Pagpuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Awit
1 Pakisuyong buksan ang inyong aklat-awitan sa katapusang pahina. Ano ang inyong nakikita? Isang grupo ng mga mang-aawit na Levita sa banal na templo ni Jehova, maluwang ang buka ng kanilang bibig, kumakantang may kasiglahan. Ang pag-awit ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba sa templo ni Jehova. Sa panahon ni Haring David, ang mahigit sa 10 porsiyento ng mga naglilingkod sa templo ay inatasang pumuri kay Jehova sa pamamagitan ng musika. Sa bilang na yaon, 288 ang mga sanay umawit, “lahat ay bihasa.” Makatitiyak kayong umaawit sila nang taimtim.—1 Cron. 23:3, 4; 25:7.
2 Sa pagsapit ng Kristiyanong panahon, ating natutuhan na si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay umawit ng isang awit sa katapusan ng Hapunan ng Panginoon. (Mar. 14:26) At si apostol Pablo ay paulit-ulit na nagsabi sa atin na tayo’y umawit ng mga papuri sa ating Diyos. Sa Colosas 3:16 siya’y sumulat: “Manahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Kristo ayon sa buong karunungan. Kayo’y magpatuloy sa pagtuturo at pagpapayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga papuri sa Diyos at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso kay Jehova.”—Tingnan din ang Efeso 5:19, 20.
3 Ang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian ay isang paraan ng ating pagpuri kay Jehova. Kung gayon, di ba’t kailangan tayong umawit nang buong puso? Kapag ginagawa natin ito, tayo’y nagbibigay ng papuri kay Jehova. Siya’y nakikinig sa ating mga awit na patungkol sa kaniya gaya ng ating mga panalangin. Kapag tayo’y umaawit nang lubusan, nadudulutan din natin ng kagalakan ang iba, at tayo man ay nakikinabang din.
4 Bigyang pansin ang magagandang salita sa ating mga awit. Ang mga ito ay tunay na pantulong sa ating “pagtuturo at pagpapayo sa isa’t isa.” Kay inam ng mga payo na taglay ng ating mga awit! Sa pamamagitan ng taimtim na pagsasaalang-alang ng payong iyon, natutulungan tayong malinang ang bunga ng espiritu, upang sumagana sa mga ito at makapagbantay laban sa pagpasok ng makalaman, maka-sanlibutang mga impluwensiya. Ang ‘pag-awit sa ating puso’ ay nagpapasigla sa atin na maglingkod kay Jehova na may katapangan at may kagalakan.
5 Upang mapasimulan ang isang mabuting pag-awit sa mga pulong, maaaring banggitin ng tsirman hindi lamang ang bilang ng awit kundi ang tema, o pamagat nito. May panahong maaari niyang bigyang pansin ang tekstong pinagsaligan ng awit at bigyan ng maikling komento kung papaanong ito’y angkop sa inihaharap na impormasyon.
6 Ang Kingdom Melodies at ang piano cassettes ng ating mga awit ay maiinam na kasangkapan upang matulungan ang ating pamilya na higit na mabihasa sa mga awitin. Ang pagpapatugtog ng mga ito ay isang kasiyasiyang paraan upang tayo’y higit na maging pamilyar sa ating mga awitin.
7 Ang mga Kasulatan ay paulit-ulit na nagpapagunita sa ating pananagutan na purihin ang ating maibiging makalangit na Ama sa pamamagitan ng awit. Gawin natin ito ng buong kaluluwa. Sa gayo’y makapagbibigay tayo ng isang nakapagpapasiglang patotoo sa mga di kakilala na nasa gitna natin. Oo, umawit tayo at humimig ukol kay Jehova, kagaya ng ginawa ni David noong una.—Awit 108:1-3.