Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 10/1 p. 22-25
  • Magkaroon ng Tamang Pangmalas sa Awa ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magkaroon ng Tamang Pangmalas sa Awa ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tayo ba’y Nangangatuwiran na Gaya Nito?
  • Ano ba ang Tamang Pangmalas?
  • Ang Pangmalas ni Jesus
  • Nasanay ng Pagtitiis
  • Walang-Pasubaling Katapatan
  • “Ang Inyong Ama ay Maawain”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • ‘Sagana sa Awa’ ang Diyos Natin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Iniligtas sa Pamamagitan ng “Mahalagang Dugo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Awa, Kaawaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 10/1 p. 22-25

Magkaroon ng Tamang Pangmalas sa Awa ng Diyos

MABAIT ang doktor at lubhang nababahala. Ayon sa kaniyang pinakamagaling na pasiya, ang pasyente niya ay talagang nangangailangan ng operasyon upang mailigtas ang kaniyang buhay. Nang ito’y tumanggi at ibangon ang isyu ng pagsasalin ng dugo, nagtaka siya. Nang ipaliwanag nito na sa mga kadahilanang relihiyoso ay hindi siya makapapayag na siya’y operahin na nangangailangan ng pagsasalin ng dugo, lalo pang nagtaka ang doktor. Kaniyang matamang pinag-isipan ang paraan upang siya’y makatulong sa kaniya. Sa wakas, inakala niyang nakasumpong na nga siya ng paraan. Sinabi niya: “Alam mo, kung hindi ka pasasalin ng dugo, mamamatay ka. Hindi mo gusto iyan, hindi ba?”

“Hindi nga po,” ang sabi ng kaniyang pasyente.

“Pero, kung ikaw ay pasasalin ng dugo, lalabagin mo ang iyong mga paniwala sa relihiyon, na mahalaga rin sa iyo. Buweno, narito ang aking mungkahi. Bakit hindi ka pasalin ng dugo at sa gayo’y iligtas ang iyong buhay. Pagkatapos ay ikumpisal mo sa Diyos na ikaw ay nagkasala, at magsisi ka. Sa gayong paraan, ikaw ay tatanggapin din sa iyong relihiyon.”

Ang doktor na may mabuting layunin ay nag-akala na nasumpungan na niya ang tamang-tamang kasagutan. Naisip niya na ang kaniyang pasyente ay naniniwala sa isang maawaing Diyos. Tiyak, ito’y isang angkop na pagkakataon upang samantalahin ang awa ng Diyos! Subalit ang kaniya bang mungkahi ay makatuwiran na gaya kung pakikinggan mo lamang?

Tayo ba’y Nangangatuwiran na Gaya Nito?

Kung minsan marahil ay nangangatuwiran tayo na gaya ng pangangatuwiran ng doktor. Baka tayo ay nahihintakutan dahilan sa di-inaasahang pananalansang sa atin sa paaralan o sa trabaho. O baka mapalagay tayo sa isang kahiya-hiyang kalagayan na nanggigipit sa atin upang gawin ang isang bagay na hindi matanggap ng ating budhi. Sa pagkabigla, baka piliin natin ang pinakamadaling paraan at gawin ang alam natin na mali, taglay ang layunin na humingi ng kapatawaran sa bandang huli.

O ang iba naman ay baka matukso ng kanilang sariling masasamang hilig. Halimbawa, baka mapaharap ang isang binata sa matinding tukso na padala sa imoralidad. Imbes na labanan ang masamang hangarin, baka siya’y padala roon, sa layunin na sa bandang huli’y ituwid ang kaniyang pagkakamali sa harap ng Diyos. Ang ilan ay nagpatuloy sa paggawa ng isang malubhang pagkakasala bagaman alam nila na sila’y maaaring matiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Marahil ang kanilang pangangatuwiran ay, ‘Hihintayin kong lumipas ang kaunting panahon. Pagkatapos ay magsisisi ako at makababalik uli.’

Lahat ng kalagayang ito ay nagkakapareho sa dalawang bagay. Una, ang mga tao ay madaling madala kaysa makipagpunyagi upang magawa ang tama. Pangalawa, inaakala nila na pagkatapos gumawa ng masama, kusang patatawarin sila ng Diyos kung sila’y hihiling ng kapatawaran.

Ano ba ang Tamang Pangmalas?

Ito ba’y nagpapakita ng angkop na pagpapahalaga sa awa ng Diyos? Buweno, pag-isipan sandali ang awa na iyon. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ipinaliwanag ni apostol Juan kung papaano kumikilos ang gayong awa nang kaniyang sabihin: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala. Gayunman, kung magkasala ang sinuman, tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid.” (1 Juan 2:1) Samakatuwid, kung dahil sa di-kasakdalan ay mahulog tayo sa pagkakasala, tayo’y makalalapit sa Diyos sa panalangin at makahihingi ng tawad salig sa hain ni Jesus.

Ngunit, ito ba’y nangangahulugan na hindi mahalaga kung tayo’y magkasala man o hindi, kung tayo’y hihingi ng kapatawaran pagkatapos? Hindi. Alalahanin ang unang mga salita ng siniping iyan: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala.” Ang iba pang pananalita ni Juan sa talatang iyan ay nagpapakita ng maibiging kaayusan ni Jehova sa pakikitungo sa ating di-kasakdalan. Gayunpaman, kailangang pagsumikapan natin hangga’t magagawa natin na iwasan ang pagkakasala. Kung hindi gayon ay nagpapakita tayo ng isang kalungkut-lungkot na kawalang-galang sa pag-ibig ng Diyos, katulad ng mga taong tinukoy ni Judas na ginamit ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos upang ipangatuwiran ang mahalay na paggawi.​—Judas 4.

Ang pangmalas sa awa ng Diyos na gaya ng isang uri ng pansahod-lambat na laging sasalo sa atin anuman ang gawin natin ay nagpapawalang-kabuluhan sa awa ng Diyos at ginagawa nito na waring hindi naman kasamaan ang magkasala. Ito’y malayung-malayo sa katotohanan. Sinabi ni apostol Pablo kay Tito: “Sapagkat nahayag ang di-sana-nararapat na awa ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng mga tao, na nag-uutos sa atin na itakwil natin ang kalikuan at makasanlibutang mga pita at mamuhay tayo na may katinuan ng isip at kabanalan at maka-Diyos na debosyon sa gitna nitong kasalukuyang sistema ng mga bagay.”​—Tito 2:11, 12.

Ipinakita ni Pablo ang kaniyang pagpapahalaga sa awa ng Diyos sa paraan ng kaniyang pakikipagpunyagi laban sa kaniyang sariling di-kasakdalan. Sinabi niya: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa papaano man.” (1 Corinto 9:27) Hindi ipinagwalang-bahala ni Pablo na siya manaka-naka ay maaaring magkasala. Tayo ba’y gayon din?

Ang Pangmalas ni Jesus

Minsan, ipinakita ni Jesus kung papaano niya minamalas ang idea na pagkokompromiso ng bagay na tama at pagsunod sa isang lalong madaling paraan upang maiwasan ang pagdurusa. Nang sinimulan niyang sabihin sa kaniyang mga alagad ang kaniyang napipintong mapagsakripisyong kamatayan, sinubukan ni Pedro na siya’y sawayin, na ang sabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; malayong mangyari ito sa iyo.” Ano ba ang tugon ni Jesus? “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang batong katitisuran sa akin, sapagkat hindi mo pinag-iisip ang mga bagay ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”​—Mateo 16:22, 23.

Ang matinding pagsaway ni Jesus kay Pedro ay lubusang nagpapakita na ang sinunod ni Jesus ay hindi ang madaling paraan na salungat sa kalooban ng Diyos. Ipinakikita ng Kasulatan na hindi siya nagbago ng pagsunod sa tamang landas, bagaman patuloy na dumaranas ng kahirapan sa mga kamay ni Satanas. Sa wakas siya ay kinutya, may kalupitang ginulpi, at dumanas siya ng masakit na kamatayan. Gayunman, hindi siya nakipagkompromiso, at dahilan dito ay naihandog niya ang kaniyang buhay bilang pantubos sa atin. Tiyak na hindi niya pinagtiisan ang lahat ng ito upang tayo’y maging ‘mabait sa ating sarili’ pagka may bumangon na mga kahirapan o mga tukso!

Tungkol kay Jesus ay sinabi: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan.” (Hebreo 1:9) Ang pagsunod sa madaling paraan ay karaniwan nang may kasangkot na kasamaan. Sa gayon, kung tunay na kinapopootan natin ito​—na gaya ng pagkapoot ni Jesus​—​tayo’y laging tatangging makipagkompromiso. Sa aklat ng Mga Kawikaan, sinasabi ni Jehova: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Ang timbang ngunit walang pakikipagkompromisong pagkamatuwid ni Jesus ay nagdulot ng matinding kasiyahan sa puso ni Jehova. Madudulutan natin si Jehova ng ganoon ding kaluguran kung tutularan natin ang halimbawa ni Jesus ng katapatan.​—1 Pedro 2:23.

Nasanay ng Pagtitiis

Si apostol Pedro ay sumulat: “Sa bagay na ito kayo ay totoong nagagalak, bagaman ngayon ay sa sandaling panahon, kung kailangan, pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok, upang ang subók na uri ng inyong pananampalataya, na lalong mahalaga kaysa ginto na nasisira bagaman ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagkahayag ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 1:6, 7) Dahilan sa tayo’y di-sakdal at namumuhay sa gitna ng sanlibutan ni Satanas, tayo’y patuloy na mapapaharap sa mga pagsubok at mga tukso. Gaya ng ipinakikita ni Pedro, ang mga ito ay maaaring magsilbi sa isang mabuting layunin. Sinusubok ng mga ito ang ating pananampalataya, ipinakikita kung ito ay mahina o malakas.

Ang mga ito ay nagsisilbing pagsasanay rin sa atin. Si Jesus ay “natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.” (Hebreo 5:8) Tayo man ay matututo ring sumunod, at umasa kay Jehova, kung magtitiis tayo sa ilalim ng pagsubok. At ang ganitong pagkatuto ay magpapatuloy hanggang sa matapos, gaya ng sinabi ni Pedro: “Ang Diyos . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang patitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.”​—1 Pedro 5:10.

Ngunit, kung tayo’y makikipagkompromiso pagka nasa ilalim ng pagsubok, ipinakikita natin na tayo’y duwag o mahina, kulang ng matimyas na pag-ibig kay Jehova at sa katuwiran o kulang ng pagpipigil-sa-sarili. Ang ganiyang kahinaan ay lubhang nagsasapanganib ng ating kaugnayan sa Diyos. Oo, ang babala ni Pablo ang maaaring kumapit sa atin: “Kung ating sinasadya ang pamimihasa sa pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan.” (Hebreo 10:26) Mas mabuti pa ang huwag magkasala kaysa magbigay-daan sa kahinaan at maiwala ang lahat ng pag-asang mabuhay!

Walang-Pasubaling Katapatan

Noong kaarawan ni propeta Daniel, tatlong Hebreo ang pinagbantaang ihahagis sa maapoy na kamatayan kung sila’y hindi sasamba sa isang idolo. Ang kanilang tugon? “Narito, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Buhat sa mabangis na hurnong nagniningas at buhat sa iyong kamay, Oh hari, kaniyang ililigtas kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na kami ay hindi maglilingkod sa iyong mga diyos, at hindi kami magsisisamba sa imaheng ginto na iyong itinayo.”​—Daniel 3:17, 18.

Ganiyan ang kanilang paninindigan sapagkat ibig nilang gawin kung ano ang matuwid. Kung iyon ay umakay sa kanilang kamatayan, siya nawa. Sila’y nagtitiwala sa pagkabuhay-muli. Subalit, kung sila’y iniligtas ng Diyos, lalong mabuti. Subalit ang kanilang matatag na paninindigan ay walang pasubali. Ganiyan din ang nararapat sa tuwina sa mga lingkod ng Diyos.

Sa ating kaarawan ang ilan na tumangging makipagkompromiso ay ibinilanggo, pinahirapan, pinatay pa. Ang iba naman ay nagsakripisyo ng materyal na mga ari-arian, pinili na manatiling dukha imbes na magpayaman na ipinagwawalang-bahala ang matuwid na mga prinsipyo. Ano ang nangyari sa babaing Kristiyano na binanggit sa pasimula ng artikulong ito? Kaniyang pinahalagahan ang may kabaitan ngunit maling motibo ng doktor, subalit hindi niya ikinompromiso ang kaniyang pananampalataya. Sa halip, ang kaniyang paggalang sa batas ni Jehova ay umakay sa kaniya na tanggihan ang operasyon. Nakatutuwa naman, siya’y gumaling din at nagpatuloy sa aktibong paglilingkod kay Jehova. Gayunpaman, nang siya’y magpakatatag sa kaniyang paninindigan, hindi niya alam kung ano ang kalalabasan, subalit siya’y handa na ang lahat ng iyon ay ipaubaya kay Jehova.

Ano ang tumulong sa kaniya na manatiling matatag sa ilalim ng panggigipit? Hindi siya umasa sa kaniyang sariling lakas, at ganoon din ang sinumang lingkod ng Diyos. Tandaan, “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” (Awit 46:1) Mas mabuti na humingi sa Diyos ng tulong samantalang ang isa’y nasa ilalim ng pagsubok kaysa magkasala at pagkatapos ay sa kaniya humingi ng awa!

Oo, huwag nating ipagwalang-bahala ang dakilang awa ng Diyos. Bagkus, paunlarin natin ang isang tunay na pagnanasang gawin ang matuwid, kahit na sa gitna ng mga kahirapan. Ito ay magpapatibay ng ating kaugnayan kay Jehova, magbibigay sa atin ng pagsasanay na kailangan natin para sa buhay na walang-hanggan, at magpapakita ng nararapat na paggalang sa awa ng Diyos. Ang ganiyang matalinong paggawi ay magdudulot ng kagalakan sa puso ng ating Ama sa langit.

[Larawan sa pahina 24]

Ang lubos na pagtitiwala sa pagkabuhay-muli ang tumulong sa tatlong Hebreo na manatiling tapat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share