UNANG KABANATA
May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
1. Bakit mahalaga ang matatatag na pamilya sa lipunan ng tao?
ANG pamilya ang pinakamatandang institusyon sa lupa, at ito’y may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan ng tao. Sa buong kasaysayan, ang matatatag na pamilya ay nakatulong na sa pagbuo ng matatatag na lipunan. Ang pamilya ang pinakamagaling na kaayusan sa pagpapalaki sa mga anak upang maging maygulang kapag malalaki na.
2-5. (a) Ilarawan ang kapanatagang nadarama ng isang anak sa isang maligayang pamilya. (b) Anong mga problema sa ilang pamilya ang iniulat?
2 Ang isang maligayang pamilya ay kanlungan ng kaligtasan at kapanatagan. Ilarawan natin sandali sa isipan ang isang ulirang pamilya. Sa kanilang paghahapunan, ang mapagmahal na mga magulang ay nakaupong katabi ng kanilang mga anak at nakikipag-usap tungkol sa mga nangyari sa araw na iyon. Tuwang-tuwa ang mga bata habang di-matapus-tapos ang kanilang pagkukuwento sa kanilang tatay at nanay tungkol sa mga nangyari sa paaralan. Ang nakalilibang na sandali ng pagsasama-sama ay nakapagpapaginhawa sa bawat isa para sa susunod pang araw sa sanlibutan sa labas ng tahanan.
3 Sa loob ng isang maligayang pamilya, alam ng isang bata na aalagaan siya ng kaniyang tatay at nanay kapag siya’y nagkasakit, marahil ay magpapalitan sa pagtabi sa kaniya sa buong magdamag. Alam niyang maidudulog niya sa kaniyang nanay o tatay ang mga problema sa panahon ng kaniyang kabataan at makatatanggap ng payo at pag-alalay. Oo, nadarama ng bata na siya’y ligtas, gaano man karami ang problema sa sanlibutan sa labas ng tahanan.
4 Kapag lumaki na ang mga anak, kalimitan nang sila’y nag-aasawa at nagkakaroon ng sariling pamilya. “Nakikilala ng isang tao ang laki ng kaniyang pagkakautang sa kaniyang mga magulang kapag siya’y nagkaroon na ng sariling anak,” sabi ng kawikaan ng taga-Silangan. Taglay ang lubusang pagtanaw ng utang na loob at pag-ibig, sinisikap ng naglakihan nang mga anak na mapaligaya ang kani-kanilang sariling pamilya, at inaalagaan din nila ang ngayo’y matatanda na nilang mga magulang, na tuwang-tuwa sa piling ng kanilang mga apo.
5 Marahil sa ngayon ay nag-iisip ka: ‘Aba, mahal ko rin ang aking pamilya, subalit ito’y hindi naman katulad ng inilarawan kanina. Magkaiba ang iskedyul ng trabaho naming mag-asawa at halos hindi na kami nagkikita. Madalas na pinag-uusapan namin ang problema sa pera.’ O sinasabi mo bang, ‘Ang aking mga anak at mga apo ay sa ibang bayan nakatira, at hindi na kami nagkikita’? Oo, bunga ng mga di-maiiwasang dahilan para sa mga nasasangkot, karamihan sa buhay pampamilya ay malayo na sa dapat asahan. Sa kabila nito, may ilan na nagtatamasa pa rin ng kaligayahan sa pamilya. Papaano? May lihim ba ang kaligayahan sa pamilya? Ang sagot ay oo. Ngunit bago natin talakayin kung ano ito, kailangan muna nating sagutin ang isang mahalagang tanong.
ANO BA ANG PAMILYA?
6. Anong uri ng mga pamilya ang tatalakayin sa aklat na ito?
6 Sa Kanluraning mga lupain, karamihan sa mga pamilya ay binubuo ng ama, ina, at mga anak. Ang mga lolo’t lola ay may bukod na sambahayan habang nakakaya pa nila. Bagaman patuloy pa ring nakikipag-ugnayan sa mas-malalayong kamag-anak, ang mga tungkulin ukol dito ay nagiging limitado. Pangunahin na, ito ang pamilyang tatalakayin natin sa aklat na ito. Gayunman, nitong mga nakaraang taon may iba pang pamilya na nagiging palasak—ang pamilyang may nagsosolong magulang, ang pamilya mula sa muling pag-aasawa, at ang pamilyang magkahiwalay ang mga magulang sa iba’t ibang kadahilanan.
7. Ano ang tinatawag na pinapamilyang kamag-anak?
7 Karaniwan na sa ilang kultura ang tinatawag na pinapamilyang kamag-anak. Sa kaayusang ito, hangga’t maaari, ang mga lolo’t lola ay karaniwan nang inaalagaan ng kanilang mga anak, at ipinaaabot hanggang sa malalayo nang kamag-anak ang malapít na buklod at mga pananagutan. Halimbawa, ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring tumulong sa pagsuporta, pagpapalaki, at maging sa pagpapaaral ng kani-kanilang mga pamangkin, o ng mas malalayo nang kamag-anak. Ang mga simulaing tatalakayin sa publikasyong ito ay kumakapit din sa tinatawag na pinapamilyang kamag-anak.
NASA ILALIM NG KAGIPITAN ANG PAMILYA
8, 9. Anu-anong problema sa ilang lupain ang nagpapakitang nagbabago na ang pamilya?
8 Sa ngayon ay nagbabago na ang pamilya—nakalulungkot sabihin, hindi sa ikabubuti. Ang isang halimbawa ay makikita sa India, na doon ang asawang babae ay maaaring nakikitira sa pamilya ng kaniyang asawa at nagtatrabaho sa bahay ayon sa iniuutos ng kaniyang mga biyenan. Gayunman sa panahong ito, hindi na pambihira para sa mga taga-Indiang asawang babae na maghanap ng trabaho sa labas ng tahanan. Subalit, waring inaasahan pa ring tutuparin nila ang kanilang tradisyunal na papel sa tahanan. Ang tanong na bumabangon sa maraming lupain ay, Kung ihahambing sa ibang miyembro ng pamilya, gaanong trabaho sa bahay ang dapat asahan sa mga babaing nagtatrabaho sa labas?
9 Sa mga taga-Silangan, pinagkaugalian na ang matibay na buklod ng magkakamag-anak. Gayunman, sa ilalim ng impluwensiya ng Kanluraning istilo ng pagkakaniya-kaniya at sa tindi ng problemang pangkabuhayan, ang tradisyunal na pagpapamilya sa mga kamag-anak ay unti-unting nawawala. Dahil dito, ang pag-aalaga sa may-edad nang miyembro ng pamilya ay itinuturing ng marami na pabigat sa halip na isang tungkulin o pribilehiyo. Ang ilang matatanda nang magulang ay inaabuso. Ang totoo, ang pang-aabuso at pagpapabaya sa mga may-edad na ay nakikita sa maraming bansa sa ngayon.
10, 11. Anong mga pangyayari ang nagpapakitang nagbabago na ang pamilya sa mga lupain sa Europa?
10 Ang diborsiyo ay patuloy na nagiging palasak. Sa Espanya ang bilang ng nagdidiborsiyo ay umabot na sa 1 sa bawat 8 pag-aasawa sa pagsisimula ng huling dekada ng ika-20 siglo—napakalaking agwat kung ihahambing sa 1 sa bawat 100 noong mga 25 taon bago nito. Ang Britanya, na ayon sa ulat ay may pinakamataas na bilang ng pagdidiborsiyo sa Europa (4 sa bawat 10 pag-aasawa ang inaasahang mabibigo), ay nakitaan ng biglang pagdami ng bilang ng mga pamilyang may nagsosolong magulang.
11 Marami sa Alemanya ang waring lubusan nang tumatalikod sa tradisyunal na pamilya. Ipinakita ng dekada 1990 na 35 porsiyento ng lahat ng sambahayang Aleman ay binubuo ng iisang tao at 31 porsiyento naman ay binubuo ng dalawang indibiduwal lamang. Sa mga Pranses man ay kakaunti na ang nagpapakasal, at yaong mga nagpapakasal ay mas madalas at mas madaling nagdidiborsiyo kaysa noon. Parami nang parami ang mas gusto pang magsama na lamang nang walang pananagutan ng pag-aasawa. Ang kalakarang tulad nito ang nakikita ngayon sa buong daigdig.
12. Papaano nagdurusa ang mga anak dahil sa mga pagbabago sa modernong pamilya?
12 Kumusta naman ang mga anak? Sa Estados Unidos at sa marami pang ibang lupain, parami nang parami ang ipinanganganak sa pagkadalaga, ang ilan ay sa mga tin-edyer. Maraming tin-edyer ang may ilang anak mula sa iba’t ibang ama. Sinasabi ng ulat mula sa buong daigdig na milyun-milyong batang walang tahanan ang nagpapalabuy-laboy sa kalye; marami ang tumatakas sa mapang-abusong sambahayan o pinalalayas ng mga pamilyang wala nang kakayahang sumuporta sa kanila.
13. Anong laganap na mga suliranin ang umaagaw ng kaligayahan ng mga pamilya?
13 Oo, nasa krisis ang pamilya. Karagdagan pa sa nabanggit na, ang pagrerebelde ng mga tin-edyer, pang-aabuso sa mga bata, pagmamalupit sa asawa, alkoholismo, at ang iba pang malalagim na suliranin ay umaagaw ng kaligayahan ng mga pamilya. Para sa napakaraming bata at nakatatanda, napakalayo sa pagiging kanlungan ang pamilya.
14. (a) Ayon sa ilan, anu-ano ang sanhi ng krisis sa pamilya? (b) Papaano inilarawan ng isang abogado noong unang siglo ang daigdig sa ngayon, at nagkaroon ng anong impluwensiya sa buhay pampamilya ang katuparan ng kaniyang mga salita?
14 Bakit nasa krisis ang pamilya? Isinisisi ng ilan ang kasalukuyang krisis sa pamilya sa pagpasok ng kababaihan sa trabaho. Itinuturo naman ng iba na iyo’y dahil sa pagguho ngayon ng moral. At ilan pang mga dahilan ang tinukoy. Halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, inihula ng isang kilalang abogado na maraming paghihirap ang daranasin ng pamilya, nang isulat niya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Sino pa kaya ang mag-aalinlangan na talagang natutupad na ngayon ang mga salitang ito? Sa daigdig na ganito ang kalagayan, nakapagtataka pa ba kung maraming pamilya ang nasa krisis?
ANG LIHIM NG KALIGAYAHAN SA PAMILYA
15-17. Sa aklat na ito, anong awtoridad ang tutukuyin na siyang nagtataglay ng lihim ng kaligayahan sa pamilya?
15 Ang mga payo kung papaano matatamo ang kaligayahan sa pamilya ay iniaalok sa lahat ng dako. Sa Kanluran, ang walang-katapusang daloy ng sariling-sikap na mga aklat at magasin ay nag-aalok ng mga payo. Ang problema ay na ang mga tagapayo ay nagkakasalungatan naman sa isa’t isa, at ang payo na nauuso ngayon ay baka ituring na hindi na mabisa bukas.
16 Kung gayon, saan tayo makasusumpong ng maaasahang patnubay para sa pamilya? Buweno, hahanap ka ba sa isang aklat na natapos noon pang mga 1,900 taon na ang nakalilipas? O ipagpapalagay mo ba na ang aklat na katulad nito ay tiyak na wala na sa kausuhan? Ang totoo, ang tunay na lihim ng kaligayahan sa pamilya ay doon sa aklat na iyon lamang matatagpuan.
17 Ang aklat na ito ay ang Bibliya. Ayon sa lahat ng katibayan, ito ay kinasihan mismo ng Diyos. Sa Bibliya ay masusumpungan natin ang sumusunod na pangungusap na ito: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Sa publikasyong ito ay hihimukin ka naming pag-aralan kung papaano ka matutulungan ng Bibliya na ‘ituwid ang mga bagay’ kapag nilalabanan ang mga kagipitan at suliranin na kinakaharap ng mga pamilya sa ngayon.
18. Bakit makatuwiran na tanggapin ang Bibliya bilang awtoridad sa pagpapayo sa mga mag-asawa?
18 Kung hindi mo agad matanggap ang posibilidad na makatutulong ang Bibliya upang mapaligaya ang mga pamilya, isipin mo ito: Ang Isa na kumasi sa Bibliya ay ang Tagapagpasimula ng kaayusan ng pag-aasawa. (Genesis 2:18-25) Sinasabi ng Bibliya na ang kaniyang pangalan ay Jehova. (Awit 83:18) Siya ang Maylalang at ‘ang Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya.’ (Efeso 3:14, 15) Sinubaybayan na ni Jehova ang buhay ng pamilya sa pasimula pa lamang ng sangkatauhan. Alam niya ang mga suliraning maaaring bumangon at nagbigay na ng payo upang malutas ang mga ito. Sa buong kasaysayan, yaong buong-katapatang nagkapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay pampamilya ay nakasumpong ng mas malaking kaligayahan.
19-21. Anong modernong mga karanasan ang nagpapakita sa bisa ng Bibliya sa paglutas ng mga suliranin sa pag-aasawa?
19 Halimbawa, may isang asawang babae sa Indonesia na isang pusakal na sugarol. Kung ilang taon nang pinababayaan niya ang kaniyang tatlong anak at palaging inaaway ang kaniyang asawa. Pagkatapos ay nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Unti-unting pinaniwalaan ng babae ang sinasabi ng Bibliya. Nang ikapit niya ang mga payo nito, naging mas mabuting asawa siya. Ang pagsisikap niya, batay sa mga simulain ng Bibliya, ay nagdulot ng kaligayahan sa kaniyang buong pamilya.
20 Ganito naman ang sabi ng isang asawang babae sa Espanya: “Iisang taon pa lamang kaming nakakasal nang magsimula ang aming mabibigat na problema.” Silang mag-asawa ay hindi magkasundo, at halos hindi sila nag-uusap maliban lamang kung sila’y nagtatalo. Sa kabila ng pagkakaroon ng isang anak na babae, nagpasiya silang maghiwalay. Ngunit bago mangyari iyan, sila’y hinimok na suriin ang Bibliya. Pinag-aralan nila ang payo nito para sa mga asawang lalaki at asawang babae at nagsimulang ikapit ito. Di-nagtagal, sila’y nag-uusap na nang mapayapa, at ang kanilang maliit na pamilya ay maligayang nagkasundo.
21 Tumutulong din ang Bibliya sa mga may-edad na. Halimbawa, tingnan natin ang karanasan ng mag-asawang Hapones. Maigsi ang pasensiya ng asawang lalaki at kung minsan ay marahas. Una, ang mga anak na babae ng mag-asawa ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, sa kabila ng pagsalansang ng kanilang mga magulang. Pagkatapos, sumali ang asawang lalaki sa kaniyang mga anak, ngunit patuloy na tumanggi ang asawang babae. Gayunman, paglipas ng mga taon, napansin niya ang mabuting epekto ng mga simulain ng Bibliya sa kaniyang pamilya. Inaasikaso siyang mabuti ng kaniyang mga anak, at naging mas mahinahon ang kaniyang asawa. Ang gayong mga pagbabago ay nagpakilos sa babae upang suriin niya mismo ang Bibliya, at ito’y nagkaroon ng gayunding mabuting epekto sa kaniya. Paulit-ulit na sinasabi ng may-edad nang babaing ito: “Kami’y naging mag-asawa sa tunay na diwa nito.”
22, 23. Papaano tumutulong ang Bibliya sa mga tao sa lahat ng bansa na makasumpong ng kaligayahan sa kanilang buhay pampamilya?
22 Ang mga indibiduwal na ito ay kabilang sa napakaraming nakaalam ng lihim ng kaligayahan sa pamilya. Tinanggap nila ang payo ng Bibliya at ikinapit ito. Totoo, sila’y namumuhay sa marahas, imoral, gipit sa ekonomiyang daigdig na gaya ng iba. Isa pa, sila’y mga di-sakdal, subalit nakasusumpong sila ng kaligayahan sa pagsisikap na gawin ang kalooban niyaong Tagapagpasimula ng kaayusan ng pamilya. Gaya ng sabi ng Bibliya, ang Diyos na Jehova “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ang iyong sarili, ang Isa na nagpapangyari sa iyo na lumakad sa daan na siyang dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17.
23 Bagaman halos dalawang libong taon na ang nakalilipas nang matapos ang Bibliya, ang mga payo nito ay tunay na napapanahon. Isa pa, ito’y isinulat para sa lahat ng tao. Ang Bibliya ay hindi isang Amerikano o Kanluraning aklat. “Ginawa [ni Jehova] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao,” at alam Niya ang kayarian ng mga tao saanman. (Gawa 17:26) Ang mga simulain ng Bibliya ay mabisa para sa lahat. Kung ikakapit mo ang mga ito, ikaw man ay makaaalam ng lihim ng kaligayahan sa pamilya.