Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 12/92 p. 3-4
  • Positibong Pagkilos Tungo sa Higit na Pagsulong

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Positibong Pagkilos Tungo sa Higit na Pagsulong
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
  • Kaparehong Materyal
  • Tulungan ang mga Baguhang Mamamahayag
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
  • Bakit Kailangan Mong Sumulong sa Espirituwal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Tulungan ang mga Baguhan na Makibahagi sa Pagsulong ng Kaharian
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1985
  • Patuloy na Sumulong sa Espirituwal!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
km 12/92 p. 3-4

Positibong Pagkilos Tungo sa Higit na Pagsulong

1 Di na matatagalan at malalaman natin ang pambuong daigdig na ulat para sa 1992 taon ng paglilingkod. Walang pagsalang ito’y magbibigay na naman ng maliwanag na patotoo na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan ng bukod-tanging mga pagsulong. Ang paanyaya na sumama sa ating malawak na pambuong daigdig na kapatiran ay nagpapatuloy. Ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay nagpapakitang milyun-milyong mga tao ang nakikinig sa pabalita ng Kaharian. Mula sa lahat ng mga bansa, sila’y tumutugon sa kinasihang paanyaya: “Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—Isaias 2:2-4 at Mikas 4:1-4.

2 Maging Determinadong Sumulong: Ang organisasyon ni Jehova ay sumusulong. Dahilan sa napakaraming baguhang dumaragsa sa bundok ng tunay na pagsamba kay Jehova, mahalaga na gumawa ng higit na pagsulong ang bawat isa at pagkatapos ay tumulong sa mga baguhan na gumawa din ng gayon. Ang pangangailangan para sa gayong pagsulong ay ipinahihiwatig ng pangungusap na yaong mga tumutugon sa paanyaya na umahon sa bundok ni Jehova ay nagsasabi sa iba, “Halina kayo.” Ang apostol Juan ay nag-ulat ng nakakatulad na bagay sa Apocalipsis 22:17: “At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’”

3 Ipinakita ni Jesus kung papaano dapat na ibigay ang paanyaya. Nang tumugon ang mga tao sa kaniyang turo, inanyayahan niya silang makibahagi sa ministeryo at tinuruan sila kung papaano gagawin iyon. (Mat. 4:19; 10:5-7, 11-14) Natutuhan ng kaniyang mga alagad ang mabibisang paraan na kaniyang ginamit sa pamamagitan ng pagsama sa kaniya at pagmamasid kung papaano niya ginawa ang mga bagay-bagay. Tinularan nila ang kaniyang ministeryo. Lubusan nilang natutuhan ang kaniyang mga pamamaraan anupat maliwanag na nakilala sila bilang mga alagad ni Jesus maging ng mga sumasalangsang. Ang Gawa 4:13 ay nag-ulat: “Ngayon nang kanilang makita ang pagka-tahasang magsalita ni Pedro at ni Juan . . . kanilang nakilala na ang mga ito ay naging kasa-kasama ni Jesus.”

4 Bago bumalik sa langit, nagbigay si Jesus ng utos na dapat na gumawa ang kaniyang mga alagad ng mga bagong alagad, turuan sila kung papaanong sila’y naturuan. Sa Mateo 28:19, 20 nag-utos si Jesus: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” At upang ipakita na ito’y magpapatuloy pa hanggang sa ating kaarawan, idinagdag pa niya: “Narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”

5 Ang tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo ay hindi nabigo sa pagsunod sa kaniyang mga tagubilin na turuan ang mga bagong alagad ng lahat ng mga bagay na kaniyang iniutos. Gayumpaman, ang katangi-tanging paglago ng mga Saksi ni Jehova ay humihiling ng pagsasaalang-alang sa mga pantanging pangangailangan ng bagong nabautismuhang miyembro ng kongregasyon at ng mga di bautisadong mamamahayag pati na ng mga taong nakikipag-aral sa atin ng Bibliya na marahil ay nagpapasimula nang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon.

6 Sa pasimula ng 1992 taon ng paglilingkod, humigit-kumulang 1 sa bawat 9 na mamamahayag ang isang taon pa lamang nagiging aktibo sa ministeryo. Bukod dito, 1 sa bawat 6 ay nasa tatlong taon o wala pa sa kanilang pangangaral; at 1 sa bawat 4 ang nakikibahagi sa ministeryo nang hindi hihigit sa limang taon. Bagaman maraming baguhan ang nakagawa ng mainam na pagsulong mula nang maging mga miyembro ng kongregasyon, higit na tulong sa ilang larangan ang walang pagsalang kakailanganin upang mapabilis pa ang kanilang espirituwal na pagsulong.

7 Ang Hebreo 6:1 ay nagpapasigla sa lahat na “sumulong tungo sa pagkamaygulang.” Ang Kristiyanong pagkamaygulang ay higit pa sa basta pag-uulat ng paglilingkod. Saklaw nito ang pagsulong sa personal na pag-aaral at regular na pagdalo sa mga pulong at masigasig na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Ang pagtulong sa iba na sumapit sa kaalaman ng katotohanan ukol sa kaligtasan ay nasasangkot din. Kailangan nating patalasin ang ating kakayahan sa ‘pangangatuwiran mula sa Kasulatan.’ (Gawa 17:2) Ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang ay nangangailangan ng panahon, at ito’y depende sa ating makadiyos na debosyon at sa ating natamong karanasan sa larangan. Bagaman tayo ang gagawa sa ikalalalim ng ating makadiyos na debosyon, landas ng katalinuhan na hayaan ang ibang maygulang na mga kapatid na lalake at babae na tumulong sa atin sa pagtatamo ng praktikal na karanasan. Matututo tayo mula sa kanilang karanasan, lalo na sa ministeryo sa larangan. Hindi tayo kailangang matuto ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng eksperimento.

8 Tulong sa mga Kulang sa Karanasan: Ang parisan sa pagbibigay ng tulong ay nagpasimula sa Kristiyanong kongregasyon. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad. (Mar. 3:14; Luc. 9:1; 10:1) Sa kabilang panig, sila’y nagturo rin sa iba. Si Timoteo ay tumanggap ng pantanging pampatibay-loob at tulong mula kay apostol Pablo, at ang alagad na si Apolos ay sumulong sa pamamagitan ng personal na tulong nina Aquila at Priscila. (Gawa 18:24-27; 1 Cor. 4:17) Ang mga maygulang na miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay sumusunod sa mga halimbawang ito ngayon, na tinuturuan at pinatitibay ang mga kulang sa karanasan, lalo na ang mga baguhan at mga kabataan. Gaya ng sinasabi ng Roma 15:1, 2, “Tayo ngang malalakas ay dapat na magbata ng kahinaan ng mahihina.”

9 Pananagutan ng mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na sumulong sa espirituwal na paraan. Nasasangkot dito ang pampamilyang pag-aaral, pagtuturo sa mga anak kung papaano mag-aaral nang personal, dadalo nang regular at makikibahagi sa pulong, at magkakapit sa kanilang natutuhan. (Efe. 6:4; 1 Tim. 5:8) Ang mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay dapat na gumawa ng mga kaayusan upang tulungan ang lahat ng nasa kanilang grupo ng pag-aaral sa aklat na sumulong sa espirituwal na paraan. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod at iba pang mga matatanda at ministeryal na lingkod at iba pang miyembro ng kongregasyon ay makatutulong din.

10 Ilaan Kung Ano ang Kailangan: Ang pangangailangan ay maaaring sa pagbibigay lamang ng tulong sa isang bahagi ng Kristiyanong gawain, tulad ng personal na pag-aaral. Maaaring ang kailangan ng isang tao ay mga mungkahi sa pagkakaroon ng isang praktikal na eskedyul sa pag-aaral. Ang iba naman ay maaaring nangangailangan ng tulong sa paghahanda ng mga komento o mga atas. Ang iba marahil ay nangangailangan ng tulong sa pagsasaliksik sa mga paksa ng Bibliya.

11 Maraming baguhan ang nangangailangan ng tulong sa ministeryo sa larangan. Maaaring gusto ng isang mamamahayag na maging higit na mabisa sa pagbabahay-bahay, paggawa ng mga pagdalaw muli, o pagpapasimula at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang ilang sesyon ng pagsasanay sa paggamit ng mga pambungad at presentasyon mula sa aklat na Nangangatuwiran o mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian ay maaaring sapat na. Sa ibang pagkakataon, ang mga mungkahi para sa praktikal na eskedyul sa paglilingkod sa larangan ay maaaring siya lamang kailangan. Ang paggawa ng tiyak na mga kaayusan upang gumawa kasama ng iba na nangangailangan ng tulong ay magpapangyari sa kaniyang sumulong sa pag-abot sa mga tiyak na tunguhin.

12 Ang Salita ng Diyos ay nagpapasigla sa atin para hayaang mahayag sa iba ang ating espirituwal na pagsulong. (1 Tim. 4:15) Kasuwato ng pampatibay-loob na ito, idiniin ng apostol ang pangangailangan na sanayin ang ating sarili gaya ng nakikipagpaligsahan sa isang palakasan o nagtatagumpay sa espirituwal na pakikipagbaka. (1 Cor. 9:24-27; 2 Cor. 10:5, 6) Dapat tayong maging mabilis sa pagkakapit sa lahat ng ating natututuhan hinggil sa kalooban ng Diyos upang makita ng mga nagmamasid na tayo ay mga buháy na halimbawa ng tunay na pananampalatayang Kristiyano. Gayundin, dapat tayong sumulong sa sining ng pagtuturo sa iba upang maging naaalay na mga alagad ni Jesu-Kristo.—Sant. 1:22-25; 1 Tim. 4:12-16.

13 Saklaw ng Pagsulong ang Pagtitiis sa mga Pagsubok: Maging si Jesus-Kristo ay natuto ng mahalagang leksiyon mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. (Heb. 5:8) Gayundin tayo. Kaya ang espirituwal na pagsulong ay lalong napapabilis kapag tayo ay mayroong positibong saloobin gaya ng inirerekomenda sa Santiago 1:2, 3: “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo’y mapaharap sa sarisaring pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subók na uring ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.” Kaya, sa pagharap natin sa talamak na karamdaman, hirap sa buhay, pamumuhay sa isang nababahaging sambahayan, pagtutol sa teritoryo, o iba pang mahihirap na kalagayan, taglay natin ang katiyakan mula kay Jehova na sa pamamagitan ng kaniyang tulong, tayo’y makapananagumpay at makapagpapatuloy sa ating pagsamba sa kaniya. (1 Cor. 10:13; 2 Cor. 12:9; 1 Ped. 5:8-11) Natatamo ang tagumpay sa pamamagitan ng pagiging matatag sa ilalim ng lahat ng mga kalagayan, ‘na nagsasalita ng mga banal na kapahayagan ng Diyos at naglilingkod dahilan sa lakas na ipinagkakaloob ng Diyos, upang sa lahat ng mga bagay ay luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.’—1 Ped. 4:11.

14 Tanggapin ang Tulong Tungo sa Higit na Ikasusulong: Kung kayo ay isa na nangangailangan ng tulong upang makagawa ng higit na espirituwal na pagsulong, maging handang tumanggap ng tulong mula sa higit na makaranasang miyembro ng kongregasyon. Kung walang nag-aalok sa inyo ng tulong, huwag mahiyang humiling nito. Maging malayang humingi ng tulong mula sa mga may karanasan sa kongregasyon. O maaaring hilingin ninyo sa inyong konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, tagapangasiwa sa paglilingkod, o alinman sa mga matatanda ang kinakailangang tulong.—Ihambing ang Genesis 32:26; Mateo 7:7, 8.

15 Tunay, isang kamangha-manghang pribilehiyo na mapabilang sa pinakamasulong na internasyonal na “malaking pulutong” na dumaragsa sa bundok ni Jehova ng tunay na pagsamba. (Apoc. 7:9) Isang pribilehiyo din na anyayahan ang iba na sumama sa atin. Taglay ang buong pusong pagpapahalaga, patibayin ang ating espirituwalidad at gawin ang ating makakaya sa pagtulong sa iba na sumulong kasama natin sa paglilingkuran kay Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share