‘Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova’
Inilahad ni Karl F. Klein
ANONG daming mga pagpapala ang dulot ng pagkakilala at paglilingkod kay Jehova! Pagka sinariwa ko ang nakaraan, ang pakiwari ko ba’y katulad ako ni David, na nagsabi: “Ako’y aawit kay Jehova, sapagka’t ginanti niya ako nang sagana.” (Awit 13:6) At talagang naranasan ko iyan! Halimbawa, pribilehiyo ko na maging bahagi ng mga naglilingkod sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, at nasaksihan ko ang paglaki ng pamilyang iyon mula sa mga 150 hanggang sa umabot sa mahigit na 3,000. Anong laking pagpapala iyan!
Subali’t, kahit na bago ko natutuhan ang katotohanan, ako’y ginanti na rin nang sagana ng Diyos. Si inay ay hindi lamang totoong mapagpasakop at mapagsakripisyo-sa-sarili kundi palagi ring sumisipi ng mga teksto pagka kaniyang pinapayuhan o itinutuwid kami na mga anak niya. Ibibida ko sa inyo ang tungkol sa nakalipas na mga araw na iyon.
Kami’y Nagsimulang Lumakad sa Katotohanan
Una kong nakilala ang katotohanan sa Bibliya noong tagsibol ng 1917 nang makapulot ako ng isang handbill na nag-aanunsiyo ng pahayag tungkol sa impierno. Naging totoong interesado ako rito dahil sa naiisip ko na baka ang laging nagagawa ko’y ang masama, kaya’t nag-aalala ako na baka sa nagliliyab na impierno ako magtungo pagka namatay ako. Nang ipakita ko ang handbill kay inay, kaniya pang hinimok ako na magpunta, at ang sabi: “Hindi naman makakasama iyan sa iyo, baka pa nga makabuti.”
Si Ted, isa sa aking mga nakababatang kapatid na lalaki, at ako ang naparoon upang makinig sa pahayag na itinataguyod ng mga Bible Students, na siyang tawag sa mga Saksi ni Jehova noong mga araw na iyon. Sa pamamagitan ng Kasulatan at ng matinong pangangatuwiran ay buong husay na ipinakita ng tagapagpahayag na ang Bibliya’y hindi nagtuturo ng isang nag-aapoy na impierno. Lahat ng napakinggan ko roon ay totoong makatuwiran sa pakiwari ko kung kaya’t nang makarating na ako sa amin ay ibinulalas ko, “Nanay, walang impierno, at alam ko!” Sumang-ayon naman siya, at sinabi pa niyang ang “impierno” ay narito sa lupa, sapagka’t siya mismo ay nakaranas na ng maraming hirap.
Isa pang pahayag ang inianunsiyo para sa susunod na Linggo ng hapon, subali’t walang sinuman na nakipag-usap sa amin na mga mumunting batang lalaki na edad 11 at 10 anyos. Pagkatapos na makadalo kami sa Sunday School at makapagsimba nang umagang iyon, kami’y nakipaglaro sa mga ibang batang lalaki doon sa aming lugar. Subali’t lahat ay waring napapauwi sa masama noong hapong iyon. Binulay-bulay ko ang kasiya-siyang karanasan ng nakalipas na linggo, at ang sabi ko sa aking sarili: “Karl, ibig sabihin sa iyo ng Diyos na hindi ka muna dapat maglaro kundi ang dapat ay makinig ka muna ng isa pa sa mga mahuhusay na pahayag na iyon sa Bibliya.” Kaya’t kami ni Ted ay naparoon na naman, at sa pagkakataong ito kami’y kinausap na ng mga Bible Students at hinimok kami na bumalik uli sa susunod na Linggo. Kami’y pumayag, at magmula na noon ay wala na kaming palya ng kadadalo sa mga pulong Kristiyano. Pagka ginugunita ko ang nakaraan, madaling makita kung paano, malimit, kinakastigo ako ni Jehova, wika nga, pagka gumagawa ako ng isang bagay na hindi ko dapat gawin. Natutuhan ko na ang buhay ay hindi ito AT iyon kundi ito O iyon.
Lahat na iyan ay nangyari sa Blue Island, isang arabal ng Chicago, Illinois. (Ako’y masasakitin na sa mula’t-sapol na isilang ako sa timog-kanlurang Alemanya, at nang ako’y singko anyos ay lumipat kaming mag-anak sa Estados Unidos at sa wakas ay doon sa bayang iyan kami nanirahan.) Doon kung kalagitnaan ng sanlinggo ang mga Bible Students ay may mga pag-aaral na nakasalig sa aklat na Tabernacle Shadows. Agad nagsimula ako ng pagdalo sa mga pag-aaral na ito na lubhang kawili-wiling daluhan, lalo na dahil sa ang conductor ay gumagamit ng isang modelo ng Tabernacle upang ipaliwanag ang lahat ng tinatalakay. Gayunman, hindi ko agad-agad nakita na kailangang pumili ako sa dalawa: ang mga pulong na ito o ang Iglesya Methodista, na pinagkumpilan sa akin kamakailan lamang.
Dahil sa isa lamang akong bata at maralitang-maralita ang aming pamilya, ako’y binigyan na lamang ng mga Bible Students ng lahat ng kinakailangang mga aklat-aralan. Anong laki ng aking katuwaan na matutuhan ang katotohanan tungkol sa kaluluwa, sa Trinidad, sa Sanlibong-Taong Paghahari ni Kristo, at iba! Hindi nagtagal at ako’y maligayang nakikibahagi na sa pamamahagi ng Bible Students Monthly at Kingdom News. Nang tagsibol ng 1918, nakita kong isang pribilehiyo ang pagtatalaga (consecration), na tawag sa pag-aalay (dedication) noong panahong iyon, at ang pagpapabautismo. Sa aming tahanan ay hindi ito naging isang problema, sapagka’t si inay ay interesado sa aking natututuhan, at si itay naman, na may 20 taon nang isang predikador na Methodista, ay malimit na nasa paglalakbay ngayon. Siya’y umuuwi nang mga ilang araw lamang tatlo o apat na beses sa loob ng isang taon.
Isang Pagsubok sa Pag-iibigang Magkakapatid
Nang mga araw na iyon ay sinabihan kami: ‘Kung ibig mong manatili sa katotohanan, basahin mo ang pitong Studies in the Scriptures tuluy-tuloy sa taun-taon.’ Siempre pa, ibig kong manatili ako sa katotohanan kaya naman puspusang binasa ko sa taun-taon ang mga babasahing ito hanggang sa natawag ako sa Bethel. Bale sampung pahina isang araw ang nababasa ko, na totoong kinawilihan ko yamang talagang hilig na hilig kong kumuha ng kaalaman.
Hindi pa nagtatagal pagkatapos na ako’y bautismuhan noong 1918, napalagay sa pagsubok ang aking katapatan sa kung tatangkilikin ko baga ang aking mga kapuwa Bible Students. Kasalukuyang nag-aalab noon ang Digmaang Pandaigdig I, at bagaman ang pinakaprominenteng mga kapatid ay ibinilanggo nang walang kasalanan dahil sa isyu sa digmaan, ang pangangailangan ng Kristiyano na maging neutral o walang pinapanigan ay hindi pa lubusang nasasakyan ng mga nangunguna. Ang mga ilan na nakabatid ng isyu ay nagdamdam at humiwalay sa mga Bible Students, at ang sarili nila’y tinawag na mga Standfasters. Kanilang pinaalalahanan ako na kung hindi ako hihiwalay sa mga Bible Students ay maaalis ako sa pagiging bahagi ng “munting kawan” ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus. (Lucas 12:32) Datapuwa’t, si inay ang tumulong sa akin upang magpasiya nang tama. Hindi ko maaatim na humiwalay sa mga taong kinatutuhan ko ng napakarami, kaya’t ipinasiya ko na makipagsapalaran sa panig ng aking mga kapatid na Bible Students. Talagang isang pagsubok iyon ng katapatan. Magmula noon, nasaksihan ko ang maraming pagsubok sa katapatan na hawig doon. Pagka may nagawang mga pagkakamali, ang mga talagang hindi taimtim ang katapatan ay waring sinasamantala iyon at ginagawang dahilan upang humiwalay.—Ihambing ang Awit 119:165.
Sa aking pagsisikap na maglingkod kay Jehova ay naging isang malaking pampatibay-loob ang 1922 na kombensiyon sa Cedar Point ng mga Bible Students. Doon ay napakinggan namin si J. F. Rutherford (noo’y pangulo ng Watch Tower Society) na nagbigay ng pampasiglang panawagan na: “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Bagaman sa simula’y nakibahagi na ako sa iba’t-ibang anyo ng pagpapatotoo, magbuhat ng kombensiyong iyan unang-unang nagbahay-bahay ako, at nag-alok ng mga babasahin sa Bibliya sa maliit na abuloy. Para bang mahirap na mahirap iyon para sa akin!
Kaya naman hindi na ako uli nakibahagi sa gayong pagbabahay-bahay kundi noong kombensiyon sa Columbus, Ohio noong 1924. Pagkaraan, mayroong kahit isang tao na palagiang nakikibahagi sa aktibidad na ito sa aming lokal na kongregasyon. Sapol na noon ay napag-unawa ko ang malaking kahalagahan ng ministeryong iyan hindi lamang para sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian kundi pati rin sa pagpapatibay ng pananampalataya ng isang tao at pagpapaunlad ng lahat ng iba pang mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Hindi maikakaila: Ang palagiang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay totoong kapaki-pakinabang.
“Sa Lupain ng Bethel Ako Maninindigan!”
Medyo may pagkakaiba nang mga araw na iyon ang mga kaayusan sa loob ng kongregasyon. Nang isa pa akong teenager, ako’y inihalal na isang elder (matanda), conductor ng Congregation Book Study, tagapagsaayos ng iskedyul para sa pangmadlang tagapagpahayag na nanggagaling sa Chicago at tagapag-asikaso ng pag-aanunsiyo ng mga pahayag na ito sa lokal na pahayagan at sa pamamagitan ng mga handbills. Pagkatapos ng kombensiyon noong 1924 sa Columbus, Ohio ay nakita kong dapat akong magprisinta para sa paglilingkod sa pandaigdig na hedkuwarters ng mga lingkod ni Jehova. Matagal na ang puso ko’y nasa ganiyang paglilingkuran sa Bethel, subali’t isang biglaang pagbabago sa mga kalagayan sa tahanan ang nagpangyaring tila hindi ito kalooban ni Jehova para sa akin. Gayunman, pansamantala lamang pala iyon, sapagka’t natawag ako sa Bethel noong Marso 23, 1925.
Ganiyan na lamang ang aking kagalakan kung kaya, nang sumulat ako sa amin, ganito ko binanggit ang awiting “Dixie”: “Sa lupain ng Bethel ako maninindigan, upang sa lupain ng Bethel mamuhay at mamatay!” Makalipas ang 59 na taon ay ganiyan pa rin ang damdamin ko tungkol sa Bethel. Siyanga pala, waring angkop na sabihin ko kung paano ulit at ulit na ginanti ako ni Jehova. Pagkatapos lamang na tanggapin ko sa aking kalooban na hindi pala kalooban ni Jehova na mapasa-akin ang isang bagay na pinakamimithi ko, saka lamang mapapasa-akin iyon sa bandang huli. Naalaala ko tuloy si Abraham nang siya’y subukin tungkol sa kung ipagkakaloob niya ang kaniyang anak ‘na mahal na mahal niya.’—Genesis 22:2.
Sa Bethel, unang naatasan ako na magtrabaho sa composing room ng palimbagan ng Samahan sa 18 Concord Street, Brooklyn, New York. Hindi nagtagal at ako’y napalipat sa pinaka-silong na palapag upang tumulong sa pagpapaandar ng “The Old Battleship,” na siyang magiliw na tawag sa rotary press ng Samahan noong panahong iyon. Angaw-angaw na mga tracts ang nililimbag namin doon. At noon 30,000 sipi bawa’t isa ng ating dalawang magasin ang nililimbag. Sa kasalukuyan, para sa bawa’t labas, ang katamtamang nililimbag na The Watchtower ay 10,200,000 sipi, at 8,900,000 sipi naman ng Awake!
Nang bata pa ako’y nag-aral ako ng biolin nang may dalawang taon. Kaya’t nang pumasok ako sa Bethel, ako’y nagboluntaryong tutugtog sa orkestra na nag-iinsayo nang dalawang gabi sa isang linggo at tumutugtog kung mga Linggo ng umaga sa radio station WBBR ng Samahan. Nang mapag-alaman kong kailangan ang isang manunugtog ng cello, bumili ako ng cello at nag-aral niyaon.a Nang sumapit ang 1927 sampu kaming inanyayahan na tumugtog nang buong panahon sa himpilan ng Samahan sa Staten Island. Pasimula na iyon ng pagbibigay sa akin ng mga pribilehiyo sa musika na nagpatuloy sa sumunod na mga taon.
“Karl, Mag-ingat Ka!”
Mahilig na mahilig ako sa musika! Tunay na isang malaking kagalakan na buong panahon ko’y doon nakaukol. Nang naglilingkod ako sa Staten Island, nagkaroon din ako ng pambihirang pribilehiyo na higit na makilala si J. F. Rutherford, na pangulo noon ng Watch Tower Society. Ito’y sapagka’t ang kalahati ng bawa’t sanlinggo ay doon niya ginugugol, yamang ang tahimik na mga kapaligirang iyon ay angkop na angkop para sa pagsulat at anong dami ng kaniyang isinusulat!
Si Brother Rutherford ay mistulang isang ama sa akin, maunawain at mapagmahal, bagaman may paulit-ulit na pagkakataong sinaway niya ako dahil sa paglabag ko sa ilang alituntunin. Tandang-tanda ko pa na minsan ay tahasang sinaway niya ako. Nguni’t, nang magkita uli kami, masayahing binati niya ako ng, “Hello Karl!” Subali’t dahil sa may hinanakit pa ako noon, bahagya ko na lamang siyang binati. Ang tugon niya, “Karl, mag-ingat ka! Ikaw ay pinupuntirya ng Diyablo!” Napahiya ako, at ang tugon ko, “Oh, wala pong anuman, Brother Rutherford.” Subali’t mas malaki ang nalalaman niya, kaya’t inulit niya ang kaniyang paalaala, “Ayos naman. Basta mag-ingat ka. Pinupuntirya ka ng Diyablo.” Tamang-tama siya! Pagka tayo’y nagkimkim ng sama ng loob laban sa isang kapatid, lalo na dahilan sa pagsasalita ng kapatid na iyon ng isang bagay na may karapatan siyang sabihin dahil sa kaniyang tungkulin, ating isinasapanganib ang sarili natin na masilo ng Diyablo.—Efeso 4:25-27.
Minsan, dahil sa ilang di-pagkakaunawaan, mali ang pagkasabi kay Brother Rutherford na ako raw ay namintas nang husto sa kaniya. Datapuwa’t, sa halip na magalit, ang sabi niya: “Bueno, si Karl ay totoong mahilig magsalita, at may sinasabi siyang mga bagay na hindi talagang iyon ang ibig niyang sabihin.” Anong gandang halimbawa para sa ating lahat, sakaling may marinig tayong sinuman na nagsasalita ng hindi mabuti tungkol sa atin! Oo, si Brother Rutherford ay mabait at totoong maunawain. Ito’y napatunayan ko sa paulit-ulit na ganoong trato niya sa akin pagka sa gitna ng di-karaniwang mga kalagayan ay waring may katuwiran siyang masamain ang aking ginawa, at siya’y humihingi sa akin ng paumanhin nang hindi lamang minsan pagka siya’y nabigla ng pagsasalita ng nakasakit sa akin.b Masasabi pa rin na sa mga panalangin ni Brother Rutherford sa pagsamba kung umaga ay napamahal siya sa akin. Bagaman maugong at malakas ang kaniyang boses, pagka nananalangin siya sa Diyos ay gaya lamang iyon ng boses ng munting bata na nakikipag-usap sa kaniyang tatay. Anong lapit na kaugnayan kay Jehova ang isinisiwalat niyan! Ang pangunguna ng isang taong may ganiyang espirituwalidad ay nakapagpatibay ng aking pananampalataya, at nadama ko na dapat ngang magkagayon sa organisasyon ni Jehova.
Ibinalik Ako sa Brooklyn
Ang orkestra ay lumagi sa Staten Island nang dalawa at kalahating taon lamang. Pagkatapos ay ibinalik kami sa Brooklyn na kung saan nagtayo ng isang bagong himpilan ng radio. Pagkatapos na tumugtog ako sa orkestra nang mga sampung taon pa, iyon ay nilansag na, at doon ako nagtrabaho uli sa pabrika, una sa tagapagbuo ng aklat (book bindery) at nang magtagal ay sa mga limbagan. Subali’t hindi nagtagal at ako’y inilipat sa Service Department na kung saan, sa loob ng mga ilang taon, nagkapribilehiyo ako na mag-asikaso sa mga 1,250 espesyal payunir—inaatasan sila ng teritoryo, sinasagot ang kanilang liham, at iba pa. Buwan-buwan ay pribilehiyo ko rin ang buuin ang ulat sa paglilingkod sa larangan sa Estados Unidos at karatig na mga bansa. Anong laking pagpapala! Isa na rito ang pagtatamasa ng malapit na kaugnayan kay Brother T. J. Sullivan, na noon ay siyang tagapangasiwa ng Service Department. Nang panahon na gumagawa ako sa departamentong ito, ang mga mamamahayag ng Kaharian ay dumami buhat sa 100,000 hanggang sa halos 375,000 sa buong daigdig. Anong laking kagalakan na makitang magmula noon ang mga Saksi ni Jehova ay dumami nang makapitong beses, at naging mahigit na dalawa at kalahating milyon!
Pasimula sa pangungulo ni N. H. Knorr, nagalak akong makita na lalong pinag-ibayo ang paggawa sa bawa’t Saksi na kuwalipikadong ministro na nakapagsesermon sa mga bahay. At noon ay sinasanay ang mga kapatid na lalaki na magpahayag sa madla. Totoong interesado ako sa pagsisimula ng Watchtower Bible School of Gilead, sapagka’t ang kapatid kong si Ted (na kasama ko sa unang pahayag ng mga Bible Students at payunir na magmula pa noong 1931) ay nasa unang klasengc ito.
Pagbabago ng Atas
Isang araw noong tagsibol ng 1950, ako at ang isa pang kapatid ay inanyayahan ni Brother Knorr sa kaniyang opisina at itinanong sa amin kung ibig naming doon maglingkod sa Writing Department (kagawaran ng pagsulat). Nang sabihin ko sa kaniya na hindi naman bale kung saanman ako ilagay, sinaway niya ako sa ganoong pangangatuwiran, at sinabi na pagka raw inialok sa isang tao ang isang karagdagang pribilehiyo sa paglilingkuran dapat na malugod niyang tanggapin iyon. Subali’t, ang totoo, ang ganoon kong kaisipan ay dahil sa aking mahinang kalusugan, na sa tuwina’y suliranin ko kaya dapat akong kumain at maghersisyo nang husto. Wala nga palang mas nababagay sa akin kaysa ang lahat ng aking panahon ay gugulin ko sa pananaliksik at pagsulat ng mga artikulo, lalo na tungkol sa mga paksa sa Kasulatan. Subali’t batid ko na hindi madali ang gawaing iyon. Sa katunayan, tungkol sa Writing Department, sa akin ay sinabi minsan ni Brother Knorr: “Narito ang pinakamahalaga at pinakamahirap na trabaho.”
Noong 1951 marami kaming mga taga-Brooklyn Bethel na dumalo sa isang malaking espirituwal na kapistahan sa “Malinis na Pagsambang” kombensiyon sa London. Pagkatapos na makadalo rin sa kombensiyon sa Paris, ang iba sa amin ay dumalaw sa ilan sa mga sangay ng Samahan, pati na sa Wiesbaden. Doon ko nakilala si Gretel Naggert na makalipas ang 12 taon ay sumang-ayon na pakasal sa akin at maging si Sister Klein. Pagkatapos na maglingkod sa Bethel nang 38 taon bilang isang binata, nadama kong makabubuti sa akin ang pakasalan siya at maging aking kapilas ng buhay. At napatunayan ko sa aking pag-aasawa na totoo ang sinabi ni Salomon: “Ang isa ba’y nakatagpo ng isang mabuting asawang babae? Siya’y nakasumpong ng mabuti, at nagkakamit ng kabutihang-loob buhat kay Jehova.” (Kawikaan 18:22) Oo, dito na naman ay ginanti ako nang sagana ni Jehova, sapagka’t si Gretel ay naging isang malaking tulong sa akin sa napakaraming paraan.d
Si Brother Knorr—Isang Nakatatandang Kapatid
Ang relasyon ko kay Brother Rutherford ay tulad niyaong sa isang mapagmahal na ama at ng kaniyang anak. Subali’t ngayon, yamang si Brother Knorr ay mga ilang buwan lamang ang tanda sa akin, ang relasyon namin ay tulad ng sa magkapatid—na ang nakatatandang kapatid ay malamang na makitaan ng kawalang pasensiya sa mga kahinaan ng nakababata. Si Gretel ay mahilig mamilosopya tungkol sa ganiyang mga pagkakaiba. “Totoo naman,’ aniya, ‘hindi dapat asahan na ang isang may kakayahang tagapangulo at ang isang napakaromantikong musikero ay laging magkakaisa ng pag-iisip!’ Subali’t baka mali ang maging pagkaunawa riyan, kaya dapat kong sabihin na si Brother Knorr ang aking paboritong tagapagsalita. Minsan ay tinukoy niya ako na siyang anino niya, sapagka’t kung saan siya magpahayag ay laging naroroon ako. At, katulad ko rin siya na mahilig sa musika at muling ipinasok niya ang kaayusan na pag-aawitan sa ating mga pulong sa kongregasyon. Siya’y naging interesado sa paglalathala ng aklat-awitan.—Efeso 5:18-20.
Napatunayan ko rin na ang pinili ni Jehova’y ang karapat-dapat na tao upang mamatnugot sa Kaniyang gawain sa lupa, sapagka’t si Brother Knorr ay isang mahusay na organisador. At nauunawaan niya ang kahalagahan ng tamang edukasyon, gaya ng pinatutunayan ng kaniyang pagsasaayos ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ng paaralang misyonero ng Gilead, ng Kingdom Ministry School at ng Bethel Entrants’ School.
Naalaala ko tuloy ang sinabi minsan sa akin ng coordinator ng sangay sa Britanya. Kaniyang napansin na si Brother Knorr ay may magandang katangian na hindi pagpapahintulot na maimpluwensiyahan siya ng mga personalidad pagka humihirang ng mga ilalagay sa tungkulin sa organisasyon. Totoo iyan, sapagka’t kung hindi gayon, disin sana’y hindi ko kinamit ang lahat ng pribilehiyo na ipinahintulot niyang kamtin ko may kaugnayan sa mga kombensiyon, sa musika, sa pagsulat at sa iba pa. Sa bagay na ito, si Brother Knorr ay isang mainam na tagatulad kay Jesu-Kristo. Sa papaano? Bueno, sino ba ang paborito ni Jesus? Si Juan. Pero kanino niya ipinagkatiwala “ang mga susi ng kaharian”? Kay Pedro, sa kabila ng pagkamapusok ng apostol na iyan.—Mateo 16:18, 19; Juan 21:20.
Oo, anong laking pakinabang ang nakamit ko sa pakikitungo sa akin ni Jehova sa kabila ng aking mga kahinaan at pagkukulang! Gayunman, bagaman lubhang pinagpala ako sa loob ng mahigit na 50 taon, ang pinakadakilang pribilehiyo ay kakamtin ko sa hinaharap pa. Noong Nobyembre 1974, ako’y inanyayahan na maging isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ganiyan na lamang ang kabiglaanan ko sa paanyayang ito na anupa’t kinailangan ko ang pampatibay-loob upang tanggapin ito. Ipinabatid din sa akin na mayroon pang mga iba na aanyayahan, at ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay dumami mula sa 11 hanggang 18.
Ang nagpatibay-loob sa akin na tanggapin ang pinakahuling atas na ito ay si Frederick W. Franz na noong 1977 ay humalili kay Brother Knorr bilang pangulo ng Samahan. Mula’t-sapol na pumasok ako sa Bethel, ako’y naakit na sa kaniya dahilan sa kaniyang kaalaman sa Bibliya at sa kaniyang pagkapalakaibigan. Noong sinaunang mga araw, kami ay magkasama pang dumadalo sa mga pulong sa Aleman na ukol sa panalangin, pagpupuri at pagpapatotoo. Sapol ng mga araw na iyon ang ilan sa aking mahalagang mga teokratikong aktibidades ay may kaugnayan sa kaniya. Isa na rito ang aking pagsama-sama sa kaniya, kasama pati aking kapatid na lalaki at kaniyang maybahay, sa pagdalaw sa ating mga kapatid na naglilingkod bagaman binabawalan sa Dominican Republic. Higit kailanman ay ngayon ko nalasap ang gayong kainit at taus-pusong pagpapakita ng pag-ibig Kristiyano. Pagkalaki-laking bagay sa ating mga kapananampalataya roon ang pagsuong namin sa panganib na makasagupa si Trujillo upang madalaw lamang namin sila!
Noong nakalipas na mga taon si Brother Franz, ako’t aking asawa, kasama ang mga iba pa, pati si A. D. Schroeder, ay dumalaw sa mga lupain na kinaganapan ng mga pangyayari sa Bibliya at sa mga ilang bansa sa Timog Amerika, kasali na ang Bolivia, na kung saan naglingkod si Gretel nang mahigit na siyam na taon bilang isang misyonera. Ang paglalakbay na kasama ni Brother Franz ay nagdulot ng mga karagdagang pribilehiyo sa paglilingkod, sapagka’t iginigiit niya na makibahagi sa kaniya ng pagpapahayag sa plataporma ang kaniyang mga kasama. Di pa gaanong natatagalan ay magkasama kaming nakibahagi sa mga pribilehiyo sa kombensiyon sa Europa at Sentral Amerika. Sa paglingon ko sa nakalipas, waring si Brother Franz ay sa tuwina isang alalay sa akin. Halimbawa, sa aming pagliliwaliw sa nasabing mga lupain sa Bibliya isang kapatid sa aming grupo ang muntik nang mapasuong sa pagkakaroon ng suliranin sa pulisya dahilan sa pagkuha ng larawan ng mga ipinagbabawal, sa gayo’y lumikha ng aming pagkaatraso. Ganiyan na lamang ang aking galit, nguni’t ngumiti lamang si Brother Franz at ang sabi, “Siguro’y matututo siya ng leksiyon.” At ganoon nga ang nangyari! Tiyak iyon: Ang pakikisama ko kay Brother Franz ay isa pang paraan ng saganang pagganti sa akin ni Jehova.
Hindi Lahat ay “Panatag na Paglalayag”
Hindi ko rin dapat kaligtaan ang saganang pagganti sa akin ni Jehova kung tungkol sa gawaing iniatas sa akin. Kalimitan ang isang proyekto ay lumabas na napakamatagumpay dahilan sa mga bagay na doo’y talagang wala akong kapangyarihan. (Ihambing ang Awit 127:1; 1 Corinto 3:7.) At malimit na nakikita ko ito tungkol sa mga bagay na pang-organisasyon. Halimbawa, may mga 40 taon na ngayon ang Samahan ay bumili ng isang bahay sa Willow Street para gamitin namin na garahe. Ngayon kung hindi namin nabili ang bahay na iyon, hindi sana kami nakapagtayo ng isang tunel na nagkukunekta sa Towers building at sa natitirang bahagi ng Bethel complex. Nang mangailangan kami ng higit pang espasyo na matitirahan, aming nabili ang Towers Hotel. Nang mangailangan kami ng higit pang espasyo para sa opisina, aming nabili ang Squibb complex. At ang mga pasilidad na ito ay hindi kalayuan sa Bethel upang malakad. Maraming katulad na mga bagay ang nangyari at ito’y sa kapakinabangan ng organisasyon ni Jehova sa mga ibang bansa.
Dahilan sa minanang mga kahinaan at sa aking pagkamapusok, ako’y napaharap sa mga pagsubok at kapighatian, kasali na rito ang pagkakasakit ko ng nerbiyos (nervous breakdown) pagkatapos ng siyam na taon na ako’y nasa Bethel. Nang panahong iyon, ang Awit 103 ay tunay na nakaaaliw sa akin, pati na rin ang mga salita ni Pablo sa Roma 7:15-25. Masasabi ko pa rin na ako’y nakaranas din ng mga kapahamakan, tulad baga nang mabalian ako ng tuhod, ng gulugod, at iba pa. Kapuwa ang aking sariling mga kahinaan at pati yaong sa iba ay nakahadlang sa buhay ko upang hindi lahat ng bahagi nito’y maging “panatag na paglalayag.” Subali’t sa tulong ni Jehova ay napag-unawa ko ang katotohanan na ‘kung kaniyang ipinahihintulot, maaari ko ring pagtiisan iyon,’ gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 10:13. At, ‘mientras nagbabawas ako ng ikabubuhay, lalo nang makapagbibigay ako nang higit.’ Ang isa pang leksiyon na natutuhan ko ay yaong pangangailangan na linangin ang “saloobin ng paghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan,” at tanggapin ang kalagayan na ako ay “isang nakabababa.”—Mikas 7:7; Lucas 9:48.
At, isa pa, paulit-ulit na may dahilan akong magkaroon ng kaisipan na gaya ng kay David pagkatapos ng pangyayari tungkol kay Nabal. (1 Samuel 25:2-34) Siya’y napasasalamat kay Jehova at kay Abigail dahilan sa kanilang tinulungan siya na huwag magbubo ng dugo sa pamamagitan ng paglipol sa buong sambahayan ni Nabal. Oo, tinulungan ako ni Jehova upang huwag makagawa ng malulubhang kasalanan. Kaniyang ginawa ito sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel, ng kaniyang pangangalaga at ng maygulang na mga kapatid at gayundin ng napakaraming matutulunging Kristiyanong “Abigail.” Masasabi ko pa rin na ako’y napasasalamat kay Jehova na kapag ako’y mahina sa espirituwal ang pagkakataon na padala sa tukso ay malayo at kung sakaling malapit naman ito ay may sapat na lakas ako sa espirituwal at nadadaig ko iyon. Sa madali’t-sabi, ang hilig na magkasala at ang pagkakataon para sa pagkakasala ay hindi kailanman nagkakasalubong, sapagka’t batid ni Jehova na sa kaibuturan ng aking puso ay talagang ang ibig kong laging gawin ay yaong mabuti. Anong laki ng aking pasasalamat na hindi ang mga kamalian ang binabantayan ni Jehova!—Awit 130:3.
Hindi ko rin dapat kaligtaan ang saganang iginanti sa akin at sa iba ni Jehova sa pamamagitan ng paglalaan ng ekselenteng espirituwal na pagkain sa loob ng lumipas na mga taon. (Mateo 24:45-47) Hindi mapag-aalinlanganan na ang liwanag ng katotohanan ay sumisikat nang lalong maliwanag para sa mga matuwid. (Awit 97:11) Magbuhat nang unang tumanggap ako ng ‘gatas ng salita,’ narito ang ilan lamang sa maraming pagkaiinam na mga espirituwal na katotohanan na naunawaan ng mga lingkod ni Jehova: ang pagkakaiba ng organisasyon ng Diyos at ng organisasyon ni Satanas; na ang pagbabangong-puri kay Jehova ay lalong mahalaga kaysa kaligtasan ng mga nilalang; na ang mga hula tungkol sa pagsasauli ay kumakapit sa espirituwal na Israel; na ang pamumuhay at pangangaral bilang Kristiyano ay parehong mahalaga; at na ang mahihina at di-sakdal na mga nilalang na kagaya natin ay makapagpapagalak sa puso ng ating Diyos, na ang walang katulad na pangalan ay naging pribilehiyo natin na taglayin bilang mga Saksi ni Jehova.—1 Pedro 2:2; Kawikaan 27:11; Isaias 43:10-12.
May dahilan ba akong umawit kay Jehova dahilan sa ako’y ginaganti niya nang sagana? Oo, may dahilan ako!
[Mga talababa]
a Si Carey Barber ang tumutugtog ng pangalawang biolin sa orkestrang iyon. Kapuwa hindi kami nag-iisip noon na pagkalipas ng 58 taon ay magkasama pa rin kami sa ganoong “orkestra” nguni’t tumutugtog naman ng naiibang uri ng musika! Nasa Agosto 15, 1982, labas ng The Watchtower ang kasaysayan ng buhay ni C. Barber.
b Tungkol sa mga nagmintis na pangungusap tungkol sa inaasahang mangyayari noong 1925, inamin niya sa amin sa Bethel, “Ako’y naging hangal.”
c Ang kasaysayan ng kaniyang buhay ay inilathala sa The Watchtower ng Hunyo 1, 1957, pahina 329-31.
d Tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 130-1.
[Larawan sa pahina 13]
Si J. F. Rutherford ay mistulang isang ama sa akin
[Larawan sa pahina 14]
Kapiling ko si Gretel, ang aking maybahay—isang masaganang ganti sa akin ni Jehova
[Larawan sa pahina 15]
Si N. H. Knorr ay parang nakatatandang kapatid ko
[Larawan sa pahina 17]
Si F. W. Franz—isang tunay na kaibigan at alalay