Maging Buong Kaluluwa sa Ministeryo sa Larangan
Bahagi 1—Ang Kapakinabangan ng Pagpapahalaga kay Jehova
1 Ang pagiging buong kaluluwa sa ministeryo ay nagmumula sa malalim na pagpapahalaga kay Jehova at sa lahat ng kaniyang ginawa para sa atin. (2 Sam. 22:2, 3) Ang pagkabahala sa mga tao ay dapat ding magpakilos sa atin upang gamiting lubusan ang sarili sa paglilingkod. (Mat. 9:36; 2 Cor. 5:14, 15) Kapag tayo’y ganap na nakatalaga kay Jehova at may malaking pagkabahala para sa mga tao, lalo tayong mapapasiglang makibahagi sa paglilingkod sa larangan. (Mat. 22:37-39) Ang ating ministeryo kung gayon ay magiging napakahalagang bagay na dapat pagyamanin. (2 Cor. 4:7) Subalit papano malilinang ang gayong pagpapahalaga?
MGA SUSI SA PAGKAKAROON NG PAGPAPAHALAGA
2 Ang personal at pangkongregasyong pag-aaral na may kasamang pagbubulaybulay ay makatutulong sa atin upang magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. Sinusunod ba ninyo ang eskedyul para sa pagbabasa ng Bibliya linggu-linggo? Palagian ba kayong nag-aaral ng mga publikasyon ng Samahan? Kayo ba’y naghahanda, dumadalo, at nakikibahagi sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon? (Heb. 10:24, 25) Ang pagbubulaybulay ay magpapatibay din ng bukal sa pusong pagpapahalaga kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya.—Awit 27:4.
3 Ang isa pang paraan upang mapalaki ang ating pagpapahalaga ay ang pagsasaalang-alang sa halimbawa ng iba pang buong-kaluluwang mga ministro. Si Jeremias ay nilamon ng alab ukol sa gawaing ipinagkatiwala sa kaniya. (Jer. 20:9) Si Jesus ay nagpakita ng isang mainam na huwaran ng sigasig. (Juan 4:34) Ipinakita ni Pablo ang pasasalamat sa banal na awang ipinakita sa kaniya. (1 Tim. 1:12, 13, 17) Habang isinasaalang-alang natin ang mga halimbawang ito, mapasusulong natin ang pagpapahalaga sa ministeryo.
4 Kapag ating natutuhan ang kagandahan ng karangalan ni Jehova at isinaalang-alang ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa, tayo ay napakikilos upang purihin siya nang may kagalakan. (Awit 145:5-7) Naipakikita natin na ating pinahahalagahan ang mga pagkakataong magpatotoo sa banal na pangalan sa pamamagitan ng paghanap ng mga paraan upang mapalawak ang pabalita ng Kaharian.—Luc. 6:45.
5 Subalit mayroon pa bang mga bagay na magpapasigla sa ating buong kaluluwang pakikibahagi sa ministeryo? Kung gayon, ano ang mga ito? Papaanong ang mga matatanda, ministeryal na lingkod, mga payunir at iba pang may karanasang mga mamamahayag ay makatutulong? Anong bahagi ang ginagampanan ng mga tunguhin sa paglinang sa kasiglahan? Ang mga katanungang ito at iba pa ay sasagutin sa limang bahaging seryeng ito, na magpapatuloy sa sumusunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian.