Ibahagi sa Iba Ayon sa Kanilang mga Pangangailangan
1 Si Jehova ay gumagawa ng saganang paglalaan para sa ating espirituwal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng tapat na “alipin.” (Mat. 24:45-47) Yamang tayo ay tumanggap nang sagana, inaasahan ni Jehova na ating ibabahagi ito sa bawat isa bilang isang pambuong daigdig na pamilya, na tinitiyak na ang lahat ay pare-parehong nakikinabang. (Mat. 10:8) Paano nating magagawa ito? Isaalang-alang natin ang tatlong paraan.
2 Pag-aabuloy Para sa Literatura: Ang karamihan sa literaturang ating tinatanggap ay ipinamamahagi sa mabababang halaga upang tulungan yaong mga may limitadong kakayahan sa materyal. Ito ay ipinadadala rin muna sa mga kongregasyon nang hindi kaagad binabayaran. Anupat, kung tayo ay nag-aabuloy kaagad para sa literaturang ating tinatanggap at ibinabalik agad ng mga kongregasyon ang kabuuang halaga nito sa Samahan, ating ibinabalik ang mga pondo upang magamit sa paggawa ng karagdagan pang literatura. Ating isinasaalang-alang ang mga pangangailangan ng iba, hindi lamang ng ating mga sarili, at ito ay nagdudulot ng ibayong kaligayahan. (Gawa 20:35) Subalit kung inuutang ng mga mamamahayag at mga payunir ang literatura at hindi nakapag-aabuloy, kung gayo’y ipinagkakait nila ang mga pondo na makatutulong sana sa paggawa ng karagdagan pang literatura.
3 Mga Kingdom Hall Loan: Ang inyo bang kongregasyon ay nakahiram ng pera para sa pagtatayo ng Kingdom Hall? Kung gayon, walang pagsalang kayo ay maligaya sa pagkakaroon ng mainam na mga pasilidad. Ang mga pondong ito ay inilaan sa pamamagitan ng kontribusyon ng ating mga kapatid sa buong daigdig. Sa panahon na kayo’y humihiram, walang pagsalang kayo’y personal na nangako na mag-aabuloy ng isang tiyak na halaga bawat buwan upang tumulong sa pagbabayad ng hiniram. Kung may katapatan ninyong tinutupad ito, kung gayon kayo ay nakikipagtulungan sa lahat ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. Kapag ang kongregasyon sa kabuuan ay tapat sa pagbabalik ng mga pondong hiniram sa Samahan bawat buwan ayon sa kanilang pangako, sila ay tumutulong upang maitayo ang karagdagan pang mga Kingdom Hall.
4 Dito sa Pilipinas, ang mga pondong maipahihiram para sa bagong mga Kingdom Hall ay limitado depende sa halagang tinatanggap bawat buwan mula doon sa mga nakahiram na o mula sa inaabuloy sa Kingdom Hall Fund. Kaya, kung ang mga kongregasyon ay hindi nakapagsusulit ng kabuuang halaga bawat buwan, sila nga’y nagkakait sa iba pang mga kongregasyon ng mga pondo para sa pagtatayo ng kanilang mga Kingdom Hall. Tiyak na hindi natin nais gawin iyon, hindi ba? Kaya ang lahat ng nakahiram ng pera ay tumutugon sa payo ni Pablo na ibahagi sa iba ang “ayon sa kanilang mga pangangailangan,” sa ganitong paraan ay “itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.”—Roma 12:13; Fil. 2:4.
5 Boluntaryong mga Kontribusyon: Sa nakaraang mga parapo ating pangunahing tinalakay ang pagbabalik ng mga pondo sa Samahan bilang kabayaran sa tinanggap na mga paglalaan. Gayunpaman, yaong mga tunay na nagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay hindi nasisiyahan na lamang sa paggawa nito. Sa halip, nais nilang ibahagi sa iba ang taglay nila sa pamamagitan ng paggawa ng boluntaryong mga kontribusyon sa Samahan. Ang marami, kahit na may mga obligasyon sa lokal na kongregasyon, ay nagkukusang mag-abuloy sa pambuong daigdig na gawain ng Samahan o sa Kingdom Hall Fund bawat buwan.—Tingnan ang Disyembre 1, 1995 ng Bantayan, mga pahina 30 at 31.
6 Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Ang ating pagkabukas-palad sa pagbibigay ng materyal na mga bagay at ang ating pagiging hindi maramot sa pagbibigay sa iba ayon sa kanilang mga pangangailangan ay tiyak na maiinam na paraan upang patunayan na tayo’y tunay na mga Kristiyano.