Ang mga May Edad ay Nangangaral Nang Walang Humpay
1 Habang ang mga tao ay tumatanda, marami sa kanila ang tumitingin sa hinaharap upang magretiro mula sa kanilang regular na trabaho at tamasahin ang buhay na walang gaanong iniintindi sa nalalabi nilang taon. Marahil ay nadarama nilang sapat na ang kanilang pagpapagal at ngayo’y karapat-dapat nang mamahinga. O marahil ay basta’t nais nilang tamasahin ang kasiyahan sa nalalabing mga taon ng kanilang buhay.—Luc. 12:19.
2 Bilang mga naaalay na lingkod ni Jehova, tayo ay may kakaibang pangmalas sa buhay. Batid natin na walang pagreretiro sa paglilingkod sa Diyos. Ang ating pangmalas ay positibo sapagkat taglay natin sa pangmalas ang “buhay na walang-hanggan.” (Jud. 21) Ang naimbak na kaalaman at karanasan sa maraming taon ay maaaring magpasulong sa kaunawaan ng isang tao. Mapangyayari nito na ang isa ay maging mas matalino at mas timbang at makapagpamalas nang mas malalim na pagpapahalaga sa buhay. Ang lahat ng katangiang ito ay mapapakinabangan nang malaki ng isang ministro ng mabuting balita.
3 Ang pagtanda ay hindi basta lamang pisikal na paggulang; ito’y nagsasangkot din sa saloobin ng isa. Kung inaasahan mo na mabuhay nang matagal at pinagsisikapan mong manatiling bata sa iyong pangmalas sa buhay, ang posibilidad na maisagawa mo ang dalawang ito ay maaaring lumaki. Mapagyayaman ng matatandang tao ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapasulong sa kanilang espirituwal na kaalaman at pamamahagi niyaon sa iba.—1 Cor. 9:23.
4 Mga Halimbawa sa Tunay na Buhay: Sa edad na 86, isang kapatid na babae ang nagsabi: “Nang binubulay-bulay ko ang lumipas na 60 taon mula nang natutuhan ko ang katotohanan, ang mapananaligang pangako ng Diyos ay nag-uumapaw sa aking puso. Oo, si Jehova na kikilos na may pagkamatapat sa mga nagtatapat sa kaniya ay magpapangyari sa atin na mag-ani ng saganang kagalakan.” (Awit 18:25) Naalaala ng isang matandang kapatid na lalaki kung paanong ang kamatayan ng kaniyang asawa ay naging isang matinding dagok sa kaniya, anupat lubhang humina ang kaniyang kalusugan. Sinabi niya: “Gayunman, dahilan sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, ako ay nagkaroon ng sapat na lakas na pumasok sa paglilingkurang payunir makalipas ang dalawang taon. Kay laking pasasalamat ko kay Jehova na bumuti pa nga ang aking kalusugan kasabay ng pagsulong na ito sa gawaing pangangaral!”
5 Tunay na kapuri-puri na napakarami sa mga may edad ang determinadong magpatuloy sa pangangaral hanggang sa ipinahihintulot ng kanilang kalusugan at lakas—nang walang humpay! Taglay nila ang mabuting dahilan upang bumulalas: “Oh Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan, at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.”—Awit 71:17.