Handa Mo Bang Harapin ang Hamon sa Pananampalataya Kapag Nagpapagamot?
Ingatan ang impormasyong ito kung saan madali ninyong masumpungan kapag kinakailangan
1 Walang sinuman ang masyadong nag-iisip sa posibilidad na siya’y maospital ngayon o bukas. Gayumpaman, ‘ang panahon at di-inaasahang bagay ay mangyayari sa ating lahat.’ (Ecles. 9:11) Bagaman ayaw ninyong magpa-ospital bilang pangangalaga sa inyong kalusugan, ano ang inyong gagawin para ipagsanggalang ang inyong sarili sa di kanaisnais na pagsasalin ng dugo kapag kayo’y nawalan ng malay bunga ng aksidente at isugod sa ospital? Oo, dahil sa isang aksidente o sa biglang paglubha ng karamdaman ay maaaring mapaharap ka sa isang hamon sa iyong pananampalataya.
2 Kung kayo’y maospital sa anumang kadahilanan, ano ang inyong gagawin upang mapanatili ang katapatan kapag may magsabi sa inyong kayo’y mamamatay kung hindi masasalinan ng dugo? Karakaraka ba ninyong paniniwalaan ang pag-aangking ito hinggil sa inyong kalagayan? Lubusan ba kayong kumbinsido na talagang hindi ninyo gusto ang dugo? Handa ba kayong humarap sa hamong ito sa inyong pananampalataya at ‘umiwas sa dugo’?—Gawa 15:28, 29.
3 Ang matagumpay na pagtanggi sa di ninanais at nagpaparumi sa espirituwal na pagsasalin ng dugo ay nagsisimula sa isang matatag na pananalig. Ang gayong pananalig ay dapat na salig sa malinaw na pagkakaunawa sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa dugo. Kung hindi gayon, maaaring dahilan sa emosyon sa pagkakataong iyon, kayo ay madaling takutin ng sinuman na nag-aangking higit ang nalalaman kaysa inyo sa mga bagay na ito. Kayo ba ay malilinlang sa paniniwalang marahil ay higit ang nalalaman ng mga doktor kaysa Diyos hinggil sa dugo? Tunay, sa ganitong mga kalagayan nanaisin ninyo na maging “matatag sa inyong kapasiyahan” na gawin “kung ano ang tama” sa paningin ni Jehova, anuman ang maaaring sabihin lamang ng mga tao. (Deut. 12:23-25) Subali’t kayo ba’y nag-iisa lamang sa pagharap sa hamong ito?—Ecles. 4:9-12.
HOSPITAL INFORMATION SERVICES AT HOSPITAL LIAISON COMMITTEES
4 Upang tulungan ang mga nangangailangan ng tulong kapag napapaharap sa suliranin ng pagsasalin ng dugo, ang Samahan ay nagtalaga ng Hospital Information Services sa Brooklyn at isang Hospital Information Desk sa tanggapang pansangay sa Quezon City. Nagtatag din ng apat na Hospital Liaison Committees sa Baguio City, Cebu City, Davao City, at Metro Manila. Ang mga komiteng ito ay binubuo ng 18 mga matatanda na pantanging sinanay sa gawaing ito.
5 Ang Hospital Information Services ay nakapagsasaliksik sa mahigit sa 3,600 mga babasahin sa medisina sa palibot ng daigdig upang alamin kung ano at kung gaano kabisa ang iba’t ibang uri ng operasyon at panggagamot na magagawa nang walang dugo. Pagkatapos ay nagbibigay ito sa mga Hospital Liaison Committee, mga pagamutan, at ilang mga doktor ng impormasyon sa pagsulong na ito sa panggagamot. (Kung minsan ang Hospital Information Services ay nagpapadala ng mga artikulo hinggil sa panggagamot na nagpapakita kung ano ang maaaring gawin na hindi gagamit ng dugo at matagumpay na maiiwasan ang nangyayaring komprontasyon sa ospital.) Patuloy nilang ipinaaalam sa mga komite ang mga desisyon sa korte na pabor sa atin na makatutulong sa mga hukom sa pagharap sa ating mga kaso taglay ang higit na unawa. Nag-iingat din sila ng mga rekord hinggil sa mga doktor na nakikipagtulungan sa atin upang magkaroon ng napapanahong salansan na magagamit kapag lumitaw ang mga suliranin sa pagsasalin ng dugo.
6 Ang Hospital Information Services ay nangangasiwa rin sa pagsasanay at gawain ng mga Hospital Liaison Committee. Sa mga lunsod na kinaroroonan nila, ang mga Hospital Liaison Committee ay palagiang nagsasagawa ng nakapagtuturong presentasyon sa mga tauhan ng ospital upang mapabuti ang kaugnayan sa kanila. Kanila rin namang inaalam sa mga tauhang ito kung sino pa ang maaaring gumamot sa atin na hindi gagamit ng dugo. Ang mga kapatid na ito ay nakahandang tumulong sa inyo, subali’t may mahalagang patiunang hakbangin na kailangan ninyong gawin upang mula doo’y makapagsimula silang gumawa ng pagtulong sa pinakamabisang paraan.
MAHALAGANG MGA PATIUNANG HAKBANGIN—NAISAGAWA NA BA NINYO ITO?
7 Una, tiyaking ang personal na medical document ng lahat sa pamilya ay sinulatan nang lubusan—may petsa, pirmado, at sinaksihan. Ang dokumento ng ilang mga kapatid na walang petsa at/o hindi sinaksihan ay pinag-alinlangan pagdating nila sa ospital. At ang lahat ba ng ating mga anak na di bautisado ay may mga identification card na sinulatan nang lubusan? Kung hindi, kung may di inaasahang pangyayaring maganap sa inyong anak, papaano malalaman ng mga tauhan ng ospital ang inyong paninindigan sa dugo at kung sino ang tatawagan?
8 Pagkatapos ay tiyaking dala ng lahat ang mga dokumentong ito SA LAHAT NG PANAHON. Suriin ito sa inyong mga anak bago sila pumasok sa paaralan araw-araw, oo, kahit na bago pa sila magtungo sa palaruan o lugar ng paglilibang. Dapat nating tiyakin na taglay nating lahat ang mga dokumentong ito sa trabaho, kapag nagbabakasyon, o sa Kristiyanong kombensiyon. Huwag iwawalay ito kailanman!
9 Isipin kung ano ang maaaring mangyari kung kayo ay dalhin sa emergency room ng isang ospital na nasa malubhang kalagayan, walang malay at/o hindi makapagsalita. Kung hindi ninyo taglay ang dokumento, at wala pa sa ospital ang sinumang kamag-anak o matanda upang magsalita para sa inyo, at napagpasiyahang ‘kailangan ninyo ng dugo,’ malamang na masalinan kayo ng dugo. Nakalulungkot na ito’y nangyari sa ilan. Subali’t kung taglay natin ang dokumento, ito’y magsasalita para sa atin, na sinasabi kung ano ang nais natin.
10 Kaya ang isang medical document ay mas mahalaga kaysa isang medikal na pulseras o kuwintas. Hindi maipaliliwanag ng mga ito ang ating paniniwalang salig sa Bibliya hinggil sa ating paninindigan at ito’y hindi nagtataglay ng pirma na magpapatunay sa mga bagay na ito. Ang isang desisyon sa korte ng Canada ay nagsasabi hinggil sa dokumento ng isang kapatid na babae: “[Ang pasyente] ay pumili ng tanging posibleng paraan upang ipabatid sa mga doktor at iba pang nangangalaga sa kalusugan, na kung siya man ay mawalan ng malay o katulad nito anupa’t hindi maipahayag ang kaniyang nais, ay hindi siya pumapayag sa pagsasalin ng dugo.” Kaya huwag nawang mawawalan nito!
11 Yamang ang ating medical document ay pangunahing dinisenyo para sa pangkagipitang kalagayan, kung gayon kapag kayo’y magpapaopera, may katalinuhang maisusulat ninyo ang inyong personal, higit na kompletong patiunang tagubilin (salig sa ating medical document) at mailalakip ninyo ang mga espesipikong bagay, tulad ng uri ng operasyon at ang mga pangalan ng doktor at ang ospital. Karapatan ninyong gawin ito anupa’t makatitiyak kayo sa panggagamot na ilalapat sa inyo. Kahit na kayo at ang inyong doktor ay wala namang inaasahang maseselang na suliranin, ipaliwanag na ang tagubiling ito ay dapat na sundin kapag naganap ang di inaasahang pangyayari.—Kaw. 22:3.
12 Ang susunod na mahalagang hakbangin ay ang pakikipag-usap sa mga mediko na pakikitunguhan ninyo sa isang kinusa o pangkagipitang pagpapagamot. Kanino lalo na kayo makikipag-usap?
MAKIPAG-USAP SA MGA MEDIKO
13 ANG GRUPO NG MGA MEDIKO: Ito’y panahon na di dapat mamayani ang takot sa tao. (Kaw. 29:25) Kung lilitaw na parang hindi kayo nakatitiyak, may mag-aakalang hindi kayo taimtim. Kapag kailangan ang operasyon, kinusa man o pangkagipitan, kayo o ang pinakamalapit na miyembro ng pamilya ay kailangang maging determinadong magtanong ng ilang tuwirang katanungan sa pinuno ng grupo ng mga siruhano. Ang isang mahalagang katanungan ay, Igagalang ba ng grupo ang kagustuhan ng pasyente at sa lahat ng mga kalagayan ay manggagamot nang walang dugo? Kung wala ng ganitong kasiguruhan hindi kayo gaano maipagsasanggalang.
14 Sabihin sa maliwanag at matatag na pananalig kung ano ang inyong gusto. Gawing maliwanag na ang nais ninyong panggagamot ay yaong walang dugong nasasangkot sa paglalapat ng lunas sa inyong suliranin. May kahinahunan at pagtitiwalang talakayin ang inyong patiunang tagubiling medikal at gayundin ang kawalang pananagutan ng ospital. Kung ang siruhano ay hindi pumapayag sa inyong kahilingan, makatitipid kayo ng panahon kung inyong hihilingin sa administrador ng ospital na ihanap kayo ng ibang doktor. Bahagi iyon ng kaniyang trabaho.
15 ANESTHESIOLOGIST: Sa pakikipag-usap sa mga siruhano bago ang operasyon, HUWAG NINYONG KALILIGTAANG MAKIPAG-USAP SA DOKTOR NA ITO. Bilang pinagkatiwalaan ng pananagutang panatilihin kayong buháy samantalang nag-oopera ang siruhano, ang anesthesiologist ay siyang gumagawa ng mga pagpapasiya sa mga bagay gaya ng paggamit ng dugo. Hindi kayo lubusang napangangalagaan sa pakikipag-usap lamang sa siruhano. Kaya, dapat kayong makipag-usap at kumbinsihin ang anesthesiologist hinggil sa inyong paninindigan, na tinitiyak kung baga igagalang niya iyon o hindi.—Ihambing ang Lucas 18:3-5.
16 Karaniwan na para sa anesthesiologist na bumisita nang sandali sa pasyente kapag malalim na sa gabi bago ang operasyon—lubhang huli na kung siya’y tutol sa inyong paninindigan sa dugo. Igiit na pumili ang siruhano ng isang anesthesiologist na marunong makipagtulungan upang makausap siya nang patiuna bago pa ang operasyon. Sa gayon mayroon pang panahon upang humanap ng iba kung ang isang ito ay ayaw sumunod sa inyong kahilingan. Huwag hayaan alisan kayo ninuman ng karapatang ito upang tanggapin kahit sino na lamang anesthesiologist para sa inyong operasyon.
17 Sa lahat ng ito, gawing maliwanag ang inyong di mababagong paninindigan: WALANG DUGO. Humiling ng panghaliling panggagamot na walang dugo sa inyong kaso. Bumanggit ng kilalang panghalili sa dugo para sa inyong kalagayan. Kung ang grupo ng mga mediko ay naniniwalang ang mga ito ay hindi makatutulong sa inyong kaso, hilingin sa kanila na humanap ng iba pang panghalili mula sa mga literatura sa medisina. Tiyakin sa kanila na makakukuha kayo ng ilang impormasyon kung nais nila sa pamamagitan ng paghiling sa inyong matatanda na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Hospital Liaison Committee.
PAGGAMIT NG INYONG MGA KARAPATAN
18 Maingat na suriin ang mga porma ng pag-aalis ng pananagutan ng manggagamot na pinapipirmahan ng ospital kapag kayo ay tinanggap. Kung minsan pagkatapos lamang na sabihing kanilang igagalang ang inyong kagustuhan, ang sumusunod na parapo ay nagpapahayag na ang pumirma ay sumasang-ayon sa maaaring ilapat ng ospital na “nagliligtas-buhay” na panggagamot kapag nagkaroon sila ng problema. Ito ay maaaring naglalakip sa dugo. May karapatan kayong baguhin ang gayong pananalita upang huwag gamitin ang dugo o guhitan iyon tanda ng di pagsang-ayon. Maaaring sabihin sa inyo ng mga nars na hindi ninyo maaaring gawin iyon, subali’t iyon ay maaari! Ipaliwanag na ang pormang iyon ay isang kontrata sa kanila at hindi kayo makapipirma sa isang kontrata na hindi ninyo sinasang-ayunan. Kung sikapin ninuman na pilitin kayo na pumirma nang laban sa inyong kalooban, hilinging makausap ang administrador at/o ang kinatawan ng mga pasyente sa pagamutang iyon.
19 Magagawa ba ninyo ang gayong mga bagay? Oo, magagawa ninyo. Kaya maging alisto sa inyong mga karapatan bilang isang pasyente. Ang mga karapatang ito ng tao ay hindi naiiwan sa pintuan kapag pumapasok kayo sa ospital. Hindi kailangang isuko ninyo ang mga iyon para lamang kayo ay gamutin. Huwag kayong maniwala kung iba ang sasabihin sa inyo ninuman.
20 Ang isa sa mga karapatang iyon ay tinatawag na karapatang gumawa ng may-kabatirang pasiya, na nangangahulugang walang panggagamot anumang uri iyon na maaaring ilapat sa inyo nang wala kayong pahintulot. Maaari rin ninyong tanggihan ang lahat ng panggagamot kung nais ninyo. Ang inyong pagpayag sa panggagamot ay nararapat na sanhi ng isang malinaw na pagpapaliwanag kung ano ang gagawin ng grupo ng mga mediko, lakip na ang lahat ng panganib niyaon. Pagkatapos, dapat na ipaliwanag nila sa inyo ang tungkol sa anumang kahalili na maaaring makuha. Kaya, pagkatapos na ipabatid sa inyo ang mga ito, makapipili kayo ng nais ninyong panggagamot.
21 Upang makatiyak kung ano ang sinasang-ayunan ninyo, KAILANGANG mag-usisa kayong mabuti hinggil sa mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, lalo na kapag gumagamit ang mga tauhan ng ospital ng malalalim na salita o termino sa medisina. Halimbawa, kung sabihin ng isang doktor na nais niyang gumamit ng “plasma,” maaari ninyong akalain na ang tinutukoy niya ay ang “plasma volume expander,” subali’t hindi gayon. Bago sumang-ayon, itanong: “Iyon ba’y sangkap ng dugo?” Tungkol sa kaniyang mga gagawin, itanong: “Ang gayon bang panggagamot ay may kaugnayan sa paggamit ng mga produkto ng dugo?” Kung ilarawan niya ang mga aparatong nais niyang gamitin, itanong: “Ang aking bang dugo ay maiimbak sa panahon ng paggamit ng aparatong ito?”
22 Subali’t ano ang gagawin ninyo kung nagawa na ninyo ang lahat ng ito at sila nama’y hindi nakikipagtulungan o ang ilan pa nga’y salungat sa inyong paninindigan? Huwag mag-atubiling humiling ng tulong. Ang ilan ay naging mabagal sa paghiling ng tulong anupa’t inilagay ang kanilang mismong buhay sa panganib.
MAHALAGANG TULONG SA PANAHON NG PANGANGAILANGAN
23 Pansinin ang sumusunod na pamamaraan para tamuhin ang kinakailangang tulong: (1) Kapag kayo o ang inyong mahal sa buhay ay napaharap sa alinman sa kinusa o pangkagipitang operasyon na kung saan ay may komprontasyon dahilan sa nais ng ospital na gumamit ng dugo; o (2) kung ang kalagayan ninyo o ng inyong mahal sa buhay ay lumulubha; o (3) kung sa kaso ng isang bata (o ng isang matanda), ang doktor, ang nars, o ang administrador ay nagsabi na sila’y kukuha ng utos ng hukuman, kung gayon:
24 TAWAGIN ANG INYONG LOKAL NA MATATANDA kung hindi pa ninyo nagagawa iyon. (Ang totoo, dahilan sa ating paninindigan sa dugo, landas ng katalinuhan na ipabatid sa ating mga matatanda kailanma’t tayo’y magtutungo sa isang ospital.) Pagkatapos, kung talagang kinakailangan, TATAWAGIN NG MGA MATATANDA ANG PINAKAMALAPIT NA HOSPITAL LIAISON COMMITTEE. Kung nais ninyo, ang ilang miyembro ng Hospital Liaison Committee ay maaaring magtungo sa ospital sa pagkakataong ito upang tulungan kayo.—Isa. 32:1, 2.
25 Ang mga matatandang ito sa Hospital Liaison Committee ay nakakakilala ng mga doktor sa inyong lugar na marunong makipagtulungan at maaaring sila’y makipag-ugnayan sa inyo at bumanggit ng iba pang doktor at ospital na maaaring makatulong sa inyo. Kung wala ng ganitong mga doktor at ospital sa inyong lugar, aalamin ng mga matatanda ang bagay na ito sa ibang malapit na komite. Kung hindi ito maging matagumpay, sila’y tatawag sa Hospital Information Desk sa Quezon City. Maaari din nilang maisaayos na kumunsulta sa isang doktor na maaaring makipagtulungan sa pagpapaliwanag sa inyong grupo ng mediko kung ano ang maaaring magawa na walang dugo. Ang mga kapatid sa Hospital Liaison Committee ay sinanay upang harapin ang gayong mga kalagayan.
26 Ang mga miyembro ng Hospital Liaison Committee ay handang tumulong sa inyo o sa isang kamag-anak na makipag-usap sa doktor o administrador, pero dapat ninyong hilingin ang gayong tulong. Sabihin pa, ang mga kapatid na ito ay hindi makagagawa ng pasiya para sa inyo, kundi kadalasang sila’y makatutulong sa inyo na maisaalang-alang ang pangmalas ng Samahan sa mga bagay-bagay at ipakita sa inyo ang inyong mga mapagpipilian sa pagpapagamot at sa legal na hakbang.
27 Kung ang grupo ng mediko ay ayaw pa ring makipagtulungan, kausapin ang administrador ng ospital na sila’y palitan ng iba sa kaniyang mga tauhan na igagalang ang inyong kagustuhan. Kung mag-atubiling gawin iyon ng administrador at TANGING kung kayo’y may tiyak na makukuhang iba pang siruhano at kayo’y maaaring mailipat sa iba, kung gayon mayroon kayong karapatang magbigay sa administrador ng isang pinetsahan at pinirmahang pahayag na bumabanggit sa mga doktor na ayaw makipagtulungan at nagpapahayag na ayaw na ninyong magpagamot sa kanila.
28 Magagawa ba ninyo iyon? Oo, mayroon kayong karapatan. At kung ito’y makarating sa hinaharap sa husgado, malaki ang magagawa ng inyong nasusulat na kapahayagan upang kilalanin niya ang inyong kagustuhan. Maaaring makapagbukas din ito ng daan sa etika ng panggagamot upang makapasok ngayon ang iba pang siruhano at mag-alok ng kanilang paglilingkod sa inyo. At, pinakamahalaga sa lahat, mabibigyan kayo ng kinakailangang atensiyong medikal bago lumubha ang inyong kalagayan. Huwag maghintay nang lubhang matagal!
29 Bagaman hindi namin masasabi sa kaninuman na kumuha ng seguro sa kalusugan, nais naming ipabatid sa inyo na tayo’y kadalasang nagkakaroon ng mahihirap na problema sa pagkuha ng doktor na maaaring makipagtulungan kapag ang gagamutin ay yaong mga kapus o walang ipananagot sa pagpapagamot.
MAPANLINLANG NA MGA TANONG NA DAPAT BANTAYAN
30 Dapat ninyong mabatid na may ilang mga tanong na inihaharap ng mga doktor at ng iba pang tao na walang taglay na mabuting motibo. Ang isa sa mga kadalasang itinatanong ng mga doktor (at ng ilang hukom) ay:
• “Pipiliin mo bang mamatay (hayaang mamatay ang iyong anak) kaysa tanggapin ang ‘nagliligtas-buhay na pagsasalin ng dugo’?”
31 Kapag sinabi ninyong oo, ito ay magiging tama sa relihiyosong diwa. Subali’t kadalasang hindi nauunawaan ito at may pagkakataong ito’y umaakay sa hindi mabuting desisyon ng hukuman. Dapat ninyong tandaan na wala kayo sa ministeryo sa pagkakataong ito. Kundi, kayo’y nakikipag-usap hinggil sa kinakailangang pagpapagamot. Kaya, kailangang iangkop ninyo ito sa inyong tagapakinig, medikal o legal.—Awit 39:1; Col. 4:5, 6.
32 Para sa isang doktor, isang hukom, o isang administrador ng ospital, ang “oo” ay mangangahulugan na nais ninyong maging isang martir o nais ninyong isakripisyo ang inyong anak dahilan sa inyong pananampalataya. Ang pagsasabi sa kanila ng inyong matibay na pananampalataya hinggil sa pagkabuhay-muli sa ganitong kalagayan ay kadalasang hindi makatutulong. Ituturing nila kayong isang panatiko sa relihiyon, na hindi makagawa ng makatuwirang pagpapasiya kapag buhay na ang nakataya. Sa kaso ng mga bata, mamalasin nila kayo bilang isang mapagpabayang magulang na tumatanggi sa tinatawag na “nagliligtas-buhay” na medikal na panggagamot.
33 Subali’t HINDI ninyo itinatatwa ang panggagamot sa ganang sarili. Ang pagkakaiba lamang ninyo sa doktor ay doon sa KUNG ANONG URI ng panggagamot ang tatanggapin ninyo. Ang bagay na ito ang siyang madalas na magpapabago sa pangmalas nila at ninyo. Bukod dito, mapandaya sa kanilang bahagi na palitawing para bang ligtas ang dugo at ito LAMANG ang “nagliligtas-buhay” na kagamutan. (Tingnan ang Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, mga pahina 7-22.) Kaya dapat ninyong liwanaging mabuti ang puntong ito. Papaano ninyo magagawa ito? Maaari kayong sumagot:
• “Hindi ko nais (Hindi ko nais na ang aking anak ay) mamatay. Kung nais kong (kung nais kong ang aking anak ay) mamatay, nanatili na sana ako sa bahay. Pero ako’y nagtungo dito para magpagamot upang ako (ang aking anak) ay mabuhay. Ang nais ko lamang ay ang panggagamot sa kaso ko (ng aking anak) na walang dugo. Mayroong makukuhang mga kahalili nito.”
34 Ang ilan pang mga katanungang kadalasang itinatanong ng mga doktor at mga hukom ay:
• “Ano ang mangyayari sa iyo kapag ipinilit ang pagsasalin sa utos ng hukuman? Pananagutan mo ba ito?”
• “Ang pagtanggap ba o ang sapilitang pagsasalin ay magpapangyaring ikaw ay maalis sa iyong relihiyon o mawalan ng buhay na walang hanggan? Papaano ka mamalasin ng iyong kongregasyon?”
35 Ang isang kapatid na babae ay tumugon sa isang hukom na sa gayong kaso ay hindi niya pananagutan ang kapasiyahan ng hukom. Bagaman tama iyon sa isang banda, minalas iyon ng hukom na yamang walang pananagutan ang kapatid na babae, kung gayon siya ang aako ng pananagutan para sa kapatid na babae. Ipinag-utos niya ang isang pagsasalin.
36 Dapat ninyong maunawaan na sa pagtatanong ng mga katanungang ito, ang ilan ay kadalasang naghahanap ng paraan para maiwasan ang inyong pagtanggi sa dugo. Huwag ninyong pabayaang magawa nila iyon! Kaya papaano natin maiiwasan ang gayong di pagkakaunawaan? Maaari kayong sumagot:
• “Kapag ipinilit sa akin sa anumang paraan ang dugo, para na rin akong ginahasa. Pagdurusahan ko ang bunga niyaon sa paraang emosyonal at espirituwal sa nalalabing bahagi ng aking buhay. Tututulan ko sa abot ng aking makakaya ang gayong paglapastangan sa aking katawan nang walang pahintulot. Gagawin ko ang lahat ng aking magagawa upang ihabla ang mga umatake sa akin kagaya ng gagawin ko sa kaso ng panggagahasa.”
37 Ang isang matatag, maliwanag na impresyon ay kailangang gawin na ang sapilitang pagsasalin sa atin ay nakasusuklam na paglapastangan sa ating mga katawan. Ito hindi isang basta-bastang bagay. Kaya manghawakang matatag. Gawing maliwanag na ang nais ninyo ay ang panggagamot na walang dugo.
ANO ANG GAGAWIN NINYO UPANG MAKAPAGHANDA?
38 Ating narepaso ang ilang mga bagay na kailangan ninyong gawin upang maipagsanggalang ang inyong sarili at ang inyong pamilya mula sa di ninanais na pagsasalin ng dugo. (Sa hinaharap, maglalaan pa kami ng karagdagang detalye sa pagharap sa mga suliraning bumabangon kapag ang mga sanggol at mga bata ay pinagbabantaan ng pagsasalin.) Nakita natin kung ano ang maibiging tulong na inilalaan ng Samahan sa panahon ng pangangailangan. Ano ang kailangan ninyong gawin sa impormasyong ito upang makatiyak na kayo’y nakahanda na upang harapin ang hamon sa pananampalataya kapag nagpapagamot?
Una: Magkaroon ng pag-uusap ang pamilya upang ensayuhin ang mga bagay na ito at planuhin kung ano ang inyong sasabihin at gagawin, lalo na sa pangkagipitang kalagayan.
Ikalawa: Tiyaking taglay ng lahat ang mga dokumentong kailangan ninyo.
Pagkatapos: Taimtim na ilapit ang bagay na ito sa panalangin kay Jehova upang tulungan kayong maging matatag sa inyong kapasiyahang ‘umiwas sa dugo.’ Ang pagsunod sa kaniyang utos sa dugo ay tumitiyak ng kaniyang pagsang-ayon ukol sa buhay na walang hanggan.—Gawa 15:29; Kaw. 27:11, 12.
[Kahon sa pahina 5]
Kapag ang karamdaman ay lumubha hanggang sa punto na nanganganib sa isang pagsasalin, alamin mula sa kahong ito kung ano ang inyong dapat gawin:
1. Tawagan ang mga matatanda sa inyong kongregasyon upang tulungan kayo.
2. Hayaang tawagan ng mga matatanda ang pinakamalapit na Hospital Liaison Committee kung kinakailangan.
3. Ang Hospital Liaison Committee ay makatutulong sa inyo sa pakikipag-usap sa mga doktor at sa iba pa.
4. Ang Hospital Liaison Committee ay makatutulong sa inyo na makipag-ugnayan sa iba pang mga doktor para makipag-usap sa mga siruhano ninyo para sa mga panghalili.
5. Ang Hospital Liaison Committee ay makatutulong din sa inyo na mailipat kayo sa ibang ospital na gagalang sa kinakailangan ninyong kagamutan.