1992 “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon
1 Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magiging “ilaw ng sanlibutan.” (Mat. 5:14) Sa kabilang panig, ang espirituwal at moral na kadiliman sa sanlibutan ay lalo pang tumitindi sa paglipas ng bawat araw. (Isa. 60:2; Roma 1:21) Ang ating pananagutan bilang mga tagapagdala ng liwanag ay lalo pang nagiging makahulugan habang papalapit tayo sa katapusan ng sistemang ito. Bilang pagkilala sa mahalagang papel na ating ginagampanan, may pananabik nating inaasam ang pagdalo sa 1992 “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon. Ang una sa seryeng ito ay magpapasimula sa Biyernes, Disyembre 18.
2 Tatlong Araw na Kombensiyon: Sa taóng ito nagplano kami ng 37 kombensiyon sa Pilipinas. Ang programa ay magpapasimula sa 8:40 n.u. ng Biyernes at magtatapos sa awit at panalangin sa bandang 4:15 n.h. ng Linggo. Ang lahat sa bayan ni Jehova ay magnanais na makadalo sa buong programa. Taglay ba ninyo ang personal na desisyon na dumuon sa buong tatlong araw? Tiyaking manalangin na pagpalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap.
3 Mula sa unang pahayag sa Biyernes ng umaga hanggang sa pangwakas na mga komento sa Linggo ng hapon, dapat na bigyan natin ng matamang pansin ang buong programa. Nakapupukaw-damdaming mga impormasyon ang ihaharap sa mga pahayag, demonstrasyon, pakikipanayam, at sa isang drama. Planuhing kayo’y nasa upuan na bago magpasimula ang programa sa Biyernes. Kadalasan, sa unang araw ay malaking panahon ang kakailanganin sa pagpaparada ng sasakyan, paghahanap ng upuan, at iba pa. Kaya maglaan kayo ng sapat na panahon. Sa pagkanaroroon sa lahat ng sesyon at pananatili hanggang sa katapusang awit at panalangin, makikinabang tayo nang lubusan sa programa at maipakikita natin ang pagpapahalaga sa pribilehiyo bilang mga tagapagdala ng liwanag.
4 Matamang Pakikinig: Ipinahayag ng mang-aawit: “Aking gugunitain ang iyong mga paalaala. Oh gaano iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.” (Awit 119:95b, 97) Sa bawat pagkakataong tayo’y natitipon upang turuan ni Jehova, may pangangailangan na magbigay pansin at makinig hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga tainga kundi ng ating mga puso din. Lalong kailangan ito kapag dumadalo sa mga malalaking pagtitipon gaya ng pandistritong kombensiyon. Marami ang makikita ng mga mata at maririnig ng mga tainga. Anong laking kalugihan para sa isa na matapos gumugol ng panahon at salapi upang makadalo sa kombensiyon ay umuwi siyang kakaunti lamang ang natatandaan sa maiinam na punto kung papaano tayo maaaring sumulong bilang mga tagapagdala ng liwanag! Dapat nating gawin ang buong makakaya upang mapagtagumpayan ang anumang pagkagambala upang tayo’y makinabang nang lubusan sa programa. Papaano natin matitiyak na ang impormasyon ay maitatanim nang malalim sa ating puso at isip sa katapusan ng programa ng kombensiyon?
5 Ang pakikinig ay isang sining na dapat na linangin at sanayin. Ang salitang “makinig” ay nangangahulugang “upang pakinggan taglay ang pagbubulaybulay.” Isaalang-alang ang ilang mga mungkahing ito: (1) Gawin ang lahat ng pagsisikap na sa pagpunta sa lugar ng kombensiyon bawat umaga ay nagkarooon na kayo ng sapat na pamamahinga. Ito’y nangangailangan ng pagpaplano at pagtutulungan ng pamilya. Kung kayo’y pagod dahilan sa kakulangan ng tulog o gutom dahilan sa di pag-aalmusal, o kung kayo’y di mapalagay dahilan sa pagmamadali, kakaunti lamang ang inyong makukuha mula sa programa. (2) Lumikha ng pananabik kung papaano ihaharap ang tema. Mga ilang linggo pa bago ang kombensiyon, bakit hindi pagkomentuhin ang bawat miyembro bilang bahagi ng pampamilyang pag-aaral kung ano ang kahulugan para sa kanila ng pagiging tagapagdala ng liwanag. Samantalang nasa kombensiyon, patiunang tingnan ang bawat bahagi sa araw na iyon bago magpasimula ang programa. (3) Manamit nang angkop at iwasan ang pagkain at pag-inom sa panahon ng programa. Ito’y kawalang galang, nakagagambala sa iba, at nagpapakita ng kawalang pagpipigil sa sarili. Dahilan dito, ang lahat ng mga refreshment stand ay sasarhan sa panahon ng sesyon ng kombensiyon.
6 Nais naming bigyan ng pantanging pansin ang hinggil sa pagkuha ng nota. Kung wasto itong maisasagawa, ito’y tutulong sa inyo na makasubaybay na mabuti sa tagapagsalita at matandaan kung ano ang inyong naririnig. Yamang nakapag-iisip tayo sa bilis na apat na ulit kaysa ating pagsasalita, ang pinakamabuting paraan upang hindi gumala-gala ang ating isip ay ang kumuha ng nota. Gaya ng napansin ng isang manunulat, “Ang pakikinig sa isang pahayag ay mas mahirap kaysa pagbibigay nito.” Maaaring natatandaan ninyo na ang mga sinaunang Kristiyano ay kilala sa pagdadala sa mga pulong ng mga piraso ng basag na palyok upang sulatan iyon ng mga kasulatan sa pamamagitan ng tinta. Kay laki ng ating pasasalamat at mayroon na tayong notebook na katamtaman ang laki lakip na ang pluma o lapis. Upang maging bihasa sa pagkuha ng nota, nangangahulugan ito ng pagtatala lamang ng pangunahing ideya para maiwasan ang patuloy na pagsusulat. Kung hindi, ito’y makasisira sa ating layunin anupat makakaligtaan ang mahahalagang punto na sinaklaw ng tagapagsalita. Isulat ang mga susing salita, at gumamit ng pagpapaikli. Ang inyong mga nota ay makatutulong na mabuti sa inyo kapag inyong nirerepaso sa gabi at bago talakayin ang mga litaw na punto sa programa sa Pulong Ukol sa Paglilingkod ng kongregasyon.
7 Taus-pusong Awit at Panalangin: Ang pag-awit ng papuri kay Jehova at magalang na paglapit sa kaniya sa panalangin ay bahagi ng ating pagsamba. (2 Cron. 30:21, 27) Ito’y mahahalagang bahagi ng ating kombensiyon na mababahaginan natin. Sa loob ng tatlong araw na “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon, ating aawitin ang 18 mga awit ng papuri kay Jehova at magsasama-sama sa walong panalangin sa ating makalangit na Ama. Tunay na ang mga ito’y di matutumbasang pribilehiyo. Si Jehova ay magbibigay sa atin ng mahigit sa 12 oras na espirituwal na edukasyon at pagsasanay. Sa ilang mga minutong inilaan para sa awit at panalangin, napasasalamatan at napapapurihan natin si Jehova sa kaniyang saganang mga kaloob. Yamang tayo’y lumalapit kay Jehova sa panalangin bilang isang nagkakatipong pulutong, nanaisin ba ninyong malasin niya tayo bilang sakim at walang galang na mga indibiduwal dahilan sa pagkabigo nating makisali sa awit at panalangin dahilan lamang sa mahinang pagpaplano? Kaya walang sinuman ang dapat na umalis bago matapos ang sesyon upang maunang pumila para sa pagkain o kumuha ng literatura.—Mat. 7:12; Roma 12:10; Fil. 2:1-4.
8 Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos: Bawat taon tayo ay binibigyan ng maibiging mga paalaala hinggil sa kahalagahan ng mabuting pag-uugali at wastong paggawi sa kombensiyon. Ang karamihan ay dapat na papurihan dahilan sa taimtim na pagsunod sa mga paalaalang iyon. Habang nagtatapos ang sistemang ito, tayo ay napipilitang makisama sa mga tao sa trabaho at sa paaralan na ang mga pag-uugali ay inihula sa 2 Timoteo 3:1-5. Ang pakikisamang ito ay maaaring makaimpluwensiya sa atin kung hindi tayo patuloy na magbabantay. Hindi natin nais kailanman na magbigay ng dahilan upang ang sinuman ay ‘magsalita laban sa atin tulad sa nagsisigawa ng masama.’ (1 Ped. 2:12) Ito’y nangangailangan ng pagbibigay ng higit kaysa karaniwang pansin sa ating Kristiyanong personalidad. Ang lahat ay dapat na maging mapagbantay sa kanilang pag-uugali sa kombensiyon at sa madla, gaya sa mga motel at mga restaurant. Ang mga matatanda ay dapat na maging interesado sa lahat ng kanilang mga kapatid. (Fil. 2:4) Dapat silang maging matulungin at magbigay ng komendasyon sa iba dahilan sa kanilang mainam na pag-uugali. Dapat na maging malaya ang mga matatanda sa pagbibigay ng maibiging payo kung ito’y kinakailangan, kahit na hindi nila personal na kilala ang mga kapatid. Anumang mapansing maseselang na problema ay dapat na ipagbigay-alam sa Administration Office ng kombensiyon.
9 Ang bagong personalidad na binabanggit sa Efeso 4:24 ay itinulad sa isang damit na isinusuot matapos hubarin ang dating pagkatao. Ang pagbabagong ito ng pagkatao ay dapat na mabanaag din sa ating literal na pananamit. Napansin na sa ilang mga kapatid na lalake at babae, lalo na ang mga kabataan, na masyadong kasuwal ang kanilang pananamit at kung minsan ay di mahinhin. Ganito ba tayo sa Kingdom Hall? Gayundin, ang ilang kandidato sa bautismo ay nagsusuot ng mga T-shirt na may nakasulat na makasanlibutang salawikain at mga simbolo o propaganda ng ibat ibang produkto. Dapat tiyakin ng mga matatandang nagrerepaso ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo na nauunawaan ng mga babautismuhan kung ano ang itinuturing na wastong pananamit sa okasyong iyon.—Tingnan ang The Watchtower ng Hunyo 1, 1985, pahina 30 (Disyembre 1, 1985 sa Tagalog) at Abril 15, 1973, mga pahina 254-5.
10 Maraming mga tagasanlibutan ang nagkokomento hinggil sa kalinisan ng bayan ni Jehova sa ating mga kombensiyon. Walang pagsalang nanaisin natin na mapanatili ang mataas na pamantayan, na hindi nagtatapon ng papel, mga balat ng kendi, o iba pang mga sisidlan sa sahig. Makipagtulungan nawa tayong lahat at pulutin ang ating mga basura at ilagay iyon sa basurahan o ilagay sa sisidlang plastik upang iuwi sa bahay at doon itapon. Kung papaanong hindi tayo nagtatapon ng papel sa sahig ng Kingdom Hall, gayundin ang ipinakikita nating paggalang sa lugar ng ating asamblea samantalang tayo’y naroroon.
11 Tayo’y dumadalo sa kombensiyon upang kumuha ng espirituwal na pagkain. Kaya kawalang galang sa hapag ni Jehova kung gagamitin natin ang pagkakataong iyon para kumita ng pera sa anumang paraan, na sinasamantala ang malaking bilang na dumadalo. Nais naming muling ipagunita sa inyo na walang pahihintulutang magtinda ng personal na mga bagay sa looban ng kombensiyon, at yaong lamang mga bagay na mula sa Samahan ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
12 Mga Kagamitan sa Pagrerekord: Bagaman ang mga kamera sa video ay pinahihintulutan, hinihimok namin ang mga gumagamit nito na maging makonsiderasyon sa iba, maging mapamili sa mga itini-tape, at maging magalang sa mga aayaw makunan ng larawan habang kumakain, nakikinig sa programa o samantalang nananalangin. Ang sinumang gumagamit ng video tape o mga cassette recorder ay hindi dapat makaabala sa nakikinig o maging sanhi ng pagkagambala. Wala namang masama sa pagrerekord ng programa mula sa inyong upuan. Subalit sa panahon ng sesyon, hindi angkop para sa kaninuman na gumala-gala sa pasilyo at sa harapan ng mga tagapakinig sa pagrerekord ng programa. Kung kinakailangan, dapat makipag-usap ang mga attendant sa sinumang ayaw magpakita ng pag-ibig Kristiyano sa bagay na ito. Pakisuyong tandaan na walang kamera o kasangkapan sa pagrerekord ang dapat ikabit sa koneksiyon ng koryente o sound sa kombensiyon, ni maglagay kaya ng anumang kasangkapan sa pasilyo o sa lugar na dinaraanan.
13 Para sa mga Magulang: Nais naming muling idiin ang kahalagahan ng superbisyon ng mga magulang sa kanilang mga anak sa lahat ng panahon, maging sa loob ng kombensiyon o sa kanilang mga tinutuluyan. (Kaw. 29:15b; Luc. 2:48) Habang may programa, tiyaking ang inyong mga anak ay nakikinig at kumukuha ng nota. Sa panahon ng intermisyon, may pagkakataon para bumisita sa mga kaibigan mula sa ibang kongregasyon.
14 Upang ipakita ang kahalagahan na malaman kung nasaan ang inyong mga anak sa lahat ng panahon, isang drayber ng taksi sa isang kombensiyon ang nagsabi sa isang kapatid na nakapulot siya ng dalawang batang babae na papalabas sa lugar ng kombensiyon. Maliwanag na may plano silang umalis ng buong hapong yaon anupat sinabi sa drayber na hindi sila hahanapin ng kanilang ina hanggang 5:00 n.h. Nabahala ang drayber ng taksi hinggil sa kanilang kapakanan, subalit kumusta naman ang kanilang ina? Anong laking trahedya kung may nangyaring kapahamakan sa kanila, huwag nang banggitin pa ang upasala sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang bayan!
15 Ang Inyong Ganap na Pakikipagtulungan ay Pinahahalagahan: Gaano kahalaga para sa bawat isa sa atin na makipagtulungan sa direksiyon ng Samahan hinggil sa pagdalo sa kombensiyon na doon inatasan ang ating kongregasyon? Maingat na pagpaplano ang ginagawa ng Samahan at ng mga may pananagutang kapatid para sa bawat lugar ng kombensiyon. Saklaw nito ang pagkakaroon ng sapat na upuan, pagkain, literatura, at iba pa. Kung maraming kapatid ang dadalo sa mga kombensiyon na doo’y hindi naman sila kabilang, ito’y magdudulot ng kahirapan. Malamang na iilan lamang ang kakailanganing dumalo sa ibang kombensiyon dahilan sa kanilang mga kalagayan. Ang ibang lugar ng kombensiyon ay maaaring waring higit na kanaisnais sa ilang mga kadahilanan, subalit kung ang malaking porsiyento ng mga kapatid ay pupunta sa lugar na kanilang pinili, ito’y lilikha ng malaking kaguluhan.
16 Ang inyong pakikipagtulungan ay hinihiling may kinalaman sa pagrereserba ng mga upuan. Pakisuyong ingatan sa isipan na ang mga UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN.
17 Iminumungkahi na magdala lamang kayo ng iilang personal na bagay sa kombensiyon. Kung hindi magkakasya ang isang bagay sa ilalim ng inyong upuan, mabuti pang iwanan ninyo iyon sa bahay.
18 Pinahahalagahan ng bayan ni Jehova na sila’y nakapagtitipon upang makinabang sa inihandang espirituwal na programa. Pinahahalagahan din natin ang maraming paglilingkod at kaalwanan na inilalaan sa gayong mga pagtitipon. Dahilan sa malaking pangangalaga at gastos ng Samahan, ang mga kaayusan ay naisasagawa para sa sapat na upuan, paglalagay ng mga mamahaling kagamitan sa sound, pagpapatakbo ng Departamento ng Food Service, at iba pang mga paglilingkod upang ang pagdalo sa kombensiyon ay maging kasiyasiya at nakagiginhawa sa espirituwal. Ang kagastusang ito ay napagtatakpan ng inyong boluntaryong kontribusyon bilang suporta sa pambuong daigdig na gawain ng Samahan. Ang lahat na kontribusyon ay lubusang pinahahalagahan, at nais ng Samahan na pasalamatan kayo nang patiuna sa inyong saganang suporta sa mga kapakanan ng Kaharian sa ganitong paraan. Ang mga kahon ng kontribusyon ay ilalagay sa ibat ibang lugar sa buong estadiyum para dito.
19 Daluhan ang “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon: Sa pamamagitan ng pagdalo sa Pandistritong Kombensiyon, tayo ay masisiyahang makarinig kung bakit ang pagiging mga tagapagdala ng liwanag ay isang malaking karangalan at pribilehiyo. Maipagugunita rin sa atin na ito ay isang maselang na pananagutan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig sa kombensiyon, tayo ay susulong sa ating kakayahan at sa ating pagpapahalaga sa ating papel bilang mga tagapagdala ng liwanag. Isagawa na ngayon pa man ang inyong mga plano upang makadalo sa lahat ng sesyon, mula sa pasimulang awit sa Biyernes hanggang sa katapusang panalangin sa Linggo ng hapon.
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
Tuluyan: Kami ay magpapadala ng suplay ng Room Request form sa bawat kongregasyon. Dapat punan ang pormang ito ng mga nangangailangan ng tuluyan at ibigay iyon sa kalihim ng inyong kongregasyon. Susuriin niya iyon at pipirmahan, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyong nasa ibaba:
Disyembre 18-20, 1992
Maasin, Southern Leyte: c/o Conrado Balaga, Rosario Village, Asuncion, Maasin, 6600 Southern Leyte.
Disyembre 25-27, 1992
Ilagan, Isabela: c/o Zosimo G. Linda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
Vigan, Ilocos Sur: c/o Pablo Nolasco, 54 Quirino Boulevard, Vigan, 2700 Ilocos Sur.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Binalonan, Pangasinan: c/o Manantan Technical School, Urdaneta, 2428 Pangasinan.
Lucena City: Kingdom Hall, 1 Granja Street, 4301 Lucena City.
Quezon City (1): P. O. Box 2044, 1099 Manila.
San Fernando, Pampanga: Kingdom Hall, 850 Juliana Subdivision, San Fernando, 2000 Pampanga.
Pili, Camarines Sur: c/o Bautista Marketing, Pili, 4418 Camarines Sur.
Masbate, Masbate: c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
Dumaguete City: c/o Alexander Echon, 110-A Springville, Tubod, 6200 Dumaguete City.
Tagbilaran City: c/o Hermenegildo Sang-an, 11 Tamblot Street, 6300 Tagbilaran City.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
Surigao City: c/o Alfredo Alutaya, 735 Navarro Street, 8400 Surigao City.
Surallah, South Cotabato: c/o Eugenio Ordanza, Poblacion, Surallah, 9512 South Cotabato.
Mati, Davao Oriental: c/o Norberto B. Morales, 2851 Ravelo Compound, Matiao, Mati, 8200 Davao Oriental.
Davao City: c/o Cesar’s Portrait, City Hall Drive, San Pedro Street, 8000 Davao City.
Zamboanga City: Kingdom Hall, 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Kabacan, North Cotabato: c/o Eliseo Mapanao, 1245 USM Avenue, Kabacan 9407 North Cotabato.
Enero 1-3, 1993
Tuguegarao, Cagayan: c/o Santiago Panaga, 60 Public Market, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, 3700 Nueva Vizcaya.
Baguio City: c/o Anastacio Cruz, 47 Bayan Park Extension, Aurora Hill, 2600 Baguio City.
Alaminos, Pangasinan: c/o Roland’s Photo Service, Alaminos, 2404 Pangasinan.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
Legaspi City: Kingdom Hall, Camia Street, Imperial Court Subdivision II, 4500 Legaspi City.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Marikina, Metro Manila: P. O. Box 2044, 1099 Manila.
Quezon City (2): P. O. Box 2044, 1099 Manila.
Cavite City: Kingdom Hall, 497 Padre Pio Street, Caridad, 4100 Cavite City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Catbalogan, Western Samar: c/o Juana Cinco, 537 San Francisco Street, Catbalogan, 6700 Western Samar.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, 5000 Iloilo City.
General Santos City: c/o Clarustino Labrador, P. O. Box 122, 9500 General Santos City.
Digos, Davao del Sur: c/o Zosimo Tagalog, Post Office, Digos, 8002 Davao del Sur.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
Cagayan de Oro City: Kingdom Hall, F. Abellanosa Street, 9000 Cagayan de Oro City.
Oroquieta City: c/o Luis Tuanggang, 25 Naranjo Street, Lower Lamac, 7207 Oroquieta City.
Bautismo: Dapat na nasa kanilang mga upuan na ang mga kandidato sa bautismo doon sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang mga nagpaplanong magpabautismo ay dapat magdala ng isang mahinhing pampaligo at tuwalya. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato at pagkatapos ay magpapaawit. Pagkatapos ng huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa lugar na paglulubugan o sa mga sasakyang maghahatid sa kanila doon. Yamang ang bautismo bilang sagisag ng pag-aalay ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang probisyon para sa tinatawag na ka-partner sa bautismo, na doo’y ang dalawa o mahigit pang kandidato sa bautismo ay magkayakap o magkahawak ng kamay samantalang binabautismuhan.
Mga Pantanging Pulong: Isang pantanging pagpupulong ang idaraos para sa lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. ng Biyernes, samantalang isang pulong para sa lahat ng mga matatanda at ministeryal na lingkod ang idaraos sa 11:15 n.u. ng Sabado. Ang lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas mula sa plataporma.
Pioneer Identification: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir, at gayundin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga payunir na nasa listahan mula pa noong Hulyo 1, 1992 o bago pa ng petsang ito ay tatanggap ng ₱80.00 na halaga ng tiket sa kombensiyon kapag iniharap ang kanilang ID card para sa isa lamang kombensiyon. Ingatan ang card gaya ng pera. Hindi iyon mapapalitan sa kombensiyon.
Boluntaryong Paglilingkod: Kailangan ang boluntaryong tulong para sa isang maayos na operasyon ng isang pandistritong kombensiyon. Kahit na kayo’y makapagtatrabaho lamang nang kaunti sa kombensiyon, ang inyong paglilingkuran ay pahahalagahan. Kung kayo’y makatutulong, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department pagdating ninyo sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay makatutulong din sa ikapagtatagumpay ng kombensiyon, subalit sila’y kailangang gumawa kasama ng magulang o ng iba pang nakatatandang kapatid na mapagkakatiwalaan.
Lapel Cards: Pakisuyong isuot ang pantanging dinisenyong lapel card sa kombensiyon at sa paglalakbay mula at patungong kombensiyon. Kadalasang ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataong makapagbigay ng mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang mga lapel card ay makukuha sa inyong kongregasyon, yamang wala nito sa kombensiyon. (Pansinin ng kalihim: Ang mga lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for Forms. Kung hindi ito naisagawa, magpadala ngayon ng pidido sa regular na S-14 para dito.)
Isang Babala: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking nakasusi ito at huwag mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Gayundin, mag-ingat sa mga magnanakaw at mandurukot na naaakit sa malalaking pagtitipon. Lakip dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Pakisuyong mag-ingat.