Lahat ay Dapat na Magsulit sa Diyos
“Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—ROMA 14:12.
1. Ano ang mga hangganan sa kalayaan nina Adan at Eva?
NILALANG ng Diyos na Jehova ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, na may malayang kalooban. Bagaman sila’y nakabababa sa mga anghel, sila’y matatalinong nilalang na may kakayahang gumawa ng matatalinong pasiya. (Awit 8:4, 5) Gayunman, ang bigay-Diyos na kalayaang iyan ay hindi isang lisensiya sa pagpapasiya sa kanilang ganang sarili. Sila’y magsusulit sa kanilang Maylalang, at sa pagsusulit na ito ay kasali ang kanilang mga inapo.
2. Di-magtatagal at gagawa si Jehova ng anong pagsusulit, at bakit?
2 Ngayong malapit na tayo sa kasukdulan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, si Jehova ay gagawa ng pagsusulit sa lupa. (Ihambing ang Roma 9:28.) Di na magtatagal, magsusulit sa Diyos na Jehova ang mga taong di-maka-Diyos dahil sa pagnanakaw sa kayamanan ng lupa, sa paglipol sa buhay ng tao, at lalo na dahil sa pag-uusig sa kaniyang mga lingkod.—Apocalipsis 6:10; 11:18.
3. Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?
3 Yamang nakaharap sa seryosong pangitaing ito, kapaki-pakinabang para sa atin na pag-isipan ang matuwid na mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga nilalang noong nakalipas na panahon. Paano tayo personal na matutulungan ng Kasulatan upang makagawa ng kaayaayang ulat sa ating Maylalang? Anong mga halimbawa ang makatutulong, at alin ang hindi natin dapat na tularan?
Pinapagsulit ang mga Anghel
4. Paano natin nalalaman na pinapagsusulit ng Diyos ang mga anghel sa kanilang mga ginagawa?
4 Ang mga anghel ni Jehova ay nagsusulit sa kaniya gaya rin naman natin. Bago ang Baha noong araw ni Noe, ang ilang anghel ay masuwaying nagkatawang-tao upang sumiping sa mga babae. Yamang taglay ang malayang kalooban, ang mga espiritung nilalang na ito ay makapagpapasiya ng ganito, ngunit pinapagsulit sila ng Diyos. Nang bumalik sa dako ng mga espiritu ang masuwaying mga anghel, hindi na sila pinahintulutan ni Jehova na makabalik sa kanilang orihinal na kalagayan. Sinasabi sa atin ng alagad na si Judas na sila’y “itinaan sa mga gapos na walang-hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.”—Judas 6.
5. Anong pagbagsak ang naranasan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, at paano malulutas ang pagsusulit bunga ng kanilang rebelyon?
5 Si Satanas na Diyablo ang tagapamahala ng masuwaying mga anghel, o mga demonyong ito. (Mateo 12:24-26) Ang balakyot na anghel na ito ay nagrebelde sa kaniyang Maylalang at humamon sa pagkanararapat ng soberanya ni Jehova. Inakay ni Satanas ang ating unang mga magulang sa pagkakasala, at ito’y humantong sa kanilang kamatayan nang dakong huli. (Genesis 3:1-7, 17-19) Bagaman pinahintulutan ni Jehova si Satanas na makapasok sa makalangit na mga looban sa loob ng isang yugto pagkatapos niyaon, inihula ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis na sa takdang panahon ng Diyos, ang balakyot na ito ay ibubulid sa kapaligiran ng lupa. Ipinakikita ng ebidensiya na ito’y naganap di-nagtagal pagkatapos na makamit ni Jesu-Kristo ang kapangyarihan sa Kaharian noong 1914. Sa dakong huli, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay tutungo sa walang-hanggang pagkalipol. Yamang nasagot na sa wakas ang isyu ng soberanya, ang pagsusulit para sa rebelyon ay malulutas na sa makatarungang paraan.—Job 1:6-12; 2:1-7; Apocalipsis 12:7-9; 20:10.
Pinapagsulit ang Anak ng Diyos
6. Paano minamalas ni Jesus ang bagay na siya’y magsusulit sa kaniyang Ama?
6 Ano ngang inam na halimbawa ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo! Bilang isang sakdal na tao na katumbas na katumbas ni Adan, si Jesus ay nalugod na gawin ang kalooban ng Diyos. Nagalak din siya na magsulit bilang pagsunod sa utos ni Jehova. Hinggil sa kaniya, angkop ang pagkahula ng salmista: “Ako’y nalulugod na gawin ang iyong kalooban, O aking Diyos, at ang iyong kautusan ay nasa aking panloob na mga bahagi.”—Awit 40:8; Hebreo 10:6-9.
7. Habang nananalangin nang gabi ng kaniyang kamatayan, bakit nasabi ni Jesus ang mga salita na nakaulat sa Juan 17:4, 5?
7 Sa kabila ng nakasusuklam na pagsalansang na naranasan ni Jesus, tinupad niya ang kalooban ng Diyos at nanatiling tapat hanggang sa kamatayan sa pahirapang tulos. Sa gayo’y binayaran niya ang halagang pantubos upang hanguin ang sangkatauhan mula sa nakamamatay na bunga ng kasalanan ni Adan. (Mateo 20:28) Kaya naman, noong gabi ng kaniyang kamatayan, may pagtitiwalang nanalangin si Jesus: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin. Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:4, 5) Nasabi ni Jesus ang mga salitang iyon sa kaniyang makalangit na Ama sapagkat matagumpay niyang hinarap ang pagsusulit at naging kaayaaya sa Diyos.
8. (a) Paano ipinakita ni Pablo na dapat tayong magsulit ng ating sarili sa Diyos na Jehova? (b) Ano ang tutulong sa atin upang sang-ayunan ng Diyos?
8 Di-tulad ng sakdal na taong si Jesu-Kristo, tayo ay di-sakdal. Gayunman, magsusulit tayo sa Diyos. Sinabi ni apostol Pablo: “Bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O bakit mo rin hinahamak ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ng Diyos; sapagkat nasusulat: ‘ “Kung paanong buháy ako,” sabi ni Jehova, “sa akin ay luluhod ang bawat tuhod, at ang bawat dila ay gagawa ng hayagang pagkilala sa Diyos.” ’ Kung gayon nga, ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:10-12) Upang magawa natin ang gayon at sang-ayunan ni Jehova, maibiging pinagkalooban niya tayo kapuwa ng isang budhi at ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, upang gabayan tayo sa ating sinasabi at ginagawa. (Roma 2:14, 15; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang lubusang paggamit ng espirituwal na paglalaan ni Jehova at pagsunod sa ating budhing sinanay sa Bibliya ay tutulong sa atin na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mateo 24:45-47) Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, ay isa pang pinagmumulan ng lakas at patnubay. Kung kikilos tayo na kasuwato ng patnubay ng espiritu at ng pag-akay ng ating budhing sinanay sa Bibliya, ipinakikita natin na hindi natin ‘niwawalang-halaga ang Diyos,’ na sa kaniya tayo dapat na magsulit sa lahat ng ating pagkilos.—1 Tesalonica 4:3-8; 1 Pedro 3:16, 21.
Magsusulit Bilang mga Bansa
9. Sino ang mga Edomita, at ano ang nangyari sa kanila dahil sa naging pagtrato nila sa Israel?
9 Pinapagsusulit ni Jehova ang mga bansa. (Jeremias 25:12-14; Zefanias 3:6, 7) Tingnan ang sinaunang kaharian ng Edom, na nasa gawing timog ng Dagat na Patay at gawing hilaga ng Gulpo ng Aqaba. Ang mga Edomita ay isang bayang Semitiko, malapit na kamag-anak ng mga Israelita. Bagaman ang ninuno ng mga Edomita ay ang apo ni Abraham na si Esau, hindi pinahintulutan ang mga Israelita na dumaan sa Edom sa “lansangan ng hari” samantalang patungo sa Lupang Pangako. (Bilang 20:14-21) Sa paglakad ng mga siglo ang galit ng Edom ay humantong sa walang-awang pagkapoot sa Israel. Sa wakas, pinapagsulit ang mga Edomita sa kanilang pagsulsol sa mga taga-Babilonya na wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (Awit 137:7) Noong ikaanim na siglo B.C.E., ang Edom ay sinakop ng mga hukbo ng Babilonya sa ilalim ni Haring Nabonido, at iyon ay naging tiwangwang, gaya ng iniutos ni Jehova.—Jeremias 49:20; Obadias 9-11.
10. Paano pinakitunguhan ng mga Moabita ang mga Israelita, at paano pinapagsulit ng Diyos ang Moab?
10 Gayundin ang nangyari sa Moab. Ang kahariang Moabita ay nasa gawing hilaga ng Edom at gawing silangan ng Dagat na Patay. Bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, hindi naging mapagpatuloy sa kanila ang mga Moabita, na maliwanag na nagtustos sa kanila ng tinapay at tubig dahil lamang sa pinansiyal na pakinabang. (Deuteronomio 23:3, 4) Inupahan ni Haring Balak ng Moab ang propetang si Balaam upang sumpain ang Israel, at ginamit ang mga babaing Moabita upang maakit sa imoralidad at idolatriya ang mga lalaking Israelita. (Bilang 22:2-8; 25:1-9) Gayunman, hindi pinalampas ni Jehova ang pagkapoot ng Moab sa Israel. Gaya ng inihula, ang Moab ay naging tiwangwang sa kamay ng mga taga-Babilonya. (Jeremias 9:25, 26; Zefanias 2:8-11) Oo, pinapagsulit ng Diyos ang Moab.
11. Ang Moab at Ammon ay naging katulad ng anong mga lunsod, at ano ang ipinakikita ng mga hula sa Bibliya tungkol sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay?
11 Hindi lamang ang Moab kundi maging ang Ammon ay nagsulit sa Diyos. Inihula ni Jehova: “Ang Moab mismo ay magiging gaya ng Sodoma, at ang mga anak ni Ammon ay gaya ng Gomorra, isang dakong pagmamay-ari ng mga kulitis, at isang hukay ng asin, at isang tiwangwang na kaguhuan, maging hanggang sa panahong walang-takda.” (Zefanias 2:9) Nawasak ang mga lupain ng Moab at Ammon, gaya ng pagpuksa ng Diyos sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra. Ayon sa Geological Society of London, sinabi ng mga mananaliksik na natagpuan na ang kinaroroonan ng gumuhong Sodoma at Gomorra sa silangang baybayin ng Dagat na Patay. Anumang matibay na ebidensiya na matutuklasan pa hinggil dito ay susuporta lamang sa mga hula ng Bibliya na nagpapakitang magsusulit din sa Diyos na Jehova ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.—2 Pedro 3:6-12.
12. Bagaman ang Israel ay kinailangang magsulit sa Diyos dahil sa mga kasalanan nito, ano ang inihula tungkol sa Judiong nalabi?
12 Bagaman lubhang kinalugdan ni Jehova ang Israel, ito ay kinailangang magsulit sa Diyos dahil sa mga kasalanan nito. Nang si Jesu-Kristo ay dumating sa bansang Israel, tinanggihan siya ng karamihan. Ang mga nalabi lamang ang sumampalataya at naging kaniyang mga tagasunod. Ikinapit ni Pablo ang ilang hula sa Judiong nalabing ito nang sumulat siya: “Si Isaias ay sumisigaw may kinalaman sa Israel: ‘Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging gaya ng buhangin sa dagat, yaong nalabi ang ililigtas. Sapagkat si Jehova ay gagawa ng pagsusulit sa lupa, na tinatapos ito at pinaiikli ito.’ Gayundin, kung paanong sinabi ni Isaias nang una: ‘Malibang si Jehova ng mga hukbo ang nag-iwan ng isang binhi sa atin, tayo ay naging katulad sana ng Sodoma, at tayo ay ginawang katulad sana ng Gomorra.’ ” (Roma 9:27-29; Isaias 1:9; 10:22, 23) Binanggit ng apostol ang halimbawa ng 7,000 noong panahon ni Elias na hindi yumukod kay Baal, at pagkatapos ay sinabi niya: “Kaya nga sa ganitong paraan, sa kasalukuyang kapanahunan din ay isang nalabi ang lumitaw ayon sa pagpili dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan.” (Roma 11:5) Ang nalabing iyon ay binubuo ng mga taong personal na magsusulit sa Diyos.
Mga Halimbawa ng Personal na Nagsulit
13. Ano ang nangyari kay Cain nang papagsulitin siya ng Diyos dahil sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Abel?
13 Bumabanggit ang Bibliya ng maraming halimbawa ng mga personal na nagsulit sa Diyos na Jehova. Kuning halimbawa ang panganay na anak ni Adan, si Cain. Kapuwa siya at ang kaniyang kapatid na si Abel ay naghandog ng mga hain kay Jehova. Nakalugod sa Diyos ang hain ni Abel, ngunit hindi ang kay Cain. Nang papagsulitin dahil sa malupit na pagpaslang sa kaniyang kapatid, matigas-pusong sinabi ni Cain sa Diyos: “Ako ba ang tagapagbantay ng aking kapatid?” Dahil sa kaniyang kasalanan, si Cain ay itinaboy sa “lupain ng Pagpuga sa silangan ng Eden.” Hindi siya taimtim na nagsisi sa kaniyang krimen, anupat ang ikinalungkot lamang ay ang makatuwirang parusa sa kaniya.—Genesis 4:3-16.
14. Paano inilarawan ang personal na pagsusulit sa Diyos sa kaso ng mataas na saserdoteng si Eli at ng kaniyang mga anak?
14 Ang personal na pagsusulit ng isang tao sa Diyos ay inilarawan din sa kaso ng mataas na saserdote ng Israel na si Eli. Ang kaniyang mga anak, sina Opni at Pinehas, ay naglingkod bilang mga tagapangasiwang saserdote ngunit “nagkasala ng kawalang-katarungan sa mga tao, at ng kawalang-kabanalan sa Diyos, at hindi umiwas sa kabalakyutan,” sabi ng istoryador na si Josephus. Ang “walang-kabuluhang mga lalaking” ito ay hindi kumilala kay Jehova, naging walang-pakundangan, at nagkasala ng malubhang imoralidad. (1 Samuel 1:3; 2:12-17, 22-25) Bilang kanilang ama at mataas na saserdote ng Israel, tungkulin ni Eli na disiplinahin sila, ngunit bahagya lamang na sinaway niya sila. Si Eli ay ‘nagparangal sa kaniyang mga anak nang higit kaysa kay Jehova.’ (1 Samuel 2:29) Pinarusahan ang sambahayan ni Eli. Ang dalawang anak ay namatay nang araw na namatay ang kanilang ama, at nang maglaon ay ganap na pinutol ang kanilang makasaserdoteng angkan. Sa gayon natapos ang pagsusulit.—1 Samuel 3:13, 14; 4:11, 17, 18.
15. Bakit ginantimpalaan ang anak ni Haring Saul na si Jonathan?
15 Ibang-iba naman ang halimbawa ng anak ni Haring Saul na si Jonathan. Di-nagtagal pagkatapos na mapatay ni David si Goliat, “ang mismong kaluluwa ni Jonathan ay napalakip sa kaluluwa ni David,” at sila’y nagpatibay ng isang tipan ng pagkakaibigan. (1 Samuel 18:1, 3) Malamang, napag-unawa ni Jonathan na wala na kay Saul ang espiritu ng Diyos, ngunit hindi nabawasan ang kaniyang sariling sigasig ukol sa tunay na pagsamba. (1 Samuel 16:14) Hindi natinag ang pagpapahalaga ni Jonathan sa bigay-Diyos na awtoridad ni David. Natanto ni Jonathan na siya ay magsusulit sa Diyos, at ginantimpalaan siya ni Jehova sa kaniyang marangal na landasin sa pamamagitan ng pagtiyak na magpapatuloy ang kaniyang angkan sa loob ng mga salinlahi.—1 Cronica 8:33-40.
Magsusulit ang Kristiyanong Kongregasyon
16. Sino si Tito, at bakit masasabi na nakagawa siya ng mabuting ulat ng kaniyang sarili sa Diyos?
16 Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay bumabanggit nang may pagsang-ayon tungkol sa maraming lalaki at babae na nakagawa ng mabuting ulat ng kanilang sarili. Halimbawa, nariyan ang Griegong Kristiyano na nagngangalang Tito. Ipinahiwatig na siya’y naging Kristiyano noong unang paglalakbay misyonero ni Pablo sa Ciprus. Yamang may mga Judio at mga proselita buhat sa Ciprus na naroroon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., maaaring nakarating ang Kristiyanismo sa isla di-nagtagal pagkaraan nito. (Gawa 11:19) Gayunpaman, napatunayang si Tito ay isa sa mga tapat na kamanggagawa ni Pablo. Sinamahan niya sina Pablo at Bernabe sa paglalakbay patungong Jerusalem noong mga 49 C.E., nang mapagpasiyahan ang mahalagang isyu tungkol sa pagtutuli. Ang bagay na di-tuli si Tito ay nakaragdag sa puwersa ng argumento ni Pablo na ang mga nakumberte sa Kristiyanismo ay hindi dapat na sumailalim sa Batas Mosaiko. (Galacia 2:1-3) Ang mahusay na ministeryo ni Tito ay pinatutunayan sa Kasulatan, at pinadalhan pa man din siya ni Pablo ng isang liham na kinasihan ng Diyos. (2 Corinto 7:6; Tito 1:1-4) Maliwanag na hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay sa lupa, si Tito ay patuloy na nakagawa ng mainam na ulat ng kaniyang sarili sa Diyos.
17. Anong ulat ang nagawa ni Timoteo, at paano nakaaapekto sa atin ang halimbawang ito?
17 Si Timoteo ay isa pang masigasig na indibiduwal na nakagawa ng kaayaayang ulat ng kaniyang sarili sa Diyos na Jehova. Bagaman si Timoteo ay may ilang suliranin sa kalusugan, nagpamalas siya ng ‘pananampalatayang walang anumang pagpapaimbabaw’ at ‘nagpaaliping kasama ni Pablo sa ikasusulong ng mabuting balita.’ Kaya naman nasabi ng apostol sa mga kapuwa Kristiyano sa Filipos: “Wala akong sinumang iba na may disposisyon na katulad ng [kay Timoteo] na magmamalasakit nang tunay sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.” (2 Timoteo 1:5; Filipos 2:20, 22; 1 Timoteo 5:23) Sa kabila ng mga kahinaan ng tao at iba pang pagsubok, tayo rin naman ay maaaring magkaroon ng pananampalatayang walang pagpapaimbabaw at makagagawa ng kaayaayang ulat ng ating sarili sa Diyos.
18. Sino si Lydia, at anong saloobin ang ipinamalas niya?
18 Si Lydia ay isang maka-Diyos na babae na maliwanag na nakagawa ng isang mainam na ulat ng kaniyang sarili sa Diyos. Siya at ang kaniyang sambahayan ay kabilang sa mga naunang yumakap sa Kristiyanismo sa Europa dahil sa gawain ni Pablo sa Filipos noong mga 50 C.E. Palibhasa’y isang taal ng Tiatira, si Lydia ay malamang na isang Judiong proselita, subalit maaaring kakaunti ang mga Judio at walang sinagoga sa Filipos. Siya at ang iba pang debotong mga kababaihan ay nagtitipon sa tabi ng ilog nang kausapin sila ni Pablo. Bunga nito, si Lydia ay naging isang Kristiyano at nagpumilit kay Pablo at sa kaniyang mga kasama na manatili sa kaniya. (Gawa 16:12-15) Nananatiling isang pagkakakilanlang tanda ng tunay na mga Kristiyano ang pagkamapagpatuloy na ipinamalas ni Lydia.
19. Dahil sa anong mabubuting gawa kung kaya si Dorcas ay nakapagbigay ng mainam na ulat ng kaniyang sarili sa Diyos?
19 Si Dorcas ay isa pang babae na nakagawa ng mahusay na ulat ng kaniyang sarili sa Diyos na Jehova. Nang mamatay siya, naparoon si Pedro sa Joppe bilang tugon sa kahilingan ng mga alagad na nakatira roon. Si Pedro ay “dinala [ng dalawang lalaking sumundo sa kaniya] sa silid sa itaas; at ang lahat ng mga babaing balo ay humarap sa kaniya na tumatangis at ipinakikita ang maraming panloob na kasuutan at panlabas na kasuutan na ginawa noon ni Dorcas samantalang siya ay kasama nila.” Binuhay-muli si Dorcas. Ngunit aalalahanin ba lamang siya sa kaniyang taimtim na pagkabukas-palad? Hindi. Siya ay isang “alagad” at tiyak na siya mismo ay nakibahagi sa paggawa ng alagad. Ang mga kababaihang Kristiyano sa ngayon ay maaari ring ‘managana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.’ Nalulugod din naman sila na aktibong makibahagi sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian at sa paggawa ng mga alagad.—Gawa 9:36-42; Mateo 24:14; 28:19, 20.
20. Anu-ano ang maaari nating itanong sa ating sarili?
20 Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang mga bansa at mga indibiduwal ay dapat na magsulit sa Soberanong Panginoong Jehova. (Zefanias 1:7) Kung nakaalay tayo sa Diyos, sa gayo’y maitatanong natin sa ating sarili, ‘Paano ko minamalas ang aking bigay-Diyos na mga pribilehiyo at pananagutan? Anong uri ng ulat ang ginagawa ko sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo?’
Ano ang mga Sagot Mo?
◻ Paano mo patutunayan na ang mga anghel at ang Anak ng Diyos ay nagsusulit kay Jehova?
◻ Anu-anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na pinapagsusulit ng Diyos ang mga bansa?
◻ Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa personal na pagsusulit sa Diyos?
◻ Sino ang ilang tao sa ulat ng Bibliya na nakagawa ng mainam na ulat sa Diyos na Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Nakagawa si Jesu-Kristo ng mainam na ulat ng kaniyang sarili sa kaniyang makalangit na Ama
[Larawan sa pahina 15]
Tulad ni Dorcas, ang mga Kristiyanong kababaihan sa ngayon ay gumagawa ng mabuting ulat ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova
[Picture Credit Line sa pahina 13]
The Death of Abel/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.