasang tayo’y magiging mga robot, anupat tayo ay wala o hindi nakikitaan ng anumang emosyon. Sa libingan ni Lazaro, si Jesus ay “naghinagpis sa espiritu at nagulumihanan.” Pagkatapos ‘si Jesus ay tumangis.’ (Juan 11:32-38) Siya’y kinakitaan ng isang lubhang naiibang emosyon nang, taglay ang lubos na pagpipigil sa kaniyang mga kilos, pinalayas niya mula sa templo ang mga nagpapalit ng salapi. (Mateo 21:12, 13; Juan 2:14-17) Ang kaniyang tapat na mga alagad ay kinakitaan din ng matitinding emosyon. (Lucas 10:17; 24:41; Juan 16:20-22; Gawa 11:23; 12:12-14; 20:36-38; 3 Juan 4) Gayunman, kanilang natanto na kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang ang kanilang emosyon ay huwag humantong sa pagkakasala. Nililiwanag ito sa Efeso 4:26: “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit.”
9. Bakit ang pagpipigil sa ating emosyon ay lubhang mahalaga?
9 May panganib na ang isang Kristiyano ay baka waring nagpapakita ng pagpipigil-sa-sarili samantalang, ang totoo, ang kaniyang emosyon ay hindi mapigil. Alalahanin ang tugon nang sang-ayunan ng Diyos ang hain ni Abel: “Nag-init na mainam si Cain sa malaking galit, at namanglaw ang kaniyang mukha. Kaya sinabi ni Jehova kay Cain: ‘Bakit ka nag-init sa galit at bakit namanglaw ang iyong mukha? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ba mamarapatin ka? Subalit kung ikaw ay hindi gumawa ng mabuti, nariyan ang kasalanan na nakahandusay sa pintuan, at nagnanasa sa iyo.’ ” (Genesis 4:5-7) Hindi napigil ni Cain ang kaniyang emosyon, na umakay sa kaniya upang patayin si Abel. Ang di-masupil na emosyon ay humantong sa isang di-masupil na gawa.
10. Ano ang natututuhan mo sa halimbawa ni Haman?
10 Isaalang-alang din ang isang halimbawa mula nang mga kaarawan ni Mardocheo at ni Esther. Ikinagalit ng opisyal na nagngangalang Haman ang hindi pagyukod sa kaniya ni Mardocheo. Nang maglaon, nagkaroon si Haman ng maling akala na siya’y magkakamit ng pabor. “Nang araw na iyon, si Haman ay lumabas na nagagalak at may masayang puso; ngunit nang makita ni Haman si Mardocheo na nasa pintuang-daan ng hari at hindi tumayo at hindi nanginig nang siya’y makita, si Haman ay agad napunô ng pagkapoot kay Mardocheo. Gayunman, si Haman ay nagpigil sa kaniyang sarili at umuwi sa kaniyang bahay.” (Esther 5:9, 10) Agad niyang nadama ang emosyon ng kagalakan. Subalit mabilis din niyang nadama ang pagkapoot kahit sa pagkakita lamang niya sa taong kaniyang kinamumuhian. Nang sabihin ng Bibliya na si Haman ay “nagpigil sa kaniyang sarili,” naiisip mo ba na ito’y nangangahulugan na siya’y uliran sa pagpipigil-sa-sarili? Hindi. Pansamantala, pinigil ni Haman ang kaniyang mga pagkilos at pagpapakita ng emosyon, subalit hindi niya napigil ang kaniyang naninibughong pagkapoot. Ang kaniyang emosyon ang umakay sa kaniya upang magpakana ng pagpatay.
11. Sa kongregasyon sa Filipos, ano ang suliranin at ano ang maaaring dahilan niyaon?
11 Sa katulad na paraan, ang kawalan ng pagpipigil sa emosyon sa ngayon ay makapipinsala nang malaki sa mga Kristiyano. ‘Ah,’ marahil ay sasabihin ng ilan, ‘iyan ay hindi magiging suliranin sa kongregasyon.’ Subalit ito’y naging suliranin. Dalawang pinahirang mga Kristiyano sa Filipos ang nagkaroon ng malubhang di-pagkakaunawaan, na hindi isinasaysay ng Bibliya. Gunigunihin na ganito ang maaaring nangyari: Si Euodias ay nag-anyaya ng ilang kapatid para magkasalu-salo sa pagkain o sa isang nakalulugod na pagtitipon. Si Sintique ay hindi inanyayahan, at siya’y nasaktan. Marahil siya’y gumanti nang hindi niya anyayahan si Euodias sa isang okasyon nang bandang huli. Pagkatapos kapuwa sila nagsimulang humanap ng kamalian ng isa’t isa; hanggang sa hindi na halos sila nag-uusap. Sa ganiyang pangyayari, ang pinakaugat na suliranin ba ay ang hindi pag-aanyaya sa isang salu-salo? Hindi. Iyan lang ang magsisilbing tilamsik ng apoy. Nang ang kanilang emosyon ay hindi mapigil ng dalawang pinahirang mga sister na ito, ang tilamsik ng apoy ay naging isang malaking sunog sa gubat. Ang suliranin ay nanatili at lumaki pa hanggang sa kinailangang mamagitan na ang isang apostol.—Filipos 4:2, 3.
Ang Iyong Emosyon at ang Iyong mga Kapatid
12. Bakit ibinibigay sa atin ng Diyos ang paalaalang nasa Eclesiastes 7:9?
12 Totoo, hindi madali na pigilin ang damdamin ng isang tao pagka inisip niya na siya’y minaliit, nasaktan, o pinakitunguhan nang may maling akala. Alam iyan ni Jehova, sapagkat siya’y nagmamasid sa mga ugnayan ng tao mula pa sa pasimula ng sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpapayo sa atin: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9) Pansinin na ang unang binibigyang-pansin ng Diyos ay ang emosyon hindi ang kilos. (Kawikaan 14:17; 16:32; Santiago 1:19) Tanungin ang iyong sarili: ‘Dapat ba akong magbigay ng higit na pansin sa pagsupil sa aking emosyon?’
13, 14. (a) Sa sanlibutan, ano ang karaniwang nangyayari dahil sa hindi pagpipigil ng emosyon? (b) Anong mga bagay ang maaaring umakay sa mga Kristiyano na magkasamaan ng loob?
13 Maraming tao sa sanlibutan na hindi makapagpigil ng kanilang emosyon ay nagsisimula ng matitinding hidwaan—mapapait, mararahas pa nga, na mga alitan dahil sa isang tunay o guniguning pang-aapi sa kanila o sa isang kamag-anak. Minsang hindi masupil ang emosyon, ito’y maaaring magkaroon ng nakapipinsalang impluwensiya sa loob ng mahabang panahon. (Ihambing ang Genesis 34:1-7, 25-27; 49:5-7; 2 Samuel 2:17-23; 3:23-30; Kawikaan 26:24-26.) Tunay na dapat makita ng mga Kristiyano, anuman ang kanilang pinagmulang bansa o kultura, na ang gayong malulubhang pagkakapootan at mga hinanakit ay mali, masama, dapat iwasan. (Levitico 19:17) Itinuturing mo bang ang pag-iwas sa mga samaan ng loob ay bahagi ng pagpipigil-sa-sarili hinggil sa iyong emosyon?
14 Tulad sa kaso nina Euodias at Sintique, ang hindi pagsupil sa emosyon ay maaaring humantong sa mga suliranin ngayon. Ang isang sister ay baka nag-iisip na siya’y minaliit dahil sa hindi naanyayahan sa isang kasalan. O baka ang kaniyang anak o ang kaniyang pinsan ang hindi isinali roon. O baka isang kapatid na lalaki ang bumili ng isang segunda manong kotse sa isang kapuwa Kristiyano, at hindi nagtagal ay nasira iyon. Anuman ang dahilan, ito’y nakasakit ng damdamin, hindi napigil ang emosyon, at yaong mga kasangkot ay nagkasamaan ng loob. Kung gayon ano ang maaaring mangyari?
15. (a) Ano ang malulungkot na resulta ng mga samaan ng loob sa pagitan ng mga Kristiyano? (b) Ano ang ipinayo ng Bibliya tungkol sa pagtatanim ng sama ng loob?
15 Kung ang isang taong may sama ng loob ay hindi magsisikap na masupil ang kaniyang emosyon at makipagpayapaan sa kaniyang kapatid, maaaring pagmulan iyon ng samaan ng loob. Nagkaroon ng mga kaso na hiniling ng isang Saksi na huwag siyang atasang umugnay sa isang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sapagkat “hindi niya gusto” ang ilang Kristiyano o pamilya na dumadalo roon. Anong lungkot! Sinasabi ng Bibliya na isang pagkatalo para sa mga Kristiyano na maghabla sa isa’t isa sa makasanlibutang mga hukuman, subalit hindi ba magiging isa ring pagkatalo kung umiiwas tayo sa isang kapatid dahil sa noong nakaraan ay minaliit tayo o ang isa nating kamag-anak? Isinisiwalat ba ng ating emosyon na mas inuuna natin ang ating mga kamag-anak sa halip na ang pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid? Sinasabi ba natin na handa tayong mamatay alang-alang sa ating kapatid, subalit ang ating emosyon ang nag-uudyok sa atin kung kaya halos hindi tayo nakikipag-usap sa kaniya ngayon? (Ihambing ang Juan 15:13.) Buong diin na sinasabi sa atin ng Diyos: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. . . . Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit.”—Roma 12:17-19; 1 Corinto 6:7.
16. Anong mabuting halimbawa ang ipinakita ni Abraham tungkol sa pakikitungo sa emosyon?
16 Ang isang hakbang tungo sa muling pagsupil sa ating emosyon ay ang makipagpayapaan o lutasin ang sanhi ng reklamo, sa halip na payagang magpatuloy ang matitinding pagkakapootan. Alalahanin nang ang lupain ay hindi makatustos sa malalaking kawan ni Abraham pati na rin yaong kay Lot, at dahil doon ang kanilang upahang mga manggagawa ay nagsimulang mag-away-away. Pinayagan ba ni Abraham na madaig siya ng kaniyang emosyon? O siya ba’y nagpakita ng pagpipigil-sa-sarili? Nakabuti naman, nagmungkahi siya ng isang mapayapang kalutasan sa pinagmumulan ng alitan sa kabuhayan; hayaang bawat isa ay magkaroon ng magkabukod na teritoryo. At si Lot ang una niyang pinapili. Upang patunayan na si Abraham ay walang hinanakit at na hindi nagkikimkim ng sama ng loob, nang malaunan ay nakipagbaka siya alang-alang kay Lot.—Genesis 13:5-12; 14:13-16.
17. Papaano minsan ay nabigo sina Pablo at Bernabe, ngunit ano ang sumunod na nangyari?
17 Mayroon din tayong matututuhan tungkol sa pagpipigil-sa-sarili buhat sa isang pangyayari kina Pablo at Bernabe. Pagkatapos na magkásama na ng ilang taon, hindi sila nagkasundo tungkol sa kung ipagsasama si Marcos sa isang paglalakbay. “Nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo, anupat sila’y naghiwalay; at ipinagsama ni Bernabe si Marcos at naglayag patungong Chipre.” (Gawa 15:39) Ang hindi pagpipigil sa kanilang emosyon ng maygulang na mga lalaking ito sa pagkakataong iyon ay dapat magsilbing babala para sa atin. Kung ito’y nangyari sa kanila, maaari ring mangyari sa atin. Datapuwat, hindi nila pinayagang patuloy silang magkasirâ o magpatuloy ang isang matinding alitan. Pinatutunayan ng ulat na muling nasupil ng kasangkot na magkapatid ang kanilang emosyon at nang bandang huli ay gumawa silang magkasama nang may kapayapaan.—Colosas 4:10; 2 Timoteo 4:11.
18. Kung sakaling nasaktan ang damdamin, ano ang magagawa ng isang maygulang na Kristiyano?
18 Maaasahan natin na marahil ay may masasaktang mga damdamin, mga samaan pa nga ng loob, sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Ang gayon ay nangyari noong panahon ng mga Hebreo at nang kaarawan ng mga apostol. Ito’y naganap din sa gitna ng mga lingkod ni Jehova sa panahon natin, sapagkat lahat tayo ay di-sakdal. (Santiago 3:2) Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na kumilos agad upang malutas ang gayong mga suliranin sa gitna ng magkakapatid. (Mateo 5:23-25) Subalit mas mabuti na maiwasan antimano ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapasulong ng ating pagpipigil-sa-sarili. Kung sakaling nadama mo na ikaw ay minaliit o nagdamdam ka dahil sa isang munting bagay na nasabi o nagawa ng iyong kapatid, bakit hindi pigilin na lamang ang iyong emosyon at basta kalimutan iyon? Talaga bang kinakailangang harapin mo ang isang tao na parang hindi ka masisiyahan hanggat hindi inaamin ng isang iyon na siya’y nagkamali? Gaano talaga ang iyong kakayahan na supilin ang iyong emosyon?
Posible Ito!
19. Bakit angkop na ang ating talakayan ay nakasentro sa pagsupil ng ating emosyon?
19 Pangunahin nating tinalakay ang isang pitak ng pagpipigil sa sarili, ang pagsupil sa ating emosyon. At iyan ay pangunahin sapagkat ang hindi pagsupil sa ating emosyon ay maaaring humantong sa hindi pagsupil sa ating dila, sa ating kapusukan sa sekso, sa mga kaugalian natin sa pagkain, at marami pang mga pitak ng buhay na kung saan kailangang magpakita tayo ng pagpipigil-sa-sarili. (1 Corinto 7:8, 9; Santiago 3:5-10) Gayunman, magpakatibay-loob sapagkat mapasusulong mo pa ang pagpipigil-sa-sarili.
20. Papaano natin matitiyak na posible ang sumulong?
20 Si Jehova ay handang tumulong sa atin. Papaano natin matitiyak? Buweno, ang pagpipigil-sa-sarili ay isa sa mga bunga ng kaniyang espiritu. (Galacia 5:22, 23) Sa gayon, sa lawak na tayo’y gumagawa upang maging kuwalipikado na humingi at tumanggap ng banal na espiritu mula kay Jehova at ipakita ang mga bunga niyaon, sa ganiyan ding lawak makaaasa tayo na magtaglay ng higit pang pagpipigil-sa-sarili. Huwag kalilimutan ang katiyakan na ibinigay ni Jesus: “Ang inyong Ama sa kalangitan [ay] magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:13; 1 Juan 5:14, 15.
21. Ano ang naipasiya mong gawin sa hinaharap tungkol sa pagpipigil-sa-sarili at sa iyong emosyon?
21 Huwag isipin na iyan ay magiging madali. At marahil ay magiging mas mahirap iyan para sa ilan na lumaki sa gitna ng mga taong walang pagpipigil hinggil sa pagpapahayag ng kanilang emosyon, para sa ilan na madaling mapukaw ang galit, o para sa ilan na hindi pa kailanman sumubok na magpigil sa sarili. Para sa gayong Kristiyano, maaaring maging isang tunay na hamon na hayaang umiral at mag-umapaw ang pagpipigil-sa-sarili. Subalit ito ay posible. (1 Corinto 9:24-27) Habang tayo’y palapit nang palapit sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, patuloy na darami ang kaigtingan at mga kagipitan. Mangangailangan tayo ng hindi kakaunting pagpipigil-sa-sarili kundi higit, makapupong higit pa! Suriin ang iyong sarili kung tungkol sa iyong pagpipigil-sa-sarili. Kung makita mong may mga bahagi na kailangan mong pasulungin, gawin mo iyon. (Awit 139:23, 24) Humingi ka sa Diyos ng higit pa ng kaniyang espiritu. Pakikinggan ka niya at tutulungan ka upang ang iyong pagpipigil-sa-sarili ay umiral at mag-umapaw.—2 Pedro 1:5-8
Mga Punto na Dapat Pag-isipan
◻ Bakit ang pagsupil ng iyong emosyon ay lubhang mahalaga?
◻ Ano ang natutuhan mo mula sa mga halimbawa ni Haman at nina Euodias at Sintique?
◻ Ano ang taimtim na sisikapin mong gawin kung sakaling ikaw ay may sama ng loob kaninuman?
◻ Papaano makatutulong sa iyo ang pagpipigil-sa-sarili upang maiwasan ang anumang sama ng loob laban kaninuman?
[Larawan sa pahina 18]
Nang nasa harap nina Felix at Drusilla, nagpahayag si Pablo tungkol sa katuwiran at pagpipigil-sa-sarili