Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Panganib na Ikinababahala ng Bawat Magulang
    Gumising!—2007 | Oktubre
    • Isang Panganib na Ikinababahala ng Bawat Magulang

      SINA Liza at Tony ay masigla at masayahing mag-asawa, mga magulang ng isang matalino at malusog na batang lalaki na tatlong taóng gulang.a Inaalagaan nilang mabuti ang kanilang anak. Hindi ito isang madaling trabaho sa ngayon. Sangkot dito ang maraming álalahanín at pananagutan. Napakaraming dapat ituro sa mga anak! Pero ang pinakamatinding ikinababahala nina Liza at Tony ay ito: Gusto nilang maprotektahan ang kanilang anak mula sa seksuwal na pang-aabuso. Bakit?

      “Si Itay ay isang lasenggong walang pakialam sa mundo at mainitin ang ulo,” ang sabi ni Liza. “Binubugbog niya ako noon, at minomolestiya niya kaming magkakapatid.”b Marami ang sumasang-ayon na ang gayong pang-aabuso ay nag-iiwan ng malalim na pilat sa kalooban. Natural lamang kung gayon na maging determinado si Liza na protektahan ang kaniyang anak! Ganiyan din ang gustong gawin ni Tony.

      Maraming magulang ang nababahala tungkol sa pang-aabuso sa bata. Marahil ay nababahala ka rin. Di-gaya ni Liza, maaaring hindi ka naman aktuwal na nakaranas ng pang-aabuso at ng mga epekto nito, pero tiyak na nababalitaan mo ang nakagigimbal na mga ulat tungkol sa paglaganap ng nakapandidiring gawaing ito. Sa buong daigdig, ang mapagmahal na mga magulang ay natatakot sa nababalitaan nilang nangyayari sa mga bata sa kanilang lugar.

      Dahil sa napakalaking problemang ito, nasabi tuloy ng isang mananaliksik tungkol sa pang-aabuso sa bata na ito na ang “isa sa pinakamasamang natuklasan sa ating panahon.” Nakalulungkot nga ang balitang iyan, pero nakagugulat ba ito? Hindi sa mga nag-aaral ng Bibliya. Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos na tayo ay nabubuhay sa magulong panahong tinatawag na “mga huling araw,” isang panahon na laganap ang “mabangis” na pag-uugali, anupat ang mga tao ay nagiging “maibigin sa kanilang sarili” at “walang likas na pagmamahal.”​—2 Timoteo 3:1-5.

      Ang seksuwal na pang-aabuso ay isang nakatatakot na problema. Sa katunayan, nangingilabot ang ilang magulang kapag naiisip nila ang napakasasamang taong ito na nambibiktima sa mga bata. Pero wala na kayang magagawang paraan ang mga magulang para maharap ang problemang ito? O may ilang praktikal na hakbang ba na puwedeng gawin ng mga magulang upang maprotektahan ang kanilang mga anak? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007 | Oktubre
    • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?

      IILAN lamang sa atin ang maglalakas-loob na pag-usapan ang tungkol sa seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Iniisip pa lamang ito ng mga magulang, nangingilabot na sila! Pero ang gayong pang-aabuso ay isang nakatatakot at masakit na katotohanang nangyayari ngayon, at napakalaking pinsala ang naidudulot nito sa mga bata. Dapat kayang pag-usapan ang bagay na ito? Buweno, ano ang handa ninyong gawin para maprotektahan ang inyong anak? Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa masakit na katotohanan ng pang-aabuso ay madaling gawin. Malaki ang magagawa ng kaalamang ito.

      Huwag ninyong hayaang pahinain ang inyong loob ng malaking problemang ito ng pang-aabuso. Sa paanuman, may katangian kayong wala sa inyong anak​—ang kakayahan, na para matamo ng inyong anak ay kailangan munang lumipas ang maraming taon, o mga dekada pa nga. Sa paglipas ng mga taon, nagkakaroon kayo ng kaalaman, karanasan, at karunungan. Upang magtagumpay, kailangan ninyong patibayin ang mga kakayahang iyon at gamitin ang mga iyon upang maprotektahan ang inyong anak. Tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang hakbang na maaaring gawin ng bawat magulang. Ang mga ito ay ang sumusunod: (1) Maging pangunahing depensa ng iyong anak laban sa pang-aabuso, (2) bigyan ng ilang kinakailangang impormasyon ang iyong anak, at (3) turuan ang iyong anak ng ilang mahahalagang pandepensa.

      Pangunahing Depensa Ka Ba?

      Ang pangunahing pananagutan na protektahan ang mga anak laban sa pang-aabuso ay nakaatang sa mga magulang at hindi sa mga anak. Kaya naman, dapat munang turuan ang mga magulang bago ang mga anak. Kung isa kang magulang, may ilang bagay na dapat mong malaman tungkol sa pang-aabuso sa bata. Dapat mong malaman kung sino ang nang-aabuso sa mga bata at kung paano nila ito ginagawa. Karaniwan nang inaakala ng mga magulang na ang mga nangmomolestiya ay mga estrangherong nakaabang sa dilim, na naghihintay ng pagkakataong mangidnap at manghalay ng mga bata. Talaga namang may ganitong mga halimaw. Madalas itong itawag-pansin sa atin sa mga balita. Pero bihira lamang ito kung ikukumpara sa iba. Sa mga 90 porsiyento ng mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ng bata, ang nambibiktima ay yaong mga taong kilala at pinagkakatiwalaan ng bata.

      Mangyari pa, mahirap paniwalaan na ang isang magiliw na kapitbahay, guro, doktor, tagapagsanay, o kamag-anak ay magkakaroon ng maitim na hangarin sa iyong anak. Ang totoo, karamihan sa mga taong ito ay hindi naman ganoon. Hindi naman kailangang pagdudahan mo na silang lahat. Pero mapoprotektahan mo pa rin ang iyong anak kung aalamin mo ang mga taktika ng isang karaniwang nang-aabuso.​—Tingnan ang kahon sa pahina 6.

      Kung alam mo ang mga taktikang iyon, mas nakahanda ka, bilang magulang, na maging pangunahing depensa. Halimbawa, kung ang isang tao na mukhang mas malapít sa mga bata kaysa sa mga adulto ay palaging nagbibigay ng pantanging atensiyon at mga regalo sa iyong anak o nag-aalok na siya na ang mag-aalaga rito nang libre, o ipapasyal niya ito, ano ang gagawin mo? Iisipin mo ba agad na baka nambibiktima lamang ang taong ito? Hindi naman. Huwag kang magbibintang agad. Baka naman walang masamang hangarin ang taong iyon. Gayunman, maging alisto ka. Ang sabi nga ng Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15.

      Tandaan, anumang alok na mukhang di-kapani-paniwala ay baka hindi nga kapani-paniwala. Maingat na kilalaning mabuti ang sinumang nag-aalok na makasama ang iyong anak. Ipaalam sa taong ito na binabantayan mo ang iyong anak sa lahat ng pagkakataon. Hindi basta-basta ipinagkakatiwala nina Lemuel at Salud, may tatlong anak na lalaki, ang kanilang anak sa isang adulto. Habang may leksiyon sa musika ang kaniyang anak sa kanilang bahay, sinabi ni Salud sa lalaking nagtuturo: “Nandito lang ako, at titingnan-tingnan ko kayo.” Parang sobra naman yatang pag-iingat ito, pero mabuti na ang nag-iingat kaysa magsisi sa bandang huli.

      Bantayan ang mga ginagawa ng iyong anak, alamin ang mga ginagawa niya sa paaralan at kung sinu-sino ang kaniyang kaibigan. Alamin ang lahat ng detalye tungkol sa anumang binabalak na ekskursiyon. Isang doktor na 33 taóng humawak ng mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ang nagsabi na napakaraming kaso ang nakita niyang dapat sana’y naiwasan kung nag-ingat lamang ang mga magulang. Sinipi niya ang sinabi ng isang nahatulang nagkasala ng pangmomolestiya: “Ipinagkakatiwala mismo sa akin ng mga magulang ang kanilang mga anak. . . . Madali ko itong nagagawa dahil na rin sa kanila.” Tandaan, mas pinipili ng karamihan sa mga nangmomolestiya ang mga madaling biktimahin. Kapag binabantayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak, hindi madaling mabibiktima ang mga ito.

      Ang isa pang paraan upang maging pangunahing depensa ay ang pakikinig na mabuti. Hindi basta-basta magsasabi ang mga bata na sila’y minolestiya; nahihiya sila at natatakot sa magiging reaksiyon ng iba. Kaya makinig na mabuti, kahit sa mga bahagyang pahiwatig.a Kapag may nasabi ang iyong anak na ikinabahala mo, mahinahon mo siyang tanungin para magkuwento siya. Kapag sinabi niyang huwag nang pabalikin ang isang tagapag-alaga, itanong mo kung bakit. Kapag sinabi niyang may bagong laro sila ng isang adulto, tanungin mo siya: “Anong laro? Ano’ng ginagawa niya?” Kapag sinabi niyang may kumiliti sa kaniya, tanungin mo siya, “Saan ka niya kiniliti?” Huwag basta bale-walain ang mga sagot ng bata. Sinasabi sa bata ng mga nang-aabuso na walang maniniwala sa kaniya; ang nakalulungkot, iyan ang nangyayari. At kung inabuso nga ang isang bata, malaking tulong sa kanilang paggaling kung paniniwalaan at susuportahan sila ng kanilang magulang.

      Maging pangunahing depensa ng iyong anak

      Bigyan ng Impormasyon ang Iyong Anak

      Isang reperensiya tungkol sa pang-aabuso ng bata ang sumipi sa sinabi ng isang nahatulang nagkasala ng pangmomolestiya: “Kapag nakakakita ako ng isang batang walang muwang sa sekso, alam ko na kung sino ang susunod kong biktima.” Mahalagang paalaala sa mga magulang ang nakatatakot na mga salitang ito. Ang mga batang walang kaalam-alam sa sekso ay napakadaling malinlang ng mga nangmomolestiya. Ayon sa Bibliya, ang kaalaman at karunungan ay makapagliligtas sa atin “mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 2:10-12) Hindi ba’t iyan ang gusto mo para sa iyong anak? Kung gayon, bilang ikalawang hakbang upang maprotektahan siya, huwag mong ipagkait ang pagtuturo sa kaniya tungkol sa mahalagang paksang ito.

      Kung gayon, paano mo ito gagawin? Maraming magulang ang naaasiwang ipakipag-usap sa kanilang mga anak ang paksang ito tungkol sa sekso. Baka lalo pa ngang naaasiwa ang iyong anak sa paksang ito, at malamang na hindi niya ito ipakipag-usap sa iyo. Kaya ikaw na ang magkusa. Sinabi ng isang magulang na maaga nilang itinuro sa kanilang anak ang iba’t ibang bahagi ng katawan nang walang malisya para ipakita na walang nakakatawa o nakakahiya sa anumang bahagi ng kaniyang katawan. Pagkatapos nito, madali nang pag-usapan ang tungkol sa pang-aabuso. Basta sinasabi lamang ng maraming magulang sa kanilang mga anak na ang mga bahagi ng katawan nila na natatakpan ng pampaligo ay pribado at importante.

      Ang sabi ni Liza, na binanggit sa naunang artikulo: “Sinabi namin ni Tony sa aming anak na lalaki na ang kaniyang ari ay pribado, personal, at hindi laruan. Hindi ito dapat paglaruan ng sinuman​—ng nanay, tatay, o kahit doktor. Kapag dinadala namin siya sa doktor, ipinaliliwanag ko sa kaniya na gusto lamang matiyak ng doktor na wala siyang sakit, kung kaya posibleng hawakan ito ng doktor.” Magtutulungan ang mag-asawa sa impormal na pakikipag-usap na ito sa pana-panahon, at titiyakin nila sa kanilang anak na makalalapit siya sa kanila anumang oras para isumbong sa kanila kung may sinumang humipo sa kaniya sa paraang nakaaasiwa. Iminumungkahi ng mga eksperto sa pangangalaga sa bata at sa pag-iwas sa pang-aabuso na kausapin din ng lahat ng magulang ang kanilang mga anak tungkol dito.

      Napatunayan ng marami na malaking tulong ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Gurob sa pagtuturo hinggil sa paksang ito. Ang paksang “Kung Paano Iningatan si Jesus,” sa kabanata 32, ay may tuwiran pero nakapagpapalakas-loob na mensahe sa mga bata tungkol sa mga panganib ng pang-aabuso at sa kahalagahan ng pag-iingat. “Napakalaking tulong ng aklat na ito para lalong maidiin ang mga sinabi namin mismo sa aming mga anak,” ang sabi ni Salud.

      Sa ngayon, dapat malaman ng mga bata na may ilang taong humihipo o nagpapahipo sa mga bata sa paraang nakaaasiwa. Ang mga babalang ito ay hindi dapat maging dahilan upang ang mga bata ay matakot o mawalan ng tiwala sa lahat ng adulto. “Ito’y para lamang sila makapag-ingat,” ang sabi ni Liza. “At isa lamang ito sa maraming iba pang mensahe na walang kinalaman sa pang-aabuso. Hindi ito ikinatakot ng aming anak.”

      Dapat ding ilakip sa pagtuturo sa anak na maging timbang siya sa pagsunod. Ang pagtuturo sa anak na maging masunurin ay isang mahalaga at mahirap na leksiyon. (Colosas 3:20) Pero maaaring mapasobra ang mga leksiyong ito. Kapag itinuro sa isang bata na dapat siyang maging laging masunurin sa sinumang adulto, sa lahat ng pagkakataon, madali siyang mabibiktima ng pang-aabuso. Matalas ang pakiramdam ng mga nangmomolestiya sa mga batang napakadaling pasunurin. Itinuturo ng matatalinong magulang sa kanilang mga anak na hindi sila palaging dapat sumunod. Para sa mga Kristiyano, hindi ito nakalilito. Ang ibig sabihin lamang nito: “Kung may mag-uutos sa inyong gawin ang isang bagay na para sa Diyos na Jehova ay mali, huwag ninyo itong gagawin. Kahit ang nanay o ang tatay ay hindi dapat mag-utos sa inyo na gawin ang isang bagay na ayon kay Jehova ay mali. At palagi ninyong isusumbong sa nanay o sa tatay kapag may sinumang pumilit sa inyong gawin ang isang bagay na mali.”

      Bilang panghuli, sabihin mo sa iyong anak na walang dapat mag-utos sa kaniya na maglihim sa iyo. Sabihin mong kapag may nag-utos sa kaniyang paglihiman ka, anuman iyon, palagi niya itong isumbong sa iyo. Anuman ang iutos sa kaniya​—kahit takutin pa siya o siya mismo ang nakagawa ng mali​—palaging tama na lumapit sa nanay o tatay at sabihing lahat iyon sa kanila. Hindi dapat matakot ang iyong anak sa ganitong tagubilin. Tiyakin mo sa kaniya na karamihan naman ay hindi gagawa ng ganitong mga bagay​—hipuin ang di-dapat hipuin, utusan siyang suwayin ang Diyos, o sabihan siyang maglihim. Gaya ng isinaplanong daraanan sakaling may sunog, ang mga ito ay paghahanda lamang at malamang na hindi naman kailanganin.

      Bigyan mo ng impormasyon ang iyong anak

      Turuan ng Ilang Mahahalagang Pandepensa ang Iyong Anak

      Ang ikatlong hakbang na pag-uusapan natin ay ang pagtuturo sa iyong anak ng ilang simpleng dapat gawin sakaling may gustong magsamantala sa kaniya kapag hindi ka kasama. Ang madalas na mungkahi ay gawin itong parang isang laro. Itatanong ng mga magulang ang “Paano kung . . . ?” at sasagot naman ang bata. Puwede mong itanong, “Paano kung nasa palengke tayo at nagkahiwalay tayo? Paano mo ako mahahanap?” Baka hindi ayon sa inaasahan mo ang isagot ng bata, pero matutulungan mo siya kung magtatanong ka pa, gaya ng “May naiisip ka bang puwede mong gawin na mas ligtas?”

      Puwede mong gamitin ang katulad na mga tanong kapag tinatanong ang bata kung ano ang pinakaligtas na dapat niyang gawin kapag may humipo sa kaniya sa paraang nakaaasiwa. Kapag madaling matakot ang bata sa gayong mga tanong, puwede kang magkuwento na lamang tungkol sa ibang bata. Halimbawa: “May isang batang babae na kasama ng paborito niyang kamag-anak, pero sinimulan nitong hipuin ang di-dapat hipuin. Sa palagay mo, ano ang dapat gawin ng batang babae para maprotektahan siya?”

      Turuan ng mahahalagang pandepensa ang iyong anak

      Ano ang dapat mong ituro sa iyong anak na gagawin niya sa mga situwasyong gaya ng binanggit sa itaas? Ang sabi ng isang awtor: “Ang pagsigaw ng ‘Huwag!’ o ‘Huwag mong gawin ‘yan!’ o ‘Alis d’yan!’ ay malaking tulong upang matakot ang nambibiktima at sa gayon ay tumigil na ito at iba na lamang ang kaniyang biktimahin.” Gumawa ng isang maikling eksena para sa iyong anak upang masanay siyang sumigaw, makalayo agad, at makapagsumbong sa iyo. Kahit waring sanáy na sanáy na ang isang bata, posible pa ring malimutan ito sa loob ng ilang linggo o ilang buwan. Kaya ulit-ulitin ang pagsasanay na ito.

      Lahat ng mismong nag-aalaga sa bata, pati na ang mga lalaki​—tatay man, amain, o iba pang kamag-anak na lalaki​—ay dapat na kasama sa pag-uusap na ito. Bakit? Sapagkat lahat ng kasali sa gayong pagtuturo ay, sa diwa, nangangako sa bata na hinding-hindi nila gagawin ang gayong pang-aabuso. Nakalulungkot, ang karamihan sa seksuwal na pang-aabuso ay nagaganap sa loob mismo ng pamilya. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano mo magagawang isang kanlungan ang iyong pamilya sa mapang-abusong daigdig na ito.

      a Sinasabi ng mga eksperto na kahit hindi nagsasalita ang mga inaabusong bata, nahahalata sa kilos nila na may masamang nangyayari sa kanila. Halimbawa, kapag biglang bumalik ang mga paggawi niya noong bata pa siya, gaya ng pag-ihi sa kama, pagiging laging nakadikit sa magulang, o pagkatakot na mapag-isa, baka palatandaan ito na may masamang nangyayari sa kaniya. Hindi naman ito nangangahulugan na minolestiya na nga siya. Mahinahon mo siyang tanungin kung ano ang ikinatatakot niya para mabigyan mo siya ng kaaliwan, kapanatagan, at proteksiyon.

      b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

      SEKSUWAL NA PANG-AABUSO​—PROBLEMA SA BUONG DAIGDIG

      Noong 2006, ipinabatid ng kalihim-panlahat ng United Nations sa General Assembly nito ang isang pandaigdig na ulat tungkol sa karahasan laban sa mga bata na tinipon ng isang independiyenteng eksperto para sa UN. Ayon sa ulat, nitong nakalipas na taon, tinatayang 150 milyong batang babae at 73 milyong batang lalaki na wala pang 18 anyos ang nakaranas na ng “puwersahang pagtatalik o iba pang anyo ng seksuwal na karahasan.” Napakalaki ng bilang na iyon, pero sinabi ng ulat: “Tiyak na mas marami pa rito ang aktuwal na bilang.” Isiniwalat ng isang masusing pag-aaral mula sa 21 bansa na sa ilang lugar, umaabot nang hanggang 36 na porsiyento ng mga babae at 29 na porsiyento ng mga lalaki ang minolestiya noong bata pa sila. Karamihan sa mga nambibiktima ay mga kamag-anak nila!

      TAKTIKA NG NANGMOMOLESTIYA

      Ang isang tusong nambibiktima ay hindi gumagamit ng dahas. Sa halip, dinadahan-dahan niya ang mga bata. Pumipili muna siya ng mabibiktima, na kadalasan ay isang batang napakadaling mapasunod at madaling magtiwala, kaya naman mas madali silang mabola. Pagkatapos, pinagbubuhusan niya ito ng atensiyon. Baka subukan din niyang kunin ang tiwala ng mga magulang ng bata. Ang mga nangmomolestiya ay kadalasan nang napakahusay magkunwaring may malasakit sila sa bata at sa pamilya nito.

      Sa dakong huli, ihahanda na ng nangmomolestiya ang bata para ito biktimahin. Hahawak-hawakan na niya ang bata sa pamamagitan ng kunwari’y walang-malisyang pagkagiliw, pakikipagbunu-bunuan, at pangingiliti. Baka magbigay siya ng magagandang regalo at simulan nang ilayo ang bata sa kaniyang mga kaibigan, kapatid, at magulang, para masolo niya ito. May pagkakataon na hihilingin niya sa bata na ilihim sa mga magulang nito ang ilang maliliit na bagay​—marahil isang regalo o planong mag-ekskursiyon. Simula na ito ng pambibiktima. Kapag nakuha na ng mang-aabuso ang tiwala ng bata at ng mga magulang nito, sisimulan na niya ang pangmomolestiya.

      Muli, mas malamang na hindi siya magpahalata sa halip na gumamit ng dahas. Puwede niyang samantalahin ang likas na pagkamausisa ng bata tungkol sa sekso, at kunwari’y “tuturuan” niya ito, o baka sabihin niyang may lalaruin silang isang “kakaibang laro” na sila lamang ang dapat makaalam. Puwede rin niyang ilantad ang bata sa masasagwang larawan para ipakitang normal lamang ito.

      Kapag namolestiya na niya ang bata, titiyakin niya ngayon na hindi ito magsusumbong. Gagamit siya ng iba’t ibang taktika, kasali na ang pagbabanta, pananakot, at paninisi, o baka pagsabay-sabayin niya ang mga ito. Halimbawa, baka sabihin niya: “Ikaw ang may kasalanan. Pumayag ka kasi.” Baka idagdag pa niya: “Kapag nagsumbong ka sa mga magulang mo, ipakukulong nila ako at hindi mo na ako makikita kahit kailan.” O baka sabihin niya: “Sekreto natin ito. Tutal, wala namang maniniwala sa iyo kung magsusumbong ka. Kapag nalaman ito ng mga magulang mo, sasaktan ko sila.” Walang katapusan ang mapanlinlang at masasamang taktikang gagamitin ng mga taong ito.

  • Gawing Kanlungan ang Inyong Pamilya
    Gumising!—2007 | Oktubre
    • Gawing Kanlungan ang Inyong Pamilya

      “WALANG likas na pagmamahal.” Sa pamamagitan ng nakalulungkot na mga salitang ito inilarawan ng Bibliya ang maraming tao sa ating panahon, isang yugtong tinatawag na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1, 3, 4) Ang laganap na pang-aabuso sa bata sa loob ng pamilya ay isang maliwanag na katibayang totoo nga ang hulang ito. Sa katunayan, ang orihinal na salitang Griegong aʹstor·gos, na isinalin sa Tagalog na “walang likas na pagmamahal,” ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pag-ibig na dapat sana’y makita sa mga miyembro ng pamilya, lalo na sa pagitan ng mga magulang at mga anak.a At madalas na dito pa nga nagaganap ang pang-aabuso sa bata.

      Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang pinakamadalas na nang-aabuso ay ang ama o ang tumatayong ama. Madalas na nang-aabuso rin ang iba pang lalaking kamag-anak. Bagaman mga batang babae ang malimit na nagiging biktima, marami ring batang lalaki ang inaabuso. Ang mga babaing nambibiktima ay hindi bihira na gaya marahil ng iniisip mo. Maaaring ang di-gaanong napapaulat na uri ng pang-aabuso ay ang insesto sa pagitan ng magkapatid, kung saan ang mas matanda o mas malakas na bata ang tumatakot o nambibiktima sa mas bata o mas mahinang kapatid. Bilang magulang, tiyak na masusuklam ka sa ganitong mga gawain.

      Paano maiiwasang magkaroon ng ganitong problema ang inyong pamilya? Maliwanag na bawat miyembro ng pamilya ay kailangang matuto at magpahalaga sa mga simulaing hahadlang sa pang-aabuso. Ang pinakamagandang aklat na mapagkukunan ng ganitong patnubay ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.

      Salita ng Diyos at Pisikal na mga Relasyon

      Upang maging kanlungan, ang bawat pamilya ay dapat sumunod sa pamantayan ng Bibliya tungkol sa moral. Hindi iniiwasan ng Bibliya na talakayin ang tungkol sa sekso. Ito ay prangka at deretso sa punto, pero may dignidad. Ipinakikita nito na dinisenyo ng Diyos ang pagtatalik bilang isang malaking pagpapala sa mag-asawa. (Kawikaan 5:15-20) Pero hinahatulan nito ang pagtatalik ng hindi mag-asawa. Halimbawa, tahasang sinasabi ng Bibliya na tutol ito sa insesto. Sa Levitico kabanata 18, ipinagbabawal ang napakaraming uri ng insesto. Pansinin ang mga salitang ito: “Huwag kayong lalapit, sinumang tao sa inyo, sa sinumang malapit na kamag-anak niya sa laman upang maghantad ng kahubaran [makipagtalik]. Ako ay si Jehova.”​—Levitico 18:6.

      Ibinilang ni Jehova ang insesto sa mga “karima-rimarim na bagay” na ang parusa ay kamatayan. (Levitico 18:26, 29) Maliwanag na napakataas ng pamantayan ng Maylalang sa bagay na ito. Sa ngayon, ganiyan din ang pananaw ng maraming pamahalaan, na nagbabawal sa seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Karaniwan nang isinasaad ng batas na ang isang batang pumayag na makipagtalik sa isang adulto ay masasabing hinalay. Bakit kaya gagamitin ang matinding salitang ito gayong hindi naman siya pinuwersa?

      Naunawaan na ng mga awtoridad ang malaon nang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bata​—na wala silang kakayahang mangatuwirang gaya ng mga adulto. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 22:15: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” At kinasihan si apostol Pablo na isulat: ‘Noong ako ay sanggol pa, nag-iisip akong gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.’​—1 Corinto 13:11.

      Hindi pa nauunawaan ng isang bata ang ganap na kahulugan ng pagtatalik, at hindi naiisip ng isang bata ang ibubunga nito pagkalipas ng mga taon. Kaya naman marami ang sang-ayon na hindi makapagbibigay ang mga bata ng tamang pasiya tungkol sa pakikipagtalik. Sa ibang salita, kapag ang isang adulto (o mas nakatatandang kabataan) ay nakipagtalik sa isang bata, hindi puwedeng ikatuwiran ng mas nakatatanda na hindi naman tumutol ang bata o ito na mismo ang may gusto. Nagkasala pa rin ng panghahalay ang adulto. Ito ay isang krimen, na karaniwan nang pinarurusahan ng pagkabilanggo. Mananagot ang nanghalay, hindi ang biktima.

      Pero ang nakalulungkot, karamihan sa ganitong krimen ay hindi naparurusahan ng mga awtoridad sa ngayon. Halimbawa, sa Australia, tinatayang 10 porsiyento lamang ng mga nang-aabuso ang naisakdal, at iilan lamang ang nahatulang nagkasala. Ganito rin sa ibang mga lupain. Bagaman may ilang nagagawa ang mga pamahalaan para maprotektahan ang pamilyang Kristiyano, mas malaki ang nagagawa ng pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya.

      Batid ng mga tunay na Kristiyano na ang Diyos na nagpasulat ng mga simulaing iyon sa kaniyang Salita ay hindi nagbabago. Nakikita niya ang bawat kilos natin, kahit yaong mga hindi nakikita ng karamihan sa mga tao. Ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”​—Hebreo 4:13.

      Pagsusulitin tayo ng Diyos kapag nilabag natin ang kaniyang utos at nanakit tayo sa iba. Pero pagpapalain naman niya tayo kapag sumunod tayo sa kaniyang kapaki-pakinabang na mga utos tungkol sa buhay pampamilya. Anu-ano ang ilan sa mga ito?

      Pamilyang Pinagbubuklod ng Pag-ibig

      Ang “pag-ibig,” ayon sa Bibliya, ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Gaya ng pagkakalarawan sa Bibliya, ang pag-ibig ay hindi basta nadarama lamang. Ito ay isang damdaming nag-uudyok kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng isang tao. (1 Corinto 13:4-8) Sa loob ng pamilya, ang pagpapakita ng pag-ibig ay nangangahulugan ng pakikitungo sa bawat isa nang may dignidad, paggalang, at kabaitan. Nangangahulugan ito ng pamumuhay na kasuwato ng pangmalas ng Diyos sa bawat miyembro ng pamilya. Bawat isa ay binibigyan ng Diyos ng marangal at mahalagang papel.

      Bilang ulo ng pamilya, ang ama ang dapat manguna sa pagpapakita ng pag-ibig. Alam niya na ang isang amang Kristiyano ay hindi pinahihintulutang maging malupit, na inaabuso ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang asawa at mga anak. Sa halip, tinutularan niya ang halimbawa ni Kristo sa pagiging ulo. (Efeso 5:23, 25) Kaya naman siya ay malambing at mapagmahal sa kaniyang asawa at mapagpasensiya at mahinahon sa kaniyang mga anak. Palagi niya silang pinoprotektahan at ginagawa niya ang lahat para mahadlangan ang anumang bagay na makapag-aalis ng kanilang kapayapaan, pagkainosente, o ng kanilang pagtitiwala at kaligtasan.

      Sa katulad na paraan, ang asawang babae at ina ay may marangal at mahalagang papel din naman. Ginamit ng Bibliya ang likas na paraan ng pagprotekta ng mga hayop sa kanilang mga anak upang ilarawan ang proteksiyong ipinakikita ni Jehova at ni Jesus. (Mateo 23:37) Dapat na ganito rin ang pagprotekta ng mga ina sa kanilang mga anak anuman ang mangyari. Dahil sa pagmamahal, hindi siya nag-aatubiling unahin ang kaligtasan ng kaniyang mga anak bago ang sarili. Hindi pahihintulutan ng mga magulang ang pang-aabuso ng kapangyarihan, paghahari-harian, o pananakot sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa o sa kanilang mga anak; ni pahihintulutan nilang gamitin ng kanilang mga anak ang mga taktikang ito sa isa’t isa.

      Kapag nakikitungo ang bawat isa sa pamilya nang may paggalang at dignidad, nagiging maganda ang kanilang pag-uusap. Ganito ang sinabi ng awtor na si William Prendergast: “Lahat ng magulang ay dapat magkaroon ng araw-araw, palagian, at puso-sa-pusong pakikipag-usap sa kanilang maliliit o mga tin-edyer na anak.” Ang sabi pa niya: “Lumilitaw na ito ang pinakamagaling na solusyon sa problema ng seksuwal na pang-aabuso.” Sa katunayan, ang gayong palagian at maibiging pakikipag-usap ang talagang iminumungkahi ng Bibliya. (Deuteronomio 6:6, 7) Kapag ikinapit ang tagubiling ito, ang tahanan ay nagiging isang dako kung saan malaya at ligtas na masasabi ng bawat isa sa pamilya ang kanilang niloloob.

      Oo nga’t nabubuhay tayo ngayon sa isang napakasamang daigdig at hindi natin laging maiiwasan ang pang-aabuso. Magkagayunman, malaki ang magagawa ng isang ligtas na tahanan. Kapag nasaktan ang isang miyembro ng pamilya sa labas ng tahanan, alam niya kung saan siya tatakbo para makadama ng kaaliwan at pagdamay. Ang gayong tahanan ay tunay na isang kanlungan at proteksiyon sa magulong daigdig na ito. Pagpalain sana ng Diyos ang inyong mga pagsisikap na gawing kanlungan ang inyong pamilya!

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share