Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 11/15 p. 26-28
  • “Kung May Obligasyon Kayo sa Buwis, Bayaran Ninyo ang Buwis”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kung May Obligasyon Kayo sa Buwis, Bayaran Ninyo ang Buwis”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Limang Umaakay na mga Simulain
  • Ingatan ang Isang Nagpaparangal-sa-Diyos na Reputasyon
  • Mga Buwis—Kabayaran ng Isang “Sibilisadong Lipunan”?
    Gumising!—2003
  • Dapat Ka Bang Magbayad ng Iyong mga Buwis?
    Gumising!—2003
  • Dapat Ka Bang Magbayad ng Buwis?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Tumitinding Pagkayamot sa mga Buwis?
    Gumising!—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 11/15 p. 26-28

“Kung May Obligasyon Kayo sa Buwis, Bayaran Ninyo ang Buwis”

“SA DAIGDIG na ito ang kamatayan at ang buwis lamang ang tiyak.” Gayon ang sabi ng Amerikanong estadista at imbentor noong ika-18 siglo na si Benjamin Franklin. Ang kaniyang mga salita, na madalas ulitin, ay nagpapaaninaw hindi lamang ng pagiging di-maiiwasan ng mga buwis kundi gayundin ang pagkasindak na pinupukaw nito. Para sa marami, ang pagbabayad ng buwis ay di-kaakit-akit na gaya ng pagkamatay.

Bagaman di-kanais-nais ang pagbabayad ng buwis, ito ay isang obligasyon na seryosong isinasaalang-alang ng tunay na mga Kristiyano. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Roma: “Ibigay ninyo sa bawat isa ang obligasyon ninyo sa kaniya: Kung may obligasyon kayo sa buwis, bayaran ninyo ang buwis; kung kíta, kung gayon ay kíta; kung paggalang, kung gayon ay paggalang; kung karangalan, kung gayon ay karangalan.” (Roma 13:7, New International Version) At si Jesu-Kristo ay espesipikong tumutukoy sa mga buwis nang sabihin niya: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”​—Marcos 12:14, 17.

Pinahihintulutan ni Jehova na umiral ang “nakatataas na mga awtoridad” sa pamahalaan at hinihiling sa kaniyang mga alagad na magkaroon ng relatibong pagpapasakop sa kanila. Bakit, kung gayon, iginigiit ng Diyos na magbayad ng buwis ang kaniyang mga mananamba? Bumabanggit si Pablo ng tatlong saligang dahilan: (1) ang “poot” ng “nakatataas na mga awtoridad” sa pagpaparusa sa mga manlalabag-batas; (2) ang budhi ng isang Kristiyano, na hindi magiging malinis kung nagdaraya siya sa kaniyang buwis; (3) ang pangangailangan na bayaran ang “mga pangmadlang lingkod” na ito sa paglalaan ng mga serbisyo at pagpapanatili ng isang antas ng kaayusan. (Roma 13:1-7) Marami ang marahil ayaw magbayad ng buwis. Gayunman, tiyak na hindi nila nanaisin ang mamuhay sa isang lupain na walang pulis o proteksiyon sa sunog, walang nangangalaga ng mga lansangan, walang mga paaralang pampubliko, at walang sistema ng koreo. Ganito ang sabi minsan ng Amerikanong hukom na si Oliver Wendell Holmes tungkol dito: “Ang buwis ang ibinabayad natin para sa isang sibilisadong lipunan.”

Hindi isang bagay na bago para sa mga lingkod ng Diyos ang pagbabayad ng buwis. Ang mga naninirahan sa sinaunang Israel ay nagbabayad ng isang uri ng buwis upang suportahan ang kanilang mga hari, at ang ilan sa mga namamahalang iyon ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa mga tao sa pamamagitan ng di-makatuwirang mga buwis. Ang mga Judio ay nagbayad din ng tributo at buwis sa banyagang mga kapangyarihan na sumakop sa kanila, gaya ng Ehipto, Persia, at Roma. Kaya alam na alam ng mga Kristiyano noong kaarawan ni Pablo kung ano ang tinutukoy niya nang banggitin niya ang pagbabayad ng buwis. Batid nila na makatuwiran man o hindi ang buwis, at kung papaano man gugulin ng pamahalaan ang salaping ito, kailangang bayaran nila ang anumang obligasyon nila sa buwis. Kumakapit din ito sa mga Kristiyano sa ngayon. Gayunman, anong mga simulain ang maaaring umakay sa atin samantalang nagbabayad ng ating mga buwis sa masalimuot na panahong ito?

Limang Umaakay na mga Simulain

Maging maayos. Pinaglilingkuran natin at tinutularan si Jehova, na “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33; Efeso 5:1) Mahalaga ang pagiging maayos kung tungkol sa pagbabayad ng buwis. Ang inyo bang rekord ay kumpleto, wasto, at maayos? Karaniwan nang hindi kailangan ang isang magastos na sistema ng pagsasalansan. Maaaring magkaroon kayo ng isang polder na minarkahan para sa bawat uri ng rekord (tulad ng mga resibo) na inililista nang isa-isa ang inyong mga binayaran. Maaaring sapat na kung pagsama-samahin ang mga ito sa mas malalaking polder para sa bawat taon. Sa maraming lupain ay kailangang mag-ingat ng gayong mga salansan sa loob ng ilang taon sakaling magpasiya ang pamahalaan na suriin ang nakaraang mga rekord. Kaya huwag magtapon ng anuman hangga’t hindi kayo nakatitiyak na hindi na iyon kailangan.

Maging matapat. Sumulat si Pablo: “Magpatuloy kayo sa pananalangin para sa amin, sapagkat nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ang bawat desisyon na ginagawa natin kapag nagbabayad ng buwis ay dapat akayin ng isang taos-pusong hangarin na maging matapat. Una, isaalang-alang ang mga buwis na babayaran sa iniuulat na kíta. Sa maraming lupain, ang karagdagang kíta​—buhat sa mga tip, ibang trabaho, benta​—​ay sakop ng pagbabayad ng buwis kapag lumabis ito sa isang itinakdang halaga. Aalamin ng isang Kristiyanong may “matapat na budhi” kung ano ang itinatakdang taxable income sa kaniyang lugar at babayaran niya ang angkop na buwis.

Ikalawa, nariyan ang tungkol sa pag-aawás. Karaniwan nang pinapayagan ng mga pamahalaan ang mga nagbabayad ng buwis na iawas ang ilang gastos buhat sa kanilang taxable income. Sa magdarayang daigdig na ito, marami ang naniniwala na wala namang masama sa pagiging “mapanlikha” kapag nag-uulat ng gayong mga pag-aawás. Isang lalaki sa Estados Unidos ang naiulat na bumili para sa kaniyang asawa ng isang mamahaling fur coat, pagkatapos ay isinabit iyon sa loob ng isang araw sa lugar ng kaniyang negosyo upang maiawas niya ito bilang isang uri ng “dekorasyon” para sa lugar ng trabaho! Pinalitaw ng isa pang lalaki ang gastos sa kasal ng kaniyang anak na babae bilang gastos sa negosyo. Ang isa naman ay nagsikap ibawas ang nagastos ng kaniyang asawang babae na isinama niya nang ilang buwan sa paglalakbay sa Dulong Silangan, bagaman kaya siya naroon ay pangunahin nang ukol lamang sa layuning makisalamuha sa iba at maglibang. Waring walang-katapusan ang gayong mga kaso. Sa simpleng pananalita, ang pagturing sa isang bagay bilang isang pag-aawás sa negosyo bagaman hindi ito gayon ay isang uri ng pagsisinungaling​—isang bagay na lubhang kinasusuklaman ng ating Diyos, si Jehova.​—Kawikaan 6:16-19.

Maging maingat. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging “maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16) Ang payong iyan ay maaaring angkop na kumakapit sa ating pagbabayad ng buwis. Lalo na sa mauunlad na bansa, parami nang paraming tao sa ngayon ang nagbabayad sa isang accounting firm o isang propesyonal upang kuwentahin ang kanilang buwis. Pagkatapos ay nilalagdaan na lamang nila ang mga pormularyo at ipinadadala ang tseke. Ito ay isang magandang pagkakataon upang sundin ang babala na nakaulat sa Kawikaan 14:15: “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang.”

Maraming tagapagbayad ng buwis ang nagkaroon ng suliranin sa pamahalaan sapagkat sila’y ‘naglagak ng pananampalataya sa bawat salita’ ng ilang walang-prinsipyong akawntant o walang-karanasang tagakuwenta ng buwis. Anong inam nga ang maging matalino! Maging maingat sa pamamagitan ng masusing pagbabasa ng anumang dokumento bago ninyo lagdaan iyon. Kung nag-aalinlangan ka sa isang talâ, paglaktaw, o pag-aawás, hilinging ipaliwanag iyon​—nang paulit-ulit kung kinakailangan​—hanggang matiyak mo na ang bagay na iyon ay matapat at naaayon sa batas. Totoo na sa maraming lupain ang mga batas sa pagbubuwis ay nagiging lubhang masalimuot, subalit hangga’t maaari, isang karunungan na maunawaan ang anumang nilalagdaan mo. Sa ilang kaso, maaaring masumpungan mo na maaaring makapagbigay ng kaunawaan ang isang kapuwa Kristiyano na may kaalaman sa batas sa pagbubuwis. Ganito ang maigsi ngunit malinaw na pagkasabi ng isang Kristiyanong matanda na nag-aasikaso ng mga bagay tungkol sa buwis bilang isang abogado: “Kung nagmungkahi ang iyong akawntant ng isang bagay na waring di-kapani-paniwala, malamang na gayon nga iyon!”

Maging responsable. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” isinulat ni apostol Pablo. (Galacia 6:5) Hinggil sa pagbabayad ng buwis, dapat balikatin ng bawat Kristiyano ang pananagutan na maging matapat at masunurin sa batas. Ito ay isang bagay na hindi pinangangasiwaan ng matatanda sa kongregasyon tungkol sa kawan na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. (Ihambing ang 2 Corinto 1:24.) Hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili sa mga bagay tungkol sa buwis maliban kung itawag sa kanilang pansin ang isang kaso ng malubhang pagkakasala, marahil may kinalaman sa isang iskandalo sa pamayanan. Sa pangkalahatan, ito ay isang bagay na kung saan ang bawat Kristiyano ay may pananagutan sa paggamit ng kaniyang wasto-ang-pagkasanay na budhi sa pagkakapit ng maka-Kasulatang mga simulain. (Hebreo 5:14) Kasali rito ang kabatiran na ang paglagda sa isang dokumento tungkol sa buwis​—sinuman ang naghanda niyaon​—ay talagang isang legal na kapahayagan na inyong binasa ang dokumento at pinaniniwalaan ninyo na totoo ang nilalaman niyaon.a

Maging di-mapupulaan. Ang Kristiyanong mga tagapangasiwa ay kailangang “di-mapupulaan” upang maging kuwalipikado sa kanilang posisyon. Gayundin, ang buong kongregasyon ay dapat na di-mapupulaan sa paningin ng Diyos. (1 Timoteo 3:2; ihambing ang Efeso 5:27.) Kaya naman nagsusumikap sila na panatilihin ang mabuting reputasyon sa komunidad, kahit na may kinalaman sa pagbabayad ng buwis. Si Jesu-Kristo mismo ang nagpakita ng halimbawa hinggil dito. Itinanong sa kaniyang alagad na si Pedro kung si Jesus ay nagbayad ng buwis sa templo, isang maliit na bagay na may halagang dalawang drakma. Ang totoo, si Jesus ay libre buhat sa buwis na ito, yamang ang templo ay bahay ng kaniyang Ama at walang hari ang nagtatakda ng buwis sa kaniyang sariling anak. Gayon ang sinabi ni Jesus; gayunma’y binayaran niya ang buwis na iyan. Sa katunayan, gumamit pa siya ng isang himala upang gumawa ng kinakailangang salapi! Bakit babayaran ang isang buwis na hindi niya obligasyon? Gaya ng sinabi mismo ni Jesus, iyon ay “upang hindi natin mapangyari na sila ay matisod.”​—Mateo 17:24-27.b

Ingatan ang Isang Nagpaparangal-sa-Diyos na Reputasyon

Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nababahala rin na sila’y hindi makatisod sa iba. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na sa kabuuan, sila ay nagtatamasa ng isang mabuting reputasyon sa buong daigdig bilang matapat, nagbabayad-ng-buwis na mga mamamayan. Halimbawa, nagkomento ang pahayagang El Diario Vasco sa Kastila tungkol sa laganap na pag-iwas sa pagbabayad ng buwis sa Espanya, ngunit sinabi: “Ang tanging eksepsiyón [ay] ang mga Saksi ni Jehova. Kapag sila’y bumibili o nagbibili, ang halaga [ng ari-arian] na idinedeklara nila ay ang siyang katotohanan.” Gayundin, ang pahayagan sa E.U. na San Francisco Examiner ay nagsabi ng ganito mga ilang taon na ang nakalipas: “Maaari mong ituring [ang mga Saksi ni Jehova] bilang ulirang mga mamamayan. Sila’y masipag magbayad ng buwis, nag-aalaga ng maysakit, binabaka ang kamangmangan.”

Walang tunay na Kristiyano ang magnanais gumawa ng anuman na maaaring magbigay-dungis sa reputasyong ito na pinaghirapang matamo. Kung nakaharap sa isang pagpili, pipiliin mo ba ang makilala bilang isang magdaraya sa buwis kapalit ng kaunting halaga? Hindi. Tiyak na pipiliin mong mawalan ng salapi kaysa dungisan ang iyong mabuting pangalan at lumikha ng di-mabuting impresyon sa iyong mga prinsipyo at sa iyong pagsamba kay Jehova.

Ang totoo, sa pag-iingat ng reputasyon bilang isang makatarungan, matapat na tao ay maaaring gumastos ka ng salapi kung minsan. Gaya ng sinabi ng sinaunang pilosopong Griego na si Plato mga 24 na siglo na ang nakaraan: “Kung saan may buwis sa kíta, ang isang taong makatarungan ay magbabayad ng higit at ang di-makatarungan ay magbabayad ng kaunti sa gayunding halaga ng kíta.” Maaaring idinagdag niya na hindi kailanman pinagsisisihan ng taong makatarungan ang pagbabayad ng halaga sa pagiging makatarungan. Kahit ang pagkakaroon ng gayong reputasyon ay sulit na. Ito ay tiyak na totoo sa mga Kristiyano. Mahalaga sa kanila ang kanilang mabuting reputasyon sapagkat nagpaparangal ito sa kanilang makalangit na Ama at nakatutulong upang maakit ang iba sa kanilang paraan ng pamumuhay at sa kanilang Diyos, si Jehova.​—Kawikaan 11:30; 1 Pedro 3:1.

Ngunit higit sa lahat, mahalaga sa tunay na mga Kristiyano ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Nakikita ng Diyos ang lahat ng kanilang ginagawa, at sila’y nagnanais na makalugod sa kaniya. (Hebreo 4:13) Kaya naman, tinatanggihan nila ang tukso na tangkaing dayain ang pamahalaan. Kinikilala nila na nalulugod ang Diyos sa matapat, matuwid na paggawi. (Awit 15:1-3) At yamang ibig nilang pagalakin ang puso ni Jehova, binabayaran nila ang lahat ng obligasyon nila sa buwis.​—Kawikaan 27:11; Roma 13:7.

[Mga talababa]

a Maaaring ito ay magharap ng isang hamon sa mga Kristiyano na nag-uulat ng isang joint tax return kasama ng isang di-sumasampalatayang asawa. Maingat na sisikapin ng Kristiyanong asawang babae na maging timbang kung tungkol sa simulain ng pagkaulo at sa pangangailangan na sundin ang mga batas ni Cesar may kinalaman sa buwis. Gayunman, dapat niyang mabatid ang posibleng kahihinatnan ng paglabag sa batas sa kaniyang kusang paglagda sa isang palsipikadong dokumento.​—Ihambing ang Roma 13:1; 1 Corinto 11:3.

b Kapuna-puna, ang Mateo ang tanging Ebanghelyo na nag-ulat ng pangyayaring ito sa buhay ni Jesus sa lupa. Bilang isa mismong dating maniningil ng buwis, walang alinlangan na humanga si Mateo sa saloobin ni Jesus hinggil dito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share