Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 2000
1 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tunay na isang mayamang pagpapala sa bayan ni Jehova. Sa nakalipas na 50 taon, natulungan nito ang milyun-milyon na mapasulong ang kanilang mga kakayahan bilang mga tagapagsalita sa madla at mga guro tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya. (Awit 145:10-12; Mat. 28:19, 20) Nakikita ba ninyo kung paano kayo natulungan ng paaralan? Maaari nitong patuloy na gawin ang gayon sa 2000 kung kayo ay makikibahagi rito nang lubusan at magkakapit ng payo na ibinibigay.
2 Ang mga instruksiyon tungkol sa mga atas at ang mga publikasyong gagamitin ay nakalista sa unang pahina ng iskedyul ng paaralan sa 2000. Ang panahong iniukol sa bawat bahagi, ang pinagkunan ng materyal, kung paano ihaharap ang materyal, at iba pang detalye ay isinaalang-alang. Pakisuyong mag-ukol ng panahon upang maingat na basahin ang mga instruksiyon at ikapit ang mga ito.
3 Lingguhang Pagbabasa ng Bibliya: May dalawang magkahiwalay na programa para sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya na nakalista sa iskedyul ng paaralan. Ang isa ay ang pamantayang programa ng pagbabasa na sumasaklaw ng halos limang pahina ng Bibliya. Ang mga tampok na bahagi sa Bibliya ay batay sa pagbabasang ito. Ang iba pang programa sa pagbabasa ay karagdagan at sumasaklaw ng dobleng dami ng materyal. Sa pagsunod sa programang ito, magagawa ninyong basahin ang buong Bibliya sa loob ng tatlong taon. Mauunawaan na ang iba ay nagnanais na magbasa ng higit pa kaysa sa nakaiskedyul sa karagdagang programa, at ang iba naman ay maaring hindi makaalinsabay rito. Sa halip na ihambing ang iyong sarili sa iba, magalak sa kaya mong gawin. (Gal. 6:4) Ang mahalaga ay ang makapagbasa ng Salita ng Diyos sa araw-araw.—Awit 1:1-3.
4 Upang makapagpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, dapat kang makipag-usap sa tagapangasiwa ng paaralan. Pakisuyong seryosohin ang iyong atas, at huwag itong kanselahin nang hindi kinakailangan. Pahalagahan ang paaralan bilang isang paglalaan mula kay Jehova. Maghandang mabuti, maging lubusang pamilyar sa iniatas na materyal, at ipahayag ang iyong sarili mula sa puso, sa gayo’y makikinabang ka nang lubusan mula sa kakaibang paaralang ito.