Pagkarami-rami ang Naidaragdag
1 Gaya noong unang siglo, ang paglago ng Kristiyanong kongregasyon sa ngayon ay pambihira. (Gawa 2:41; 4:4) Noong nakaraang taon, 366,579 na bagong alagad ang nabautismuhan, na may aberids na mahigit sa 1,000 bawat araw! Mahigit sa isang milyon ang nabautismuhan sa nakaraang tatlong taon. Tunay, si Jehova ay patuloy na nagdaragdag ng pagkarami-raming mananampalataya.—Gawa 5:14.
2 Ang napakaraming baguhan ay nangangailangan ng tulong at pagsasanay mula sa mga malalakas sa pananampalataya. (Roma 15:1) Kabilang sa sinaunang mga Kristiyano yaong mga kahit lumipas na ang maraming taon pagkatapos ng kanilang bautismo ay nabigong ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang.’ (Heb. 5:12; 6:1) Kung kaya, sa kaniyang liham sa mga Hebreo, itinampok ni Pablo ang mga bagay na nangangailangan ng pansin upang lumago ang mga Kristiyano sa espirituwal. Ano ang mga ito, at paano maibibigay ang kinakailangang tulong?
3 Pagkakaroon ng Mabuting Kaugalian sa Pag-aaral: Kasuwato ng tagubilin ni Pablo, ang pagiging isang mabuting estudyante ay nangangahulugan ng pagiging aktibo sa pagkatuto, pag-uulit, at paggamit ng “matigas na pagkain” na inilaan ng organisasyon ni Jehova. (Heb. 5:13, 14; tingnan ang Agosto 15, 1993, Bantayan, mga pahina 12-17.) Pagka ibinabahagi sa mga bagong mananampalataya ang mahahalagang hiyas ng katotohanan na inyong nahukay sa pamamagitan ng personal na pagsusuri, maaari ninyong mapasigla sila na magkaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral. Marahil sa pana-panahon, maaari ninyong anyayahan ang baguhan na sumama sa inyong personal o pampamilyang pag-aaral.
4 Pagdalo sa mga Pulong Nang Palagian: Ang inyong matapat na halimbawa at maibiging mga salita ng pampatibay-loob ay tutulong sa bagong mga miyembro ng kongregasyon na iwasan ang “kinaugalian” ng iba na kinaliligtaan ang Kristiyanong mga pulong. (Heb. 10:24, 25) Tulungan silang mapahalagahan na ang mga pulong ang kanilang espirituwal na lubid-pangkaligtasan na nag-uugnay sa kongregasyon. Kunin ang unang hakbang upang ipadama sa kanila na sila’y tinatanggap bilang bahagi ng ating pagkakapatiran.
5 Paglapit kay Jehova Taglay ang Pagtitiwala: Upang mapagtagumpayan ang mga kahinaan sa laman at personalidad, kailangan tayong dumulog kay Jehova sa panalangin. Kailangang matutuhan ng mga baguhan na sa pamamagitan ng pagsusumamo kay Jehova ukol sa tulong, gaya ng paghimok ni Pablo, hindi sila kailangang masiraan ng loob. (Heb. 4:15, 16; 10:22) Ang paglalahad ng inyong personal na mga karanasan sa bagay na ito ay magpapatibay sa pagtitiwala ng isa na dinirinig ni Jehova ang taos-pusong mga panalangin.
6 Paglalaan ng Panahon para sa Ministeryo: Ipinakita rin ni Pablo na kapag ‘lagi tayong naghahandog sa Diyos ng hain ng papuri,’ ito ay nakapagpapatibay sa espirituwal. (Heb. 13:15) Maaari ba kayong mag-anyaya ng bagong mamamahayag upang sumali sa inyong lingguhang mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan? Marahil kayong dalawa ay makapaghahandang magkasama ng inyong mga presentasyon o isaalang-alang ang bahagi ng ministeryo na hindi pa nasusubukan ng bagong mamamahayag.
7 Ang pagbubuhos ng ating sarili sa pagsasanay at paghikayat sa mga bagong miyembro ng kongregasyon ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng kinakailangang matibay na pananampalataya upang ‘ingatang buháy ang kanilang kaluluwa.’—Heb. 3:12, 13; 10:39.