Ang Kalinisan ay Nagpaparangal kay Jehova
1 Nang ang Israelitang nalabi ay magbalik mula sa pagkakabihag sa Babilonya, sila’y tinagubilinan: “Manatili kayong malinis, kayong nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Isa. 52:11) Yamang tayo ngayon ay pinagkatiwalaan ng sagradong tungkulin na ipahayag ang mabuting balita, nais din nating parangalan si Jehova sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis at presentable ng ating sarili, ng ating mga tahanan, at ng ating mga Kingdom Hall.
2 Sa Ministeryo: Kapag naglilingkod sa larangan, ang atin bang pananamit, bag, at personal na pag-aayos ay malinis at presentable, hindi nagdudulot ng kahihiyan? Napararangalan si Jehova kapag iniingatan nating malinis ang ating sarili at ang ating pananamit sa pamamagitan ng regular na paliligo at paglalaba. Makabubuti ring suriin ang ating Bibliya at ang mga aklat na ginagamit natin nang regular upang matiyak na ang mga ito ay hindi sira at mukhang marumi. Bagaman ang bayan ni Jehova bilang isang grupo ay kilala sa pagiging malinis, makabubuti pa ring magsuri ng sarili ang bawat isa sa bagay na ito.
3 Sa Ating mga Tahanan: Kumusta naman ang ayos ng ating tahanan? Nakasisira ba ito sa dinadala nating mensahe ng Kaharian? Kapag ang ating tahanan ay magulo at hindi malinis ang kapaligiran, hindi kaya pag-alinlanganan ng iba ang ating kataimtiman kapag sinasabi natin na babaguhin ang lupa upang maging isang paraiso? Kung gayon, masasabi ba na napaunlad na natin ang mga “huwaran ng kalinisan na angkop sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos”?—om-TG pahina 130-1.
4 Sa Ating Kingdom Hall: Karaniwan nang tayo’y nananabik na anyayahan ang bagong interesadong mga tao na magtungo sa ating Kingdom Hall. Ito’y lalo nang totoo kung ang Kingdom Hall ay kaakit-akit at masinop, kapuwa sa loob at labas. Nangangailangan ng pagsisikap upang mapanatiling malinis ang kalagayan ng ating ari-arian. Masdan ang palibot ng inyong bulwagan. Malilinis ba ang mga upuan, sahig, at dingding? Ang mga palikuran ba ay malinis at hindi nangangamoy? Kumusta naman ang karatula ng Kingdom Hall? Kadalasang ito ang unang bagay na napapansin ng mga tao, kaya dapat na ito’y laging may pinta at malinis.
5 Kahit na walang salita, ating maluluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng ating personal na anyo at kalinisan ng ating mga tahanan at mga Kingdom Hall. Ang ating mabuting halimbawa ay hindi makapagbibigay ng anumang sanhi ng katitisuran kundi makapagbibigay ng patotoo na ang ating pagsamba ay malinis at matuwid.—1 Cor. 10:31, 32; Sant. 1:27.