Maging Matiyaga at Puspusan sa Ministeryo
1 Ang apostol Pablo ay matiyaga at puspusan sa pangangaral ng mabuting balita. Sinabi niya sa mga tagapangasiwa mula sa Efeso: “Datapuwat hindi ko minahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa mabuting balita.” (Gawa 20:24) Nadarama ba natin ang pangangailangang inilagay sa atin upang gumawa rin ng gayon?—1 Cor. 9:16.
SA MADALAS GAWING TERITORYO
2 Ang pagtitiyaga ay lalo nang kailangan kapag ang ating teritoryo ay madalas na gawin. Sa kabila ng limitadong teritoryo dapat tayong mapakilos na paulit-ulit na dumalaw. Pagsikapang makausap ang lahat ng nakatira sa bawat tahanan.
3 Kapag ang ating teritoryo ay madalas na gawin, personal nating makikilala ang mga maybahay. Maaari itong maging sanhi upang maging palagay sila sa pagbubukas ng kanilang pintuan. May napakaiinam na mungkahi sa aklat na Nangangatuwiran na maaari nating gamitin upang maging iba’t iba ang ating mga pambungad sa madalas gawing teritoryo.—Tingnan ang Nangangatuwiran, pahina 9-15.
4 Maaari tayong makatagpo ng mga tao na bagaman nagpapakita ng kaunting interes, ay aayaw tumanggap ng ating literatura. Ano ang ating gagawin? Dapat na lubusan nating pagsikapang masubaybayan ang kanilang interes. Ang paglinang sa naitanim sa kanilang puso ay makapagpapakilos din sa kanila na tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Isang kapatid na lalake ang dumalaw sa isang interesadong maybahay sa loob ng sunod-sunod na limang linggo na walang nailalagay na literatura. Sa ikaanim na dalaw, tumanggap ng literatura ang maybahay, at sa dakong huli ay napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
PAG-AALOK NG MGA BROCHURE
5 Sa Agosto ay ipagpapatuloy natin ang paggamit ng Paksang Mapag-uusapang “Mabubuting Kalagayan ang Naghihintay sa Atin.” Ang paksang ito ay madaling ibagay kapag naghaharap ng alinmang brochure.
6 Halimbawa, maaari nating sabihin: “Ano ang palagay ninyo sa pangako ng tao na magdala ng pandaigdig na kapayapaan? [Hayaang sumagot.] Sa nakaraang mga siglo, pinatunayan ng tao na wala siyang kakayahang pamahalaan ang sarili. Gayumpaman, pansinin ang maaasahang pangako ng Diyos. [Basahin ang 2 Pedro 3:13.] At masdan ang mga kalagayang iiral sa panahong iyon. [Basahin ang Apocalipsis 21:4.]” Pagkatapos, kung tayo’y gumagamit ng brochure na “Narito!” maaaring akayin ang pansin ng maybahay sa pahina 30, parapo 58. Sa brochure na Pamahalaan, maaari nating itampok ang unang parapo sa pahina 3. Ang larawan sa pabalat ng brochure na Buhay sa Lupa ay angkop sa Paksang Mapag-uusapan. Gayundin, ang ikatlong parapo sa pahina 31 ng brochure na Banal na Pangalan ay maaaring gamitin.
7 Ang matiyaga at puspusang pagkubre sa ating teritoryo taglay ang mabuting balita ay magbubunga ng kaligtasan para sa mga makikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.