Bakit Umuunlad ang Organisadong Krimen?
SI Al Capone, ang bantog na gangster ng U.S. Prohibition Era (1920-33), ay nag-angkin na isa lamang siyang negosyante na naglilingkod sa batas—ang batas ng suplay at pangangailangan. Ganito ang sabi ng isang abogado para sa pinakamalaking sindikato ng yakuza sa Hapón: “Hindi mo maikakailang may matinding pangangailangan para sa [sekso, droga, at pagsusugal].” Pinauunlad ng pangangailangang iyan ang organisadong krimen. Bagaman walang sinuman ang may ibig na maging biktima ng krimen, baka bumabaling ang ilan sa mga sindikato ng krimen at ginagamit ang serbisyo ng mga ito.
Kuning halimbawa ang pangingikil ng salapi kapalit ng proteksiyon na pinagkakakitaan ng mga gangster sa maraming bansa. Bagaman kung minsan ay pinupuntirya nila ang matatapat na may-ari ng mga tindahan, karaniwan nang binibiktima nila yaong nagpapatakbo ng kahina-hinalang mga negosyo. Ganito ang sabi ng isang may-ari ng pasugalan sa Shinjuku, Tokyo, na ang negosyo niya ay nakakubli sa likod ng isang game parlor: “Isang kawani ang sinaksak ng patalim, at ninakawan ng 2 milyong [yen ($20,000)]. Pero hindi kami tatawag ng pulis.” Bakit hindi? “Dahil sa ilegal ang aming gawain (pagsusugal), ayaw naming magkaroon ng anumang kaugnayan sa mga pulis. Kapag nanggugulo ang isang parokyano sa tindahan, tinatawag namin ang yakuza.” Ang may-ari ng pasugalan ay nagbabayad sa yakuza ng $4,000 isang buwan, isang maliit na halaga kung ihahambing sa tinutubo niyang $300,000 sa kaniyang ilegal na operasyon sa loob ng panahong iyon. Saan nanggagaling ang salaping ito? Mula sa mga bulsa niyaong nasisiyahan sa ilegal na pagsusugal.
Totoo rin ito sa mga respetableng negosyo na gustong makaiwas sa mga problema. Tinataya ng isang awtoridad sa New York na ang isang kontratista sa pagpipintura na kumikita ng $15 milyon sa isang taon ay nakatipid ng $3.8 milyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng suhol sa mga gangster. Dahil dito ay nakakakuha ang kontratista ng mga manggagawang may mababang sahod at nakaiiwas sa pakikipag-alitan sa mga unyon na kontrolado ng sindikato. Sa Hapón, noong maunlad ang ekonomiya, inilagay ng mga namumuhunan ang kanilang salapi sa mga gusali at lupa at giniba ang mga lumang bahay at tindahan upang magkaroon ng lugar para sa magagarang gusali. Nang ayaw lumipat o ipagbili ng mga residente ang kanilang mga lupa, ang mga namumuhunan ay tumawag ng jiageya, karamihan ay mga kompanyang may kaugnayan sa yakuza, upang siyang magpaalis sa kanila.
Nang makita ng yakuza kung gaano kadali ang humiram at kumita ng salapi noong dekada ng 1980, bumuo sila ng mga kompanya at nakipagsapalaran sa mga ari-arian at mga stock. Namuhunan ang mga bangko at pinansiyal na mga institusyon sa mga kompanyang ito, anupat maliwanag na interesado sa kanilang tutubuin. Ngunit nang sa wakas ay bumagsak ang ekonomiya, nahirapan ang mga bangko na mabawi ang kanilang salapi. Tungkol sa namamalaging resesyon sa Hapón, ganito ang sabi ng isang dating opisyal ng pulisya sa Newsweek: “Ang tunay na dahilan kung bakit di-malutas kaagad ang suliranin sa di-nababayarang mga utang ay ang bagay na malaking bahagi ng mga ito ay may kaugnayan sa organisadong krimen.”
Totoo naman, nag-uugat at yumayabong ang organisadong krimen kung saan sabik ang mga tao na mapalugdan ang kanilang mga hilig sa laman, sa anumang paraan. Ang kasakiman sa kaluguran, sekso, at salapi ay naglalaan ng kaayaayang kapaligiran para sa pagbebenta ng droga, prostitusyon, pagsusugal, at pagpapautang na may napakataas na tubo. Ang pagkakasangkot sa gayong mga gawain ay karaniwan nang nangangahulugan ng pagbabayad at pagpapayaman sa sindikato. Totoong-totoo nga na sinasapatan ng organisadong krimen ang mga pangangailangan niyaong desididong bigyang-kasiyahan ang kanilang mga hilig sa laman!
Pakunwaring Sistema ng Pamilya
Bukod pa sa pangangailangang gumawa ng mga ipinagbabawal, may isa pang pangangailangan sa ngayon na pinagkakakitaan ng organisadong krimen. Iginiit ng yumaong pinuno ng isa sa pinakamalalaking sindikato ng yakuza na binibigyan niya ng kanlungan ang mga kriminal at inaalagaan sila at sa gayo’y pinipigilan silang maging masama. Inangkin niya na isa siyang ama sa mga miyembro ng gang. Karamihan sa mga sindikato ng mga kriminal, anuman ang bansang pinagmulan, ay nagtatatag ng kanilang mga organisasyon sa gayong pakunwaring ugnayang pampamilya.
Kuning halimbawa si Chi Sun,a na galing sa isang mahirap na pamilya sa Hong Kong. Madalas siyang bugbugin ng kaniyang ama sa walang kabuluhang mga dahilan. Ang kabataang si Chi Sun ay naging rebelde at napasali sa bantog na Triads sa edad na 12. Sa sindikato ng krimen, nasumpungan niya ang isang dako na kung saan nadama niyang “kabilang” siya. Dahil sa kaniyang katapangan sa armadong pakikipaglaban, di-nagtagal at napataas siya sa isang posisyon na doo’y hawak niya ang ilang tauhan. Sa bandang huli, nang siya ay 17 taóng gulang lamang, nabilanggo siya.
Maraming tulad ni Chi Sun ang bumaling sa mga sindikato ng krimen upang makasumpong ng buklod ng pamilya na hindi matagpuan sa tahanan. Ang mga miyembro ay nag-aangking nagmamalasakit, ngunit madalas na nasisiphayo ang mga mas nakababata kapag natuklasan nilang bawat miyembro ay interesado lamang sa kaniyang sarili.
Anghel ng Liwanag
Nang ang pinakamalaking sindikato ng krimen sa Hapón ay tawaging isang marahas na grupo sa ilalim ng isang bagong batas laban sa mga gang noong 1992, iginiit ng isa sa mga lider nito na itinuturing ng grupo ang kanilang sarili na “magiting,” anupat nakikipaglaban sa masama. Nang isang pagkalakas-lakas na lindol ang yumanig sa Kobe noong 1995, ang gang ding iyon ay namahagi ng pagkain, tubig, at iba pang pangkagipitang mga kalakal sa kanilang mga kapitbahay. “Ang gayong pagkabukas-palad,” ulat ng Asahi Evening News, “ay tiyak na magpapatibay sa namamalaging larawan ng yakuza sa Hapón bilang mga kriminal na may karangalan.”
Madalas na sinisikap ng mga pinuno ng mga sindikato ng krimen na magpanatili ng isang mapagkawanggawang reputasyon. Para sa mga naninirahan sa slum ng kaniyang lunsod, si Pablo Escobar, ang kilalang pinuno ng kartel ng droga sa Medellín ng Colombia, ay “isang alamat—bahagyang Mesiyas, bahagyang Robin Hood, bahagyang Ninong sa halos piyudal na diwa ng patrón, ang puno,” ang isinulat ni Ana Carrigan sa Newsweek. Nagpagawa siya ng mga skating rink para sa mga bata at disenteng mga bahay para sa mga dukha, at nagbigay siya ng trabaho sa mga batang-lansangan. Bayani siya para sa mga nakinabang sa kaniyang pagkabukas-palad.
Subalit ang mga kriminal na waring panatag na nagkukubli sa likod ng kanilang mga sindikato ay mga kasangkapan lamang ng isang dalubhasang kriminal sa sansinukob. Isinisiwalat ng Bibliya kung sino ang isang ito. “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag. Kaya nga hindi malaking bagay kung ang kaniyang mga ministro rin ay laging nag-aanyong mga ministro ng katuwiran. Subalit ang kanilang wakas ay magiging alinsunod sa kanilang mga gawa.” (2 Corinto 11:14, 15) Sa ngayon, maraming tao ang hindi naniniwala na isang tunay na persona si Satanas. Ganito ang sabi ng isang makatang Pranses noong ika-19 na siglo: “Ang pinakatusong paraan ng Diyablo ay ang papaniwalain ka na hindi siya umiiral.” Siya ay nagkukubli at nakikialam sa mga nangyayari, hindi lamang sa mga sindikato ng krimen kundi sa buong sanlibutan. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” paliwanag ng Bibliya. Inilarawan ni Jesus si Satanas bilang isang “mamamatay-tao nang siya ay magpasimula, . . . isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.”—1 Juan 5:19; Juan 8:44.
Isinisiwalat ng mga hula sa Bibliya na si Satanas na Diyablo ay lalo nang aktibo sapol noong 1914. Mula nang taóng iyon, pinakikilos na niya ang kaniyang mga kampon sa isang lubus-lubusang digmaan laban sa bayan ng Diyos. Hinihigop niya ang sangkatauhan tungo sa isang alimpuyo ng kaligaligan. Siya ang pangunahing dahilan kung bakit umuunlad sa ngayon ang krimen at mga sindikato ng krimen.—Apocalipsis 12:9-12.
Maililigpit pa kaya kailanman ang utak ng mga sindikato ng krimen sa lupa? Matatamasa pa kaya ng sangkatauhan ang kapayapaan at kaayusan? Makalalaya ka kaya mula sa balakyot na imperyo na itinatag ngayon ni Satanas sa lupa?
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan para sa kaligtasan niyaong mga nasasangkot.
[Kahon sa pahina 7]
Kung Paano Maipagsasanggalang ang Inyong Pamilya
SA KAWALAN ng magiliw, nagbubuklod na kapaligiran sa tahanan ay madaling nagiging biktima ng mga sindikato ng krimen ang mga kabataan. Iniulat na sa Estados Unidos, karamihan sa mga kabataan na nasasangkot sa pagpapatayan ng mga gang ay galing sa di-gaanong maalwan o sa watak-watak na mga pamilya. “Palibhasa’y napagkakaitan,” sabi ng isang opisyal ng isang piitan sa North Carolina, “madali silang maantig ng matibay na buklod sa pagitan ng pinuno at ng mga tauhan at ng damdamin ng pagkakaisa bilang miyembro ng isang organisasyon, na nararanasan nila sa kauna-unahang pagkakataon sa kanilang buhay.”
Kahawig nito, ganito ang sabi ng isang kabataang yakuza sa Oryente na handang maging buháy na pananggalang para sa kaniyang pinuno: “Lagi akong nag-iisa sa bahay. Bagaman kami’y isang pamilya, hindi ko nadama kailanman na maaari kaming mag-usap nang puso-sa-puso. . . . Pero ngayon ay nakakausap ko nang puso-sa-puso ang aking mga kasama.” Nagpapasalamat ang malulungkot na kabataan sa mga miyembro ng isang sindikato ng krimen na umaakay sa kanila sa isang tulad-pamilyang sistema.
“Napakamapagmalasakit ng mga taong yakuza,” sabi ng lider ng isang grupo ng mga kabataang babaing nagmomotorsiklo sa Okinawa. “Marahil iyan ang kanilang paraan ng panlilinlang; pero, alam mo, dahil sa hindi pa kami kailanman pinakitunguhan nang may kabaitan, ito’y nakaaantig sa amin.” Pinatunayan ng tagapangasiwa ng isang pasilidad para sa mga delingkuwenteng kabataang babae na ang mga gangster ay “talagang mahuhusay na bumighani sa puso ng mga batang babae.” Kapag tinatawagan sila ng malulungkot na babae sa kalagitnaan ng gabi, ang mga gangster ay hahangos patungo sa kanila at makikinig sa sasabihin nila, nang hindi naman gumagawa ng seksuwal na pagsasamantala.
Magpapakita lamang sila ng pagmamalasakit hanggang sa lubusan nilang mabighani ang mga kabataang binibiktima nila. Minsang masilo na ang mga kabataan, sila’y pinagsasamantalahan—ang mga batang babae sa mga grupo ng prostitusyon at ang mga batang lalaki naman sa organisadong krimen.
Paano Ninyo Maipagsasanggalang ang Inyong mga Minamahal?
“Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob,” ang payo ng Bibliya. (Colosas 3:21) Hindi nito pinasisigla ang mga magulang na maging maluwag. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang batang pinababayaan ay nagdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Sa halip, pinasisigla ng Bibliya ang mga ama—at ang mga ina rin naman—na maging makatuwiran sa pakikitungo sa kanilang mga anak, makinig sa kanila, at malayang makipagtalastasan sa kanila. Kung magkagayon, magaganyak ang mga bata na magtapat sa kanilang mga magulang kapag nababagabag sila.
Bukod pa sa malayang pakikipagtalastasan, kailangang bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga pamantayan sa buhay. Saan masusumpungan ng isang ama ang gayong mga alituntunin? Sabi ng Bibliya: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Gumugol ng panahon sa pagtalakay ng Bibliya kasama ng inyong mga anak sa pamamagitan ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. At itanim sa kanilang puso ang isang nakabubuting pagkatakot kay Jehova upang lagi nilang sundin ang patnubay ni Jehova ukol sa sarili nilang kapakinabangan.—Isaias 48:17.