Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
1 Ang bagong programa ng pansirkitong asamblea na magpapasimula sa Pebrero ay magpapaliwanag ng temang “Tamasahin ang Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay.” (Gawa 20:35) Ang kaligayahan ay may katuturang “isang kalagayan ng kagalingan at kasiyahan.” Karamihang tao sa ngayon ay nakasusumpong lamang ng pansamantalang kasiyahan sa buhay. Gayunman, si Jehova ay nagtuturo sa atin kung paano tayo makikinabang nang walang hanggan. (Isa. 48:17; 1 Juan 2:17) Ang bagong programa ng pansirkitong asamblea ay magdiriin kung paano natin tatamuhin ang higit na kaligayahan sa pagbibigay sa espirituwal na paraan.
2 Matututuhan natin ang praktikal na mga paraan upang makapagbigay tayo sa ministeryo. Ang ilang pahayag na ibibigay ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ay may pamagat na: “Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Di-Matuwid na mga Kayamanan,” “Igalang ang Banal na Paglalaan ng ‘Kaloob na mga Tao,’” at “Tamasahin ang Iba’t Ibang Pitak ng Tunay na Kaligayahan.” Yaong mga nagnanais na magpabautismo sa asamblea ay dapat na makipag-usap sa punong tagapangasiwa upang maisaayos niyang marepaso sa kanila ng mga matatanda ang mga tanong sa bautismo. Ang paglilingkod kay Jehova taglay ang malinis na kaugnayan ay magdudulot ng malaking kaligayahan sa mga bagong nabautismuhan.
3 Ang wastong pagkilala sa awtoridad ni Jehova ay nagdudulot din ng tunay na kaligayahan at katiwasayan. Kailangang malaman ito ng lahat ng tao. Kaya, ang pahayag pangmadla sa pansirkitong asamblea ay magpapaliwanag sa temang “Makiisa sa Maligayang Bayan ng Diyos.” Tiyaking anyayahan ang lahat ng mga nagpakita ng interes sa katotohanan na dumalo sa pahayag na ito. Sila’y walang nasumpungang tunay na katiwasayan at namamalaging kaligayahan sa ilalim ng pamamahala ng tao. (Ecles. 8:9) Subalit kay laking kagalakan ang kanilang masusumpungan sa pakikisama sa maligayang bayan ni Jehova!—Awit 144:15b.
4 Sa kabila ng lumulubhang mga kalagayan sa sistemang ito ng mga bagay, yaong mga nagtatamo ng higit na kaligayahan sa espirituwal na pagbibigay ay hindi kailanman bibiguin ng maligayang Diyos. (1 Tim. 1:11) Itatanghal ng bagong programa ng pansirkitong asamblea ang pagiging totoo nito. Huwag ninyong kaliligtaan ito!