Paglilingkod kay Jehova Nang Palagian
1 Anong ligaya natin na si Jehova ay hindi urong-sulong sa kaniyang kagandahang-loob! Sa kaniya ay walang anumang “pagbabago ni kahit anino man ng pag-iiba.” (Sant. 1:17) Subali’t tayo ba ay palagian sa ating debosyon sa kaniya? Tunay na kailangan nating gawin ang buong makakaya upang tularan ang halimbawa ni Jehova.—Efe. 5:1, 2.
2 Si Daniel ay isang mainam na halimbawa ng pagkapalagian sa paglilingkod kay Jehova. Kahit na alam niyang may batas na nagbabawal na manalangin maliban sa hari, siya ay patuloy na nanalangin kay Jehova nang hayagan gaya ng “kaniyang dating ginagawa.” Bagaman siya’y inihagis sa mga leon dahilan dito, sinugo ni Jehova ang kaniyang anghel at “itinikom ang mga bibig ng mga leon.” (Dan. 6:6-10, 16, 22) Kaya si Daniel ay nanatili sa kaniyang tapat na pagsunod sa mga kahilingan ni Jehova, at siya’y iniligtas ni Jehova.
3 Kung tayo ay magpapakita ng patuloy na debosyon sa pagsunod sa mga batas ni Jehova, makakaasa rin tayo na tatanggap ng kaniyang pagsang-ayon. Hindi ba’t isang kagalakan na makita ang sigasig sa gawain ng Diyos na ipinakikita ng kaniyang bayan sa ngayon? Anong kasiglahan sa puso na makita ang malaking bilang ng mga mamamahayag na nagboboluntaryo sa paglilingkuran bilang auxiliary at regular payunir! Yaong mga masikap na gumagawa sa espirituwal na kapakanan ng iba ay nagtatamasa ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova.
4 Tulad ni Daniel, tayo rin ay may mga kaaway na nagsisikap na sirain ang ating pananampalataya at italikod tayo mula sa ating palagiang pagsamba kay Jehova. Ang Diyablo, ang espiritu ng sanlibutan, at ang ating sariling mga kahinaan ng laman ay nanggigipit sa atin upang tayo ay mag-urong-sulong sa ating paglilingkuran. Papaano tayo mapalalakas upang makatayong matatag? Yaong mga nanatiling matatag sa katotohanan sa loob ng maraming taon ay nagsasabi sa atin na ang pananatiling malapit kay Jehova ang tumutulong sa kanila nang malaki upang mapaglabanan ang mga panggigipit na ito. Tulad ni Daniel sila ay palagian sa pananalangin, na hinahanap ang patnubay ni Jehova. Upang tiyak na taglayin ang kaniyang espiritu, sila ay palagiang dumadalo sa mga pulong. Ang lahat ng ito, lakip ang personal na pag-aaral, ay tumutulong sa kanilang makapagtiis ng mga pagsubok at pukawin ang iba sa “pag-ibig at mabubuting gawa.”—Heb. 10:24.
5 Sa pamamagitan ng paggamit ng ganito ring paraan sa pagtatamo ng espiritu ng Diyos, ang mga tapat na lalaki at babae saan mang dako ay nasasangkapan upang ibahagi sa iba ang kanilang natututuhan. Ang mga tapat na ito ay nagsasabi na ang pagbabalita sa iba ng kanilang pag-asa ang pinakamabuting paraan upang maipako ang kanilang mga mata sa gantimpala sa unahan. At kung papaanong si Daniel ay napalakas ng kaniyang pakikipagsamahan sa iba pang kabataang lalaki na may paggalang sa mga batas ng Diyos, ang pakikisama sa iba sa paglilingkod sa Kaharian ay makapagpapalakas sa atin na makapanatiling matatag sa pananampalataya.—Dan. 1:6, 17.
6 Sa Hunyo pagsikapan natin na makapagbigay ng isang mainam na halimbawa sa paglilingkod kay Jehova nang palagian. Ang ating sigasig sa paggawa sa bahay-bahay, mga pagdalaw-muli, pagsasagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya at pagsasamantala sa lahat ng mga pagkakataon na maibahagi ang mabuting balita ay pagpapalain ni Jehova. Habang tayo ay nagbibigay ng wastong pansin sa espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga baguhan na sumasama sa atin, matutulungan natin silang maglingkod din kay Jehova nang palagian.