Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Panunumbalik sa Tunay na Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
    • Kabanata 15

      Isang Panunumbalik sa Tunay na Diyos

      “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa; kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan din kayo sa isa’t-isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”​—Juan 13:34, 35.

      1, 2. Ano ang dapat maging epekto ng pag-ibig sa tunay na mga Kristiyano?

      SA MGA salitang ito, ay itinatag ni Jesus ang pamantayan para sa mga nag-aangkin na sila’y tunay na mga alagad niya. Ang pag-ibig Kristiyano ay dapat manaig sa lahat ng mga hidwaan ng lahi, lipi, at bansa. Iniuutos nito na ang mga tunay na Kristiyano ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan,” gaya ni Jesus na “hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:14, 16; Roma 12:17-21.

      2 Papaano ipakikita ng Kristiyano na siya ay “hindi bahagi ng sanlibutan”? Halimbawa, papaano siya dapat kumilos kaugnay ng magulong politika, mga himagsikan, at mga digmaan sa panahong ito? Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Juan kasuwato ng mga salita ni Jesus sa itaas: “Ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kapatid. Sapagkat ito ang bilin na inyong narinig buhat sa pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t-isa.” At ipinaliwanag mismo ni Jesus kung bakit ang kaniyang mga alagad ay hindi nakipagbaka upang iligtas siya, sa pagsasabing: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutan, disi’y nakipagbaka na ang aking mga alipin. . . . Kaya nga, ang kaharian ko ay hindi mula rito.” Bagaman nanganganib ang buhay ni Jesus, ang alitan ay hindi nilutas ng kaniyang mga alagad ayon sa mapagdigmang mga paraan ng sanlibutan.​—1 Juan 3:10-12; Juan 18:36.

      3, 4. (a) Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa “huling bahagi ng mga kaarawan”? (b) Anong mga tanong ang nangangailangan ng sagot?

      3 Mahigit na 700 taon bago kay Kristo, inihula ni Isaias na ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay pipisanin sa tunay na pagsamba ni Jehova at hindi na sila mag-aaral ng pakikidigma. Sinabi niya: “At mangyayari nga na sa huling bahagi ng mga kaarawan ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag sa taluktok ng mga bundok, . . . at doo’y dadagsa ang lahat ng bansa. At tiyak na marami ang paroroon at magsasabi: ‘Halina, tayo’y umahon sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at ituturo niya sa atin ang kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem. At tiyak na hahatulan niya ang mga bansa at itutuwid ang mga bagay-bagay sa gitna ng mga tao. At kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit. Ang bansa ay hindi na magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa sila ng pakikidigma.”a​—Isaias 2:2-4.

      4 Sa lahat ng relihiyon sa daigdig, alin ang namumukod-tangi sa pagtugon sa mga kahilingang ito? Sino ang tumangging mag-aral ng pakikidigma sa kabila ng mga pagkabilanggo, mga concentration camp, at hatol na kamatayan?

      Pag-ibig Kristiyano at Neutralidad

      5. Anong ulat hinggil sa Kristiyanong neutralidad ang naitatag ng mga Saksi ni Jehova bilang mga indibiduwal, at bakit?

      5 Kilala sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang indibiduwal na salig-sa-budhing paninindigan sa Kristiyanong neutralidad. Sa ika-20 siglong ito ay nagtiis sila ng pagkabilanggo, mga concentration camp, pagpapahirap, pagtatapon, at pag-uusig sapagkat tumanggi sila na isakripisyo ang kanilang pag-ibig at pagkakaisa bilang pandaigdig na kongregasyon ng mga Kristiyano. Noong 1933-45, humigit-kumulang isang libong Saksi ang namatay at libulibo ang nabilanggo sa Nazing Alemanya dahil sa pagtangging makipagtulungan kay Hitler sa digmaan. Gayundin, sa ilalim ni Franco sa dati’y Fasistang Espanya, daandaang kabataang Saksi ang nabilanggo at marami ang gumugol ng tigsasampung taon sa mga bilangguang militar dahil sa hindi pagsasanay sa digmaan. Hanggang sa araw na ito sa maraming bansa, maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nakabilanggo dahil sa Kristiyanong neutralidad. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikialam sa mga pamahalaan sa kanilang mga programang militar. Sa lahat ng mga alitan at digmaan ng ika-20 siglo ang isa sa di-nagbabagong paniwala ng mga Saksi ay ang di-natitinag na Kristiyanong neutralidad sa makapolitikang mga gawain. Ito ang nagtatatak sa kanila bilang tunay na mga tagasunod ni Kristo at nagtatangi sa kanila sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.​—Juan 17:16; 2 Corinto 10:3-5.

      6, 7. Ano ang naunawaan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa Kristiyanismo?

      6 Dahil sa panghahawakan sa Bibliya at sa halimbawa ni Kristo, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova na itinataguyod nila ang pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Nakikilala nila ang pag-ibig ng Diyos na naaaninaw sa buhay at hain ni Jesus. Batid nila na ang tunay na pag-ibig Kristiyano ay nagbubunga ng nagkakaisang pandaigdig na kapatiran​—malayo sa mga hidwaan ng politika, lahi, at bansa. Kaya, ang Kristiyanismo ay hindi lamang internasyonal; kundi supranasyonal pa, o hindi nababahagi ng pambansang mga hangganan, pamahalaan, o kapakanan. Para sa kanila ang lahi ng tao ay isang pamilya na may iisang ninuno at iisang Maylikha, ang Diyos na Jehova.​—Gawa 17:24-28; Colosas 3:9-11.

      7 Samantalang halos lahat ng ibang relihiyon ay nasasangkot sa mga digmaan​—kapatid-laban-sa-kapatid at kapuwa-laban-sa-kapuwa​—ipinakita ng mga Saksi ni Jehova na kanilang isinasapuso ang hula sa Isaias 2:4, na sinipi sa itaas. ‘Ngunit,’ baka itanong ninyo, ‘saan galing ang mga Saksi ni Jehova? Papaano sila kumikilos?

      Mahabang Hanay ng mga Saksi ng Diyos

      8, 9. Anong paanyaya ang ipinaabot ng Diyos sa sangkatauhan?

      8 Mahigit nang 2,700 taon ngayon, binigkas din ni propeta Isaias ang paanyayang ito: “Hanapin ninyo si Jehova, samantalang siya’y masusumpungan. Manawagan kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit. Hayaang talikdan ng balakyot ang kaniyang daan, at ng liko ang kaniyang maling isipan; hayaan siyang manumbalik kay Jehova, na magpapakita ng awa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y nagpapatawad nang sagana.”​—Isaias 55:6, 7.

      9 Maraming dantaon pagkaraan nito, nagpaliwanag ang Kristiyanong apostol na si Pablo sa mga Griyego sa Atenas na “lubhang natatakot sa [mitolohikal na] mga diyos”: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang lahat ng bansa, upang sila’y magsitahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinakda niya ang kanikanilang panahon at hangganan ng tirahan, upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya’y maapuhap nila at tunay na masumpungan siya, bagaman ang totoo’y hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:22-28.

      10. Papaano natin nalaman na ang Diyos ay hindi malayo kina Adan at Eba at sa kanilang mga anak?

      10 Tiyak na hindi naging malayo ang Diyos sa kaniyang mga nilikhang sina Adan at Eba. Nakipag-usap siya at ipinatalastas sa kanila ang kaniyang mga utos at kagustuhan. Bukod dito, hindi ikinubli ng Diyos ang sarili mula sa kanilang mga anak na sina Cain at Abel. Pinayuhan niya ang mapagtanim na si Cain nang mainggit ito sa handog ng kaniyang kapatid sa Diyos. Subalit, sa halip na baguhin ang kaniyang paraan ng pagsamba, nagpakita si Cain ng mapanibugho, relihiyosong di-pagpaparaya at pinaslang ang kapatid niyang si Abel.​—Genesis 2:15-17; 3:8-24; 4:1-16.

      11. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “martir”? (b) Papaano naging unang martir si Abel?

      11 Dahil sa katapatan hanggang kamatayan, si Abel ay naging unang martir.b Siya rin ang naging unang saksi ni Jehova, at tagapagpauna sa mahabang hanay ng tapat na mga saksi sa buong kasaysayan. Kaya nasabi ni Pablo: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog ng isang mas mahalagang hain kaysa kay Cain, at sa pananampalatayang ito ay sinaksihan na siya’y matuwid, at ang Diyos ay sumaksi sa kaniyang mga kaloob; at dahil dito siya, bagaman patay na, ay nagsasalita pa.”​—Hebreo 11:4.

      12. Sino pa ang mga halimbawa ng tapat na mga saksi ni Jehova?

      12 Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, sunudsunod na itinatala ni Pablo ang mga tapat na lalaki at babae, gaya nina Noe, Abraham, Sara, at Moises, na, dahil sa kanilang integridad, ay naging isang ‘makapal na ulap ng mga saksi [Griyego, mar·tyʹron]’ na nagsilbing halimbawa at pampatibay-loob sa ibang nagnanais makakilala at makapaglingkod sa tunay na Diyos. Sila’y mga lalaki at babae na nakipag-ugnayan sa Diyos na Jehova. Siya ay hinanap at nasumpungan nila.​—Hebreo 11:1–​12:1.

      13. (a) Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos? (b) Sa anong pantanging paraan naging halimbawa si Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

      13 Namumukod-tangi sa mga saksing ito ay yaong isa na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis, “Si Jesu-Kristo, ‘ang Tapat na Saksi.’ ” Si Jesus ay isa pang maliwanag na katibayan ng pag-ibig ng Diyos, sapagkat ayon kay Juan: “Tayo mismo ay nakakita at sumasaksi na isinugo ng Ama ang kaniyang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang sinomang magpapahayag na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, ay magiging kaisa ng Diyos at ang Diyos ay kaisa niya. At tayo sa ganang sarili ay nakakilala at sumampalataya sa pag-ibig ng Diyos sa atin.” Isinilang na Judio, si Jesus ay naging isang tunay na saksi at namatay bilang martir na tapat sa kaniyang Ama, si Jehova. Lahat ng mga tunay na tagasunod ni Kristo ay magiging mga saksi rin niya at ng tunay na Diyos, si Jehova.​—Apocalipsis 1:5; 3:14; 1 Juan 4:14-16; Isaias 43:10-12; Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.

      14. Anong tanong ang nangangailangan ngayon ng sagot?

      14 Ipinahiwatig ng hula ni Isaias na ang panunumbalik sa tunay na Diyos, si Jehova, ay magaganap sa “huling bahagi ng mga kaarawan,” o ayon sa ibang bahagi ng Bibliya ay “mga huling araw.”c Dahil sa pagkasarisari at kalituhan sa relihiyon na inilarawan sa aklat na ito, ang tanong ay bumabangon: Sa mga huling araw na ito sino ang talagang naghanap sa tunay na Diyos, upang paglingkuran siya “sa espiritu at katotohanan”? Para masagot ito, dapat muna nating ibaling ang pansin sa mga pangyayari noong ika-19 na siglo.​—Isaias 2:2-4; 2 Timoteo 3:1-5; Juan 4:23, 24.

      Isang Binata na Naghanap sa Diyos

      15. (a) Sino si Charles Taze Russell? (b) Ano ang ilan sa kaniyang mga relihiyosong pag-aalinlangan?

      15 Noong 1870 isang masigasig na binata, si Charles Taze Russell (1852-1916), ay nagsimulang magtanong hinggil sa tradisyonal na mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Bilang kabataan, siya ay nagtrabaho sa tindahan ng mga damit-panlalaki na pag-aari ng kaniyang ama sa maunlad na industriyalisadong lungsod ng Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania, E.U.A. Ang relihiyon niya ay Presbiteryano at Congregational. Ngunit niligalig siya ng turo ng pagtatadhana at walang-hanggang pahirap sa apoy-ng-impiyerno. Bakit siya nag-alinlangan sa mga saligang turong ito ng Sangkakristiyanuhan? Sinabi niya: “Hindi maituturing na matalino at maibigin ang isang Diyos na gumagamit ng kapangyarihan sa paglikha ng tao na patiuna nang naitadhana sa walang-hanggang pahirap. Ang pamantayan niya ay magiging mas mababa pa kaysa sa pamantayan ng maraming tao.”​—Jeremias 7:31; 19:5; 32:35; 1 Juan 4:8, 9.

      16, 17. (a) Anong mga turo ang lubhang nakaakit sa interes ng grupo ni Russell sa pag-aaral ng Bibliya? (b) Anong mahigpit na pagtatalo ang bumangon, at papaano tumugon si Russell?

      16 Bagaman wala pang beinte-anyos, itinatag ni Russell ang isang lingguhang grupo ng pag-aaral sa Bibliya kasama ng ibang binata. Sinimulan nilang suriin ang iba’t-ibang paksa sa Bibliya, gaya ng kaluluwang di-namamatay at maging ang haing pantubos at ikalawang pagparito ni Kristo. Noong 1877, sa edad na 25, ipinagbili ni Russell ang kaniyang parté sa maunlad na negosyo ng kaniyang ama at sinimulan ang buong-panahong karera ng pangangaral.

      17 Noong 1878 si Russell ay mahigpit na nakipagtalo sa isa niyang kapanalig na ayaw maniwalang ang kamatayan ni Kristo ang tutubos sa mga pagkakasala. Bilang pagpapabulaan ay ganito ang isinulat ni Russell: “Napakaraming mabubuting bagay ang nagawa para sa atin ng kamatayan at pagkabuhay-na-muli ni Kristo. Siya ang kahalili natin sa kamatayan; namatay siyang matuwid alang-alang sa di-matuwid​—lahat ay di-matuwid. Sa biyaya ng Diyos ay lumasap si Jesu-Kristo ng kamatayan alang-alang sa bawat tao. . . . Siya ang naging autor ng walang-​hanggang kaligtasan para sa lahat ng tatalima sa kaniya.” Nagpatuloy siya: “Ang pagtubos ay pagbili. Ano ang binili ni Jesus para sa lahat ng tao? Buhay. Naiwala natin ito nang sumuway ang unang Adan. Ito ay binili ng ikalawang Adan [si Kristo] sa pamamagitan ng sarili niyang buhay.”​—Marcos 10:45; Roma 5:7, 8; 1 Juan 2:2; 4:9, 10.

      18. (a) Ano ang sumunod sa pagtatalo sa pantubos? (b) Anong huwaran ang sinusunod ng mga Bible Students hinggil sa abuloy?

      18 Palibhasa’y matatag na tagapagtaguyod ng doktrina ng pantubos, pinutol ni Russell ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa dating kapanalig na ito. Noong Hulyo 1879 sinimulan ni Russell na ilathala ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, kilala sa buong daigdig ngayon bilang Ang Bantayan​—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Noong 1881, siya at ang iba pang naaalay na Kristiyano, ay nagtatag ng isang nonprofit Bible Society. Tinawag ito na Zion’s Watch Tower Tract Society, kilala ngayon bilang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ang legal na ahensiya ng mga Saksi ni Jehova. Sa pasimula pa, ay iginiit ni Russell na hindi dapat mangilak ng abuloy sa mga pulong ng kongregasyon ni sa pamamagitan ng mga publikasyon ng Watch Tower. Ang mga sumali kay Russell sa dibdibang pag-aaral ng Bibliya ay nakilala lamang bilang mga Bible Students.

      Panunumbalik sa Katotohanan ng Bibliya

      19. Aling mga turo ng Sangkakristiyanuhan ang tinanggihan ng mga Bible Students?

      19 Bunga ng pag-aaral sa Bibliya tinanggihan nina Russell ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan na gaya ng “Santisima Trinidad,” likas na kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang-hanggang pahirap sa apoy-ng-impiyerno. Tinanggihan din nila ang pagkakaroon ng isang uring klero na sinanay-sa-seminaryo. Hinangad nilang manumbalik sa payak na pasimula ng Kristiyanismo, na doon ang mangunguna sa mga kongregasyon ay mga matatandang kuwalipikado-sa-espirituwal na hindi umaasa ng suweldo o kabayaran.​—1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9.

      20. Ano ang natuklasan ng mga Bible Students hinggil sa pa·rou·siʹa ni Kristo at sa 1914?

      20 Sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, naging lubhang interesado ang mga Bible Students sa mga hula ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan hinggil sa “katapusan ng sanlibutan” at sa “pagdating” ni Kristo. (Mateo 24:3, KJ) Sa pagsisiyasat sa tekstong Griyego, natuklasan nila na ang “pagparito” pala ni Kristo ay isang “pa·rou·siʹa,” o di-nakikitang pagkanaririto. Kaya, ang mga alagad ay pinahiwatigan ni Kristo hinggil sa ebidensiya ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa panahon ng kawakasan, hindi sa isang hinaharap na makikitang pagparito. Kasabay ng pag-aaral na ito, ang mga Bible Students ay nagkaroon ng marubdob na hangarin na maunawaan ang kronoloniya ng Bibliya kaugnay ng pagkanaririto ni Kristo. Bagaman hindi naunawaan ang lahat ng detalye, natalos nina Russell na ang 1914 ay magiging isang napakahalagang petsa sa kasaysayan ng tao.​—Mateo 24:3-22; Lucas 21:7-33, Int.

      21. Anong pananagutan ang nadama nina Russell at ng kaniyang mga kapuwa mananampalataya?

      21 Batid ni Russell na isang malawak na gawaing pangangaral ang dapat isagawa. Alam niya ang mga salita ni Jesus na iniulat ni Mateo: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Bago pa ang 1914 ay nadama na ng mga Bible Students ang pagiging apurahan ng kanilang gawain. Naniwala sila na ang pangangaral ay magtatapos sa taóng yaon, kaya dapat nilang gugulin ang buong lakas sa pagtulong sa iba na matutuhan “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” Hindi nagtagal, ang mga sermon ni C. T. Russell sa Bibliya ay nailathala sa libulibong pahayagan sa buong daigdig.

      Mga Pagsubok at mga Pagbabago

      22-24. (a) Ano ang reaksiyon ng karamihan ng mga Bible Students nang mamatay si C. T. Russell? (b) Sino ang humalili kay Russell bilang pangulo ng Samahang Watch Tower?

      22 Noong 1916 biglang namatay si Charles Taze Russell sa edad na 64, sa gitna ng isang nangangaral na paglalakbay sa buong Estados Unidos. Ano ang mangyayari sa mga Bible Students? Hihinto ba sila na waring sila’y tagasunod lamang ng isang tao? Papaano nila haharapin ang mga pagsubok ng Digmaang Pandaigdig I (1914-18), isang lansakang pagpatay na magsasangkot sa Estados Unidos?

      23 Ang reaksiyon ng karamihan ng mga Bible Students ay inilalarawan ng mga salita ni W. E. Van Amburgh, isang opisyal ng Samahang Watch Tower: “Ang dakilang pandaigdig na gawaing ito ay hindi gawa ng isang tao. Lubhang napakadakila nito para sa iisang tao. Ito’y gawain ng Diyos at ito’y hindi nagbabago. Noong nakaraan ay gumamit ang Diyos ng iba’t-ibang lingkod at walang-alinlangan na gagamit pa Siya ng marami sa hinaharap. Ang ating pagkakatalaga ay hindi sa isang tao, o sa gawain ng tao, kundi sa pagtupad ng layunin ng Diyos, na isisiwalat Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at ng banal na pagpatnubay. Diyos pa rin ang may hawak ng timon.”​—1 Corinto 3:3-9.

      24 Noong Enero 1917 si Joseph F. Rutherford, isang abogado at taimtim na estudyante ng Bibliya, ay nahalal na pangalawang pangulo ng Samahang Watch Tower. Siya’y may dinamikong personalidad at hindi madaling takutin. Batid niya na ang Kaharian ng Diyos ay dapat maipangaral.​—Marcos 13:10.

      Panibagong Sigla at Isang Bagong Pangalan

      25. Papaano tumugon ang mga Bible Students sa hamon na lumitaw noong mga taon pagkaraan ng unang digmaang pandaigdig?

      25 Ang mga kombensiyon ay inorganisa ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos noong 1919 at 1922. Pagkatapos ng pag-uusig na bunga ng Digmaang Pandaigdig I sa Estados Unidos, waring Pentekostes na naman para sa iilang libong Bible Students noon. (Gawa 2:1-4) Sa halip na madaig ng takot sa tao, tinanggap nila nang may ibayong sigasig ang panawagan ng Bibliya na humayo at mangaral. Noong 1919 inilathala ng Samahang Watch Tower ang katambal na magasin ng Bantayan na tinawag na The Golden Age, kilala sa buong daigdig ngayon bilang Gumising! Naging mabisang kasangkapan ito sa paggising sa mga tao sa kahulugan ng mga pangyayari ngayon at sa pagpapatibay ng tiwala sa pangako ng Maylikha ukol sa isang mapayapang bagong sanlibutan.

      26. (a) Anong pananagutan ang lalong idiniin ng mga Bible Students? (b) Anong mas malinaw na unawa sa Bibliya ang tinanggap ng mga Bible Students?

      26 Noong mga 1920 at 1930, lalo pang idiniin ng mga Bible Students ang sinaunang Kristiyanong paraan ng pangangaral​—sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Bawat mananampalataya ay dapat magpatotoo sa pinakamaraming tao hinggil sa pamamahala ng Kaharian ni Kristo. Mula sa Bibliya ay lalo nilang naliwanagan na ang dakilang isyu na nakaharap sa sangkatauhan ay ang pansansinukob na soberanya at na ito’y lulutasin ng pagdurog ng Diyos na Jehova kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mapanirang gawa sa lupa. (Roma 16:20; Apocalipsis 11:17, 18) Sa konteksto ng isyung ito ay napahalagahan nila na ang kaligtasan ng tao ay pangalawa lamang sa pagbabangong-puri sa Diyos bilang matuwid na Soberano. Kaya, sa lupa ay dapat magkaroon ng tapat na mga saksi na handang magpatotoo sa mga layunin at pagiging-kataastaasan ng Diyos. Papaano nasapatan ang pangangailangang ito?​—Job 1:6-12; Juan 8:44; 1 Juan 5:19, 20.

      27. (a) Anong mahalagang pangyayari ang naganap noong 1931? (b) Ano ang ilan sa natatanging paniwala ng mga Saksi?

      27 Noong Hulyo 1931 ay nagdaos ang mga Bible Students ng isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, at ang libulibong dumalo ay nagtibay ng isang resolusyon. Doo’y buong-kagalakan nilang niyakap “ang pangalan na nagmula mismo sa bibig ng Panginoong Diyos,” at ipinahayag nila: “Hangad naming makilala at matawag sa pangalang ito, alalaong baga, ‘mga saksi ni Jehova.’ ” Mula noon, ang mga Saksi ni Jehova ay napabantog sa buong daigdig hindi lamang dahil sa kanilang natatanging mga paniwala kundi dahil din sa kanilang masigasig na ministeryo sa bahay-bahay at sa lansangan.​—Isaias 43:10-12; Mateo 28:19-20; Gawa 1:8.

      28. Noong 1935 anong mas malinaw na unawa ang tinanggap ng mga Saksi hinggil sa pamamahala ng Kaharian?

      28 Noong 1935, ang mga Saksi ay tumanggap ng mas malinaw na unawa hinggil sa mga uring makalangit na maghaharing kasama ni Kristo, at ang kanilang mga sakop sa lupa. Alam nila na ang bilang ng pinahirang mga Kristiyano na tinawag upang magharing kasama ni Kristo sa langit ay 144,000 lamang. Kaya, ano ang pag-asa ng karamihan sa sangkatauhan? Ang isang pamahalaan ay nangangailangan ng mga sakop upang bigyang-matuwid ang pag-iral nito. Ang makalangit na pamahalaan, ang Kaharian, ay magkakaroon din ng milyunmilyong masunuring sakop sa lupa. Sila ang “malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinomang tao, mula sa lahat ng bansa at angkan at bayan at wika,” na sumisigaw ng: “Kaligtasan ay utang namin sa Diyos [si Jehova], na nakaluklok sa trono, at sa Kordero [si Kristo Jesus].”​—Apocalipsis 7:4, 9, 10; 14:1-3; Roma 8:16, 17.

      29. Anong hamon ang naunawaan at tinanggap ng mga Saksi?

      29 Dahil sa unawang ito hinggil sa malaking pulutong, nakita ng mga Saksi ni Jehova ang malaking hamon na nasa harapan nila​—hanapin at turuan ang milyunmilyong naghahanap sa tunay na Diyos at na bubuo sa “malaking pulutong.” Magsasangkot ito ng isang pandaigdig na kampanya ng edukasyon. Mangangailangan ito ng mga sanay na tagapagsalita at ministro. Kakailanganin ang mga paaralan. Lahat ng ito ay nakinikinita ng susunod na pangulo ng Samahang Watch Tower.

      Pandaigdig na Paghahalughog sa mga Naghahanap sa Diyos

      30. Noong 1930 at 1940 anong mga pangyayari ang nakaapekto sa mga Saksi?

      30 Noong 1931 wala pang 50,000 ang mga Saksi sa mga lupain na kulang pa sa 50 ang bilang. Ang mga pangyayari noong mga 1930 at 1940 ay nagpahirap sa kanilang pangangaral. Nasaksihan ng yugtong ito ang pagbangon ng Fasismo at Nazismo at ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II. Namatay si J. F. Rutherford noong 1942. Kailangan ng Samahang Watch Tower ang masigasig na pangunguna na magbibigay ng higit na puwersa sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova.

      31. Ano ang sinimulan noong 1943 na magpapalawak sa pangangaral ng mabuting balita?

      31 Noong 1942, sa edad na 36, napili si Nathan H. Knorr bilang pangatlong presidente ng Samahang Watch Tower. Siya’y isang masigasig na organisador na may malalim na unawa sa pangangailangan na maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig sa pinakamabilis na paraan, bagaman ang mga bansa ay nasasangkot pa sa Digmaang Pandaigdig II. Bunga nito, ipinatupad niya agad ang plano para sa isang paaralan na magsasanay ng mga misyonero, ang Watchtower Bible School of Gilead.d Ang unang isandaang estudyante, pawang buong-panahong ministro, ay itinala noong Enero 1943. Ang Bibliya at kaugnay na mga asignatura sa ministeryo ay masusi nilang pinag-aralan sa loob ng halos anim na buwan bago sila isinugo sa kanilang mga atas sa ibang mga bansa. Hanggang 1990, 89 na klase na ang nakapagtapos, at libulibong ministro ang nakapanggaling sa Gilead upang maglingkod sa buong daigdig.

      32. Anong pagsulong ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova mula noong 1943?

      32 Noong 1943 ay 126,329 lamang ang mga Saksing nangangaral sa 54 bansa. Sa kabila ng makahayop na pagsalansang ng Nazismo, Fasismo, Komunismo, Aksiyong Katoliko at pati na ng di-umano’y mga demokrasya noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova noong 1946 ay umabot sa pinakamataas na bilang na 176,000 mangangaral ng Kaharian. Pagkaraan ng apatnapu’t-apat na taon, halos apat na milyon na ang aktibo sa mahigit na 200 lupain, kapuluan, at teritoryo. Tiyak na tumulong ang kanilang maliwanag na pagkakakilanlan sa pangalan at kilos upang sila ay mapatanyag sa buong daigdig. Subalit may iba pang mga salik na lubhang nakaimpluwensiya sa pagiging-mabisa nila.​—Zacarias 4:6.

      Isang Organisasyon ng Edukasyon sa Bibliya

      33. Bakit may mga Kingdom Hall ang mga Saksi ni Jehova?

      33 Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng lingguhang mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya sa kanilang mga Kingdom Hall na ginagamit ng mahigit na 60,000 kongregasyon sa buong daigdig. Ang mga pulong na ito ay hindi salig sa rituwal o emosyon kundi sa pagkakamit ng tumpak na kaalaman ng Diyos, ng kaniyang Salita, at mga layunin. Kaya, makaitlo bawat linggo ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasamasama upang palawakin ang kanilang unawa sa Bibliya at matuto kung papaano ipangangaral at ituturo ang mensahe nito.​—Roma 12:1, 2; Filipos 1:9-11; Hebreo 10:24, 25.

      34. Ano ang layunin ng Paaralan sa Teokratikong Pagmiministro?

      34 Halimbawa, sa isang pulong sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kabilang ang Paaralan sa Teokratikong Pagmiministro, na kung saan nagpapatala ang mga miyembro ng kongregasyon. Ang paaralan, na pinangangasiwaan ng isang kuwalipikadong matandang Kristiyano, ay nagsasanay ng mga lalaki, babae, at bata sa sining ng pagtuturo at pagpapahayag-sa-sarili kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Sinabi ni apostol Pablo: “Maging magiliw nawa ang inyong pananalita, may lasang asin, upang malaman ninyo kung papaano sasagutin ang bawat isa.” Sa kanilang mga pagtitipong Kristiyano, natututo rin ang mga Saksi kung papaano ipapahayag ang mensahe ng Kaharian “nang may hinahon at pagpipitagan.”​—Colosas 4:6; 1 Pedro 3:15.

      35. Ano pa ang ibang mga pulong ng mga Saksi, at ano ang mga pakinabang nito?

      35 Sa iba namang araw, ang mga Saksi ay nagtitipon din para sa isang 45-minutong diskurso sa Bibliya na sinusundan ng isang oras na talakayan ng kongregasyon (sa pamamagitan ng tanong-at-sagot) sa isang tema sa Bibliya tungkol sa Kristiyanong pagtuturo o paggawi. Malayang nakikibahagi ang mga miyembro ng kongregasyon. Bawat taon ang mga Saksi ay dumadalo rin sa tatlong mas malalaking pulong, asamblea at kombensyon sa loob ng isa hanggang apat na araw, na karaniwang dinadaluhan ng libulibo upang makinig sa mga diskurso sa Bibliya. Dahil sa walang-bayad na mga pagtitipong ito, napatatalas ng bawat Saksi ang kaalaman niya sa mga pangako ng Diyos sa lupa at sa tao bukod pa sa pagkakamit ng napakahusay na edukasyon sa Kristiyanong moral. Bawat isa ay lalong napapalapit sa tunay na Diyos, si Jehova, dahil sa pagsunod sa mga turo at halimbawa ni Kristo Jesus.​—Juan 6:44, 65; 17:3; 1 Pedro 1:15, 16.

      Papaano Inoorganisa ang mga Saksi?

      36. (a) Ang mga Saksi ba ay may uring klero na suwelduhan? (b) Sino, kung gayon, ang nangunguna sa kongregasyon?

      36 Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay may mga pagtitipon at organisado sila sa pangangaral, makatuwiran lamang na may dapat manguna. Gayunman, wala silang suwelduhang uring klero at wala rin silang tinitingalang karismatikong lider. (Mateo 23:10) Sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo na walang bayad, ibigay ninyo na walang bayad.” (Mateo 10:8; Gawa 8:18-21) Sa bawat kongregasyon, may matatanda at ministeryal na lingkod na kuwalipikado-sa-espirituwal, marami ay may hanapbuhay at may pamilya, na kusang-loob na nangunguna sa pagtuturo at pangangasiwa sa kongregasyon. Ito mismo ang huwaran na inilaan ng mga unang siglong Kristiyano.​—Gawa 20:17; Filipos 1:1; 1 Timoteo 3:1-10, 12, 13.

      37. Papaano hinihirang ang matatanda at ministeryal na lingkod?

      37 Papaano hinihirang ang matatanda at ministeryal na lingkod? Ito ay ginagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lupong tagapamahala na binubuo ng pinahirang matatanda mula sa iba’t-ibang lupain na ang tungkulin ay kahawig niyaong lupon ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem na nanguna sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Gaya ng ipinakita sa Kabanata 11, wala isa mang apostol ang itinuring na nakatataas sa iba. Nagpasiya sila bilang isang lupon, at ang mga ito ay iginalang ng mga kongregasyon na nakakalat sa sinaunang daigdig Romano.​—Gawa 15:4-6, 22, 23, 30, 31.

      38. Papaano kumikilos ang Lupong Tagapamahala?

      38 Ito rin ang kaayusan na sinusunod ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Nagtitipon sila bawat linggo sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, Nueba York, at mula roon ang mga tagubilin ay ipinadadala sa mga Komite ng Sangay sa buong daigdig na nangangasiwa sa gawaing ministeryal ng bawat bansa. Sa pagsunod sa halimbawa ng unang mga Kristiyano, narating ng mga Saksi ni Jehova ang malalawak na bahagi ng lupa sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang gawaing ito ay nagpapatuloy sa pandaigdig na antas.​—Mateo 10:23; 1 Corinto 15:58.

      Nagdadagsaan sa Tunay na Diyos

      39. (a) Bakit neutral ang mga Saksi sa mga isyu ng politika? (b) Papaano lumago ang mga Saksi sa ilalim ng pagbabawal?

      39 Sa ika-20 siglo, ang mga Saksi ni Jehova ay lumago sa buong daigdig. Totoo rin ito maging sa mga lupain na doo’y may pagbabawal o paghihigpit. Ang mga pagbabawal ay pangunahin nang nagmumula sa mga rehimen na hindi nakakaunawa sa neutral na katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa politika at nasyonalismo. (Tingnan ang kahon, pahina 347.) Subalit, sa mga lupaing ito, libulibong tao ang bumaling sa Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa sa kapayapaan at katiwasayan. Sa karamihan ng bansa, isang napakalaking patotoo ang naibigay, at ngayon ay milyunmilyon na ang aktibong Saksi sa lahat ng dako.​—Tingnan ang tsart, pahina 361.

      40, 41. (a) Ano ngayon ang hinihintay ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong tanong ang dapat pang sagutin?

      40 Taglay ang pag-ibig Kristiyano at ang pag-asa sa “bagong langit at bagong lupa,” ang mga Saksi ni Jehova ay nakatanaw sa malapit na hinaharap ukol sa yumayanig-sa-daigdig na mga pangyayari na papawi sa pang-aapi, katiwalian, at kalikuan sa lupa. Kaya patuloy nilang dadalawin ang mga tao sa taimtim na pagsisikap na tulungan ang mga tapat-puso na mapalapit sa tunay na Diyos, si Jehova.​—Apocalipsis 21:1-4; Marcos 13:10; Roma 10:11-15.

      41 Samantala, ayon sa hula ng Bibliya, ano ba ang inilalaan ng hinaharap para sa tao, para sa relihiyon, at para sa nadumhang lupang ito? Ang huling kabanata ay sasagot sa mahalagang tanong na ito.​—Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:11-14.

      [Mga talababa]

      a Ang huling dalawang pangungusap na ito ay nasa “Pader ni Isaias” sa harap ng mga gusali ng UN at maging sa isang estatwa at mga hardin ng UN, kaya ang pagtupad nito ay isa sa tunguhin ng UN.

      b Ang salitang Griyego na marʹtyr, pinagkunan ng salitang Ingles na “martyr” (“isang sumasaksi sa pamamagitan ng kamatayan,” An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine), ay aktuwal na nangangahulugan ng “saksi” (“isa na nagpapatotoo o makapagpapatotoo, ng kaniya mismong nakita o narinig o nalaman sa iba pang paraan,” A Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer).

      c Para sa detalyadong pagsasaalang-alang ng “mga huling araw,” tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1983, kabanata 18.

      d Ang Gilead, mula sa Hebreong Gal·‛edh, ay nangangahulugang “Bunton ng Patotoo.” Tingnan din ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 882, 942.​—Genesis 31:47-49.

      [Kahon sa pahina 347]

      Kristiyanong Neutralidad sa Paganong Roma

      Kasuwato ng mga simulain ng pag-ibig at kapayapaan na itinuro ni Jesus, at salig sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang mga sinaunang Kristiyano ay tumangging sumali sa mga digmaan o sa pagsasanay dito. Sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutan, disi’y nakipagbaka ang aking mga alipin upang ako’y huwag maihatid sa mga Judio. Kaya nga, ang kaharian ko ay hindi mula rito.”​—Juan 18:36.

      Noong 295 C.E., si Maximiliano ng Theveste, anak ng isang Romanong beterano ng hukbo, ay tinawag para magsundalo. Nang itanong ng proconsul ang pangalan niya, siya ay sumagot: “Aba, bakit ninyo gustong malaman ang pangalan ko? Tutol ang aking budhi sa pagsusundalo: Ako ay isang Kristiyano. . . . Hindi ako makapaglilingkod; hindi ko maaaring labagin ang aking budhi.” Nagbabala ang proconsul na manganganib ang kaniyang buhay kung hindi siya susunod. “Hindi ako maglilingkod. Kahit pugutan ninyo ako ng ulo, hindi ako maglilingkod sa mga kapangyarihan ng Sanlibutang Ito; Ako ay maglilingkod sa aking Diyos.”​—An Historian’s Approach to Religion, ni Arnold Toynbee.

      Sa makabagong panahon, ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay umakay sa indibiduwal na mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na sundin ang ibinubulong ng kaniyang budhi upang kumuha ng ganito ring paninindigan. Sa ilang bansa marami ang nagbayad ng sukdulang halaga, lalo na sa Nazing Alemanya, na kung saan sila’y binaril, binitay, at pinugutan ng ulo noong Digmaang Pandaigdig II. Subalit ang kanilang pandaigdig na pagkakaisa, salig sa pag-ibig Kristiyano, ay hindi kailanman nasira. Walang sinoman ang pinatay sa digmaan ng isang Kristiyanong Saksi ni Jehova. Ibang-iba sana ang naging kasaysayan ng daigdig kung bawat nag-aangking Kristiyano ay namuhay lamang ayon sa tuntunin ni Kristo sa pag-ibig!​—Roma 13:8-10; 1 Pedro 5:8, 9.

      [Kahon/Mga larawan sa pahina 356, 357]

      Kung Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova

      Tanong: Ano ang kaluluwa?

      Sagot: Sa Bibliya ang kaluluwa (Hebreo, neʹphesh; Griyego, psy·kheʹ) ay isang tao o hayop, o ang buhay na tinatamasa ng isang tao o hayop.

      “At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kanikaniyang uri, maaamong hayop at umuusad na hayop at mabangis na hayop sa lupa ayon sa kanikaniyang uri.’ At sinimulan ng Diyos na Jehova na hubugin ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang buháy.”​—Genesis 1:24; 2:7.

      Ang mga hayop at ang tao AY mga kaluluwang buháy. Ang kaluluwa ay hindi isang bagay na umiiral nang hiwalay. Maaari itong mamatay at talagang ito ay namamatay. “Narito! Lahat ng kaluluwa​—ay sa akin. Kung papaano ang kaluluwa ng ama ay gayon din ang kaluluwa ng anak​—ay sa akin. Ang kaluluwa na nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.”​—Ezekiel 18:4.

      Tanong: Ang Diyos ba ay isang Trinidad?

      Sagot: Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Jehova ang walang-kapantay na Soberanong Panginoon ng sansinukob. “Dinggin, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) Bilang Salita, si Kristo Jesus ay isang espiritung nilalang na naparito sa lupa bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Siya ay nasasakop ni Jehova. “Ngunit kung ang lahat ng bagay ay maipasakop na sa kaniya [kay Kristo], kung magkagayon ang Anak mismo ay magpapasakop din sa Kaniya na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”​—1 Corinto 15:28; tingnan din ang Mateo 24:36; Marcos 12:29; Juan 1:1-3, 14-18; Colosas 1:15-20.

      Ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos, o kumikilos na enerhiya, hindi isang persona.​—Gawa 2:1-4, 17, 18.

      Tanong: Ang mga Saksi ni Jehova ba ay sumasamba o nagbibigay-galang sa mga idolo?

      Sagot: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa anomang anyo ng idolatriya, nagsasangkot man ito ng mga idolo, tao, o organisasyon.

      “Alam natin na ang diyusdiyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. Sapagkat bagaman maraming tinatawag na ‘mga diyos,’ sa langit man o sa lupa, kung papaanong maraming ’mga diyos’ at ‘mga panginoon,’ sa ganang atin ay may isang Diyos na Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng bagay, at tayo’y sa kaniya; at may isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na lahat ng bagay ay sa pamamagitan niya, at tayo’y sa pamamagitan niya.”​—1 Corinto 8:4-6; tingnan din ang Awit 135:15-18.

      Tanong: Ang mga Saksi ni Jehova ba’y nagdaraos ng Misa o Komunyon?

      Sagot: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala sa transubstansasyon, isang turong Romano Katoliko. Ipinagdiriwang nila ang Hapunan ng Panginoon sa petsa na katapat ng Judiong Nisan 14 (karaniwan na’y Marso o Abril) bilang taunang alaala ng kamatayan ni Kristo. Sa pagtitipong ito ay inililibot sa kongregasyon ang tinapay na walang lebadura at mapulang alak bilang sagisag ng walang-salang katawan at inihaing dugo ni Kristo. Ang nakikibahagi sa mga sagisag ay yaon lamang mga umaasang maghahari na kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian.​—Marcos 14:22-26; Lucas 22:29; 1 Corinto 11:23-26; Apocalipsis 14:1-5.e

      [Mga larawan]

      Palagiang nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa mga Kingdom Hall upang mag-aral ng Bibliya

      Mga Kingdom Hall: Ichihara City, Hapon (kabilang pahina), at Boituva, Brazil

      [Mga talababa]

      e Para sa karagdagang pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1986, pahina 243-7.

      [Chart sa pahina 361]

      Ilan sa mga Bansa na Doo’y Nangangaral ang mga Saksi

      Bansa Mga Aktibong Saksi

      Alemanya, F. R. 129,000

      Arhentina 79,000

      Australiya 51,000

      Brazil 267,000

      Britanya 117,000

      Canada 98,000

      Colombia 42,000

      El Salvador 18,000

      Espanya 78,000

      E.U.A. 818,000

      Gresya 24,000

      Hapón 138,000

      Hunggriya 10,000

      Indiya 9,000

      Italya 172,000

      Korea 57,000

      Lebanon 2,500

      Mehiko 277,000

      Nigeria 137,000

      Pilipinas 102,000

      Pinlandiya 17,000

      Polandiya 91,000

      Portugal 36,000

      Pransiya 109,000

      Puerto Rico 24,000

      Timog Aprika 46,000

      Venezuela 47,000

      Zambia 72,000

      36 may pagbabawal 220,000

      1989 Pandaigdig na Ulat 60,192 Kongregasyon 3,787,000 Saksi

      [Mga larawan sa pahina 346]

      Sinasabi ng estatwa ng kapayapaan ng UN: “Papandayin namin ang aming mga tabak upang maging sudsod”; ibinibigay ng “Pader ni Isaias” ang teksto ng Bibliya

      [Larawan sa pahina 351]

      Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa haing pantubos ni Kristo para sa pagkakasala ng tao

      [Mga larawan sa pahina 363]

      Mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova: Bulwagan sa East Pennines, Ingglatiyera, kung tatanawin mula sa itaas

      Assembly Hall, Fort Lauderdale, Florida, E.U.A., para sa mga programang Ingles, Kastila, at Pranses

      [Mga larawan sa pahina 364]

      Pandaigdig na Punong-tanggapan ng Watch Tower Society, Nueba York; mga tanggapan, palimbagan, at tirahan

      [Mga larawan sa pahina 365]

      Mga Tanggapang Pansangay ng Watch Tower (mula itaas sa kaliwa) sa Timog Africa, Espanya, at Nueba Zelandiya

  • Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
    • Kabanata 16

      Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan

      “Sa mahiwagang sansinukob na ito, isang bagay ang matitiyak ng Tao. Tiyak na hindi ang Tao ang pinakadakilang espirituwal na presensiya sa Sansinukob. . . . May isa na ang pagka-espirituwal ay mas dakila kaysa Tao . . . . Mithi ng Tao na makipagtalamitam sa presensiya na nasa likod ng kababalaghan, at hanapin ito upang maiayon ang sarili sa sukdulang espirituwal na katotohanang ito.”​—An Historian’s Approach to Religion, ni Arnold Toynbee.

      1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Ano ang nakilala ng mananalaysay na si Toynbee tungkol sa tao at sa sansinukob? (b) Papaano ipinakikilala ng Bibliya ang “sukdulang espirituwal na katotohanan”?

      SA KALAKHANG bahagi ng nakalipas na anim na libong taon, naging masigasig man siya o hindi, sinikap ng tao na masumpungan ang “sukdulang espirituwal na katotohanang ito.” Depende sa inyong relihiyon​—Hindu, Muslim, Shinto, Budhista, Confuciano, Taoista, Judio, Kristiyano, o iba pa​—may tawag kayo sa “sukdulang espirituwal na katotohanang ito.” Subalit sa personang ito ay nagbibigay ang Bibliya ng pangalan, kasarian, at personalidad​—si Jehova, ang nabubuhay na Diyos. Kay Cirong Dakila ng Persiya ay sinabi ng natatanging Diyos na ito: “Ako si Jehova, at wala nang iba. Liban sa akin ay walang ibang Diyos. . . . Ako mismo ang gumawa sa lupa at lumikha sa tao rito.”​—Isaias 45:5, 12, 18; Awit 68:19, 20.

      Si Jehova​—Diyos ng Maaasahang Hula

      2. Kung gusto natin ng mapanghahawakang impormasyon sa hinaharap, kanino tayo dapat bumaling, at bakit?

      2 Si Jehova ang tunay na hantungan ng paghahanap ng tao sa Diyos. Ipinahayag ni Jehova ang sarili bilang isang Diyos ng hula na nagsasabi ng wakas mula sa pasimula. Sinabi niya sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Alalahanin ang unang mga bagay noong nakaraan, na Ako ang Banal at walang ibang Diyos, ni sinomang gaya ko; na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nagaganap; ang Isa na nagsasabi, ‘Ang payo ko ay tatayo, at lahat ng maibigan ko’y aking gagawin’; . . . Aking sinalita; akin ding tutuparin. Aking pinanukala, akin ding gagawin.”​—Isaias 46:9-11; 55:10, 11.

      3. (a) Anong mga pangyayari ang patiunang makikita sa pamamagitan ng hula sa Bibliya? (b) Ano ang ginawa ni Satanas sa mga di-sumasampalataya, at bakit?

      3 Dahil sa mapanghahawakang Diyos ng hula, malalaman natin kung ano ang mangyayari sa pandaigdig na sistema ng bahabahaging mga relihiyon. Mahuhulaan din natin kung ano ang sasapit sa makapangyarihang mga organisasyon ng politika na wari’y umuugit sa kahihinatnan ng daigdig. Higit pa, mahuhulaan natin ang magiging wakas ng “diyos ng sistemang ito,” si Satanas, na “bumulag sa isipan ng mga di sumasampalataya” dahil sa napakaraming relihiyon na naglayo sa tao sa tunay na Diyos, si Jehova. At bakit ginawa ni Satanas ang pambubulag na ito? Upang “hindi nila masilayan ang kaningningan ng maluwalhating mabuting balita hinggil kay Kristo na siyang larawan ng Diyos.”​—2 Corinto 4:3, 4; 1 Juan 5:19.

      4. Anong mga tanong hinggil sa lupa at kinabukasan ng tao ang dapat sagutin?

      4 Maaari din nating malaman ang kung ano ang nasa kabila ng mga inihulang pangyayaring ito. Ano ang magiging pangwakas na kalagayan ng lupa? Marumi? Giba? Ilang? O magpapanibagong-buhay ba ang lupa at ang lahi ng tao? Gaya ng makikita natin, sasagutin ng Bibliya ang lahat ng ito. Ngunit ituon muna natin ang pansin sa mga pangyayari sa malapit na hinaharap.

      Ipinakilala ang “Babilonyang Dakila”

      5. Ano ang nakita ni Juan sa pangitain?

      5 Ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay inihayag kay apostol Juan sa pulo ng Patmos noong 96 C.E. Gumuguhit ito ng matitingkad na larawan ng mahahalagang pangyayari na magaganap sa panahon ng kawakasan, na ayon sa ebidensiya ng Bibliya, ay siyang panahon na kinaroroonan ng tao mula noong 1914.a Kabilang sa matalinghagang mga larawan na nakita ni Juan sa pangitain ay isang malaswa, mapusok na patutot, na tinatawag na “Babilonyang Dakila, ina ng mga patutot at ng kasuklamsuklam na mga bagay sa lupa.” Ano ang kalagayan niya? “Nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.”​—Apocalipsis 17:5, 6.

      6. Bakit hindi kumakatawan ang Babilonyang Dakila sa nagpupunong makapolitikal na elemento ng daigdig?

      6 Sino ang isinasagisag ng babae? Hindi na dapat manghula. Sa pamamagitan ng paghahambing, ay mahuhubad natin ang kaniyang balatkayo. Sa pangitain ding yaon ay narinig ni Juan na sinabi ng anghel: “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig, na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, samantalang ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.” Kung ang mga hari, o pinuno, sa lupa ay nakiapid sa kaniya, ang patutot ay hindi maaaring kumatawan sa makapolitikang mga elemento ng daigdig.​—Apocalipsis 17:1, 2, 18.

      7. Bakit hindi kumakatawan ang Babilonyang Dakila sa komersiyal na mga elemento? (b) Saan kumakatawan ang Babilonyang Dakila?

      7 Sinasabi din ng ulat na “ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang garapal na kalayawan.” Kaya ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring kumatawan sa negosyo, o “mga mangangalakal” sa daigdig. Ngunit, sinasabi ng kinasihang kasulatan: “Ang mga tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay nangangahulugan ng mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” Aling mahalagang elemento ng pandaigdig na sistema ang di pa nababanggit at naaangkop sa larawan ng makasagisag na patutot na nakikiapid sa politika, nangangalakal, o may-karangyaang nananaig sa mga bayan, karamihan, bansa, at wika? Ang huwad na relihiyon na may iba’t-ibang balatkayo!​—Apocalipsis 17:15; 18:2, 3.

      8. Ano pang karagdagang patotoo ang tumitiyak sa pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila?

      8 Ang pagkakakilanlang ito ng Babilonyang Dakila ay tinitiyak ng hatol sa kaniya ng isang anghel dahil sa kaniyang “panggagaway [na bunga nito’y] nadaya ang lahat ng mga bansa.” (Apocalipsis 18:23) Lahat ng anyo ng espiritismo ay relihiyoso at kinasihan ng demonyo. (Deuteronomio 18:10-12) Kaya, ang Babilonyang Dakila ay tiyak na sumasagisag sa relihiyon. Ipinakikita ng ebidensiya ng Bibliya na siya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na itinataguyod ni Satanas sa isipan ng tao upang ilayo ang kanilang pansin sa tunay na Diyos, si Jehova.​—Juan 8:44-47; 2 Corinto 11:13-15; Apocalipsis 21:8; 22:15.

      9. Anong magkakatulad na hibla ang umiiral sa maraming relihiyon?

      9 Gaya ng nakita natin sa aklat na ito, may magkakatulad na hibla na nakahabi sa masalimuot na kayo ng mga relihiyon sa daigdig. Maraming relihiyon ang nag-uugat sa mitolohiya. Halos lahat ay nagkakaisa sa paniwala na ang kaluluwa ng tao ay hindi namamatay kundi sumasakabilang-buhay o lumilipat sa ibang nilalang. Marami ang may nagkakahawig na paniwala sa nakasisindak na dako ng pahirap at parusa na tinatawag na impiyerno. Ang iba ay pinag-uugnay ng sinaunang paganong mga paniwala sa mga trinidad at inang diyosa. Kaya, angkop lamang na sila ay pagpisanpisanin sa ilalim ng iisang panlahatang sagisag ng patutot na “Babilonyang Dakila.”​—Apocalipsis 17:5.

      Panahon Na Upang Tumakas sa Huwad na Relihiyon

      10. Anong wakas ang inihuhula para sa relihiyosong patutot?

      10 Ano ang inihula ng Bibliya na magiging hantungan ng pandaigdig na patutot? Sa makatalinghagang paraan, inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang pagkapuksa nito sa kamay ng makapolitikang mga elemento. Ang mga ito ay isinasagisag ng “sampung sungay” na tumatangkilik sa Nagkakaisang mga Bansa, “isang mabangis na hayop na kulay-pula” na siyang larawan ng maysala-sa-dugong makapolitikang sistema ni Satanas.​—Apocalipsis 16:2; 17:3-16.b

      11. (a) Bakit hinahatulan ng Diyos ang huwad na relihiyon? (b) Ano ang mangyayari sa Dakilang Babilonya?

      11 Ang pagkawasak ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas ang siyang ibubunga ng paghatol ng Diyos sa mga relihiyong ito. Masusumpungan sila na nagkasala ng espirituwal na pakikiapid dahil sa pakikipagsabwatan sa kanilang mapang-aping mga mangingibig sa politika at pagtangkilik ng mga ito. Ang laylayan ng huwad na relihiyon ay nabahiran ng walang-salang dugo dahil sa patriotikong pakikipagtalik sa matataas na pinuno ng bawat bansa sa digmaan. Kaya, ang hatol ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila ay inilagay niya sa isipan ng makapolitikang elemento upang tuparin nila ang kaniyang kalooban at puksain ito.​—Apocalipsis 17:16-18.

      12. Ano ang dapat gawin ngayon upang maligtas kapag pinuksa na ang Babilonya? (b) Anong mga turo ang nagtatangi sa tunay na relihiyon?

      12 Yamang ito ang kinabukasang naghihintay sa relihiyon ng daigdig, ano ang dapat ninyong gawin? Ang sagot ay narinig ni Juan sa isang tinig mula sa langit: “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay umabot na hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga katampalasanan.” Kaya, panahon na upang sundin ang utos ng anghel na lumabas sa imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas at pumanig sa tunay na pagsamba ni Jehova. (Tingnan ang kahon, pahina 377.)​—Apocalipsis 17:17; 18:4, 5; ihambing ang Jeremias 2:34; 51:12, 13.

      Malapit Na ang Armagedon

      13. Anong mga pangyayari ang malapit nang maganap?

      13 Sinasabi ng Apocalipsis na “darating sa isang araw ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagluluksa at taggutom, at siya’y lubos na susupukin sa apoy.” Batay sa makahulang mga pahiwatig ng Bibliya, napakalapit na ang “isang araw,” o maigsing panahon ng mabilis na pagpuksa. Sa katunayan, ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay maghahatid ng “malaking kapighatian” na magwawakas sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat . . . ang Har–​Magedon.” Ang giyerang yaon, o digmaan, ng Armagedon ay aakay sa pagkatalo ng makapolitikang sistema ni Satanas at sa kaniyang pagkakabulid sa kalaliman. Magbubukang-liwayway ang bagong sanlibutan!​—Apocalipsis 16:14-16; 18:7, 8; 21:1-4; Mateo 24:20-22.

      14, 15. Anong hula sa Bibliya ang maliwanag na malapit nang matupad?

      14 Sa ngayon, isa pang namumukod-tanging hula sa Bibliya ang nakatakdang matupad sa ating paningin. Si apostol Pablo ay humula at nagbabala: “Datapwat, mga kapatid, tungkol sa mga panahon at bahagi ng mga panahon, hindi na kayo dapat sulatan ng anoman. Sapagkat alam-na-alam na ninyo na ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinabi ng mga tao: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka darating sa kanila ang biglang pagkawasak na gaya ng kirot sa panganganak ng babaeng nagdadalang-tao; at sa anomang paraa’y hindi sila makakatakas.”​—1 Tesalonica 5:1-3.

      15 Waring ang mga bansang dati-rati’y nagdidigmaan at may hinala sa isa’t-sa ay dahan-dahang lumalapit sa situwasyon na doo’y kanilang maipapahayag ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Kaya, mula sa isa pang anggulo, nalaman natin na malapit na ang araw ng paghatol ni Jehova sa huwad na relihiyon, sa mga bansa, at sa pinuno nilang si Satanas.​—Zefanias 2:3; 3:8, 9; Apocalipsis 20:1-3.

      16. Bakit lubhang naaangkop ngayon ang payo ni Juan?

      16 Milyun-milyon ngayon ang namumuhay na waring materyal na mga bagay lamang ang mahalaga at namamalagi. Ngunit ang iniaalok ng sanlibutan ay napakababaw at pansamantala lamang. Kaya napakahalaga ang payo ni Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung sinoman ang umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan​—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang maluhong pagpaparangalan sa buhay​—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Bukod dito, ang sanlibutan ay lumilipas at gayon din ang pita nito, subalit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mamamalagi magpakailanman.” Ayaw ba ninyong mamalagi magpakailanman?​—1 Juan 2:15-17.

      Ang Ipinangakong Bagong Sanlibutan

      17. Ano ang inilalaan ng hinaharap para sa mga naghahanap sa tunay na Diyos?

      17 Yamang hahatulan ng diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ano ang susunod? Noong una pa, sa mga Hebreong Kasulatan, inihula ng Diyos na tutuparin niya ang kaniyang orihinal na layunin sa tao sa lupang ito, alalaong baga, ang pagkakaroon ng masunuring sambahayan ng tao na nagtatamasa ng sakdal na buhay sa paraiso. Ang pangako ng Diyos ay hindi napawalang-bisa ng bigong paghihimagsik ni Satanas. Kaya, naisulat ni Haring David: “Sapagkat ang mga masasama ay lilipulin, subalit silang umaasa kay Jehova ay magmamana ng lupa. Sandali na lamang, at ang masasama ay mawawala na . . . Aariin ng mga matuwid ang lupain, at tatahan dito magpakailanman.​—Awit 37:9-11, 29; Juan 5:21-30.

      18-20. Anong mga pagbabago ang magaganap sa lupa?

      18 Ano ang magiging kalagayan ng lupa pagkaraan nito? Lubos na nadumhan? Sunug-na-sunog? Naging ilang? Hindi kailanman! Sa pasimula pa ay layunin na ni Jehova na ang lupa ay maging isang malinis, timbang, malaparaisong parke. Ang potensiyal nito ay umiiral sa kabila ng pag-abuso ng tao sa lupa. Ngunit nangako si Jehova na kaniyang “ipapahamak ang mga nagpapahamak ng lupa.” Ang panganib ng pagkapahamak ng buong globo ay umiral lamang sa ika-20 siglo. Kaya, lalo ngang may dahilan na maniwalang hindi magtatagal at kikilos si Jehova upang ipagsanggalang ang kaniyang ari-arian, ang kaniyang lalang.​—Apocalipsis 11:18; Genesis 1:27, 28.

      19 Ang pagbabagong ito ay malapit nang maganap sa ilalim ng kaayusan ng Diyos na “bagong langit at bagong lupa.” Hindi ito mangangahulugan ng isang bagong papawirin at bagong planeta, kundi isang bagong espirituwal na pamamahala sa binagong lupa na tahanan ng nagpanibagong-buhay na sangkatauhan. Sa bagong sanlibutan, wala nang dako ang pagsasamantala sa kapuwa-tao o sa hayop. Hindi na magkakaroon ng karahasan o pagbubo ng dugo. Hindi na iiral ang kawalan ng tirahan, ni ang gutom, ni ang pang-aapi.​—Apocalipsis 21:1; 2 Pedro 3:13.

      20 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “ ‘Tiyak na sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan ang mga ito; tiyak na sila’y magtatanim ng mga ubasan at kanilang kakanin ang bunga nito. Hindi sila magtatayo at iba ang tatahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung papaano ang mga kaarawan ng punongkahoy ay magiging gayon ang aking bayan; at ang aking mga pinili ay lubos na makikinabang sa gawa ng kanilang kamay. . . . Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at para sa ahas, alabok ang magiging pagkain nito. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok,’ sabi ni Jehova.”​—Isaias 65:17-25.

      Ang Pundasyon ng Bagong Sanlibutan

      21. Bakit tayo nakatitiyak sa bagong sanlibutan?

      21 ‘Papaano magiging posible ang lahat ng ito?’ baka itanong ninyo. Sapagkat “ang Diyos, na hindi nagsisinungaling, ay nangako buhat pa ng mga panahong walang-hanggan” na ang sangkatauhan ay pananauliin at magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan. Ang saligan ng pag-asang ito ay ipinahayag ni apostol Pedro sa unang liham niya sa mga kapuwa pinahirang Kristiyano: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na dahil sa dakila niyang awa ay muli tayong isinilang sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, sa isang hindi nasisira at hindi nadudumhan at hindi kumukupas na mana.”​—Tito 1:1, 2; 1 Pedro 1:3, 4.

      22. Ano ang saligan ng pag-asa sa bagong sanlibutan, at bakit?

      22 Ang pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo ang saligan ng pag-asa sa matuwid na bagong sanlibutan sapagkat siya ay inatasan ng Diyos na mamahala sa nilinis na lupa mula sa langit. Idiniin din ni Pablo ang halaga ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo nang sumulat siya: “Datapwat ngayon, si Kristo ay binuhay nga mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natutulog sa kamatayan. Sapagkat yamang dumating ang kamatayan dahil sa isang tao, ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. At kung papaanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin, kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”​—1 Corinto 15:20-22.

      23. (a) Bakit mahalaga ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo? (b) Anong utos ang ibinigay ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad?

      23 Ang kamatayan ni Kristo bilang hain ay isang katapat na pantubos at ang kaniyang pagkabuhay-na-muli ay naglagay ng saligan ukol sa “isang bagong langit,” ang pamamahala ng Kaharian, at ng binagong-anyo, nagpanibagong-buhay na lahi ng tao, “isang bagong lupa[ng]” lipunan. Ang kaniyang pagkabuhay-na-muli ay nagpasigla rin sa pangangaral at pagtuturo ng kaniyang tapat na mga apostol. Sinasabi ng ulat: “Datapwat, nagpunta ang labing-isang alagad sa Galilea sa bundok na inihanda sa kanila [ng binuhay-na-muling si] Jesus, at nang siya’y makita nila ay nagpatirapa sila, subalit ang ilan ay nag-alinlangan. Kaya lumapit si Jesus, at nagsabi: ‘Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. Humayo nga kayo at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasa inyo lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.’ ”​—Mateo 19:28, 29; 28:16-20; 1 Timoteo 2:6.

      24. Anong karagdagang pagpapala ang ginagarantiyahan ng pagkabuhay-na-muli ni Jesus?

      24 Ang pagkabuhay-na-muli ni Jesus ay gumagarantiya sa isa pang pagpapala sa sangkatauhan​—ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay. Ang pagbabangon ni Jesus kay Lazaro ay maliit na larawan ng mas malawak na pagkabuhay-na-muli sa hinaharap. (Tingnan ang pahina 249-50.) Nasabi na ni Jesus: “Huwag kayong manggilalas, sapagkat darating ang oras na lahat ng nasa alaalang-libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-na-muli sa buhay, ang nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-na-muli sa paghatol.”​—Juan 5:28, 29; 11:39-44; Gawa 17:30, 31.

      25. (a) Sa bagong sanlibutan anong pagpipilian ang mapapaharap sa lahat? (b) Anong relihiyon ang mananatili sa bagong sanlibutan?

      25 Napakaligaya ang sumalubong sa mga mahal-sa-buhay at malamang na ito’y mararanasan ng bawat henerasyon! Sa bagong sanlibutang yaon, bawat isa ay makapagpapasiya sa ilalim na sakdal na mga kalagayan kung baga siya ay sasamba sa tunay na Diyos, si Jehova, o itatakwil ang kaniyang buhay at sasalansang. Oo, sa bagong sanlibutan, iisa na lamang ang relihiyon, iisang anyo ng pagsamba. Lahat ng papuri ay iuukol sa maibiging Maylikha, at bawat masunuring tao ay uulit sa mga salita ng mang-aawit: “Dadakilain kita, O aking Diyos na Hari, at pupurihin ko ang iyong pangalan sa panahong walang-takda, hanggang sa magpakailanman. . . . Dakila si Jehova at karapatdapat purihin, at ang kadakilaan niya ay hindi kayang arukin.​—Awit 145:1-3; Apocalipsis 20:7-10.

      26. Bakit dapat suriin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya?

      26 Ngayong naihambing na ninyo ang pangunahing mga relihiyon sa daigdig, inaanyayahan namin kayo na suriin pang lalo ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na batayan ng paniwala ng mga Saksi ni Jehova. Patunayan sa sarili na ang tunay na Diyos ay maaaring masumpungan. Kayo man ay Hindu, Muslim, Budhista, Shinto, Confuciano, Taoista, Judio, Kristiyano, o mula sa ibang pananampalataya, panahon na upang suriin ang inyong kaugnayan sa tunay at nabubuhay na Diyos. Malamang na ang inyong relihiyon ay ipinasiya ng dakong inyong sinilangan, na roo’y wala kayong kapangyarihan. Tiyak, walang mawawala kung susuriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos. Maaaring ito ang maging tanging pagkakataon ninyo na talagang makilala ang layunin ng Soberanong Panginoong Diyos para sa lupa at sa sangkatauhang narito. Oo, ang inyong taimtim na paghahanap sa tunay na Diyos ay matutugunan ng pag-aaral sa Bibliya na kasama ng mga mensahero ni Jehova, ang kaniyang mga Saksi, na nagdala ng aklat na ito.

      27. (a) Anong anyaya ang ipinaaabot sa inyo ni Jesus? (b) Kasuwato ng tema ng aklat na ito, anong paanyaya ang ipinaaabot ni Isaias?

      27 Hindi walang-kabuluhan ang pagsasabi ni Jesus: “Patuloy kayong humingi, at ito ay ipagkakaloob sa inyo; patuloy ninyong hanapin, at inyong masusumpungan; patuloy kayong kumatok, at kayo’y bubuksan.” Mapapabilang kayo sa mga nakasumpong sa tunay na Diyos kung susundin ninyo ang mensahe ni propeta Isaias: “Hanapin ninyo si Jehova, kayong mga tao, samantalang siya ay masusumpungan. Tawagan ninyo siya habang siya ay malapit. Hayaang talikdan ng balakyot ang kaniyang daan, at ng liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na magpapakita ng awa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y nagpapatawad nang sagana.”​—Mateo 7:7; Isaias 55:6, 7.

      28. Sino ang makakatulong sa paghahanap sa tunay na Diyos?

      28 Kung hinahanap ninyo ang tunay na Diyos, huwag mag-atubiling makipagkita sa mga Saksi ni Jehova.c Malulugod silang tumulong nang walang gugol upang kayo ay magkaroon ng matalik na pagkilala sa Ama at sa kaniyang kalooban samantalang mayroon pang panahon.​—Zefanias 2:3.

      [Mga talababa]

      a Para sa detalyadong pagtalakay ng mga huling araw, tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1983, pahina 148-54.

      b Para sa detalyadong pagtalakay ng mga hulang ito ng Apocalipsis, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1988, kabanata 33-37.

      c Para sa mga direksiyon, tingnan ang pahina 384.

      [Kahon/Larawan sa pahina 377]

      Kung Paano Makikilala ang Tunay na Religion

      1. Ang tunay na relihiyon ay sumasamba sa iisang tunay na Diyos, si Jehova.​—Deuteronomio 6:4, 5; Awit 146:5-10; Mateo 22:37, 38.

      2. Ang tunay na relihiyon ay tumutulong sa paglapit sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.​—Juan 17:3, 6-8; 1 Timoteo 2:5, 6; 1 Juan 4:15.

      3. Ang tunay na relihiyon ay nagtuturo at nagkakapit ng walang-imbot na pag-ibig.​—Juan 13:34, 35; 1 Corinto 13:1-8; 1 Juan 3:10-12.

      4. Ang tunay na relihiyon ay hindi nababahiran ng makasanlibutang politika at alitan. Wala itong pinapanigan kung panahon ng digmaan.​—Juan 18:36; Santiago 1:27.

      5. Hinahayaan ng tunay na relihiyon na maging totoo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa Bibliya bilang Salita ng Diyos.​—Roma 3:3, 4; 2 Timoteo 3:16, 17; 1 Tesalonica 2:13.

      6. Ang tunay na relihiyon ay hindi sumasang-ayon sa digmaan o personal na karahasan.​—Mikas 4:2-4; Roma 12:17-21; Colosas 3:12-14.

      7. Matagumpay na pinagkakaisa ng tunay na relihiyon ang mga tao mula sa lahat ng lahi, wika, at angkan. Hindi ito nagtataguyod ng nasyonalismo o pagkapoot, kundi ng pag-ibig.​—Isaias 2:2-4; Colosas 3:10, 11; Apocalipsis 7:9, 10.

      8. Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang paglilingkod sa Diyos, hindi dahil sa sakim na pakinabang o upa, kundi dahil sa pag-ibig. Hindi ito lumuluwalhati sa tao. Niluluwalhati nito ang Diyos.​—1 Pedro 5:1-4; 1 Corinto 9:18; Mateo 23:5-12.

      9. Ipinapahayag ng tunay na relihiyon ang Kaharian ng Diyos bilang tunay na pag-asa ng tao, hindi ang alinmang makapolitika o sosyal na pilosopiya.​—Marcos 13:10; Gawa 8:12; 28:23, 30, 31.

      10. Itinuturo ng tunay na relihiyon ang katotohanan hinggil sa layunin ng Diyos sa tao at sa lupa. Hindi ito nagtuturo ng mga relihiyosong kasinungalingan na gaya ng kaluluwang hindi namamatay at walang-hanggang pahirap sa impiyerno. Itinuturo nito na ang Diyos ay pag-ibig.​—Hukom 16:30; Isaias 45:12, 18; Mateo 5:5; 1 Juan 4:7-11; Apocalipsis 20:13, 14.

      [Larawan]

      Mga Saksi na nangangaral sa Olandiya

      [Mga larawan sa pahina 373]

      Ang lupa ay may potensiyal sa pagiging paraiso​—ukol dito isang permanente, matuwid at pandaigdig na pamahalaan ang kinakailangan, at ito ay ipinapangako ng Diyos

      [Larawan sa pahina 374]

      Bago bumalik sa langit, iniutos ni Jesus sa mga alagad na mangaral at magturo ng mabuting balita sa buong lupa

      [Larawan sa pahina 379]

      Ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay magdudulot ng kagalakan sa sambahayan ng tao sa buong daigdig

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share