Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 1/15 p. 23-28
  • Tinutulungan ang Iba na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinutulungan ang Iba na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Hamon Ngunit Hindi Pabigat
  • Angkop na Nasasangkapan Upang Tumulong sa Iba
  • Sinusuri ang Bagong Kasangkapan
  • Kung Paano Gagamitin ang Magandang Balita Mula sa Diyos!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Bagong Kasangkapan na Tutulong sa mga Tao na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Tulungang Makaunawa ang mga Walang Karanasan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • Ipahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian Taglay ang mga Brosyur
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 1/15 p. 23-28

Tinutulungan ang Iba na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos

“Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”​—1 CORINTO 9:16.

1, 2. (a) Sa anong gawaing may dalawang pitak hinihiling ni Jehova na makibahagi tayo? (b) Ano ang kailangang matutuhan ng tapat-pusong mga tao upang maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos?

MAY mabuting balita si Jehova para sa sangkatauhan. Mayroon siyang Kaharian, at ibig niyang marinig ito ng mga tao sa lahat ng dako! Minsang malaman natin ang mabuting balitang ito, inaasahan ng Diyos na ibabahagi natin ito sa iba. Ito ay isang gawaing may dalawang pitak. Una, dapat nating ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:3, 14.

2 Ang ikalawang bahagi ng gawaing ito ay may kinalaman sa pagtuturo sa mga tumutugon nang may pagsang-ayon sa paghahayag ng Kaharian. Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, sinabi ni Jesus sa isang malaking grupo ng kaniyang mga alagad: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Ang ‘mga bagay na iniutos ni Kristo’ ay hindi nagmula sa kaniya; tinuruan niya ang iba na tuparin ang mga utos, o kahilingan, ng Diyos. (Juan 14:23, 24; 15:10) Kaya sa pagtuturo sa iba na ‘tuparin ang mga bagay na iniutos ni Kristo ay kalakip ang pagtulong sa kanila na matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos. Kailangang maabot ng tapat-pusong mga tao ang mga kahilingan ng Diyos upang maging mga sakop ng kaniyang Kaharian.

3. Ano ba ang Kaharian ng Diyos, at ano ang gagawin nito anupat gayon na lamang kabuting balita ang mensahe ng Kaharian?

3 Ano ba ang Kaharian ng Diyos? At ano ang gagawin nito anupat gayon na lamang kabuting balita ang mensahe ng Kaharian? Ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan. Napakalapit ito sa puso ni Jehova, sapagkat sa pamamagitan nito ay pababanalin niya ang kaniyang pangalan, anupat aalisin dito ang lahat ng upasala. Ang Kaharian ang siyang kasangkapan na gagamitin ni Jehova upang pangyarihin ang kaniyang kalooban sa lupa na gaya sa langit. Iyan ang dahilan kung kaya tinuruan tayo ni Jesus na ipanalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos at hinimok tayo na unahin iyon sa ating buhay. (Mateo 6:9, 10, 33) Nauunawaan mo ba kung bakit napakahalaga kay Jehova na turuan natin ang iba tungkol sa kaniyang Kaharian?

Isang Hamon Ngunit Hindi Pabigat

4. Paano mailalarawan na hindi isang pabigat ang ating obligasyon na ipangaral ang mabuting balita?

4 Isa bang pabigat na ipangaral ang mabuting balitang ito? Tunay na hindi! Upang ilarawan: Obligasyon ng isang ama na maglaan para sa materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ang hindi paggawa nito ay katumbas ng pagtanggi sa Kristiyanong pananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Subalit pabigat ba para sa Kristiyanong lalaki ang ganiyang obligasyon? Hindi kung mahal niya ang kaniyang pamilya, sapagkat kung gayon ay ibig niyang maglaan para sa kanila.

5. Bagaman isang obligasyon ang pangangaral at paggawa ng alagad, bakit tayo dapat na matuwang makibahagi rito?

5 Gayundin naman, ang pangangaral at paggawa ng alagad ay isang obligasyon, isang kahilingan, na dito’y nakasalalay ang ating buhay. Ganito ang pagkasabi ni Pablo tungkol dito: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” (1 Corinto 9:16; ihambing ang Ezekiel 33:7-9.) Gayunman, ang ating motibo sa pangangaral ay pag-ibig, hindi obligasyon lamang. Una sa lahat ay mahal natin ang Diyos, ngunit mahal din natin ang ating kapuwa, at alam natin kung gaano kahalaga na marinig nila ang mabuting balita. (Mateo 22:37-39) Ito’y nagbibigay sa kanila ng pag-asa sa kinabukasan. Malapit nang ituwid ng Kaharian ng Diyos ang kawalang-katarungan, alisin ang lahat ng pang-aapi, at ibalik ang kapayapaan at pagkakaisa​—pawang sa walang-hanggang ikapagpapala ng mga nagpapasakop sa matuwid na pamamahala nito. Hindi ba tayo natutuwa, oo sabik na sabik, na ibahagi ang gayong mabuting balita sa iba?​—Awit 110:3.

6. Bakit naghaharap ng isang tunay na hamon ang pangangaral at paggawa ng alagad?

6 Kasabay nito, naghaharap ng tunay na hamon ang pangangaral na ito at paggawa ng alagad. Iba-iba ang mga tao. Hindi lahat ay may parehong interes o kakayahan. Ang ilan ay may mahusay na edukasyon, samantalang ang iba naman ay hindi gaanong nakapag-aral. Ang pagbabasa​—na dati’y isang paboritong libangan​—ay madalas na ituring ngayon bilang isang gawain. Ang aliteracy (kawalan ng interes sa pagbasa), na binigyang-kahulugan bilang “ang katangian o kalagayan ng pagiging may kakayahang bumasa subalit walang interes na gawin ito,” ay isang lumalaking suliranin, maging sa mga bansa na ipinagmamalaki ang dami ng marunong bumasa at sumulat. Paano natin, kung gayon, matutulungan ang mga tao na may gayong iba’t ibang pinagmulan at interes upang matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos?​—Ihambing ang 1 Corinto 9:20-23.

Angkop na Nasasangkapan Upang Tumulong sa Iba

7. Paano tayo sinasangkapan ng “tapat at maingat na alipin” upang matulungan ang iba na matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos?

7 Mas madaling gampanan ang isang mahirap na gawain kung mayroon kang angkop na mga kasangkapan o kagamitan. Ang isang kasangkapan na angkop sa isang partikular na trabaho sa ngayon ay maaaring baguhin o palitan pa nga bukas dahil sa nagbabagong mga pangangailangan. Katulad ito ng ating atas na ipahayag ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa nakaraang mga taon, naglalaan sa atin “ang tapat at maingat na alipin” ng tamang-tamang kasangkapan, mga publikasyon na pantanging dinisenyo upang magamit sa pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. (Mateo 24:45) Sa gayo’y nasasangkapan tayo na tulungan ang mga tao ng “lahat ng mga bansa at mga tribo at . . . mga wika” na matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos. (Apocalipsis 7:9) Sa pana-panahon, ang mga bagong kasangkapan ay inilalaan upang makaagapay sa nagbabagong pangangailangan sa pandaigdig na larangan. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

8. (a) Ano ang naging bahagi ng aklat na “Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat” sa pagpapalawak ng edukasyon sa Bibliya? (b) Anong instrumento sa gawaing pagtuturo ng Bibliya ang inilaan noong 1968, at paanong iyon ay pantanging dinisenyo? (c) Paano nakatulong sa paggawa ng alagad ang aklat na Katotohanan?

8 Mula noong 1946 hanggang 1968, ang aklat na “Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat” ay ginamit bilang mabisang instrumento sa pagtuturo ng Bibliya, at 19,246,710 kopya ang inilathala sa 54 na wika. Ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilabas noong 1968, ay mabisang ginamit sa loob ng maraming taon sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga taong interesado. Noon, pangkaraniwan na para sa ilan na makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon nang hindi nababautismuhan. Ngunit ang kasangkapang ito ay dinisenyo upang isangkot ang estudyante, anupat pinasisigla siyang ikapit ang kaniyang natututuhan. Ang resulta? Ganito ang sabi ng aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos: “Sa loob ng tatlong taon ng paglilingkod pasimula ng Setyembre 1, 1968, at nagtatapos sa Agosto 31, 1971, isang kabuuang bilang na 434,906 katao ang nabautismuhan​—mahigit sa doble ng bilang ng nabautismuhan sa naunang tatlong taon ng paglilingkod!” Mula nang ilabas ito, kahanga-hanga ang naabot na sirkulasyon ng aklat na Katotohanan​—mahigit na 107,000,000 sa 117 wika.

9. Anong espesyal na katangian mayroon ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, at ano ang naging epekto nito sa bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian?

9 Noong 1982 ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ang naging pangunahing aklat na ginagamit sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang kasangkapang ito ay may mahigit na 150 ilustrasyon, na bawat isa’y may makahulugang kapsiyon na tuwirang nagtatampok sa puntong itinuturo ng mga larawan. Ganito ang sabi ng Oktubre 1982 isyu ng Ang Ating Ministeryo sa Kaharian: “Sa mga 20 taon na ang ‘Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat’ ang siya nating pangunahing aklat sa pag-aaral (mula noong 1946 hanggang sa kalagitnaan ng dekada ng 1960) ay mahigit sa 1,000,000 bagong tagapaghayag ng Kaharian ang nadagdag sa bilang natin. Pagkatapos ay 1,000,000 pang mamamahayag ang nadagdag nang Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay naging ating pangunahing aklat sa pag-aaral kasunod ng paglalabas nito noong 1968. Sa paggamit ng ating bagong aklat sa pag-aaral, ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, makikita kaya natin ang nakakatulad na pagdami sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian? Tiyak, kung ito ang kalooban ni Jehova!” Maliwanag na iyon nga ang kalooban ni Jehova, sapagkat mula noong 1982 hanggang 1995, mahigit sa 2,700,000 ang nadagdag sa bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian!

10. Anong bagong kasangkapan ang inilaan noong 1995, at bakit dapat itong makatulong sa mga estudyante ng Bibliya upang mabilis na sumulong sa espirituwal?

10 “Ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti,” sabi ni Jesus. (Mateo 9:37) Tunay ngang malaki ang pag-aani. Marami pang dapat gawin. Sa ilang lupain ay kailangan pang ilagay ang mga tao sa talaan ng mga naghihintay na mapagdausan ng pag-aaral sa Bibliya. Kaya sa layuning palaganapin ang kaalaman ng Diyos sa mas mabilis na paraan, noong 1995 ay naglaan “ang tapat at maingat na alipin” ng isang bagong kasangkapan, ang 192-pahinang aklat na pinamagatang Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang mahalagang instrumentong ito ay hindi nagtutuon ng pansin sa huwad na mga doktrina. Inihaharap nito ang katotohanan ng Bibliya sa isang positibong paraan. Inaasahan na tutulong ito sa mga estudyante ng Bibliya upang mabilis na sumulong sa espirituwal. Ang aklat na Kaalaman ay mayroon nang epekto sa pandaigdig na larangan anupat 45,500,000 kopya na ang nailimbag sa 125 wika at isinasalin pa ngayon sa karagdagang 21 wika.

11. Anong mabisang kasangkapan ang inilaan bilang pantulong sa pagtuturo sa mga di-marunong bumasa at sumulat o hindi gaanong makabasa, at paano ito nagkaroon ng malaking epekto sa ating pangglobong programa sa pagtuturo?

11 Sa pana-panahon, ‘ang tapat na alipin’ ay naglalaan ng mga kasangkapan na dinisenyo para sa isang espesipiko, o limitadong grupo. Halimbawa, kumusta naman ang mga taong maaaring nangangailangan ng pantanging tulong dahil sa kanilang pinagmulang kultura o relihiyon? Paano natin sila matutulungan na matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos? Natanggap natin noong 1982 ang mismong kailangan natin​—ang 32-pahinang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ang publikasyong ito na punung-puno ng mga ilustrasyon ay naging mabisang kasangkapan sa pagtuturo sa mga hindi marunong bumasa at sumulat o hindi gaanong makabasa. Inihaharap nito ang saligang mga turo sa Kasulatan sa isang napakasimple at madaling-maunawaang paraan. Sapol nang ilabas ito, ang brosyur na Buhay sa Lupa ay may malaking epekto sa ating pangglobong programa sa pagtuturo. Mahigit sa 105,100,000 kopya ang nailimbag sa 239 na wika, anupat ito ang publikasyon ng Samahang Watch Tower na sa ngayon ay naisalin na sa pinakamaraming wika!

12, 13. (a) Sapol noong 1990, naglalaan ‘ang tapat na alipin’ ng anong bagong paraan upang maabot ang mas maraming tao? (b) Paano natin magagamit ang mga video ng Samahan sa ating ministeryo sa larangan? (c) Anong bagong kasangkapan ang inilaan kamakailan upang makatulong sa ating paggawa ng mga alagad?

12 Bukod pa sa inilimbag na mga publikasyon, pasimula noong 1990 ay naglalaan sa atin ‘ang tapat na alipin’ ng isang paraan sa pagtuturo na nagbubukas ng isang bagong daan upang maabot ang mas maraming tao​—ang mga videocassette. Noong Oktubre ng taóng iyon, inilabas ang 55-minutong video na Jehovah’s Witnesses​—The Organization Behind the Name​—ang kauna-unahang video na ginawa ng Samahang Watch Tower. Ipinakikita ng maganda, nakapagtuturong presentasyon, na makukuha sa 35 wika, ang pambuong-daigdig na organisasyon ng nakaalay na bayan ni Jehova na tumutupad sa utos ni Jesus na ipahayag ang mabuting balita sa buong lupa. Pantanging dinisenyo ang video upang tulungan tayo sa ating paggawa ng alagad. Hindi nag-aksaya ng panahon ang mga mamamahayag ng Kaharian sa paggamit ng bagong kasangkapang ito sa ministeryo sa larangan. Dala-dala ito ng ilan sa kanilang mga bag ng aklat, anupat laging handang ipakita o ipahiram ito sa mga taong interesado. Di-nagtagal pagkatapos na ilabas ito, sumulat ang isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ang mga video ay naging isang pamamaraan sa ika-21 siglo upang abutin ang isip at puso ng milyun-milyong tao, kaya umaasa kami na ang video na ito ay una lamang sa maraming video na gagamitin ng Samahan upang pasulungin ang pambuong-daigdig na gawaing pang-Kaharian.” Tunay naman, marami pang video ang inilalaan, kasali na ang may tatlong-bahaging serye na The Bible​—A Book of Fact and Prophecy at ang Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Kung ang mga video ng Samahan ay makukuha na sa inyong wika, ginagamit na ba ninyo ang mga ito sa inyong ministeryo sa larangan?a

13 Kamakailan ay isang bagong kasangkapan, ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, ay inilaan upang makatulong sa ating paggawa ng alagad. Bakit ito inilathala? Paano ito magagamit?

Sinusuri ang Bagong Kasangkapan

14, 15. Para kanino dinisenyo ang brosyur na Hinihiling, at ano ang nilalaman nito?

14 Dinisenyo ang bagong publikasyong Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? para sa mga taong naniniwala na sa Diyos at gumagalang sa Bibliya. Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa gayundin ang mga sinanay-sa-Gilead na mga misyonerong may maraming taon ng karanasan sa nagpapaunlad na mga bansa ang tumulong sa paghahanda ng brosyur na ito. Mayroon itong isang malawak na kurso sa pag-aaral, anupat sinasaklaw ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Ang mga salitang ginamit ay magiliw, simple, at tuwiran. Kasabay nito, hindi naman napakasimple ng teksto. Naghaharap ito hindi lamang ng “gatas” kundi gayundin ng “matigas na pagkain” buhat sa Salita ng Diyos sa paraang mauunawaan ng karamihan ng tao.​—Hebreo 5:12-14.

15 Sa nakaraang mga taon ang mga mamamahayag ng Kaharian sa iba’t ibang lupain ay humihiling ng gayon mismong publikasyon. Halimbawa, sumulat ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Papua New Guinea: “Nalilito ang mga tao sa nagkakasalungatang mga turo ng relihiyon. Kailangan nila ng tuwirang mga pangungusap ng katotohanan, na sinusuhayan ng ilang teksto sa Bibliya na maaari nilang suriin sa kanilang sariling Bibliya. Kailangan nila ng isang maliwanag at espesipikong paghaharap ng kahilingan ng Diyos sa mga tunay na Kristiyano at kung aling mga kaugalian at gawain ang hindi niya sinasang-ayunan.” Ang brosyur na Hinihiling ang mismong kailangan natin upang matulungan ang gayong mga tao na matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos.

16. (a) Sino ang lalo nang makikinabang sa simpleng paliwanag sa bagong brosyur? (b) Paano maaaring makinabang yaong nasa inyong teritoryo mula sa brosyur na Hinihiling?

16 Paano ninyo magagamit ang bagong kasangkapang ito? Una, magagamit ito upang makipag-aral sa mga taong nahihirapang bumasa o maaaring hindi mahilig bumasa.b Makikinabang ang gayong mga tao mula sa simpleng paliwanag sa brosyur. Pagkatapos repasuhin ang isang patiunang ipinadalang kopya ng publikasyong ito, ganito ang isinulat ng mga sangay ng Watch Tower: “Ang brosyur ay magiging totoong kapaki-pakinabang sa maraming panig ng bansa na kung saan ang mga tao ay hindi gaanong mahilig bumasa.” (Brazil) “Maraming nandayuhan ang hindi makabasa sa kanilang katutubong wika at nahihirapan pa ring bumasa sa Pranses. Magagamit ang brosyur na ito bilang tulong sa pakikipag-aral sa gayong mga tao.” (Pransiya) May naiisip ba kayong mga tao sa inyong teritoryo na maaaring makinabang sa brosyur na Hinihiling?

17. Sa anong paraan magagamit ang bagong brosyur sa maraming lupain, at bakit?

17 Pangalawa, sa maraming lupain ay magagamit ang brosyur sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong may takot sa Diyos anuman ang edukasyong natapos nila. Mangyari pa, dapat na sikaping makapagsimula ng pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ngunit sa ilang kalagayan ay baka mas madali na magpasimula ng pag-aaral sa isang brosyur. Pagkatapos sa angkop ng panahon, ang pag-aaral ay dapat na ilipat sa aklat na Kaalaman, na siya nating pangunahin at higit na pinipiling pantulong sa pag-aaral. Hinggil sa paggamit na ito ng brosyur na Hinihiling, sumulat ang mga sangay ng Watch Tower: “Mahirap magbukas ng mga pag-aaral sa Bibliya, at waring mas mainam ang pagkakataon na magbukas ng isang pag-aaral kapag ang mga mamamahayag ay nagsisimula sa pamamagitan ng isang brosyur.” (Alemanya) “Ang ganitong uri ng brosyur ay magiging pinakamabisa sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, na pagkaraan ay maaaring ipagpatuloy sa aklat na Kaalaman.” (Italya) “Bagaman mataas ang antas ng pinag-aralan ng mga Hapones, ang karamihan ay may kakaunting kaalaman sa Bibliya at sa mga saligang turo nito. Ang brosyur ay tiyak na magiging mahusay na tuntungang bato tungo sa aklat na Kaalaman.”​—Hapon.

18. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pag-abot sa mga kahilingan ng Diyos?

18 Hiniling ng mga sangay ng Samahan sa buong daigdig ang brosyur na ito, at sinang-ayunan ang pagsasalin nito sa 221 wika. Sana’y mapatunayang mabisa ang bagong publikasyong ito sa pagtulong natin sa iba na matutuhan kung ano ang hinihiling ng Diyos na Jehova sa kanila. Sa ganang atin, tandaan natin na ang pag-abot sa mga kahilingan ng Diyos, kasali na ang utos na mangaral at gumawa ng mga alagad, ay nagbibigay sa atin ng napakahalagang pagkakataon na maipakita kay Jehova kung gaano natin siya kamahal. Oo, hindi pabigat ang hinihiling ng Diyos sa atin. Iyon ang pinakamabuting paraan upang mabuhay!​—Awit 19:7-11.

[Mga talababa]

a Ang aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos ay nagsabi: “Ang mga videocassette ay hindi kailanman magiging kahalili ng nakalimbag na pahina o ng personal na pagpapatotoo. Ang mga publikasyon ng Samahan ay patuloy na gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Ang gawaing pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova ay nananatiling isang matatag na nakasalig-sa-Kasulatang bahagi ng kanilang ministeryo. Gayunman, ang mga videocassette ay idinaragdag ngayon sa mga ito bilang mabisang instrumento upang maglinang ng pananampalataya sa kaakit-akit na mga pangako ni Jehova at magpasigla ng pagpapahalaga sa ipinagagawa niya sa lupa sa ating kaarawan.”

b Para sa paliwanag kung paano magdaraos ng pag-aaral sa brosyur na Hinihiling, tingnan ang artikulong “Bagong Kasangkapan na Tutulong sa mga Tao na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos,” sa pahina 16-17.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Sa anong gawaing may dalawang pitak hinihiling ni Jehova na makibahagi ang kaniyang mga lingkod?

◻ Bakit hindi isang pabigat ang ating obligasyong mangaral at gumawa ng mga alagad?

◻ Anong mga kasangkapan ang inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” para magamit sa ating pangangaral at paggawa ng mga alagad?

◻ Para kanino dinisenyo ang brosyur na Hinihiling, at paano natin magagamit ito sa ating ministeryo?

[Larawan sa pahina 24]

Hindi isang pabigat ang ating pangangaral at paggawa ng mga alagad

[Mga larawan sa pahina 26]

“Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat” (1946, nirebisa noong 1952): 19,250,000 sa 54 na wika (Ipinakita ang Ingles)

“Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan” (1968): 107,000,000 sa 117 wika (Ipinakita ang Pranses)

“Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa” (1982): 80,900,000 sa 130 wika (Ipinakita ang Ruso)

“Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan” (1995): 45,500,000 sa 125 wika (Ipinakita ang Aleman)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share