Pagkasumpong ng Kagalakan sa Inyong Sagradong Paglilingkod
1 Sila’y bumalik “na may kagalakan.” Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi kung ano ang nadama ng 70 alagad nang sila’y mag-ulat kay Jesus, pagkatapos nang matagal na pangangaral sa palibot. Sila’y nakaranas ng panloob na kasiyahan sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. (Luc. 10:17) Ano ang makatutulong sa inyo upang makasumpong ng gayunding kagalakan sa sagradong paglilingkod?
2 Isang Positibong Saloobin: Taglay ninyo ang bigay-Diyos na pribilehiyo na ipabatid ang dakilang layunin ni Jehova sa mga tao. Sa pamamagitan ng inyong pangangaral, matutulungan ninyong lumaya ang isang tao mula sa masasamang gawain ng sanlibutang ito at sa mga tanikala ng huwad na relihiyon. Maaari ninyong iharap sa mga tao ang pag-asa ng buhay sa isang sanlibutang malaya sa sigalot na nakapalibot sa atin sa ngayon. Gunigunihin ang kagalakan ni Jehova kapag matagumpay na nakapagtanim kayo ng mga binhi ng katotohanan sa isang tumatanggap na puso. Maging positibo sa pananalangin na ang espiritu ng Diyos ay magluwal sa inyo ng bunga ng kagalakan habang inyong itinataguyod ang ministeryo nang buong puso ninyo.
3 Praktikal na Pagsasanay: Ang sesyon ukol sa pagbibigay ng tagubilin na idinaos ni Jesus sa kaniyang 70 alagad ay naihahalintulad sa isang makabagong-panahong Pulong sa Paglilingkod. Siya’y naglaan ng pagsasanay upang mabisa nilang maisagawa ang kanilang ministeryo. (Luc. 10:1-16) Sa ngayon ang Pulong sa Paglilingkod ay nagsasanay sa inyo sa mga paraan ng paglapit sa mga tao, kung paano pasisimulan ang mga usapan, at kung paano pasisimulan at idaraos ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa pamamagitan ng pagsisikap at pagpapasulong sa inyong mga kakayahan sa pangangaral, masusumpungan ninyo na anuman ang nadarama ninyong kabalisahan o kawalang-kakayahan ay maiibsan at mapapalitan ng pagtitiwala at kagalakan.
4 Magpako ng Pansin sa Hinaharap: Nakasumpong si Jesus ng kagalakan sa kaniyang sagradong paglilingkod sa kabila ng pagdurusa na kaniyang tiniis. Bakit? Sapagkat iningatan niyang nakapako ang kaniyang mata sa mga pagpapala at mga pribilehiyong nasa harapan niya. (Heb. 12:2) Gayundin ang magagawa ninyo sa pamamagitan ng patuloy na pagpapako ng inyong isip at puso sa pangalan ni Jehova at sa mga pagpapala na darating sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ito’y magdaragdag ng kagalakan at kahulugan sa inyong ministeryo.
5 Ang pag-uukol kay Jehova ng sagradong paglilingkod ang pinakadakilang pribilehiyo na maaari ninyong taglayin sa ngayon. Kaya, nawa’y masabi ninyo: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.”—Awit 40:8.