Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 4/1 p. 28-31
  • Ang Pagsunod ba’y Laging Nararapat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagsunod ba’y Laging Nararapat?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Kailan Nararapat ang Pagsunod
  • Kung Kailan Hindi Nararapat ang Pagsunod
  • “Subukin ang Kinasihang mga Kapahayagan”
  • Ang Matalinong Pagpapasiya
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pagkamasunurin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Puwedeng Maging Masaya ang Pamilya Mo
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • “Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 4/1 p. 28-31

Ang Pagsunod ba’y Laging Nararapat?

“NARINIG mo ba ako?” ang sigaw ng ina sa munting si Johnnie samantalang siya’y lumalabas sa pinto. Hindi, hindi niya inaalam kung walang diperensiya ang pandinig ni Johnnie. Kaniyang siniseguro na susundin siya ng bata at ito’y naroroon na sa tahanan sa nararapat na oras.

Oo, ang pakikinig at pagsunod ay lubhang magkaugnay. Hindi kataka-taka, kung gayon, na sa orihinal na mga wika ng Bibliya, ang mga salitang tumutukoy sa pagsunod ay kaugnay ng pakikinig. Subalit kanino ba dapat tayong makinig? Dapat bang sumunod tayo sa lahat ng humihiling na tayo’y sumunod? At ang pagsunod ba ay laging nararapat?

Kung Kailan Nararapat ang Pagsunod

Ang pagsunod sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, ay laging nararapat. Bilang Maylalang sa atin at siyang Bukal ng buhay, siya ang unang-unang kailangang sundin ng kaniyang mga nilikha. (Awit 95:6, 7) Bilang ang Kataas-taasang Soberano, ang kaniyang awtoridad ay ibinabahagi rin ni Jehova sa mga iba na nakatutugon sa kaniyang mga pamantayan, kaya naman kung tungkol dito ay angkop na tayo’y sumunod. Unang-una sa gayong mga nilikha ay si Jesu-Kristo. Sapol noong 1914 siya ay naging ang inilagay-ng-Diyos na Hari ng makalangit na Kaharian “upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat maging sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Isa pa, bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesus ay nagkaloob ng awtoridad sa mga iba pa rin, at angkop na tayo’y sumunod sa gayong katulong na mga pastol.​—Hebreo 13:17.

Si Jehova ay nagtakda rin ng mga alituntunin tungkol sa gawang pagsunod sa loob ng pamilya. Ang mga anak ay pinapayuhan na ‘maging masunurin sa kanilang mga magulang na kaisa ng Panginoon,’ at ang mga asawang babae ay pinagsasabihan na “pasakop sa kani-kanilang asawa gaya ng pagpapasakop sa Panginoon.” (Efeso 5:21–6:3) Ang mga Kristiyano ay pinaaalalahanan pa rin na “pasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at mga awtoridad na mga pinuno.” (Tito 3:1) Datapuwat, sa lahat ng ito ay kailangan bang maging lubus-lubusan ang ating pagsunod? Iyon ba ay laging nararapat?

Kung Kailan Hindi Nararapat ang Pagsunod

Mangyari pa, ang pakikinig sa mga taong hindi pinagkatiwalaan ng awtoridad mula kay Jehova ay maaaring humantong sa kapahamakan. Ang unang tao, si Adan, ay “nakinig” sa tinig ni Eva at nakiisa sa kaniya sa pagkain ng bunga ng punungkahoy ng pagkaalam sa mabuti at masama. (Genesis 3:17) Ano ba ang naging resulta? “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan.” (Roma 5:19) Anong laking kapahamakan ang ibinunga ng pakikinig sa taong di-nararapat pakinggan.

Datapuwat, lagi bang nararapat na makinig sa mga taong pinagkatiwalaan ng awtoridad sa mga posisyon na pinaglagyan sa kanila? Hindi kung kanilang tinatangka na gamitin ang kanilang awtoridad sa isang likong paraan. Halimbawa, kasuwato ng prinsipyo na pagsunod sa “mga panginoon ayon sa laman,” tayo’y kailangang sumunod sa ating mga amo. Subalit ano kung ang gayong mga tao ay mag-utos na gawin natin ang isang bagay na salungat sa mga kautusan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat? Ang sumunod na sinabi ni Pablo ang magpapakita ng nararapat na hakbang: “Hindi sa paglilingkod na pakitang-tao gaya ng mga tagapagbigay-lugod sa tao, kundi gaya ng mga alipin ni Kristo, na ginagawa nang buong kaluluwa ang kalooban ng Diyos.” (Efeso 6:5, 6) Sa isa pang okasyon, sinabi ni Pedro at ng mga ibang apostol: “Susundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.”​—Gawa 5:29.

Ang simulain ding iyan ang kumakapit sa loob ng pamilya. Dahil sa hindi nagpapahalaga sa mga kahilingan ng Diyos, ang isang asawang lalaki ay maaaring tutol sa naisin ng kaniyang asawa na dumalo nang palagian sa mga pulong Kristiyano. Ipagpalagay natin na ang lalaki’y maghihigpit sa kaniya, anupa’t humahantong hanggang sa paggawa ng karahasan, gaya ng nangyayari kung minsan, upang pigilin siya sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Ano ang dapat niyang gawin? Kung siya’y susunod, baka isapanganib niya ang kaniyang sariling espirituwalidad, gayundin niyaong sa kaniyang pamilya, at maiwala ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan. Hindi baga mas mabuti na sumunod kay Jehova, sa pagkatanto na walang tao, kahit man ang kaniyang asawang lalaki, ang binigyan ng awtoridad na manaig sa utos ng ‘huwag pabayaan ang pagtitipon nating sama-sama’?​—Hebreo 10:25.

Ang asawang lalaki ni Miyoko ay tumutol dahil daw sa ang kinikita nito ay “inaaksaya” sa kaniyang pagdalo sa mga pulong na tinututulan niya. Sa wakas, itinigil nito ang pagbibigay kay Miyoko ng perang panggastos sa bahay, at ngayon si Miyoko ay kailangang maglakad ng isang oras upang makarating sa Kingdom Hall.

Huminto ba si Miyoko? Hindi. Siya’y nanalangin kay Jehova at sinuri ang kaniyang kalagayan. Nang matanto niya ang dahilan ng pagsalansang ng kaniyang asawa, ipinasiya ni Miyoko na magtrabaho bilang tagarasyon ng mga peryodiko. Pumayag naman ang kaniyang asawa, ngunit kailangang ibigay niya rito ang kalahati ng kaniyang kita.

Minsan pa, siya ay nanalangin na kung kalooban iyon ni Jehova, sana’y magkaroon siya ng isang malapit na ruta. Karaniwan na, nangangailangan ng isang taon o higit pa upang makamit mo ang gusto mo. Subalit, kataka-taka, sa loob ng anim na linggo si Miyoko ay inalok ng isang ruta doon mismo malapit sa kaniyang tahanan. Lumakas ang kaniyang loob dahil sa inakala niyang dininig ni Jehova ang kaniyang mga panalangin, at siya’y nagtatrabaho mula 4:30 hanggang 6:00 tuwing umaga. Nang makita ito ng kaniyang asawa, unti-unting nagbago ang saloobin nito, at naging matulungin na sa kaniya. Katulad ng ginawa ni Miyoko, na regular na nag-aauxiliary payunir, iyong pag-isipan at suriin ang iyong sariling katayuan kalakip ng panalangin at pagkatapos ay gumawa ka ng positibong pagkilos upang pagpalain ka ni Jehova.

Kung sa bagay, maaaring may mga natatangi o mga dahilan na ang isang di kapananampalatayang asawang lalaki ay maaaring humiling sa kaniyang asawa na huwag munang dumalo sa isang pulong Kristiyano. Baka ginagawa ito ng lalaki na wala namang intensiyon na sirain ang pagsamba ng babae at pati kaniyang paglilingkod sa Diyos na Jehova. Ang pag-unawa sa mga simulaing kasangkot ay tutulong sa isang babaing Kristiyano sa tamang pagpapasiya ayon sa kaniyang partikular na katayuan.

Isa pa, ano kung sinabihan siya ng kaniyang asawang lalaki na huwag isama sa mga pulong Kristiyano ang kanilang mga anak? Mangyari pa, batid niya na kahit na ang kaniyang asawang lalaki ay hindi napaiilalim sa pagkaulo ni Kristo, ito pa rin ang ulo ng sambahayan. (1 Corinto 11:3) Gayunman, kaniyang isinasapuso ang espirituwal na kapakanan ng mga anak, at gayundin ang kaniyang sariling hangarin na maging masunurin kay Jehova. Tunay na ito’y isang pagsubok sa kaniyang pananampalataya na mamuhay ayon sa kaniyang mga obligasyon sa lahat ng pitak na ito. Ang pananalangin kay Jehova upang bigyan siya ng karunungan at ng pagkaunawa ay tiyak na tutulong. (Santiago 1:5; Filipos 4:6, 7) Ang mataktikang pakikipagkatuwiranan sa kaniyang asawang lalaki at magiliw na pakikipag-usap sa kaniya, na ipinamamalas ang tahimik at mahinahong espiritu, ay maaari ring makatulong sa paglutas sa suliranin.​—Colosas 4:6; 1 Pedro 3:1-5.

Isang babaing Kristiyano sa Yamato, Hapón, ang napaharap sa ganiyang kalagayan nang pagbawalan siya ng kaniyang asawa na isama sa mga pulong ang kanilang tatlong anak. Ano ang maaaring gawin? Kaniyang puspusang tinuruan sa tahanan ang kaniyang mga anak at nang sila’y sumapit na sa edad upang gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya, bawat isa sa kanila ay nanindigan sa panig ni Jehova at nagsimulang dumalo sa mga pulong. Ganiyan na lang ang galit ng asawang lalaki kung kaya silang lahat ay pinalayas sa kaniyang bahay.

Ang asawang babae ay nakakita ng trabaho at pansamantala ay tumira sa apartment ng isang sister. Ngunit hindi siya huminto roon. Siya’y bumalik upang linisin ang bahay ng asawang lalaki at ipagluto ito ng kaniyang pagkain. Sa wakas, pagkaraan ng humigit-kumulang isang buwan, sila’y tinanggap uli ng asawang lalaki at huminto na ito ng pananalansang sa kanila. Anong laking gantimpala sa kaniyang tapat na iginawi!

“Subukin ang Kinasihang mga Kapahayagan”

Kumusta naman ang awtoridad sa kongregasyong Kristiyano? Yamang yaong mga nasa responsableng mga puwesto ay napalagay roon sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu at ang kanilang payo at pag-akay ay nakasalig sa Salita ng Diyos, matitiyak na ang pagsunod sa hinirang na awtoridad sa kongregasyong Kristiyano ay nararapat. (Gawa 20:28; Hebreo 13:17) Subalit hindi nangangahulugan na tayo’y sumusunod sa gayong awtoridad nang hindi muna isinasaalang-alang ang sinasabi. Bakit?

Si apostol Juan ay nagbigay ng ganitong payo: “Huwag kayong maniniwala sa bawat kinasihang pananalita, kundi subukin ninyo ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito’y nanggagaling sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Hindi naman ibig sabihin ay dapat tayong maging mapaghinala sa lahat ng sinasabi sa atin ng iba. Bagkus, isinasaisip natin ang mga salita ni Pablo sa Galacia 1:8: “Kahit na kami o isang anghel na mula sa langit ang mangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa mabuting balita na ipinangaral namin sa inyo, siya’y itakwil ninyo.”

Ang impormasyon bang nasa harap natin ay naiiba roon sa itinuro sa atin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”? Ang tao bang namamahagi ng balitang iyon ay nagsasalita upang parangalan ang pangalan ni Jehova, o ang kaniya bang ibig dakilain ay ang kaniyang sarili? Ang impormasyon ba ay kasuwato ng pangkalahatang mga turo ng Bibliya? Ito’y mga tanong na tutulong sa atin sa ‘pagsubok’ sa anuman na baka kuwestiyunable kung pakikinggan. Sa atin ay ipinapayo na “tiyakin ang lahat ng bagay; manghawakang mahigpit sa mabuti.”​—Mateo 24:45; 1 Tesalonica 5:21.

Ang isang interesanteng halimbawa ay yaong kay Hukom Gideon. Upang matiyak na si Jehova’y sasa-kaniya, si Gideon ay nagmungkahi ng isang pagsubok: “Narito, aking ilalagay ang isang balat na lana sa giikan,” ang sabi niya kay Jehova. “Kung dumoon lamang sa balat ang hamog ngunit tuyo ang buong lupa, malalaman mo nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ko.” Nang pangyarihin ni Jehova ang gaya ng hiniling, nais ni Gideon na bigyan siya ng higit pang kasiguruhan: “Pakisuyong tuyuin mo ngayon ang balat lamang, at sa buong lupa’y magkaroon ng hamog.”​—Hukom 6:37-39.

Si Gideon ba ay labis na maingat o mapaghinala? Maliwanag na hindi, sapagkat tinanggap ni Jehova ang kaniyang kahilingan sa dalawang pagkakataon at ginawa niya ang hiniling ni Gideon. Ibig ni Gideon na tiyakin na tama ang kaniyang ginagawa. Palibhasa’y hindi niya taglay ang nasusulat na Salita ng Diyos gaya natin ngayon, iyon ay pinakaepektibong paraan para kay Gideon na “tiyakin” iyon. Subalit, minsang binigyan siya ng katiyakan, naging istrikto siya sa pagsunod sa mga utos ni Jehova kahit na siya’y mayroon lamang 300 lalaki na ilalaban sa isang hukbo ng kaaway na may 135,000 kawal ay isang pagpapatiwakal kung mamalasin sa pangmalas ng tao. (Hukom 7:7; 8:10) Tayo ba’y nagpapakita ng ganoon ding saloobin sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Salita ng Diyos kung anong talaga ang kalooban ni Jehova at pagkatapos ay pagkapit doon nang buong higpit?

Ang Matalinong Pagpapasiya

Hindi inaasahan ni Jehova na tayo’y magiging sunud-sunuran na lamang. Hindi niya gustong makita sa atin ang uri ng pagsunod na ipinakikita sa isang tagapagsanay ng isang mailap na hayop na kinabitan ng isang kabisada o ginagamitan ng isang latigo. Kaya naman sinabi niya kay David: “Ang sarili ninyo’y huwag ninyong gawing mistulang kabayo o mola na walang unawa, na ang lakas ay sinusupil ng kabisada o ng suga.” (Awit 32:9) Bagkus, tayo’y sinangkapan ni Jehova ng kakayahang umisip at ng talino upang, batay sa unawa, tayo’y makapagpapasiyang sumunod sa kaniya.

Sa Hapones, ang salitang kiku (makinig) ay may kahulugan na hindi lamang pakikinig at pagsunod kundi rin naman paghatol kung baga ang isang bagay ay mabuti o masama. Pagka ang sinuman ay nagsalita sa atin, mabuti na makinig ayon sa diwang ito upang kung tayo’y sumusunod, ating ginagawa iyon hindi lamang dahilan sa bulag na paniniwala kundi iyon ang ipinasiya natin. Pagka ang ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, ay nagsalita, maging sa pamamagitan man ng kaniyang Salita, ang Bibliya, o sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon, lalong higit na mahalaga sa atin ang makinig at sumunod, sa ganoo’y pinatutunayan na tayo’y masunuring mga mananamba na hindi nagwawalang-bahala sa mapagmahal na paalaala: “Narinig mo ba ako?”

[Larawan sa pahina 29]

Kanino ako dapat makinig?

[Larawan sa pahina 31]

Si Gideon ay nagsaliksik upang makilala ang kalooban ni Jehova at sundin siya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share