Talaga Bang Pinahahalagahan Mo ang mga Pagpapala ni Jehova?
SI KENICHI, isang ginoo na nasa katamtamang edad, ay pumunta sa isang botika upang bumili ng gamot para sa kaunting sipon. Nang inumin niya ang gamot, nagkaroon siya ng alerdyi na naging sanhi ng makating butlig-butlig at nagtutubig na mga pantal sa buong katawan. Hindi nga nakapagtataka, nagsimulang magduda si Kenichi kung ang parmasiyutiko ay talaga ngang nakapag-ukol ng sapat na pansin sa kaniyang pangangailangan.
Baka ang maging palagay ng ilan sa Diyos na Jehova ay gaya ng pangmalas ni Kenichi sa parmasiyutiko. Nag-aalinlangan sila kung ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ay talagang interesado sa atin bilang mga indibiduwal. Bagaman kinikilala nila na ang Diyos ay mabuti, hindi sila kumbinsido na nagmamalasakit siya sa atin nang personal. Ito’y lalo nang totoo kapag hindi nagiging mabuti ang kinalalabasan ng mga bagay para sa kanila o kapag ang kanilang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya ay nasusundan ng mahihirap na problema. Dahil sa kakulangan ng kaunawaan, minamalas nila ang kanilang mga problema gaya ng makating butlig-butlig at mga pantal na di-inaasahang lumabas kay Kenichi na waring sa paano man ay kasalanan iyon ng Diyos.—Kawikaan 19:3.
Si Jehova ay hindi dapat ihambing sa di-sakdal na mga tao. Ang mga tao ay may limitadong kaalaman at kakayahan. Hindi nila maunawaan nang lubusan ang tunay na pangangailangan ng iba, gaya ng parmasiyutiko ni Kenichi. Sa kabaligtaran, walang nakalalampas sa paningin ni Jehova. Kadalasan ay tinutulungan tayo ni Jehova bagaman hindi natin nauunawaan at napahahalagahan ang bagay na iyon sapagkat may hilig tayong magtuon ng pansin sa hindi natin taglay at ipagwalang-bahala ang maraming pagpapala na taglay natin. Sa halip na maging padalus-dalos sa paninisi kay Jehova dahil sa anumang suliranin na napapaharap sa atin, tayo ay dapat magsikap na matanto ang mga pagpapala buhat kay Jehova na tinatamasa natin.
Ayon sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, ang isang “pagpapala” ay maaaring ipaliwanag bilang “isang bagay na nagdudulot ng kaligayahan at kabutihan.” Nauunawaan mo ba na ito ay lalo nang totoo kung tungkol sa mga pagpapala ni Jehova?
Walang Kaparis na Tagapaglaan
Kapag sinabi ng isang asawang babae na ang kaniyang asawa ay mahusay na tagapaglaan, ang ibig niyang sabihin sa pangkalahatan ay na naaasikasong mabuti ng kaniyang asawa ang mga pangangailangan ng pamilya, nakapaglalaan ng sapat na pagkain, tirahan, at damit para sa kaligayahan at kapakanan ng pamilya. Gaano kabuti si Jehova bilang ating Tagapaglaan? Suriing mabuti ang ating planetang Lupa, ang tahanan ng tao. Ito ay may layong 150,000,000 kilometro buhat sa araw, ang tamang-tamang distansiya para sa katamtamang temperatura na nagpapaging posible sa buhay sa lupa. Sakdal ang pagkakadisenyo ng 23.5-digri na pagtagilid ng ating globo, na nagiging dahilan ng iba’t ibang klima na siya namang sanhi ng saganang ani. Bilang resulta, napakakain ng lupa ang mahigit na limang bilyong tao. Tunay na isang kamangha-manghang Tagapaglaan si Jehova!
Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na si Jehova ay may taimtim na interes sa atin bilang mga indibiduwal at sa ating kapakanan. Isipin na lamang, batid ni Jehova ang pangalan ng bawat isa sa bilyun-bilyong bituin, at wala ni isa mang maya ang nahulog sa lupa nang hindi niya alam. (Isaias 40:26; Mateo 10:29-31) Gaano pa kaya ang pagmamalasakit niya sa mga tao na umiibig sa kaniya at binili sa pamamagitan ng napakahalagang dugo ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo! (Gawa 20:28) Angkop ang ipinahayag ng pantas na tao: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kalungkutan.”—Kawikaan 10:22.
Mga Pagpapala na Nagpapayaman sa Atin
Taglay natin ang isang napakahalagang bagay na nararapat nating taimtim na ipagpasalamat. Ano ito? Tinutukoy ito ng Bibliya nang sabihin nito: “Ang batas ng iyong bibig ay mabuti para sa akin, makapupong higit kaysa sa libu-libong piraso ng ginto at pilak.” (Awit 119:72; Kawikaan 8:10) Gaano man kahalaga ang mataas-na-uring ginto, mas higit pa ring kanasa-nasa ang batas ni Jehova. Ang tumpak na kaalaman sa kaniyang batas kalakip na ang malalim na unawa at kaunawaan na ipinagkakaloob ni Jehova sa taimtim na mga naghahanap ng katotohanan ay mga bagay na dapat pahalagahan. Sinasangkapan tayo ng mga ito upang maipagsanggalang ang ating sarili, upang makayanan ang mahihirap na situwasyon, upang matagumpay na maharap ang mga suliranin, at sa gayo’y maging kontento at maligaya.
Totoo ito kahit sa mga nasa murang edad. Isaalang-alang kung paano nilutas ng isang munting batang babae ang kaniyang mga suliranin sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ni Jehova. Ang batang babae, si Akemi, ay naninirahan malapit sa Tokyo. Ang kaniyang ama at ina ay nagkapit ng mga simulain sa Bibliya sa pagsasanay sa kaniya at tinulungan nila ang kanilang anak na babae sa pamamagitan ng salita at halimbawa na magkaroon ng pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa. Palibhasa’y patiuna nang nakikita ang mga suliraning makakaharap niya sa paaralan, sinikap nilang ihanda siyang mabuti. Subalit nang pumasok si Akemi sa paaralang elementarya, minalas siya ng ilan sa kaniyang mga kaklase bilang “kakaiba” dahil nananalangin siya bago kumain at maingat na umiiwas sa ilang di-makakasulatang gawain. Di-nagtagal at naging tampulan siya ng pangungutya ng isang grupo ng mga nananakot na susukol sa kaniya pagkatapos ng klase at mananampal sa kaniya, pipilipit ng kaniyang kamay, at tutuya sa kaniya.
Hindi gumanti ang batang si Akemi, ni natakot man siya sa kaniyang mga tagapagpahirap. Sa halip, sinikap niyang ikapit ang kaniyang natutuhan. Bunga ng kaniyang mainam na paggawi at lakas ng loob, natamo niya ang paggalang ng marami sa kaniyang mga kapuwa mag-aaral. Isinumbong nila sa mga guro ang bagay na ito, at mula nang araw na iyon, si Akemi ay hindi na muling nakaranas ng pang-aabuso sa paaralan.
Ano ang tumulong kay Akemi upang maharap nang matagumpay ang isang mahirap na situwasyon? Ang tumpak na kaalaman, malalim na unawa, at karunungan buhat kay Jehova na ikinintal sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Alam na alam niya ang pagbabata ni Jesus, at ito ang nagpakilos sa kaniya upang tularan ang kaniyang halimbawa. Tumulong sa kaniya ang Bibliya na maunawaan na ang ilang tao ay gumagawa ng maling mga bagay bunga ng kawalang-alam, at ito ang humimok sa kaniya upang kamuhian ang maling ginawa ng mga mananakot na iyon samantalang hindi kinapopootan ang mga tao mismo.—Lucas 23:34; Roma 12:9, 17-21.
Sabihin pa, walang magulang ang gustong makitang tinutuya o inaabuso ang kanilang anak. Gayunman, maguguniguni mo kung gaano ang tuwa na nadama ng mga magulang ni Akemi nang marinig nila ang lahat ng detalye ng pangyayari. Ang gayong mga anak ay tunay na isang pagpapala buhat kay Jehova.—Awit 127:3; 1 Pedro 1:6, 7.
Matiyagang Naghihintay kay Jehova
Subalit bago mo matanggap ang mga pagpapala ni Jehova, kung minsan ay kailangang hintayin mo ang kaniyang takdang panahon. Batid ni Jehova ang iyong situwasyon at inilalaan niya ang bawat pangangailangan kapag makabubuti sa iyo. (Awit 145:16; Eclesiastes 3:1; Santiago 1:17) Marahil ay mahilig ka sa prutas, ngunit ano ang iisipin mo sa isang punong abala na naghain sa iyo ng prutas na hindi pa puwedeng kainin? Ito man ay isang mansanas, kahel, o ibang bagay, gugustuhin mo na ang iyong prutas ay hinog, makatas, at matamis. Sa katulad na paraan, inilalaan ni Jehova ang iyong kailangan sa tamang panahon—hindi masyadong maaga at hindi rin naman masyadong huli.
Alalahanin ang karanasan ni Jose. Bagaman hindi niya kasalanan, nasadlak siya sa isang bartolina sa Ehipto. Isang kapuwa bilanggo, ang tagapagdala ng kopa ni Paraon, ang umasang mapalalaya at nangako na idudulog kay Paraon ang kaso ni Jose. Subalit pagkalaya niya ay nalimutan na niya ang lahat ng tungkol kay Jose. Lumitaw na para bang pinabayaan si Jose. Gayunman, pagkaraan ng dalawang taon, sa wakas ay pinalaya siya buhat sa bilangguan at nang bandang huli ay naging pangalawang tagapamahala sa Ehipto. Sa halip na maging di-matiisin, si Jose ay naghintay kay Jehova. Dahil dito, pinagpala siya sa paraang nangahulugan ng kaligtasan ng buhay ng mga Israelita at mga Ehipsiyo.—Genesis 39:1–41:57.
Si Masashi ay isang elder sa isang kongregasyon sa hilagang Hapon. Wala siya sa bartolina, subalit kinailangan niyang maghintay kay Jehova. Bakit? Mula pa nang magsimula sa Hapon ang Ministerial Training School, isang paaralan para sa pagsasanay ng mga kuwalipikadong ministrong Kristiyano, masidhi na ang kaniyang hangaring makadalo. Taimtim na idinalangin niya ang pribilehiyong iyon. Ang kaniyang partner na payunir ay inanyayahan, subalit sa kabila ng kaniyang masidhing hangarin, hindi inanyayahan si Masashi. Labis siyang nasiraan ng loob.
Gayunpaman, kumilos siya upang mapanagumpayan ang kaniyang damdamin. Pinag-aralan niya ang Bibliya at ang mga publikasyong inilathala ng Samahang Watch Tower, anupat nagbigay-pansin sa mga paksang gaya ng pagpapakumbaba at pagsupil sa sariling emosyon. Binago niya ang kaniyang pag-iisip at sa gayo’y naranasan ang higit na kasiyahan sa kaniyang atas. Pagkatapos, nang hindi na ito inaasahan, nakatanggap siya ng isang paanyaya upang dumalo sa paaralan.
Palibhasa’y nalinang na ang mga katangiang tulad ng pagtitiis at pagpapakumbaba, mas higit siyang nakinabang sa paaralan. Nang maglaon, si Masashi ay binigyan ng pribilehiyong maglingkod sa kaniyang mga kapatid bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Oo, batid ni Jehova kung ano ang kailangan ni Masashi at inilaan ito sa panahong makapagdudulot ito nang pinakamabuti.
Hilingin ang Kaniyang Pagpapala
Kung gayon, si Jehova ay hindi katulad ng parmasiyutiko. Bagaman hindi natin maunawaan ang pagkalinga at pagmamalasakit ni Jehova, ang kaniyang mga kabaitan ay may iba’t ibang anyo—kung minsan ay sa paraang magdudulot sa atin ng pinakamabuti. Kaya patuloy na hilingin ang kaniyang mga pagpapala. Tandaan na taglay mo na ang maraming dahilan upang maging mapagpasalamat. Pinagpala ka ng mga pangunahing paglalaan upang patuloy na mabuhay sa lupa. Pinagkalooban ka ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang sakdal na mga daan. Binigyan ka ng malalim na unawa. At nakapagtamo ka ng kaunawaan. Lahat ng ito ay makatutulong para sa iyong ikabubuti at kaligayahan.
Upang lalong maranasan nang lubusan ang pagpapala ni Jehova, patuloy na pag-aralan ang Bibliya nang regular. Magsumamo kay Jehova na tulungan kang maunawaan at maikapit ang tulad-hiyas na mga turo sa kaniyang kinasihang Salita. Tunay na payayamanin ka ng mga ito, nang sa gayo’y hindi ka magkukulang kailanman. Oo, ang mga ito ay mangangahulugan ng iyong kaligayahan at pagkakontento ngayon at buhay na may kasaganaan sa darating na bagong sanlibutan.—Juan 10:10; 1 Timoteo 4:8, 9.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pagpapala ni Jehova ay mas mahalaga kaysa sa ginto