Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Sino ang Dapat na Maging Huwaran Ko?
“Pambihira ang kaniyang kakayahan bilang isang manlalaro sa basketbol. Gustung-gusto siya ng lahat ng aking kaibigan. Siya ang huwaran ko, at gusto kong maging kagaya niya at magkaroon ng kung ano ang mayroon siya.”—Ping, isang kabataang taga-Asia.
ANG mga taong hinahangaan at ginagaya ay kalimitang tinatawag na mga huwaran. Ganito ang sabi ng awtor na si Linda Nielsen: “Ginagaya ng mga kabataan ang mga taong katulad nila at nagtatamo ng atensiyon o gantimpalang hinahangad nila.” Kaya naman, mahilig ang mga kabataan na humanga sa mga kaedad na popular o kaakit-akit. Ngunit maraming kabataan ang lalo nang naaakit sa mga bituin sa pelikula, mga musikero, at mga atleta bilang mga huwaran.
Mangyari pa, ang imahen sa publiko ng karamihan sa mga sikat na tao ay kadalasang isa lamang binuong imahinasyon, isang maingat ang pagkakaayos na pakanang dinisenyo upang maitago ang mga kapintasan, upang mag-anyaya ng paghanga at, higit sa lahat, upang magbenta! Ganito ang pag-amin ni Ping, na binanggit kanina: “Bumili ako ng lahat ng video ng aking idolo sa basketbol at nagsuot ako ng kaniyang tatak ng damit at sapatos.” Nananamit ang ilang kabataan na kagaya ng pananamit ng kanilang mga idolo sa TV o isports, nag-aayos ng kanilang buhok na gaya ng kanilang mga idolo, at naglalakad at nagsasalita pa nga na katulad ng kanilang mga idolo.
Mga Huwaran—Mabuti at Masama
‘Pero ano ang masama sa paghanga sa isang tao?’ ang tanong mo. Depende iyan kung sino ang hinahangaan mo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong na tao ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay malalagay sa masama.” (Kawikaan 13:20) Hindi tayo pinasisigla ng Bibliya na maging tagasunod ng mga tao. (Mateo 23:10) Ngunit sinasabi nito sa atin na maging “mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Hebreo 6:12) Ang sumulat ng mga salitang ito, si apostol Pablo, ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa para sa mga unang Kristiyano. Kaya naman, nasabi niya: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.”—1 Corinto 11:1.
Ganiyang-ganiyan ang ginawa ng kabataang nagngangalang Timoteo. Nagkaroon siya ng isang matalik na pakikipagkaibigan kay Pablo sa kanilang magkasamang paglalakbay bilang mga misyonero. (Gawa 16:1-4) Itinuring ni Pablo si Timoteo bilang kaniyang “iniibig at tapat na anak sa Panginoon.” (1 Corinto 4:17) Sa tulong ni Pablo, si Timoteo ay naging isang mahusay na lalaking Kristiyano.—Filipos 2:19-23.
Subalit ano ang maaaring mangyari kung pipili ka ng maling huwaran? Inilahad ng isang kabataang nagngangalang Richard: “Nang ako’y 15 taóng gulang, naging pinakamatalik kong kaibigan ang isang kaeskuwelang nagngangalang Mario. Kristiyano ang aking mga magulang, at sinikap nilang tulungan ako sa espirituwal. Ngunit na kay Mario ang lahat ng katuwaan—ang mga disco, parti, motorsiklo, at ang mga bagay na tulad nito. Nagagawa niya kung ano ang gusto niya, kapag gusto niya. Ako’y hindi. Kaya nang ako ay 16 anyos, sinabi ko sa aking mga magulang na ayoko nang maging isang Kristiyano, at ganoon nga ang ginawa ko.”
Mayroon bang nakakatulad na mga panganib kapag minamalas ang mga artista at sikat na mga manlalaro bilang mga huwaran? Oo, mayroon. Buweno, wala namang masama sa paghanga sa kakayahan ng isang atleta, artista, o isang musikero. Pero tanungin ang iyong sarili, ‘Anong uri ng halimbawa ang ipinakikita ng mga taong ito sa kanilang personal na buhay?’ Hindi ba marami sa mga sikat na manlalaro, musikero, at iba pang artista ang kilala dahil sa kanilang pagpapakasasa sa seksuwal na imoralidad, droga, at alak? Hindi rin ba totoo na marami ang malungkot at hungkag ang buhay, sa kabila ng kanilang salapi at katanyagan? Kapag titingnan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong pangmalas, anong kabutihan ang maaari mong makuha sa pagtulad sa gayong mga tao?
Totoo, waring pangkaraniwan na ang paggaya sa istilo ng buhok, pananamit, o pananalita ng isang sikat na tao. Ngunit maaaring ito ang maging unang hakbang sa pagpapahintulot sa sanlibutan na “hubugin ka ayon sa molde nito.” (Roma 12:2, Phillips) Ang moldeng iyan ay waring kanais-nais sa simula. Ngunit kung lubusan kang susunod sa impluwensiya nito, maaari ka nitong hubugin sa mga paraan na tiyak na aakay sa iyo sa pakikipag-alitan sa Diyos. “Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos,” sabi ng Bibliya sa Santiago 4:4.
Kung Paano Makatutulong sa Iyo ang Isang Mabuting Huwaran
Gayunman, ang pagtulad sa isang tao na may mabuting halimbawa ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa iyong buhay! Sa mga kapuwa Kristiyano, marami kang masusumpungan na isang “halimbawa . . . sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” (1 Timoteo 4:12) Totoo, kailangan mong mag-ingat sa pagpili ng mga kasama, maging sa kongregasyong Kristiyano. (2 Timoteo 2:20, 21) Subalit karaniwan nang madaling makilala kung sino sa kongregasyon ang tunay na “lumalakad sa katotohanan.” (2 Juan 4) Ganito ang sabi ng simulain sa Hebreo 13:7: “Habang dinidili-dili ninyo ang kalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” Para sa maraming kaedad mo, hindi pa nalalaman kung ano ang magiging kalalabasan ng kanilang paggawi. Ngunit may mga nakatatanda sa kongregasyon na napatunayang tapat, at isang katalinuhan ang makilala sila.
‘Kilalanin ang mga nakatatanda?’ baka itanong mo. Totoo, sa simula ay waring hindi ito kawili-wili. Pero alalahanin ang naging kaugnayan ni Timoteo sa kaniyang nakatatandang kaibigan na si apostol Pablo. Nakita ni Pablo ang potensiyal ni Timoteo at kaniyang pinasigla ito na “paningasin tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos” na nasa kaniya. (2 Timoteo 1:6) Hindi ba kapaki-pakinabang na magkaroon ng isa na makatutulong at makapagpapasigla sa iyo, isa na hihimok sa iyo na linangin ang iyong bigay-Diyos na mga kaloob?
Ito’y napatunayang totoo ng isang kabataang nagngangalang Bryan. Pinaglalabanan niya noon ang damdamin ng pagkawalang-halaga nang makilala niya ang isang nakatatanda at binatang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Sabi ni Bryan: “Hinahangaan ko ang kaniyang maibiging pagmamalasakit sa iba, pati na sa akin; ang kaniyang sigasig sa ministeryo; at ang kaniyang mahusay na mga pahayag.” Nakikinabang na si Bryan sa personal na atensiyon na natatanggap niya mula sa nakatatandang Kristiyanong ito. Tahasan niyang inamin: “Nakatulong ito sa akin na magbago mula sa dati kong personalidad—isa na mahiyain at walang sigla.”
Ang mga Magulang Bilang mga Huwaran
Sinasabi ng aklat na Adolescence—Generation Under Pressure na ang mga magulang “ang nag-iisang pinakamahalagang impluwensiya mula sa labas na tumutulong o humahadlang sa karaniwang nagbibinata’t nagdadalaga na magkaroon ng mahusay na pagkatao.” Kung walang maliwanag na direksiyon at pagkakakilanlan, sabi pa ng aklat, ang mga kabataan “ay magiging gaya ng isang barkong walang pang-ugit, anupat pabagu-bago ng landas sa tuwing daraanan ng alon.”
Masasalamin sa payong ito ang isinulat ng alagad na si Santiago mahigit 1,900 taon ang nakalipas, gaya ng nakaulat sa Santiago 1:6: “Patuloy siyang humingi na may pananampalataya, na hindi sa paanuman nag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” Malamang na may kilala kang ilang kabataan na kagayang-kagaya nito. Nabubuhay sila para masiyahan lamang sa kasalukuyan, nang hindi na iniisip ang kinabukasan.
Ikaw ba’y pinagpalang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na mga magulang na nagpapakita ng mabuting halimbawa sa kongregasyon? Kung gayon, nagpapasakop ka ba sa kanilang impluwensiya? O palagi ka na lamang lumalaban sa kanila? Totoo, hindi sakdal ang iyong mga magulang. Ngunit huwag kang magbulag-bulagan sa kanilang mabubuting katangian—mga katangiang makabubuting tularan mo. “Hangang-hanga ako sa aking mga magulang,” ang isinulat ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Jarrod. “Ang kanilang namamalaging sigasig sa ministeryo, ang paraan ng pagharap nila sa mga hirap sa buhay, at ang pampatibay-loob nila sa akin na makibahagi sa buong-panahong ministeryo, ay pawang may mabuting epekto sa akin. Noon pa ma’y mga magulang ko na ang aking mga huwaran.”
Ang Pinakamabuting Huwaran
Nang tanungin ng organisasyon sa pagsusurbey na Gallup ang ilang kabataan sa Estados Unidos kung sino ang inaakala nilang pinakadakilang persona sa kasaysayan, karamihan ay pumili ng mga tao sa larangan ng pulitika sa Amerika. Anim na porsiyento lamang ang pumili kay Jesu-Kristo. Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesu-Kristo ay nag-iwan ng sakdal na “huwaran upang sundan [natin] nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21; Hebreo 12:3) Pinasisigla niya ang kaniyang mga alagad na matuto mula sa kaniya. (Mateo 11:28, 29) Pero paano mo ba magagawa ito?
Pag-aralan mo nang husto ang buhay ni Jesus. Sikapin mong basahing lahat ang mga ulat ng Ebanghelyo, kasama ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.a Pansinin mo kung paano nagturo si Jesus, ang madamaying paraan ng pakikitungo niya sa mga tao, at ang tibay ng loob na ipinakita niya sa ilalim ng kagipitan. Masusumpungan mong si Jesus ang pinakamabuting huwaran na maaari mong tularan.
Habang lalo kang nagiging pamilyar sa sakdal na huwaran, hindi ka na gaanong maaakit sa di-kanais-nais na mga kasama o mga sikat na tao. Natatandaan mo ba si Ping at ang kaniyang paghanga sa isang sikat na manlalaro? Naglalaro pa rin si Ping ng basketbol paminsan-minsan, pero natanto niya na isang kamangmangan ang hubugin ang kaniyang sarili ayon sa mga sikat na tao.
At kumusta naman si Richard? Ang pinili niyang huwaran ay umakay sa kaniya na talikuran ang pananampalatayang Kristiyano. Gayunman, nakilala ni Richard ang isang kabataang mahigit nang beinte anyos na nagngangalang Simon, na isa sa mga Saksi ni Jehova. “Kinaibigan ako ni Simon,” sabi ni Richard, “at tinulungan niya akong makita na ang isa ay maaaring masiyahan sa buhay nang hindi ikinokompromiso ang mga simulain sa Bibliya. Agad akong tinubuan ng paggalang kay Simon, at gumanap ng malaking bahagi ang kaniyang halimbawa sa pagbabalik ko sa kongregasyon at pag-aalay ng aking buhay kay Jehova. Mas maligaya ako ngayon, at may tunay na kabuluhan ang aking buhay.”
Oo, talagang mahalaga ang pagpili mo ng mga huwaran!
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Makatutulong sa iyo ang pakikisama sa mga nakatatandang may mabuting reputasyon