Amaranth—Pagkain Mula sa mga Aztec
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
ANG Alegría, isang masustansiyang kendi na ang pangalan sa Kastila ay isinaling “kagalakan” o “kaligayahan,” ay karaniwang matatagpuan sa makukulay na puwesto sa mga pamilihan ng pagkaing Mexicano. Ito’y ginawa mula sa mga buto ng amaranth, isang halaman sa tropiko na may mga bulaklak na kulay matingkad na pula. Ang kendi ay nagagawa sa pamamagitan ng purong pulut-pukyutan at kung minsan ay ginagayakan ng mga walnut, pine nut, at pasas. Ang mga buto ng amaranth ay maaari ring gilingin upang maging cereal o arina, na ginagamit sa paggawa ng mga tinapay at cake.
Ang mga Aztec ay gumagawa noon ng mga tortilya at tamales mula sa arina ng amaranth. Karagdagan pa, Malaking bahagi rin ang ginampanan ng amaranth sa kanilang mga relihiyosong seremonya. Ang The News ng Lunsod ng Mexico ay nagsabi: “Sa isa sa kanilang maraming ritwal, isinasawsaw ng mga Aztec ang isang piraso ng tinapay na amaranth sa dugo ng isa sa kanilang nabihag at [napatay] na mga kalaban at kinakain ito.” Ang isa pang kaugalian ay nagsasangkot ng paghahalo ng giniling na buto ng amaranth at ng mais at pulut-pukyutan at hinuhubog ang halo upang maging hugis maliliit na idolo o diyos. Ang mga idolong ito ay kinakain pagkaraan sa isang ritwal na nakakatulad ng sakramento ng Komunyon ng Katoliko.
Kapuwa ang dalawang gawaing ito ay nagpagalit sa Kastilang konkistador na si Hernán Cortés kung kaya naudyukan ito na ipagbawal ang pagtatanim at pagkain ng amaranth. Ang sinumang nangahas na sumuway sa kaniyang utos ay alinman sa pinatay o pinutol ang nagkasalang kamay. Kaya nga, ang dating isa sa pinakamahalagang pananim noon sa Mexico ay halos mawala na.
Gayunman, nagawan ng paraan na makaligtas ang amaranth, at sa paano man ay napalipat ito mula sa Sentral Amerika tungo sa Himalayas. Nitong nakaraang siglo, ito ay naging pangunahing pagkain ng mga tribo sa kabundukan ng Tsina, India, Nepal, Pakistan, at Tibet.
Sa Mexico, sinubukan kamakailan ng mga mananaliksik na ihiwalay ang protina ng buto upang makagawa ng gatas mula sa amaranth, isang inuming may sustansiyang gaya ng gatas ng baka. Ang tunguhin nila ay upang magamit ito bilang sustansiya sa pagkain at inumin para sa mga hindi kayang bumili ng mga itlog, gatas, isda, o pulang karne.
Sa kabila ng magulong kasaysayan ng amaranth, ang maraming gamit at masustansiyang pagkaing ito ay nakakain pa rin ng maraming tao sa ngayon.