1996 “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon
1 Ang programa ng pandistritong kombensiyon sa taóng ito ay tiyak na makatutulong sa atin na mapanatili ang ating maka-Diyos na kapayapaan, at maipaliliwanag nito ang ating papel sa pagtulong sa iba na makasumpong ng gayong kapayapaan. Gaya ng ipinatalastas sa Setyembre 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, ang tema ay “Mga Mensahero ng Maka-Diyos ng Kapayapaan.” Nakagawa na ba kayo ng inyong mga plano upang wala kayong makaligtaan sa programa?
2 Tatlong-Araw na Programa: Hinggil sa ating “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon nang nakaraang taon, isang dumalo ang nagsabi: “Kay ligaya namin na nakagugol ng tatlong maliligayang araw sa mapayapa, nagkakaisang pagsasamahan, na pumupuri kay Jehova! Ang ating kombensiyon ay nagpatunay na tayo ay nabubuhay sa isang magandang espirituwal na paraiso. Tunay na kami’y may dahilan upang humiyaw sa kagalakan kahit na sa magulong daigdig na ito.” Nalalaman namin na lubusan din kayong masisiyahan sa kombensiyon sa taóng ito at kayo ay uuwi ng tahanan taglay ang panibagong kalakasan. (2 Cron. 7:10) Tayo ay muling magkakaroon ng tatlong-araw na programa. Nakagawa na ba kayo ng mga kaayusan upang kumuha ng bakasyon sa inyong sekular na trabaho para madaluhan ninyo ang lahat ng ito? Nasa dulo ng insert na ito ang mga petsa at lugar ng 45 kombensiyon sa Pilipinas.
3 Ang programa ay magsisimula sa Biyernes ng 8:30 n.u. at magtatapos sa Linggo nang bandang alas 4:00 n.h. Sa Sabado, ang programa ay magsisimula sa 8:30 n.u. at sa Linggo ito ay magsisimula sa 9:00 n.u.
4 Mapatatalas ba Kayo?: Pagkatapos sipiin ang Kawikaan 27:17, na “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal,” ang Agosto 15, 1993 ng Bantayan ay nagsabi: “Tayo’y tulad ng mga instrumento na kailangang regular na ihasa upang tumalas. Yamang ang pagpapahayag ng pag-ibig kay Jehova at paggawa ng mga pasiya salig sa ating pananampalataya ay nangangahulugan ng pagiging iba sa sanlibutan, tayo’y kailangang laging mapaiba sa karamihan.” Paano natin maikakapit ang payong ito?
5 Kailangang manatili tayong kakaiba sa sanlibutan. Dapat na mapanatili ang walang-humpay na pagsisikap na maisakatuparan ito kung nais nating maging masigasig sa maiinam na gawa. (Tito 2:14) Kaya ang artikulo ng Bantayan na sinipi sa itaas ay nagpatuloy na nagsabi: “Pagka tayo’y kasama ng iba pa na umiibig kay Jehova, tayo’y nagpapatalas sa isa’t isa—ating pinupukaw ang isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa.” Ang pandistritong kombensiyon ay isa sa mga paglalaan ni Jehova upang mapanatili tayong matalas sa espirituwal. Maging determinado nawa tayong dumalo sa bawat sesyon sa tatlong araw ng kombensiyon. Hindi natin nanaising makaligtaan ang alinmang bahagi ng programa.
6 Ang Isang Matalinong Tao ay Makikinig: Hindi tayo ipinanganak taglay ang kakayahang makinig. Ang pakikinig ay isang sining na kailangang mapasulong. Sinasabi na ang natatandaan ng isang karaniwang tao ay kalahati lamang sa kaniyang narinig. Yamang tayo ay nabubuhay sa panahon ng mga kaabalahan, maaaring maging mahirap para sa atin na magbuhos ng matamang pansin sa mahabang panahon. Maaari ba nating mapasulong ito sa panahon ng kombensiyon? Kung kayo’y hilinging magbigay ng sumaryo ng programa sa bawat araw pagkatapos na umuwi mula sa kombensiyon, magagawa ba ninyo ito? Paano mapasusulong nating lahat ang ating kakayahang makinig?
7 Ang masidhing interes ay kailangan, yamang hindi magtatrabahong mabuti ang ating memorya kung wala ito. Gayunpaman, ang kalakhang bahagi ay depende sa pagbibigay natin nang higit kaysa pangkaraniwang pansin sa ating napapakinggan. Ano kaya ang maaaring nangyari kung ang ilang pamilyang Israelita sa Ehipto noong 1513 B.C.E. ay nagbigay lamang ng bahagyang pansin sa mga tagubilin hinggil sa Paskuwa? Ang Exodo 12:28 ay nagsasabi: “Ang mga anak ay yumaon at ginawang gayon kung paanong iniutos ni Jehova kay Moises at kay Aaron. Gayon ang ginawa nila.” Ang pagsunod sa banal na mga tagubilin ay nangahulugan ng kaligtasan sa panganay ng Israel. Ang masidhi nating interes at pagpapako ng pansin sa bawat bahagi ng programa ng kombensiyon ay nagbabadya ng ating kasalukuyang espirituwal na kalagayan at maaaring makaapekto sa ating mga pag-asa sa kinabukasan. Sa mga kombensiyon ay tinuturuan tayo ng mga daan ni Jehova at binibigyan ng mga tagubilin sa pagsasagawa ng nagliligtas-buhay na gawain. (1 Tim. 4:16) Ipagpalagay na kayo’y isang barko sa isang binabagyong dagat. Ang mga pangako ni Jehova ay isang matibay na angkla ng pag-asa. Kung ang isang tao ay hindi nagpapako ng pansin at hinahayaang maanod ang kaisipan, ano ang maaaring mangyari? Maaaring makaligtaan niya ang mahahalagang punto ng payo na makahahadlang sa kaniya mula sa espirituwal na pagkawasak.—Heb. 2:1; 6:19.
8 Sa maraming bahagi ng daigdig, ang ating mga kapatid ay gumagawa ng malaking pagsisikap na makadalo sa mga pulong. Kahanga-hangang makita na sila’y matamang nakikinig sa mga kombensiyon. Gayunpaman, sa ilang dako, may mga indibiduwal na nakagagambala sa iba dahilan sa pagpapaikut-ikot sa palibot ng kombensiyon sa panahon ng mga sesyon. Ang iba ay dumarating nang huli. Sa ilang nakaraang kombensiyon, mahirap marinig ang mga unang minuto ng programa dahilan sa maraming palakad-lakad lamang sa mga pasilyo. Kadalasan ang mga ito ay hindi mga kapatid na may atas na trabaho o mga ina na nag-aasikaso sa pangangailangan ng kanilang mumunting anak. Ang karamihan sa pagkagambala ay mula sa mga tao na nag-uusap-usap lamang. Sa taóng ito ang Attendant Department ay magbibigay ng higit na pansin sa problemang ito, at inaasahang ang lahat ay mauupo kapag inanyayahan tayo ng tsirman na gawin ito. Ang inyong pakikipagtulungan sa bagay na ito ay lubhang pahahalagahan.
9 Anong praktikal na mga mungkahi ang makatutulong sa atin upang maging higit na atentibo sa programa at mas maraming matandaan sa mga bagay na inihaharap? Ang sumusunod ay makatutulong: (a) Pagtuunan ang pangunahing dahilan sa pagpunta sa lugar ng kombensiyon. Ito ay, hindi para maglibang, kundi para makinig at matuto. (Deut. 31:12) Sikaping makapagpahinga nang sapat sa bawat gabi. Kung kayo’y pumunta sa kombensiyon nang pagod-na-pagod, mahirap magbuhos ng matamang pansin. (b) Maglaan ng sapat na panahon sa pag-upo bago magsimula ang programa. Kapag nagmamadali sa pag-upo sa huling sandali malamang na may makaligtaan kayo sa pambungad na bahagi. (c) Kumuha ng maiikling nota ng mga susing punto lamang. Ang sobrang pagkuha ng nota ay makahahadlang sa mabuting pakikinig. (d) Kapag ang isang bahagi sa kombensiyon ay ipinakilala, magkaroon ng pananabik doon. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang makukuha ko mula sa bahaging ito na magpapasulong sa aking pagpapahalaga at pag-ibig kay Jehova? Paano makatutulong sa akin ang impormasyon na maipakita pa nang higit ang bagong personalidad? Paano makatutulong ito sa akin na mapasulong ang aking ministeryo?’
10 Paggawi na Naggagayak sa Ating Ministeryo: Pinasigla ni Pablo si Tito na gawin ang sarili bilang “halimbawa ng maiinam na gawa.” Sa pagpapamalas ng kawalang kapintasan sa kaniyang turo, si Tito ay makatutulong sa iba na “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.” (Tito 2:7, 10) Bawat taon, tumatanggap tayo ng mabait na mga paalaala kung bakit ang maka-Diyos na paggawi ay napakahalaga samantalang tayo ay naglalakbay mula at patungo sa kombensiyon, at gayundin kapag tayo ay nasa mga otel at restawran at sa kombensiyon mismo. Narinig naming muli nang nakaraang taon ang ilang nakapagpapasigla-sa-pusong mga komento na nais naming ibahagi sa inyo.
11 Ang manedyer ng isang otel ay nagsabi: “Sa tuwina’y isang kasiyahan na patuluyin ang mga Saksi dahilan sa sila’y matiisin, nakikipagtulungan, at laging nagbabantay sa kanilang mga anak.” Isang kawani sa otel ang nagsabi na ang kaniyang trabaho ay “nagiging mas madali kapag ang mga Saksi ay pumapasok at lumalabas sa otel sapagkat kahit na naghihintay sa pila, sila’y laging magalang, matiisin, at maunawain.”
12 Sa kabilang panig, kailangang sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na maunawaang ang Kristiyanong paggawi ay hindi nagwawakas paglisan natin sa pasilidad ng kombensiyon. Ito’y dapat na tumagal ng 24 na oras sa isang araw. Ang ating paggawi sa ating mga tuluyan, sa mga restawran, at sa mga lansangan ay dapat na maging marangal gaya rin ng kapag tayo ay dumadalo sa mga sesyon.—1 Ped. 2:12.
13 Bagaman ang pagpapakain ay inihinto na sa ating mga kombensiyon, malaki pa ring gastos ang nasasangkot sa pag-upa sa pasilidad, paglalagay ng mga sound system, at pangangalaga sa iba pang mga pangangailangan. Ang ating kusang-loob na donasyon ay tumatakip sa mga gastos na ito. Isang kapatid na babae na may tin-edyer na mga anak ang nagtungo sa kombensiyon na kaunti lamang ang dalang pera. Gayunpaman, siya at ang kaniyang mga anak ay nakapagbigay pa rin ng isang maliit na kontribusyon. Ano man ang ipinasiya ng bawat isa hinggil dito ay isang personal na bagay, subalit nalalaman namin na pinahahalagahan ninyo ang ganitong mga paalaala.—Gawa 20:35; 2 Cor. 9:7.
14 Nakikilala sa Paraan ng Ating Pananamit: Ang paraan ng ating pananamit ay malaki ang inihahayag hinggil sa atin. Nakapalibot sa karamihan sa mga tin-edyer at mga adulto ang istilo ng pananamit na uso sa paaralan o sa kanilang pinagtatrabahuhan. Kung hindi tayo mag-iingat, madali tayong maiimpluwensiyahan ng makasanlibutang mga kasamahan upang gumayak na katulad nila. Maraming istilo ang hindi angkop na isuot sa mga pulong ukol sa pagsamba. Isang sulat na natanggap pagkatapos ng isa sa mga kombensiyon nang nakaraang taon ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa programa subalit ganito ang karugtong: “Ako’y nagtataka kung bakit napakarami ng mga kabataang babae ang may maiikling damit, halos ilantad ang dibdib, at matataas ang slit.” Walang alinlangan na tayong lahat ay nagnanais na manamit ng angkop sa mga ministrong Kristiyano, kapuwa sa kombensiyon at sa pagpapahingalay pagkatapos ng programa. Sa lahat ng panahon ay kapaki-pakinabang na malasin ang payo ni Pablo na gumayak sa pamamagitan “ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Tim. 2:9.
15 Sino ang dapat magpasiya kung ano ang mahinhin, “damit na mabuti ang pagkakaayos”? Ang pagiging mahinhin ay nangangahulugan ng pagiging “di bulgar ni iginigiit ang sariling kagustuhan.” Ang talasalitaan ay nagbibigay din ng kahulugan sa mahinhin na “hindi nagpapasikat.” Ang Samahan ni ang matatanda ay hindi maglalagay ng batas hinggil sa pananamit o pag-aayos. Sa kabila nito, hindi ba dapat na maging maliwanag sa isang Kristiyano kung anong istilo ng pananamit ang talagang hindi mahinhin o disente? (Ihambing ang Filipos 1:10.) Ang ating pag-aayos at pananamit ay hindi dapat tumawag ng di kinakailangang pansin. Dapat tayong maging kaayaaya, hindi makasanlibutan o nakatitisod ang anyo. Bilang mga ministro ng mabuting balita, ang angkop na pananamit at pag-aayos ay nagdadala ng karangalan kay Jehova at nagdudulot ng mabuting impresyon sa organisasyon. Ang ating anyo at pananamit habang nasa lugar ng kombensiyon ay dapat na kagaya ng kadalasang isinusuot natin sa Kingdom Hall kapag dumadalo sa mga pulong. Kaya, ang mga magulang ay magbibigay ng halimbawa at titiyakin na ang kanilang mga anak ay nananamit nang wasto para sa okasyong iyon. Ang matatanda ay magnanais na maglaan ng mabuting halimbawa at magiging handang magbigay ng mabait na payo kung kinakailangan.
16 Pagpapanatiling Malinis ng Ating Kapaligiran: Hindi lamang ang ating pananamit, kundi ang atin ding kapaligiran ay dapat na ingatang malinis at masinop. Ingatan nating malinis ang pasilidad ng kombensiyon, hindi nagtatapon sa sahig ng papel, ng balat ng kendi, o ng iba pang lalagyan. Bago umuwi sa tahanan sa gabi, pulutin ang anumang basurang nakakalat sa palibot o ilagay iyon sa tamang basurahan o iuwi sa tahanan upang itapon doon.
17 Komersiyal na mga Gawain: Tayo ay dumadalo sa kombensiyon upang kumuha ng espirituwal na pagkain. Kung gayo’y hindi magiging angkop na samantalahin ang malalaking pulutong sa pamamagitan ng pagtitinda ng anumang bagay, gaya ng mga T-shirt, mga pamaypay, o mga kalendaryo na may nakatatak na tema ng kombensiyon. Ang pinagdarausan ng kombensiyon ay aktuwal na nagiging isang malaking Kingdom Hall na doo’y walang dako ang komersiyal na mga gawain.
18 Mga Kamera, Camcorder, at Audiocassette Recorder: Puwedeng gamitin ang mga kamera at iba pang kagamitan sa pagre-rekord, hangga’t tayo’y nagpapakita ng konsiderasyon sa iba pang dumadalo. Kung tayo ay palipat-lipat sa pagkuha ng mga litrato sa panahon ng mga sesyon, hindi lamang nagagambala natin ang iba kundi nakakaligtaan natin mismo ang ilang bahagi ng programa. Tayo’y kadalasang nakikinabang nang higit sa kombensiyon sa pagbibigay ng matamang pansin sa mga tagapagsalita at pagkuha ng mga nota. Maaaring tayo ay nagre-rekord para sa isang kapatid na lalaki o babae na hindi makadalo dahilan sa kapansanan; gayunpaman, kung ito’y para sa ating sarili lamang, masusumpungan natin na sa pag-uwi sa tahanan pagkatapos na mag-tape ng programa sa maraming oras, baka wala tayong sapat na panahon upang repasuhin kung ano ang ating ini-rekord. Walang anumang klase ng kasangkapan sa pagre-rekord ang dapat ikabit sa kuryente o sound system, ni dapat makasagabal ang kasangkapan sa mga pasilyo, mga daanan, o sa panonood ng iba sa programa.
19 Upuan: Patuloy naming napapansin ang pagsulong may kaugnayan sa pagrereserba ng mga upuan. Nang nakaraang taon, marami sa inyo ang sumunod sa tagubiling: ANG MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Malamang na hindi kayo nahirapan dahilan sa pagsunod ng karamihan sa maliwanag na tagubiling ito. At lalo pang mahalaga, ang inyong pagsunod ay nakalulugod kay Jehova at sa ‘tapat na alipin,’ na nagbibigay ng espirituwal na pagkain.—Mat. 24:45.
20 Pakisuyong tandaan na ang First Aid Department ng kombensiyon ay wala sa kalagayang mag-alaga sa dati nang maysakit. Kung ang miyembro ng inyong pamilya ay nangangailangan ng pantanging pangangalaga, pakisuyong huwag iwanang nag-iisa sakaling may lumitaw na pangkagipitang pangangailangan. Dapat na maging alisto ang matatanda sa sinuman sa kanilang kongregasyon na may pantanging pangangailangan sa kalusugan at tiyaking may patiunang mga kaayusan para asikasuhin sila.
21 Pangangailangan sa Pagkain sa Kombensiyon: Ang ilan sa atin ay medyo nangamba nang ipatalastas noong nakaraang taon na walang pagkain o inumin na isisilbi sa kombensiyon. Kung gayon, gaya ng karamihan sa ating mga kapatid, tayo ay lubos na nalulugod sa mga kapakinabangan ng pagdadala ng ating sariling pagkain. Isang kapatid na lalaki ang sumulat: “Maliwanag kong nakikita ang pagkalaki-laking pakinabang mula dito. Ang lahat ng panahong iyon at lakas ay maaari na ngayong gamitin sa espirituwal na mga bagay. Wala akong narinig ni isang negatibong komento.” Isang kapatid na babae ang sumulat: “Sa pamamagitan ng halimbawa, kayong mahal naming mga kapatid ang nagpasigla sa amin bilang indibiduwal na mga Kristiyano na suriin ang aming sarili at hanapin ang mga paraan upang gawing simple ang aming buhay at pasulungin ang aming teokratikong gawain.” Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumulat hinggil sa dating mga probisyon sa pagpapakain: “Ang dating kaayusan ay naging sanhi upang makaligtaan ng maraming kapatid ang buong programa ng asamblea.” Hinggil sa pagkaing dinala ng mga kapatid, isang matanda ang sumulat: “Sila’y nagdala kung ano lamang ang kailangan nila, at hindi na kailangang pumila para dito.” Marami ang nagkomento sa bagay na nagkaroon sila ng higit na panahon upang makausap ang mga kaibigan.
22 Hindi na muling magkakaroon ng pagpapakain sa taóng ito. Pakisuyong kunin ang ilang minuto upang repasuhin ang Nobyembre 1995 ng insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian, parapo 27, para sa mga mungkahi hinggil sa praktikal na pagkain na maaaring dalhin sa kombensiyon. Pakisuyong tandaan, walang mga lalagyang babasagin o inuming-de-alkohol ang dadalhin sa pasilidad ng kombensiyon. Kung kailangan ang maliliit na cooler, ang mga ito ay dapat magkakasiya sa malapit sa inyong upuan at hindi ookupa sa upuan ng iba. May sapat na oras sa tanghali upang kumain at uminom. Gaya sa ating Kingdom Hall kung panahon ng mga pulong, hindi tayo dapat kumain sa panahon ng mga sesyon. Sa gayo’y naipamamalas natin ang paggalang sa inilaang espirituwal na pagkain.
23 Malapit nang magpasimula ang unang “Mga Mensahero ng Kapayapaan” na mga Pandistritong Kombensiyon. Tapos na ba ang inyong mga paghahanda para makadalo, at kayo ba ngayon ay handa na upang tamasahin ang tatlong araw ng maligayang pagsasamahan at mabubuting espirituwal na mga bagay? Taimtim naming dalangin na pagpalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap na makadalo sa kombensiyon sa taóng ito.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
Bautismo: Dapat na ang mga kandidato sa bautismo ay nasa kanilang mga upuan sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Napansin na ang ilan ay nagsuot ng uri ng kasuutan na hindi kapita-pitagan at nakasisira sa okasyon. Isang mahinhing pambasa at isang tuwalya ang dapat na dalhin ng bawat nagpaplanong magpabautismo. Dapat tiyakin ng matatanda sa kongregasyon na nagrerepaso ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo sa aklat na Ating Ministeryo na nauunawaan ng bawat isa ang mga puntong ito. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling mga tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at pagkatapos ay magpapaawit. Pagkatapos ng huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa lugar na paglulubugan. Yamang ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang probisyon para sa tinatawag na ka-partner sa bautismo, na doo’y ang dalawa o higit pang kandidato ay nagyayakapan o naghahawakan ng kamay samantalang binabautismuhan.
Mga Badge Card: Pakisuyong isuot ang 1996 badge card sa kombensiyon at habang naglalakbay mula at patungong kombensiyon. Ito’y kadalasang nagpapangyari sa atin na makapagbigay ng mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang mga badge card at lalagyan nito ay dapat kunin sa pamamagitan ng inyong kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Huwag nang hintayin pa na iilang araw na lamang ang kombensiyon bago humiling ng mga card para sa inyo at sa inyong pamilya. Alalahaning dalhin ang inyong kasalukuyang Advance Medical Directive/Release card.
Boluntaryong Paglilingkod: Yamang wala nang pagpapakain, ang marami na dating gumagawa sa departamentong ito ay makapagbuboluntaryo na ngayon sa ibang gawain. Makapaglalaan ba kayo ng ilang panahon sa kombensiyon upang tumulong sa isa sa mga departamento? Ang paglilingkod sa ating mga kapatid, kahit na ilang oras, ay maaaring makatulong nang lubusan at magdulot ng malaking kasiyahan. Kung makatutulong kayo, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay makatutulong din sa pamamagitan ng paggawa sa ilalim ng direksiyon ng magulang o ng iba pang mapagkakatiwalaang adulto.
Babala: Manatiling alisto sa maaaring lumitaw na mga problema upang maiwasan ang di-kinakailangang suliranin. Kadalasan ang mga magnanakaw ay bumibiktima sa mga tao na malayo sa kanilang tahanan. Tiyaking nakasusi ang inyong sasakyan sa lahat ng panahon, at huwag kailanman mag-iiwan ng nakikitang bagay na makatutukso sa kaninuman na puwersahang pumasok. Ang mga magnanakaw at mga mandurukot ay interesado sa malalaking pagtitipon. Hindi katalinuhang mag-iwan ng anumang mahahalagang bagay sa inyong upuan. Hindi kayo nakatitiyak na ang lahat ng nasa palibot ninyo ay Kristiyano. Bakit magbibigay ng sanhi ng ikatutukso? Nakatanggap ng mga ulat hinggil sa pagtatangka ng ilang tagalabas na akitin ang mga bata. ALAMIN KUNG NASAAN ANG INYONG MGA ANAK SA LAHAT NG PANAHON.