Mga Kabataan—Linangin ang Isang Matibay na Kaugnayan kay Jehova
1 Kasiyasiya ang mga salita sa Awit 24:3-5: “Sinong aahon sa bundok ni Jehova, at sinong tatayo sa kaniyang dakong banal? Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso, na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.” Oo, nais ni Jehova na makasamang matalik ang mga malilinis at walang kasalanan, yaong hindi nagtataglay ng dobleng pamumuhay dahilan sa pagsumpa nang may kabulaanan. Nakagagalak makita na ang karamihan sa mga Kristiyanong kabataan ay angkop sa gayong paglalarawan. Ang kanilang kalinisan sa moral ay maganda sa paningin ng Diyos.
2 Madali ba para sa mga kabataan ngayon na maging malinis sa moral? Hindi. May mga hamon na kailangang harapin sa araw-araw. Mayroong pambuong daigdig na epidemya ng maruming mga impluwensiya at imoral na paggawi. Ano ang magagawa ninyo upang pangalagaan ang inyong sarili? May pangangailangang magkaroon ng isang matibay na kaugnayan kay Jehova.
ANO ANG KAILANGAN NINYONG GAWIN
3 Yamang ang isang matibay na kaugnayan kay Jehova ay sumasaklaw sa taus-pusong pagpapahalaga sa kaniyang mga katangian, kailangan ninyong malaman kung ano talaga siya. Ito ay nangangailangan ng masikap na pag-aaral ng kaniyang Salita. Kagaya ni Timoteo, kailangan kayong “kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon.” (1 Tim. 4:6) Ang gayong pag-aaral ay tutulong sa inyo na makita “ang kagandahan ni Jehova.” (Awit 27:4) Habang marami kayong natututuhan hinggil sa kaniya, lalo kayong mapapalapit sa kaniya.
4 Ang paglinang ng gayong kaugnayan ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. (1 Tim. 4:15) Kung hindi pa kayo bautisado, kung gayon ay gumawa kayo ng pagsisikap tungo sa pag-aalay at bautismo. Yamang malapit na tayo sa katapusan ng sistemang ito, kailangang pansinin nating mabuti kung “anong uri ng pagkatao” ang taglay natin sa “mga gawa ng maka-diyos na debosyon.” (2 Ped. 3:11) Kung tayo ay malapit kay Jehova kagaya ng dapat taglayin ng isa para sa kaniyang iginagalang at minamahal na ama, kung gayon ang ating mga gawa ay magpapakita nito.—Mal. 1:6.
5 Sampu-sampung libo sa mga kabataang lalake at babae sa ngayon ang gumagamit ng kanilang lakas at kasiglahan upang makibahagi sa gawaing pangangaral. Sila ay dumadalo sa mga pulong nang handa at nagnanais na magkomento. Libu-libo ang gumagamit ng kanilang kalakasan bilang kabataan sa paglilingkurang payunir. Tinatawag ng Kawikaan 20:29 ang gayong kalakasan na “kaluwalhatian ng mga kabataan.” Bagaman ang pagkakaroon ng matibay na personal na kaugnayan kay Jehova ay nangangailangan ng pagsisikap, sulit naman iyon!
6 Ang karamihan sa inyo mga kabataan ay may mga Kristiyanong magulang na naglagay ng landasin na inyong tatahakin. Magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon. (Efe. 6:1) Mahal-na-mahal nila kayo at nais nilang kayo’y magtagumpay. Nais nila kayong makapasok sa bagong sanlibutan, kaya makipagtulungan sa kanila sa panahong kanilang isinaayos para sa pag-aaral. Dibdibin ninyo ang katotohanan. Alamin ninyo ang lahat ng matututuhan ninyo hinggil kay Jehova, at lalago ang inyong pag-ibig at paglilingkod sa kaniya magpakailanman.