Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 11/15 p. 5-7
  • Hindi Pangarap Lamang ang Isang Makatarungang Sanlibutan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Pangarap Lamang ang Isang Makatarungang Sanlibutan!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Nabigo ang Tao?
  • Magkakaroon ng Isang Makatarungang Sanlibutan​—Paano?
  • Buhay sa Isang Makatarungang Sanlibutan
  • Si Jehova ay Maibigin sa Katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Katarungan Para sa Lahat—Paano Matutupad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
    Iba Pang Paksa
  • Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 11/15 p. 5-7

Hindi Pangarap Lamang ang Isang Makatarungang Sanlibutan!

“ANG katarungan ang siyang pinagtutuunan ng matinding interes ng tao sa lupa,” sabi ng Amerikanong estadista na si Daniel Webster. At ganito naman ang sabi ng Bibliya: “Si Jehova ay isang mangingibig ng katarungan.” (Awit 37:28) Yamang ginawa na kawangis ng Diyos, ang unang mag-asawa ay may makadiyos na mga katangian, kasali na ang pagiging makatarungan.​—Genesis 1:26, 27.

Bumabanggit din ang Kasulatan tungkol sa ‘mga tao ng mga bansa na walang batas na gumagawa nang likas sa mga bagay ng batas.’ Kaya sila’y “nagtatanghal na ang diwa ng batas ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang mga budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kani-kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o pinawawalang-sala pa nga.” (Roma 2:14, 15) Oo, ang mga tao ay pinagkalooban ng budhi​—ang panloob na kakayahang mapagwari ang tama at mali. Maliwanag, likas sa tao ang pangangailangan ng katarungan.

May malapit na kaugnayan sa pangangailangan ng katarungan ang paghahanap ng tao ng kaligayahan, sapagkat ipinahahayag ng Awit 106:3: “Maligaya yaong mga nag-iingat ng katarungan, anupat gumagawa ng katuwiran sa lahat ng panahon.” Subalit bakit hindi mapairal ng tao ang isang makatarungang sanlibutan?

Bakit Nabigo ang Tao?

Ang saligang dahilan sa kabiguan na matamo ang isang makatarungang sanlibutan ay ang dungis na ating minana sa ating mga unang magulang, sina Adan at Eva. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Ang dungis ay ang kasalanan. Bagaman nilalang na walang pagkukulang, nagpasiya sina Adan at Eva na magrebelde sa Diyos at sa gayo’y ginawang makasalanan ang kanilang sarili. (Genesis 2:16, 17; 3:1-6) Dahil dito, ipinamana nila sa kanilang mga anak ang mga makasalanan at maling hilig.

Hindi ba ang mga katangiang gaya ng kasakiman at pagtatangi ay epekto ng mga makasalanang hilig? At hindi ba ang mga katangiang ito ay nagbubunga ng kawalang-katarungan sa sanlibutan? Sa katunayan, ang kasakiman ay nasa ugat ng sadyang pang-aabuso sa kapaligiran at panggigipit sa ekonomiya! Ang pagtatangi ay tiyak na nasa likod ng alitan ng mga lipi at kawalang-katarungan sa lahi. Ang gayong mga katangian ay nag-uudyok din sa mga tao na magnakaw, mandaya, at kumilos sa paraan na pipinsala sa iba.

Maging ang mga pagsisikap udyok ng pinakamagaling na hangaring maisagawa ang katarungan at kabutihan ay malimit na nabibigo dahil sa ating makasalanang hilig. Inamin ni apostol Pablo mismo: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” Patuloy niyang ipinaliwanag ang pakikipagpunyagi, sa pagsasabing: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:19-23) Malamang, dumaranas din tayo sa ngayon ng gayunding pakikipaglaban. Kaya naman madalas na maganap ang kawalang-katarungan.

Ang paraan ng pamamahala ng tao ay nagbunga rin ng kawalang-katarungan sa sanlibutan. Sa bawat lupain, may mga batas at mga nagpapatupad sa mga ito. At sabihin pa, may mga hukom at mga hukuman. Totoo naman, sinisikap ng ilang may-prinsipyong mga tao na itaguyod ang mga karapatang pantao at tiyakin na may pantay na katarungan para sa lahat. Gayunpaman, bigo ang karamihan ng kanilang pagsisikap. Bakit? Bilang pinakabuod ng iba’t ibang salik na nasasangkot sa kanilang kabiguan, ganito ang sabi sa Jeremias 10:23: “Talastas ko, O Jehova, na hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Palibhasa’y hiwalay sa Diyos, talagang hindi kaya ng tao na magtatag ng isang matuwid at makatarungang sanlibutan.​—Kawikaan 14:12; Eclesiastes 8:9.

Malaking hadlang si Satanas na Diyablo sa pagsisikap ng tao na bumuo ng isang makatarungang sanlibutan. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang rebelyosong anghel na si Satanas ang siyang orihinal na “mamamatay-tao” at “sinungaling” at na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 8:44; 1 Juan 5:19) Ipinakilala siya ni apostol Pablo bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:3, 4) Palibhasa’y napopoot sa katuwiran, ginagawa ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang itaguyod ang kabalakyutan. Hangga’t sinusupil niya ang sanlibutan, ang lahat ng uri ng kawalang-katarungan at ang pagdurusang bunga nito ay aalipin sa sangkatauhan.

Nangangahulugan ba ang lahat ng ito na hindi na maiiwasan sa lipunan ng tao ang kawalang-katarungan? Isa bang imposibleng pangarap ang isang makatarungang sanlibutan?

Magkakaroon ng Isang Makatarungang Sanlibutan​—Paano?

Upang makamtan ang inaasam na makatarungang sanlibutan, kailangang bumaling ang sangkatauhan sa isang pinagmumulan na makapag-aalis sa mga sanhi ng kawalang-katarungan. Ngunit sino ang makapag-aalis ng kasalanan at makapagliligpit kay Satanas at sa kaniyang pamamahala? Maliwanag, walang sinumang tao o anumang ahensiya ng tao ang makapagsasakatuparan ng gayong mabigat na gawain. Tanging ang Diyos na Jehova lamang! Tungkol sa kaniya, ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y wala ang kawalan ng katarungan; matuwid at banal siya.” (Deuteronomio 32:4) At yamang “isang mangingibig ng katarungan,” ibig ni Jehova na tamasahin ng sangkatauhan ang buhay sa isang makatarungang sanlibutan.​—Awit 37:28.

Sa pagbanggit tungkol sa kaayusan ng Diyos na magpairal ng isang makatarungang sanlibutan, ganito ang isinulat ni apostol Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang “mga bagong langit” na ito ay hindi bagong pisikal na langit. Sakdal ang pagkagawa ng Diyos sa ating pisikal na sangkalangitan, at ito’y lumuluwalhati sa kaniya. (Awit 8:3; 19:1, 2) Ang “mga bagong langit” ay isang bagong pamamahala sa lupa. Binubuo ng mga gawang-taong pamahalaan ang kasalukuyang “mga langit.” Di na magtatagal, sa digmaan ng Diyos sa Armagedon, ang mga ito ay hahalinhan ng “mga bagong langit”​—ang kaniyang makalangit na Kaharian, o pamahalaan. (Apocalipsis 16:14-​16) Si Jesu-Kristo ang Hari sa Kahariang iyan. Pagkatapos wakasan nang tuluyan ang pamamahala ng tao, ang pamahalaang ito ang mamamahala hanggang sa panahong walang takda.​—Daniel 2:44.

Ano, kung gayon, ang “bagong lupa”? Ito ay hindi isang bagong planeta, sapagkat ginawa ng Diyos ang lupa na tamang-tamang tirahan ng tao, at kalooban niya na manatili ito magpakailanman. (Awit 104:5) Ang “bagong lupa” ay tumutukoy sa isang bagong lipunan ng mga tao. (Genesis 11:1; Awit 96:1) Ang “lupa” na pupuksain ay binubuo ng mga tao na ang kanilang sarili’y ginawang bahagi ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Pedro 3:7) Ang “bagong lupa” na hahalili sa kanila ay bubuuin ng mga tunay na lingkod ng Diyos, na napopoot sa kabalakyutan at umiibig sa katuwiran at katarungan. (Awit 37:10, 11) Sa gayon, maglalaho ang sanlibutan ni Satanas.

Ngunit ano naman ang mangyayari kay Satanas? Ganito ang inihula ni apostol Juan: “Sinunggaban niya [ni Kristo Jesus] ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.” (Apocalipsis 20:1-3) Ang impluwensiya sa sangkatauhan ng nakatanikalang si Satanas ay katulad na lamang niyaong sa isang bilanggo na nasa malalim na bartolina. Ano ngang laking ginhawa iyan sa sangkatauhan, anupat darating ito bilang patiunang larawan ng isang makatarungang sanlibutan! At sa dulo ng sanlibong taon, si Satanas ay dudurugin upang hindi na umiral magpakailanman.​—Apocalipsis 20:7-10.

Subalit paano naman ang minanang kasalanan? Naglaan na si Jehova ng saligan para sa pag-aalis ng kasalanan. “Ang Anak ng tao [si Jesu-Kristo] ay dumating . . . upang . . . ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang salitang “pantubos” ay nangangahulugan ng halagang kailangan upang matubos ang mga bihag. Ibinayad ni Jesus ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang maging pantubos sa ikaliligtas ng sangkatauhan.​—2 Corinto 5:14; 1 Pedro 1:18, 19.

Ngayon pa man ay makikinabang na tayo sa haing pantubos ni Jesus. Sa pamamagitan ng pananampalataya rito, makapagtatamasa tayo ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos. (Gawa 10:43; 1 Corinto 6:11) Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, gagawing posible ng pantubos na lubusang gumaling ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Inilalarawan sa huling aklat ng Bibliya ang isang makasagisag na “ilog ng tubig ng buhay” na bumubukal mula sa trono ng Diyos, at sa mga pampang nito ay naroroon ang makasagisag na mga punungkahoy na may mga dahon “para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Ang inilalarawan ng Bibliya rito ay kumakatawan sa kamangha-manghang paglalaan ng Maylalang para sa pagpapagaling ng sangkatauhan mula sa kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus. Ang lubusang pagkakapit ng paglalaang ito ay magpapalaya sa masunuring mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.

Buhay sa Isang Makatarungang Sanlibutan

Isipin kung ano ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Ang krimen at karahasan ay bahagi na lamang ng kahapon. (Kawikaan 2:21, 22) Wala nang kawalang-katarungan sa ekonomiya. (Awit 37:6; 72:12, 13; Isaias 65:21-​23) Naglaho na ang lahat ng bakas ng pagtatangi sa lipunan, lahi, tribo, at lipi. (Gawa 10:34, 35) Wala nang digmaan at mga sandata sa pakikipagdigma. (Awit 46:9) Milyun-milyong nangamatay ang bubuhaying-muli sa isang sanlibutang malaya sa kawalang-katarungan. (Gawa 24:15) Tatamasahin ng lahat ang sakdal at masiglang kalusugan. (Job 33:25; Apocalipsis 21:3, 4) “Sa katotohanan,” tinitiyak sa atin ng Bibliya, “[si Jesu-Kristo] ay magpapalabas ng katarungan.”​—Isaias 42:3.

Samantala, maaaring danasin nating lahat ang kawalang-katarungan, ngunit huwag nawa tayong maging di-makatarungan bilang ganti. (Mikas 6:8) Kahit na kapag kailangang batahin ang kawalang-katarungan, panatilihin sana natin ang isang positibong pangmalas. Malapit nang matupad ang ipinangakong makatarungang sanlibutan. (2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:11-​13) Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang siyang nangako, at ito ay “magiging gayon.” (Isaias 55:10, 11) Ngayon ang panahon upang maghanda para sa buhay sa makatarungang sanlibutang iyon sa pamamagitan ng pag-alam sa mga kahilingan ng Diyos sa atin.​—Juan 17:3; 2 Timoteo 3:16, 17.

[Larawan sa pahina 7]

Maglalaho ang lahat ng bakas ng kawalang-katarungan sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share