Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 7/15 p. 4-7
  • Isang Bagong Sanlibutan ang Kaylapit-lapit Na!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Bagong Sanlibutan ang Kaylapit-lapit Na!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Bagong Sanlibutan ang Ipinangako
  • Isang Bagong Sanlibutan ang Kaylapit-lapit Na!
  • Mga Pagpapalang Hindi Maidudulot ng mga Tao
  • Lubusang Matutugunan ang mga Pangunahing Pangangailangan
  • Ikaw Kaya ay Naroroon?
  • “Ang Katapusan ng Sanlibutan” ay Malapit Na!
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Nabubuhay Na ba Tayo sa “mga Huling Araw”?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?
    Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?
  • Mga Huling Araw
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 7/15 p. 4-7

Isang Bagong Sanlibutan ang Kaylapit-lapit Na!

ANG mga estadista ay marami nang nasabi tungkol sa isang bagong sanlibutang kaayusan na sarili nilang gawa. Kanilang tinutukoy ang tungkol sa pag-aalis ng takot sa daigdig at ng mga hadlang sa pagtutulungan ng mga tao at mga estado. Ngunit mga tao ba ang makagagawa ng isang bagong sanlibutan?

Ang sangkatauhan ay nagkaroon na ng daan-daang taon upang magtatag ng isang daigdig ng kapayapaan at katiwasayan. Tiyak iyan, marami ang lubhang taimtim sa gayong mga pagsisikap. Anuman ang anyo ng mga pamahalaan na naguguniguni ng mga tao na tutupad ng gayong mga layunin, ang mga salita ng Bibliya ay napatunayan pa rin na totoo: “Wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

Isang Bagong Sanlibutan ang Ipinangako

Sa kabila nito, ang kinasihang Salita ng Diyos ding iyan ang nagbibigay ng katiyakan na magkakaroon ng isang bagong sanlibutan. Pagkatapos na ihula ang wakas ng isang matandang sistema ng mga bagay, sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at ang mga ito’y tatahanan ng katuwiran.”​—2 Pedro 3:10-13.

Kanino bang pangako ito? Ito’y ibinigay ng walang iba kundi si Jehova, “ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Kaniyang gagawin ang hindi magagawa ng tao. Oo, magagawa ng Diyos na Jehova na magkaroon ng isang bagong sanlibutan. Subalit kailan?

Isang Bagong Sanlibutan ang Kaylapit-lapit Na!

Bago maging isang ganap na katotohanan ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, ang kasalukuyang “sanlibutan,” o “sistema ng mga bagay,” ay kailangang matapos muna. Tungkol dito, ang mga alagad ni Jesu-Kristo ay nagtanong: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan?” (Mateo 24:3, King James Version) Ayon sa lalong tumpak na pagkasalin ng New World Translation, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagtanong: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”

Bilang tugon, si Jesus ay naglahad ng hula tungkol sa maraming bahagi ng tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto bilang isang personang espiritu sa makalangit na kapangyarihan sa Kaharian. (1 Pedro 3:18) Halimbawa, sinabi niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan ng pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Buhat sa “pasimula ng kahirapan” noong 1914, “ang salinlahi” na ito na tiyakang tinukoy ni Jesus ay nakaranas ng patuloy na mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at mga lindol bilang bahagi ng tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto.​—Mateo 24:7, 8, 34.

Nakaranas na ng mga digmaan ang salinlahing ito sa isang paraan na wala pang katulad sapol noong taóng 1914. Sa Digmaang Pandaigdig I ay tinatayang 14 na milyong buhay ang napahamak. Noong Digmaang Pandaigdig II, 55 milyong kawal at mga sibilyan ang nangamatay. Aba, sapol noong 1914 mahigit na 100 milyong buhay ang napariwara sa digmaan! Tiyak iyan, ito’y bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus.

Mga kakapusan sa pagkain, na inihula rin ni Kristo, ang dinanas sa maraming lupain pagkakatapos ng bawat isa sa dalawang digmaang pandaigdig. Sa kabila ng pagsulong ng siyensiya, halos isang-kápat na bahagi ng daigdig ang nagugutom sa ngayon. Bawat taon, milyun-milyong bata at iba pa ang namamatay dahilan sa malnutrisyon. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Karamihan ng umuunlad na mga bansa ng Aprika, Asia, at Latin Amerika ay halos walang sapat na pagkain para sa kanilang mga mamamayan. Angaw-angaw sa mga bansang ito ang nagugutom. Pagka ang produksiyon ng pagkain o ang inaangkat na mga pagkain ay umurong sa anumang dahilan, maaaring dumating ang taggutom at libu-libo o angaw-angaw pa ngang tao ang maaaring mamatay.”

Maraming buhay ang nasawi sa mga lindol sa panahong ikinabubuhay ng salinlahing ito na nasa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Tinataya na nagkakaiba-iba ang iniuulat na mga nasasawi sa mga lindol. Subalit sapol noong 1914 ang pinsalang nagagawa ng mga lindol sa buong lupa ay patuloy sa paglaki, at daan-daang libo ang nasawi. Bilang komento sa kahit dalawa sa mga ito, ang Yorkshire Post ng Oktubre 19, 1989, ay nagsabi: “Noong 1920 isang lindol sa lalawigan ng Jiangsu sa Tsina ang pumatay ng 180,000, at noong Hulyo 28, 1976, ang Tsina ay dumanas ng pinakamatinding lindol sa modernong kasaysayan nito. Di-kukulangin sa 240,000 ang namatay nang ang hilagang-silangang siyudad ng Tangshan ay halos lubos na pinatag ng isang lindol na humigit-kumulang 7.8 ang sukat sa Richter scale.” Ang pahayagan ay nagtala ng mahigit na 30 iba pang malalakas na lindol noong ika-20 siglo.

Ang pangangaral ng Kaharian ay inihula rin bilang isa sa mga bahagi ng tanda ng di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus. Sinabi niya sa kaniyang nagtatanong na mga alagad: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Gaya ng inihula ni Jesus, ang pangangaral na ito ay isinasagawa na sa buong lupa sa 212 lupain ng mahigit na 4,000,000 Saksi ni Jehova.

Ang kasalukuyang katuparan ng mga ito at ng iba pang mga hula ay nagpapatunay na tayo nga’y nabubuhay sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ipinakikita nito na malapit na ang “malaking kapighatian” na inihula rin ni Jesu-Kristo. Umaabot sa sukdulan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–​Magedon, ito ang magdadala ng wakas sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. (Mateo 24:21; Apocalipsis 16:14-16) At kung magkagayon ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos ay matutupad na.a

Mga Pagpapalang Hindi Maidudulot ng mga Tao

Ipinangangalandakan ng mga estadista ang tungkol sa isang bagong sanlibutang kaayusan na kanilang sariling gawa. Subalit si Jehova, ang Diyos ng langit at ng lupa, ay hindi kailanman nag-utos sa mga tao na palitan ng isang bagong sanlibutan ang kasalukuyang sistema. Siya mismo ang gagawa niyan sa araw at oras na siya lamang ang nakaaalam. (Mateo 24:34, 36) Ang matanda nang apostol na si Juan ay nagkaroon ng ganitong pangitain ng gagawin ng Diyos, hindi ng tao:

“Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam, at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos at nahahandang gaya ng isang nobya na nagagayakan para sa kaniyang asawa. Kasabay na narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’ At Isang nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’ At sinasabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”​—Apocalipsis 21:1-5.

Ang “bagong langit” ay ang makalangit na Kaharian ni Jesu-Kristo. Ang “bagong lupa” ay hindi isa pang makalupang globo kundi isang bagong lipunan ng mga tao sa planetang ito​—na pawang masunuring mga sakop ng Kaharian ni Kristo, na walang mga pagkakabaha-bahagi sa lahi, sa bansa, o sa wika. (Ihambing ang Awit 96:1.) Ang kasalukuyang simbolikong langit at lupa​—ang sistema ng mga bagay ng Diyablo at ang mga sistema ng pamahalaan nito na naimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo​—ay napuksa na sa panahong iyon. (1 Juan 5:19) Bagaman ang literal na mga karagatan ay mananatili, ang makasagisag na dagat ng maligalig, balakyot na sangkatauhan ay wala na. Ang makakasama ni Jesus na makalangit na mga tagapamahala ang bubuo ng Bagong Jerusalem at kasama niyang bubuo ng isang kabiserang organisasyon na mamamahala sa matuwid na lipunan ng tao. Sa gitna ng masunuring sangkatauhan ay ‘doroon ang tabernakulo’ ng Diyos sa isang makasagisag na paraan samantalang sila’y lubusang ipinagkakasundo sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom.​—Apocalipsis 14:1-4; 20:6.

Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay magkakaroon ng maraming dahilan ng kaligayahan. Ang dalamhati, pananambitan, o hirap na bunga ng sakit, pamimighati, at mga katulad nito ay magiging mga karanasan ng lumipas. Maging ang kamatayan man na lumaganap sa sangkatauhan buhat sa ating unang magulang, ang makasalanang si Adan, ay mawawala na. (Roma 5:12) Anong laking kagalakan ang iiral pagka ang ganitong pambuong sanlibutang sanhi ng pagluha ay naparam na magpakailanman!

Hindi ang may kamatayang mga tao kundi ang Diyos mismo ang nagbibigay ng garantiya tungkol sa mga pagpapalang ito. Siya ang Isa na nagsasabi Apo 21:5: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Oo, at ang Diyos na Jehova ay nagsabi kay apostol Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga bagay na ito ay tapat at totoo.”

Lubusang Matutugunan ang mga Pangunahing Pangangailangan

Sa bagong sanlibutan na gawa ng Diyos, ang lupa ay balang araw magiging isang paraiso. Tiyak iyan, sapagkat si Jesus ay nangako sa isang nagsising manlalabag-batas na nakabayubay katabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Sa gitna ng malaparaisong mga kalagayan, ang mga pangangailangan ng tao na gaya ng pagkain at tahanan ay lubusang paglalaanan.

Dahilan sa mga kakapusan ng pagkain ay angaw-angaw na mga buhay ang ibinubuwis sa ngayon. Gaano mang kataimtim ang pagsisikap na mapakain ang nagugutom, dahil sa kasakiman at iba pang mga dahilan ay hindi malunasan ng mga tao ang gayong mga suliranin. Halimbawa, ang Saturday Star, isang pahayagan ng Johannesburg, Timog Aprika, ay nag-uulat: “Mga pagtatalu-talo ng mga pulitiko, tumataas na mga gastos sa gasolina at ang pangkalahatang panghihinawa sa waring hindi na matatapos na mga alitan sa Aprika ang nagkakasama-sama upang maantala ang tulong na kailangan . . . Sa Sudan, isa sa mga bansang pinakamalubha ang taggutom, sa pagitan ng 5 milyon at 6 na milyong katao ang takdang magdanas ng gutom sa 1991.” Subalit ang taggutom ay malilimutan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay magkakaroon ng labis-labis.”​—Awit 72:16.

Ang tahanan ay isa pang pangangailangan na maraming tao ang wala sa ating kaarawan. Angaw-angaw ang namumuhay sa maliliit at miserableng mga tirahan o talagang walang mga tahanan. Sang-ayon sa The New York Times, sa isang bansa sa Silangan, “sa isang pagawaan sa electronics . . . , 20-anyos na mga trabahador ang maghihintay ng 73 taon upang magkaroon ng bahay,” at isang ulat ng gobyerno ang nagpapakita na may mga taong kailangang tumira “sa mga bodega, mga opisina o dili kaya’y mga kasilyas.” Subalit anong laking kaibahan sa bagong sanlibutan! Sa darating na Paraiso, “sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung papaano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.”​—Isaias 65:21, 22.

Ang mga suliranin ng kapaligiran ay mapaparam na sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. Wala na roon ang maruming hangin na nagbabanta sa kalusugan at pumipinsala ng mga pananim. Ang maruming hangin at ang pagkapariwara ng kapaligiran na ngayo’y nagsasapanganib sa maraming pananim at mga uri ng hayop ay hindi na magiging isang banta. At ang mga bagay na gaya ng pagnipis ng sapin ng ozone ay hindi na magsasapanganib ng buhay sa lupa. Matitiyak natin na lahat ng suliraning ito ay malulutas ng Diyos na Jehova, sapagkat ang kaniyang Salita ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na malapit nang kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

Sa bagong sanlibutan, ang digmaan ay lilipas na rin ngunit hindi dahilan sa nagtagumpay ang mga estadista sa pagdidisarma sa mga bansa. Bagkus, kikilos ang Diyos kung saan nabigo ang pulitikong mga pinuno. Kaniyang dadalhan ng kapayapaan ang masunuring sangkatauhan sa pagtupad ng mga salitang ito ng salmista: “Halikayo, kayo bayan, tingnan ang mga gawa ni Jehova, kung papaanong gumawa siya ng kamangha-manghang mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang búsog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.” (Awit 46:8, 9) Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos na kaylapit-lapit na, hindi na magdidigmaan ang mga tao kundi kanilang tatamasahin ang tunay na kapayapaan at katiwasayan.​—Mikas 4:2-4.

Ikaw Kaya ay Naroroon?

Ikaw ay makapagtitiwala sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos na Jehova. Siya’y hindi nagsisinungaling. (Hebreo 6:17, 18) Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay totoo, at ang pangako nito ay laging natutupad.​—Juan 17:17.

Ang mabuting balita ng kahanga-hangang mga pagpapala para sa masunuring mga tao ang sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maibahagi sa lahat ng mga taong tapat-puso. Ikaw ay dapat magsikap ngayon na magkaroon ng kaalaman sa layunin ng Diyos, at kumilos batay sa kagila-gilalas na mga pangakong nasa Banal na Kasulatan. Ang ganitong hakbangin ay maaaring umakay sa iyo sa buhay na walang-hanggan, sapagkat sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung magkagayon ay magkakapribilehiyo ka na tamasahin ang maliligayang panahon na napipinto na, sapagkat ang bagong sanlibutan ng Diyos ay kaylapit-lapit na!

[Talababa]

a Tingnan ang kabanata 17 at 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share