Pagkalas Mula sa Organisadong Krimen—“Ako’y Isang Yakuza Noon”
“PAPA, kapag umuwi na po kayo, pumunta po tayo sa pulong nang magkakasama. Pangako po ninyo, di ba pupunta tayo?” Natanggap ko ang sulat na ito mula sa pangalawa kong anak na babae habang ako’y nakabilanggo sa ikatlong pagkakataon. Siya’y regular na dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama ng aking maybahay. Yamang ang mga sulat mula sa aking pamilya ang tanging pinagmumulan ng aking kaaliwan, nangako ako sa kaniya na gagawin ko ito gaya ng kaniyang hiniling.
‘Bakit ba ako humantong sa buhay ng isang kriminal na naglayo sa akin mula sa aking pamilya?’ ang sabi ko sa aking sarili. Ginunita ko ang panahon nang ako’y bata pa. Si itay ay namatay nang ako’y 18 buwan pa lamang, kaya hindi ko maalaala man lamang ang kaniyang mukha. Dalawang beses na nag-asawa si inay pagkatapos noon. Matindi ang naging epekto sa akin ng gayong kalagayan sa pamilya, at noong ako ay nasa haiskul pa ay nakisama ako sa mga maton. Naging marahas ako at malimit na nasasangkot sa mga awayan sa labas ng paaralan. Nang ako’y nasa ikalawang taon sa haiskul, inorganisa ko ang isang grupo ng mga estudyante upang makipaglaban sa kabilang grupo. Kaya naman ang resulta, ako’y inaresto at ipinadala sumandali sa koreksiyonal.
Para akong bolang gumugulong na pabulusok sa buhay na puspos ng karahasan. Hindi nagtagal ay nakabuo ako ng isang grupo ng mga delingkuwente, at umiistambay kami sa opisina ng grupo ng yakuza. Nang ako’y 18, naging ganap na miyembro ako ng grupong iyan. Nang ako’y 20, inaresto ako dahil sa iba’t ibang marahas na gawa ko at sinentensiyahan ako ng tatlong taon sa bilangguan. Una, napasok ako sa Nara Juvenile Prison, subalit hindi ako tumino. Kaya ipinadala ako sa isa pang bilangguan, isa na para sa mga nasa hustong gulang na. Subalit ako’y lumala nang husto at sa wakas ay humantong ako sa Kyoto sa isang bilangguang para sa mga pusakal na kriminal.
‘Bakit ba ako paulit-ulit na nakagagawa ng gayong mga kasamaan?’ ang tanong ko sa aking sarili. Nang balikan ko ang kahapon, natanto ko na ito’y dahil sa aking hangal na mga pangangatuwiran. Noong panahong iyon, akala ko ang gayong paggawi ay para sa isang tunay na lalaki, katibayan ng aking pagkalalaki. Nang ako’y palabasin sa bilangguan sa edad na 25, tinitingila ako ng aking kapuwa mga maton. Ngayo’y nabuksan ang daan para sa akin upang mas tumaas pa ang posisyon ko sa daigdig ng kasamaan.
Ang Reaksiyon ng Aking Pamilya
Ako’y nagpakasal nang panahong iyon, at hindi nagtagal ay nagkaanak kaming mag-asawa ng dalawang batang babae. Subalit, hindi nagbago ang aking buhay. Paroo’t parito ako sa aming tahanan at sa pulisya—nambubugbog ako ng mga tao at nangingikil. Natutulungan ako ng bawat pangyayari na makuha ang paggalang ng aking kapuwa mga maton at pagtitiwala ng aking amo. Sa wakas, ang nakatatanda kong “kapatirin” na yakuza ang nanguna sa gang at siyang naging amo. Tuwang-tuwa ako na maging pangalawa sa mataas.
‘Ano kaya ang nadarama ng aking asawa’t mga anak sa paraan ng aking buhay?’ ang tanong ko sa aking sarili. Marahil ay ikinahihiya nila ang pagkakaroon ng isang kriminal na asawa at ama. Muli akong nabilanggo sa edad na 30 at pagkatapos ay naulit muli ito noong ako’y 32. Sa pagkakataong ito, naging napakahirap para sa akin ang tatlong taóng pagkabilanggo. Hindi pinahintulutan na ako’y dalawin ng aking mga anak. Hinahanap-hanap ko ang pakikipag-usap sa kanila at ang pagyakap sa kanila.
Sa panahong nagsimula ang huling pagkabilanggong ito, ang aking asawa ay nagsimulang makipag-aral naman ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Araw-araw ay sumusulat siya sa akin tungkol sa katotohanan na kaniyang natututuhan. ‘Anong katotohanan itong pinagsasasabi sa akin ng aking asawa?’ ang tanong ko. Binasa ko ang buong Bibliya nang ako’y nasa bilangguan. Isinaalang-alang ko ang sinabi ng aking asawa sa kaniyang mga sulat tungkol sa pag-asa sa hinaharap at sa layunin ng Diyos.
Ang pag-asa ng mga tao na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ay nakaakit sa akin dahil sa takot na takot akong mamatay. Lagi kong naiisip, ‘Kapag namatay ka, ikaw ang talo.’ Kapag binabalikan ko ang kahapon, natatanto ko na ang pagkatakot sa kamatayan ang nagtulak sa akin na manakit ng iba bago nila ako masaktan. Ipinakita rin ng mga sulat ng aking asawa ang kawalang-kabuluhan ng aking tunguhing umakyat sa tugatog sa daigdig ng gang.
Gayunman, hindi ako napakilos na mag-aral ng katotohanan. Inialay ng aking maybahay ang kaniyang sarili kay Jehova at naging isa sa kaniyang bautisadong mga Saksi. Bagaman sa aking sulat ay pumayag akong dumalo sa kanilang mga pulong, hindi ko inisip na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Inakala ko na para bang lumayo na ang aking asawa’t mga anak, anupat naiwan na akong mag-isa.
Paglabas sa Bilangguan
Dumating sa wakas ang araw upang lumaya ako. Sa pintuang-daan sa Nagoya Prison, napakaraming gangster ang nakapila upang batiin ako. Gayunman, sa gitna ng pagkarami-raming tao, ang hinahanap ko lamang ay ang aking asawa at ang aking mga anak. Sa pagkakita ko mismo sa aking mga anak, na talagang lumaki na sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, ay napaiyak ako.
Dalawang araw pagkatapos kong makauwi, tinupad ko ang pangako ko sa aking ikalawang anak at dumalo ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nagulat ako na makita ang masayang saloobin ng lahat ng dumalo. Mainit ang pagtanggap sa akin ng mga Saksi, subalit parang naiilang ako. Nang malaman ko sa dakong huli na alam ng mga bumati sa akin ang masamang pinagmulan ko, lalo pa akong pinag-isip nito. Subalit, nadama ko ang kanilang mainit na pagtanggap, at ako’y naakit sa pahayag na nakasalig sa Bibliya. Ito’y tungkol sa mga tao na mabubuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.
Talagang nakaligalig sa akin ang isipin na makaliligtas ang aking asawa’t mga anak tungo sa Paraiso at ako nama’y mapupuksa. Binulay-bulay ko nang may kaseryosohan ang dapat kong gawin upang mabuhay magpakailanman kasama ng aking pamilya. Sinimulan kong pag-isipan ang pagkalas sa pagiging isang miyembro ng gang, at nagsimula akong mag-aral ng Bibliya.
Pagkalas Mula sa Aking Buhay Bilang Isang Kriminal
Itinigil ko ang pagpunta sa mga miting ng gang at inihinto ko ang pakikisama sa mga yakuza. Hindi gayong kadali na baguhin ang aking pag-iisip. Minamaneho ko ang isang malaking kotse na galing sa ibang bansa para lamang sa kasiyahan—ito’y para lamang makapagyabang. Tatlong taon pa bago ko ipinagpalit ang aking kotse sa isang katamtamang modelo. May hilig din ako na lusutan sa madaliang paraan ang mga bagay-bagay. Gayunman, habang natututuhan ko ang katotohanan, nauunawaan ko na kailangan kong magbago. Subalit gaya ng sabi ng Jeremias 17:9, “ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib.” Alam ko kung ano ang tama subalit hirap na hirap akong magkapit ng aking natututuhan. Ang mga problemang kinakaharap ko ay parang isang malaking bundok. Nabagabag ako, at maraming ulit kong inisip na itigil na ang pag-aaral at kalimutan na ang pagiging isang Saksi ni Jehova.
Pagkatapos, inanyayahan ng nagtuturo sa akin ng Bibliya ang isang naglalakbay na tagapangasiwa na katulad ko ang pinagmulan upang magpahayag sa aming kongregasyon. Mula sa Akita, 400 milya ang layo, nagtungo siya sa Suzuka upang ako’y patibaying-loob. Pagkatapos niyan, kapag ako’y nanlulupaypay at nag-iisip na huminto, nakatatanggap ako ng sulat mula sa kaniya, na nagtatanong kung patuloy akong lumalakad sa daan ng Panginoon.
Patuloy akong humihingi ng tulong kay Jehova sa panalangin upang makakalas ako sa yakuza. Nagtitiwala ako na sasagutin ni Jehova ang aking panalangin. Noong Abril 1987, sa wakas ay nakaalis na ako sa organisasyon ng yakuza. Yamang ako’y napupunta sa ibang lugar buwan-buwan dahil sa negosyo ko, na malayo sa aking pamilya, pinasok ko ang trabaho ng pagdidyanitor. Ginawa nitong libre ang mga oras sa hapon para sa aking espirituwal na mga gawain. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakatanggap ako ng suweldo. Kakaunti ito, pero totoong nagpasaya ito sa akin.
Noong ako pa ang pangalawang mataas na tao sa organisasyon ng yakuza, makapal ang aking bulsa, subalit ngayo’y may espirituwal na kayamanan ako na hindi kumukupas. Kilala ko si Jehova. Alam ko ang kaniyang mga layunin. May mga simulain akong pinaninindigan. Mayroon akong tunay na mga kaibigang nagmamalasakit. Sa daigdig ng yakuza, panlabas lamang ang pagmamalasakit ng mga gangster, subalit wala akong kilalang yakuza, kahit isa, na magsasakripisyo ng kaniyang sarili alang-alang sa iba.
Noong Agosto 1988, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at nang sumunod na buwan, gumugol ako ng di-kukulangin sa 60 oras sa isang buwan sa pagsasabi sa iba tungkol sa mabuting balita na nagpabago sa aking buhay. Ako’y naglilingkod bilang isang pambuong-panahong ministro sapol noong Marso 1989 at ngayo’y nabigyan ako ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Naalis ko na ang karamihan ng mga relikya ng pagiging isang yakuza ko. Subalit, may isang naiwan. Ito ang tatu sa aking katawan na nagpapaalaala sa akin, gayundin sa aking pamilya at sa iba, ng aking nakaraan bilang isang yakuza. Minsan, umuwi ang panganay kong anak galing sa paaralan na umiiyak, sinabi niya na hindi na siya papasok dahil sinabihan siya ng kaniyang mga kaibigan na ako ay isang yakuza at may mga tatu. Nagawa kong ipakipag-usap ang bagay na ito sa aking mga anak, at naunawaan naman nila ang kalagayan. Inaasam-asam ko ang pagdating ng araw na ang lupa ay magiging paraiso na at ang aking laman ay magiging ‘mas sariwa kaysa sa isang bata.’ Pagkatapos ang aking mga tatu at mga alaala ng 20 taon ng buhay ko bilang isang yakuza ay magiging bahagi na lamang ng kahapon. (Job 33:25; Apocalipsis 21:4)—Gaya ng inilahad ni Yasuo Kataoka.
[Larawan sa pahina 11]
Inaasam-asam ko ang araw na ang aking mga tatu ay mabubura rin
[Larawan sa pahina 13]
Sa Kingdom Hall kasama ng aking pamilya