Hindi Sila Huminto sa Pagpapatotoo
1 Ang ating pangalang mga Saksi ni Jehova ay naglalarawan sa ating ginagawa. Tayo ay nagpapatotoo sa kamahalan ng ating Diyos, si Jehova. (Isa. 43:10, 12) Ang bawat isa ay dapat na makibahagi sa pagbibigay ng patotoo kung siya’y magiging miyembro ng kongregasyon. Kalakip sa pagpapatotoo ang pagdalaw sa bahay-bahay, paggawa sa lansangan, pagsasagawa ng mga pagdalaw muli, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Tayong lahat ay makatuwirang hinihimok na magkaroon ng ganap na bahagi dito.—1 Cor. 15:58.
2 Gayunpaman, ang ilang miyembro ng kongregasyon ay limitado sa kanilang magagawa. Ang malulubhang karamdaman o kapansanan ay maaaring makapigil sa kanila. Ang sumasalangsang na mga kamag-anak ay maaaring magharap ng pagkalaki-laking hadlang. Maaaring hadlangan ng di sumasampalatayang magulang ang isang kabataan. Yaong mga nasa liblib na lugar ay maaaring makadama na halos imposibleng makapagpatotoo. Ang pagkamahiyain ay maaaring maging sanhi ng pag-urong ng mga kimi. Ang ilang mamamahayag sa ganitong mga kalagayan ay maaaring makadama na hindi sila nakakaabot sa pagiging Kristiyano dahilan sa kakaunti lamang ang kanilang nagagawa kaysa iba. Walang dahilan upang maliitin nila ang kanilang mga pagsisikap. (Gal. 6:4) Maaari silang magkaroon ng kaaliwan sa pagkakaalam na si Jehova ay nalulugod kapag ginagawa nila ang kanilang makakaya anuman ang kanilang kalagayan.—Luc. 21:1-4.
3 Paghanap ng Paraan Upang Bumahagi: Libu-libong mga karanasan ang nagpapakita kung papaano hindi pinahintulutan ng mga indibiduwal ang mga hadlang upang makasagabal sa kanilang pagpapatotoo. Sa kanilang pagsisikap, sila’y nakagawa ng iba’t ibang paraan ukol sa impormal na pagpapatotoo. Yaong mga hindi makaalis sa tahanan ay gumamit ng telepono upang magpatotoo. Ang bawat bisita ay minalas bilang isang potensiyal na tagapakinig. Bagaman hindi makapagpatotoo ang isang asawang babae na may salangsang na kasambahay, kaniyang sinasamantala ang mga pagkakataon upang makipag-usap sa mga kapitbahay o sa iba pa sa kaniyang pang-araw-araw na rutina.
4 Ang isang kabataan ay maaaring pagbawalan ng hindi sumasampalatayang magulang na makibahagi sa pangmadlang pagpapatotoo. Sa halip na ituring niya ito bilang isang napakalaking sagabal, maaari niyang malasin ang kaniyang mga kaklase at mga guro bilang personal na “teritoryo” upang mabigyan ng mainam na patotoo at marahil ay mapagdausan din ng mga pag-aaral sa Bibliya. Maraming naninirahan sa mga malalayong lugar ang nagkaroon ng bahagi sa pamamagitan ng pagliham. Yaong mga nauudyukan ng Kristiyanong sigasig ay laging makakasumpong ng paraan upang maiwasan ang pagiging “di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2 Ped. 1:8.
5 Si Jehova ay nagtakda ng parehong pamantayan para sa lahat, alalaon baga’y, dapat tayong maging “buong kaluluwa” sa ating pagpapatotoo. (Col. 3:23) Bagaman ang dami ng panahong ating ginagamit ay nagkakaiba-iba, ang motibo ay iisa—ang dalisay na pag-ibig na nagmumula sa “isang kompletong puso.” (1 Cron. 28:9; 1 Cor. 16:14) Kung ating ibinibigay ang pinakamabuti, hindi natin kailanman madaramang tayo’y walang silbing miyembro ng kongregasyon dahilan sa maliit lamang ang ating nagagawa. Gaya ni Pablo, matapat nating masasabi na ‘hindi natin ipinagkait ang pagsasabi ng anuman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni sa pagtuturo nang hayagan.’—Gawa 20:20.