Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 11/1 p. 28-31
  • Bakit Magbibigay kay Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Magbibigay kay Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahalagang Bahagi ng Tunay na Pagsamba
  • Kung Bakit Tayo Nagbibigay
  • Pagpapalang Ibinubunga ng Pagiging Mapagbigay
  • Kung Papaano Nag-aabuloy ang Ilan sa Gawaing Pangangaral ng Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • “Parangalan Mo si Jehova ng Iyong Mahahalagang Bagay”—Paano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Tagapagbigay ng “Bawat Mabuting Kaloob”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • “Saan Nanggagaling ang Salapi?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 11/1 p. 28-31

Bakit Magbibigay kay Jehova?

HABANG matindi ang sikat ng araw sa munting Sidoniong bayan ng Zarefat, namumulot ng mga kahoy ang isang babaing balo. Kailangan niyang gumawa ng apoy upang makapagluto ng kaunting pagkain​—malamang na siyang pinakahuling kakanin niya at ng kaniyang batang anak na lalaki. Nagpunyagi siyang makaraos pati ang kaniyang anak sa kabila ng mahabang tagtuyot at taggutom, at ang lahat ay humantong sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan. Nagugutom sila.

Lumapit ang isang lalaki. Ang pangalan niya’y Elias, at napag-unawa kaagad ng balo na siya ay isang propeta ni Jehova. Waring narinig na niya ang tungkol sa Diyos na ito. Si Jehova ay ibang-iba kay Baal, na ang malupit, mahalay na pagsamba ay malaganap sa kaniyang lupain ng Sidon. Kaya nang humingi sa kaniya si Elias ng maiinom na tubig, malugod siyang tumulong. Marahil ay naisip niya na sa paggawa nito ay magtatamo siya ng pabor ni Jehova. (Mateo 10:41, 42) Subalit mayroon pang hiniling si Elias​—kaunting pagkain. Ipinaliwanag niya na mayroon na lamang siyang sapat para sa pinakahuling pagkain. Gayunma’y nagpumilit si Elias, anupat tiniyak sa kaniya na si Jehova ay makahimalang maglalaan ng pagkain para sa kaniya hanggang sa matapos ang tagtuyot. Ano ang ginawa niya? Ganito ang sabi ng Bibliya: “Kaya ginawa niya ang alinsunod sa salita ni Elias.” (1 Hari 17:10-15) Inilalarawan sa payak na pananalitang ito ang isang gawang udyok ng napakalaking pananampalataya​—napakalaki, sa katunayan, anupat pinuri ni Jesu-Kristo ang balong iyan halos isang libong taon pagkaraan!​—Lucas 4:25, 26.

Magkagayunman, waring kakatwa na gayon na lamang ang hihilingin ni Jehova mula sa isang babaing napakadukha. Lalo nang gayon kapag isinaalang-alang natin ang minsa’y ipinanalangin ng isang napakaprominenteng tao. Ang paglikom ni Haring David ng mga abuloy upang magamit ng kaniyang anak na si Solomon sa pagtatayo ng templo ay gumanyak sa labis-labis na pagbibigay. Kung sasabihin ang katumbas sa ngayon, ang mga kaloob na iniabuloy ay nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar! Gayunman, ganito ang sabi ni David sa panalangin kay Jehova: “Sino ako, at ano ang aking bayan, upang tayo’y makapaghandog ng gayon na lamang pagkukusang loob na tulad nito? Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay mula sa iyo, at mula sa iyo ang ipinagkakaloob namin sa iyo.” (1 Cronica 29:14) Gaya ng sabi ni David, lahat ay pag-aari ni Jehova. Kaya kailanma’t nagbibigay tayo sa ikasusulong ng dalisay na pagsamba, iniuukol lamang natin kay Jehova ang talagang sa kaniya na. (Awit 50:10) Kaya bumabangon ang tanong, Bakit ibig pa ni Jehova na magbigay tayo?

Isang Mahalagang Bahagi ng Tunay na Pagsamba

Ang pinakasimpleng sagot ay na mula noong unang panahon, ang pagbibigay ay ginawa na ni Jehova bilang isang mahalagang bahagi ng dalisay na pagsamba. Inihain ng tapat na si Abel ang ilan sa kaniyang mahalagang alagang hayop kay Jehova. Gayunding paghahandog ang ginawa ng mga patriyarkang sina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Job.​—Genesis 4:4; 8:20; 12:7; 26:25; 31:54; Job 1:5.

Itinakda at pinangasiwaan pa nga sa Batas Mosaiko ang pagbibigay ng mga abuloy kay Jehova. Halimbawa, ang lahat ng Israelita ay inutusang magbigay ng ikapu, o mag-abuloy ng ikasampung bahagi ng ani ng lupain at ng pagdami ng kanilang hayupan. (Bilang 18:25-28) Ang ibang abuloy ay hindi naman pinangasiwaan nang gayong kahigpit. Halimbawa, bawat Israelita ay kailangang magbigay kay Jehova ng pangunahing bunga ng kaniyang hayupan at ani. (Exodo 22:29, 30; 23:19) Gayunman, pinahintulutan ng Batas na ang bawat indibiduwal na ang tumiyak kung gaano karami ang ibibigay mula sa kaniyang pangunahing bunga, hangga’t yaong pinakamainam ang ibibigay niya. Nagtakda rin ang Batas ng mga handog ng pasasalamat at panata, na karaniwan nang kusang-loob. (Levitico 7:15, 16) Pinasigla ni Jehova ang kaniyang bayan na magbigay nang ayon sa pagpapala niya sa kanila. (Deuteronomio 16:17) Katulad niyaong sa pagtatayo ng tabernakulo at nang dakong huli ay ng templo, ibinigay ng bawat isa kung ano ang udyok ng kaniyang puso. (Exodo 35:21; 1 Cronica 29:9) Tiyak na ang gayong boluntaryong mga abuloy ay totoong kalugud-lugod kay Jehova!

Sa ilalim ng “batas ng Kristo,” ang lahat ng pagbibigay ay dapat na boluntaryo. (Galacia 6:2; 2 Corinto 9:7) Hindi iyan nangangahulugan na ang mga tagasunod ni Kristo ay huminto na sa pagbibigay o mas kakaunti ang kanilang ibinigay. Siyang kabaligtaran! Habang si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nangangaral sa Israel, isang grupo ng mga kababaihan ang sumusunod sa kanila at naglilingkod sa kanila buhat sa kanilang tinatangkilik. (Lucas 8:1-3) Tumanggap din naman si apostol Pablo ng mga kaloob na sumuporta sa kaniyang gawaing pagmimisyonero, at pinasigla rin naman niya ang ilang kongregasyon upang mag-abuloy ng pondo sa iba kung may pangangailangan. (2 Corinto 8:14; Filipos 1:3-5) Nag-atas ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ng responsableng mga lalaki upang tiyakin na ang mga abuloy ay naipamamahagi sa mga nagdarahop. (Gawa 6:2-4) Maliwanag, minalas ng mga unang Kristiyano na isang pribilehiyong itaguyod ang dalisay na pagsamba sa gayong paraan.

Gayunpaman, baka itanong natin kung bakit ginagawa ni Jehova ang pagbibigay na isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa kaniya. Isaalang-alang ang apat na dahilan.

Kung Bakit Tayo Nagbibigay

Una, ang pagbibigay ay ginagawa ni Jehova na bahagi ng tunay na pagsamba sapagkat ang paggawa nito ay mabuti para sa atin. Idiniriin nito ang ating pagpapahalaga sa kabaitan ng Diyos. Halimbawa, kung ang isang bata ay bumili o gumawa ng regalo para sa isang magulang, bakit tuwang-tuwa ang magulang? Ang regalo ba ay nakatutugon sa isang mahigpit na pangangailangan na hindi masasapatan ng magulang sa ibang paraan? Malamang na hindi. Sa halip, nalulugod ang magulang na makitang ang bata ay tinutubuan ng mapagpahalaga at mapagbigay na saloobin. Sa katulad na mga dahilan kung kaya pinasisigla tayo ni Jehova na magbigay at siya’y nalulugod kapag ginagawa natin ang gayon. Sa ganito natin naipakikita na talagang pinahahalagahan natin ang lahat ng kaniyang walang-hanggang kabaitan at pagkabukas-palad sa atin. Siya ang tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo,” kaya hindi tayo nauubusan ng dahilan upang pasalamatan siya. (Santiago 1:17) Higit sa lahat, ibinigay ni Jehova ang kaniyang minamahal na Anak, anupat hinayaan siyang mamatay upang tayo’y mabuhay magpakailanman. (Juan 3:16) Mapasasalamatan kaya natin siya nang lubusan?

Ikalawa, kung uugaliin nating magbigay, sa gayo’y natututo tayong tumulad kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa isang napakahalagang paraan. Si Jehova ay malimit magbigay, palaging bukas-palad. Gaya ng sabi ng Bibliya, pinagkalooban niya tayo ng “buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Angkop naman na pasalamatan natin siya para sa bawat hininga natin, bawat isinusubo nating pagkain, bawat maligaya at kasiya-siyang sandali sa buhay. (Gawa 14:17) Si Jesus, tulad ng kaniyang Ama, ay naging mapagbigay. Hindi niya ipinagkait ang kaniyang sarili. Alam ba ninyo na kapag gumagawa si Jesus ng mga himala, may mga bagay na nawala sa kaniya sa paggawa niyaon? Hindi lamang iisang beses na sinasabi sa atin ng Kasulatan na noong pagalingin niya ang mga taong may sakit, ang kapangyarihan ‘ay lumabas mula sa kaniya.’ (Lucas 6:19; 8:45, 46) Gayon na lamang ang pagkabukas-palad ni Jesus anupat isinuko niya sa kamatayan ang kaniyang sariling kaluluwa, ang kaniyang buhay.​—Isaias 53:12.

Kaya kapag nagbibigay tayo, maging iyon man ay ang ating panahon, lakas, o ang ating mga tinatangkilik, tinutularan natin si Jehova at pinasasaya ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11; Efeso 5:1) Tinutularan din natin ang sakdal na halimbawa ng paggawi ng tao na iniwan sa atin ni Jesu-Kristo.​—1 Pedro 2:21.

Ikatlo, ang pagbibigay ay nakatutugon sa tunay at mahahalagang pangangailangan. Totoo, madaling matutugunan ni Jehova ang mga pangangailangan ukol sa kapakanan ng Kaharian nang wala tayong tulong, kung paanong magagawa niyang humiyaw ang mga bato sa halip na gamitin tayo upang ipangaral ang salita. (Lucas 19:40) Subalit minabuti niyang bigyang-dangal tayo sa pamamagitan ng mga pribilehiyong ito. Kaya kapag nagbibigay tayo ng ating mga tinatangkilik para sa pagsulong ng interes ng Kaharian, nadarama natin ang malaking kasiyahan ng pagkaalam na gumaganap tayo ng isang totoong bahagi sa pinakamahalagang gawain sa sanlibutang ito.​—Mateo 24:14.

Hindi na kailangan pang sabihing ang salapi ay kailangan upang matustusan ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1995 taon ng paglilingkod, ang Samahan ay gumugol ng halos $60 milyon upang paglaanan lamang ang mga special pioneer, misyonero, at naglalakbay na mga tagapangasiwa sa kanilang mga atas sa larangan ng paglilingkuran. Gayunman, iyan ay halos maliit na halaga kung ihahambing sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga tanggapang pansangay at mga pasilidad sa paglilimbag sa buong daigdig. Subalit, lahat ng ito ay nagiging posible dahil sa mga boluntaryong abuloy!

Hindi iniisip ng bayan ni Jehova na kung sila mismo ay hindi nakaririwasa, maaaring hayaan na lamang nila ang iba na magsabalikat ng pasan. Aakayin tayo ng ganitong saloobin na palampasin ang pitak na ito ng ating pagsamba. Ayon kay apostol Pablo, ang mga Kristiyano sa Macedonia ay dumanas ng “matinding karalitaan.” Gayunpaman, sila’y nagsumamo para sa pribilehiyong magbigay. At ang ibinigay nila, patunay ni Pablo, ay ‘higit pa sa kanilang naging talagang kakayahan’!​—2 Corinto 8:1-4.

Ikaapat, ginawa ni Jehova ang pagbibigay na isang bahagi ng tunay na pagsamba sapagkat ang pagbibigay ay tutulong sa atin upang maging maligaya. Sinabi ni Jesus mismo: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ganiyan ang pagkadisenyo ni Jehova sa atin. Ito ay isa pang dahilan upang madama natin na gaano man ang ibigay natin sa kaniya, hindi natin matutumbasan ang pagpapahalaga na nadarama natin para sa kaniya. Subalit nakatutuwa naman, hindi umaasa si Jehova nang higit kaysa makakaya nating ibigay. Makapagtitiwala tayo na nalulugod siya kapag masaya tayong nagbibigay ng ating makakaya!​—2 Corinto 8:12; 9:7.

Pagpapalang Ibinubunga ng Pagiging Mapagbigay

Upang balikan ang ating naunang halimbawa, gunigunihin na nangatuwiran ang balo sa Zarefat na may iba namang puwedeng maglaan ng pagkaing kailangan ni Elias. Anong laking pagpapala kung magkagayon ang naiwala sana niya!

Walang alinlangang pinagpapala ni Jehova yaong mga mapagbigay. (Kawikaan 11:25) Hindi nagdusa ang balong taga-Zarefat dahil sa pagbibigay ng inaakala niyang kahuli-hulihang pagkain. Ginantimpalaan siya ni Jehova sa pamamagitan ng himala. Gaya ng ipinangako ni Elias, hindi naubos ang laman ng kaniyang lalagyan ng harina at langis hanggang sa matapos ang tagtuyot. Subalit tumanggap pa siya ng mas malaking gantimpala. Nang magkasakit at mamatay ang kaniyang anak, ibinalik ito sa kaniya ni Elias, ang tao ng tunay na Diyos. Tunay ngang iyan ay nakapagpatibay sa kaniya sa espirituwal!​—1 Hari 17:16-24.

Sa ngayon ay hindi tayo umaasa ng pagpapala sa pamamagitan ng mga himala. (1 Corinto 13:8) Ngunit tinitiyak sa atin ni Jehova na aalalayan niya yaong mga naglilingkod sa kaniya nang buong-kaluluwa. (Mateo 6:33) Kaya maaari tayong maging kagaya ng balong taga-Zarefat sa paraang iyan, anupat bukas-palad na nagbibigay, palibhasa’y nagtitiwala na aalagaan tayo ni Jehova. Gayundin naman, magtatamasa tayo ng dakilang espirituwal na mga gantimpala. Kung ang pagbibigay ay naging kaugalian na natin, sa halip na isang bagay na paminsan-minsan at biglaan kung gawin, tutulong ito sa atin na panatilihing simple ang ating mata at nakapako sa mga kapakanan ng Kaharian, gaya ng inirekomenda ni Jesus. (Lucas 11:34; ihambing ang 1 Corinto 16:1, 2.) Tutulong din ito sa atin na mapalapit kay Jehova at kay Jesus bilang kanilang mga kamanggagawa. (1 Corinto 3:9) At pag-iibayuhin nito ang bukas-palad at mapagbigay na saloobin na doo’y kilala na ang mga sumasamba kay Jehova sa buong daigdig.

[Kahon sa pahina 31]

MGA PARAAN NA PINILI NG ILAN UPANG MAGBIGAY

MGA ABULOY PARA SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagtatabi o naglalaan ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang: “Contributions for the Society’s Worldwide Work​—Matthew 24:14.” Bawat buwan ay ipinadadala ng kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.

Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang kaloob ang dapat na kasama ng mga abuloy na ito.

KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON

Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ang probisyon na kung sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito ay ibabalik sa nagkaloob. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon.

ISINAPLANONG PAGBIBIGAY

Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may ibang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o isang plano sa pagreretiro/pensiyon. Dapat na ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar. Dapat na ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.

Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman bilang tuwirang kaloob o sa ilalim ng kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibabayad sa nagkaloob ng donasyon.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.

Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ang maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Ang isang kopya ng testamento o kasunduan ay dapat na ipadala sa Samahan.

Ang Samahan ay naghanda ng brosyur sa wikang Ingles na may pamagat na Planned Giving. Masusumpungan niyaong mga nasa Estados Unidos na nagbabalak ngayon na magbigay ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng pamana pagkamatay na nakatutulong ang impormasyong ito. Iyon ay lalo pang totoo kung hangad nilang matamo ang isang pampamilyang tunguhin o isinaplanong layunin sa ari-arian samantalang ginagamit ang mga kapakinabangan sa buwis upang makatipid sa gastos ng kaloob o pamana.

Para sa higit pang impormasyon hinggil sa alinmang nabanggit, sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share