Luwalhatiin ang Diyos Bilang Isang Payunir Ngayong Tag-araw
1 Ang ating taunang teksto para sa 1989 ay nagpapaalaala sa ating pribilehiyo at pananagutan na matakot at lumuwalhati sa ating dakilang Maylikha. Ito’y nagsasabi: “Matakot sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa kaniya.” (Apoc. 14:7) Papaano natin luluwalhatiin si Jehova?
2 Ang Unang Pedro 2:12 ay nagpapakita na dahilan sa ating mabubuting gawa, ang mga tao na nagmamasid sa atin ay “luluwalhati sa Diyos sa araw ng kaniyang pagdalaw.” Gayundin, sa Juan 15:8, si Jesus ay nagsabi: “Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami at patunayang kayo’y aking mga alagad.” Kaayon nito, may bubuti pa bang paraan upang luwalhatiin ang Diyos kaysa sa pagluluwal ng maraming bunga ng Kaharian sa gawaing pagpapayunir?
ANGKOP NA PANAHON PARA MAGPAYUNIR
3 Walang alinlangang ang mga dumarating na buwan ay angkop na mga panahon upang higit tayong makibahagi sa gawaing pang-Kaharian. Sa Marso 22 ay ipagdiriwang ng buong bayan ni Jehova ang Memoryal. Ito’y panahon upang naisin nating lahat na ipahayag ang ating taimtim na pag-ibig at pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Wala nang pinakamabuti pang paraan upang maipakita ang pagpapahalaga kaysa sa paggamit sa buong buwan sa gawaing pagpapayunir. Kayo ba’y makikibahagi bilang auxiliary payunir sa Marso? Noong Marso, 1988 may 6,662 ang nasa gawaing ito, subali’t nakatitiyak tayong marami pa ang papasok sa taóng ito.
4 Tuwing Abril ng bawa’t taon tayo ay gumagawa ng pantanging pagsisikap sa paglilingkod sa Diyos. Sa Abril ay masusumpungan ninyo na mas madaling maging isang auxiliary payunir yamang may limang Sabado at limang Linggo sa buwang iyon. Noong nakaraang Abril may 18,891 na nag-ulat bilang auxiliary payunir, mababa nang kaunti kaysa noong 1987. Mayroon bang dahilan kung bakit hindi natin aabutin ang 25,000 sa gawaing ito sa 1989? Ito’y humigit-kumulang sa 25% sa kabuuang bilang ng mga mamamahayag, na madaling abutin.
5 May mga kongregasyon noong nakaraang taon na ang buong lupon ng matatanda, mga ministeryal na lingkod at ang kanilang mga asawa ay nagbigay ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng pagiging auxiliary payunir. Noong nakaraang Abril may isang kongregasyon na nagkaroon ng 83 mga auxiliary payunir, bukod pa sa mga regular payunir! Anong pampatibay-loob para sa lahat ng nasa kongregasyon!
6 Malaking tulong din ang magagawa ng mga regular payunir sa pagpapasigla sa paglilingkuran bilang auxiliary payunir. Kung mapasisigla ng bawa’t regular payunir ang dalawa man lamang mamamahayag na maging auxiliary payunir sa Marso, Abril at Mayo, isipin ang idudulot nitong resulta sa buong bansa!
7 Pinasisigla namin ang lahat na dumalo sa pulong sa Pebrero 19 para doon sa nagpaplanong maging auxiliary payunir. Mag-isip nang positibo at ingatan sa isipan ang inyong motibo at mithiin na “matakot sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa kaniya.”—Apoc. 14:7.