Makibahagi sa Gawaing Hindi Na Mauulit Pa Kailanman
1 Sa iba’t ibang panahon sa buong kasaysayan ng tao, kinailangan na igawad ni Jehova ang kahatulan sa kaniyang mga kaaway. Gayunpaman, dahilan sa kaniyang awa, siya’y naglaan sa mga may matuwid na puso ng pagkakataon para sa kaligtasan. (Awit 103:13) Ang kanilang ginawang pagtugon ang tumiyak sa kanilang kinahinatnan.
2 Halimbawa, bago ang Baha, noong 2370 B.C.E., si Noe ay “isang mangangaral ng katuwiran.” Ang mga nalipol ay yaong mga nagwalang-bahala sa maka-Diyos na babala. (2 Ped. 2:5; Heb. 11:7) Bago ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E., maliwanag na binalangkas ni Jesus ang kinakailangang pagkilos upang matakasan ang pagkawasak na sasapit sa lunsod. Ang lahat ng tumanggi sa kaniyang babalang mensahe ay dumanas ng kakilakilabot na kapahamakan.—Luc. 21:20-24.
3 Isang Makabagong-Panahong Gawaing Pagbababala: Matagal nang panahong ipinahayag ni Jehova na ang kaniyang galit ay ibubuhos laban sa makabagong balakyot na sistema at na yaon lamang maaamo ang makaliligtas. (Zef. 2:2, 3; 3:8) Ang panahon para sa pangangaral ng babalang mensaheng ito ay mabilis na nauubos! Ang “malaking kapighatian” ay nasa unahan na, at ang mga maaamo ay tinitipon na ngayon. Tunay, ang “mga bukid” ay “mapuputi na para sa pag-aani.” Kaya walang ibang gawain ang maitutumbas dito hinggil sa kahalagahan at pagkaapurahan.—Mat. 24:14, 21, 22; Juan 4:35.
4 Kailangan tayong makibahagi sa pagpapaalingawngaw ng makabagong-panahong babala sa iba, “sa dinggin man nila, o sa itakwil man nila.” Ito ay bigay-Diyos na atas na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. (Ezek. 2:4, 5; 3:17, 18) Ang pagkakaroon natin ng lubusang bahagi sa gawaing ito ay nagpapakita ng ating marubdob na pag-ibig sa Diyos, ng ating tunay na pagkabahala sa ating kapuwa, at ng ating di natitinag na pananampalataya sa ating Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.
5 Ngayon Na ang Panahon Upang Kumilos: Pagkatapos ng nakaraang mga paghatol ni Jehova, ang kabalakyutan ay laging sumisibol muli dahilan sa aktibo pa rin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Gayunpaman, magiging iba sa panahong ito. Ang impluwensiya ni Satanas ay aalisin. Ang pagbibigay ng pambuong globong babala hinggil sa napipintong “malaking kapighatian” ay hindi na kakailanganin kailanman. (Apoc. 20:1-3) Taglay natin ang pantanging pribilehiyo ng pagiging bahagi ng isang gawaing hindi na mauulit pa kailanman. Ngayon na ang panahon upang samantalahing mabuti ang pagkakataong ito.
6 Hinggil sa kaniyang gawaing pangangaral, ang apostol Pablo ay nagsabi: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.” (Gawa 20:26) Hindi niya nadama ang pagkakasala sa dugo dahilan sa pagkabigong paalingawngawin ang babala. Bakit hindi? Sapagkat masasabi niya hinggil sa kaniyang ministeryo: “Sa layuning ito ay tunay ngang gumagawa ako nang masikap, na nagpupunyagi.” (Col. 1:29) Nawa’y tamasahin natin ang gayunding kasiyahan sa pakikibahagi nang lubusan sa gawaing hindi na mauulit pa kailanman!—2 Tim. 2:15.