Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang ang mga kawal ni Saul ay kumain ng karne pati ng dugo, bakit hindi sila pinatay, yamang iyon ang parusa na itinakda ng Batas ng Diyos?
Nilabag ng mga lalaking ito ang batas ng Diyos tungkol sa dugo, ngunit marahil sila’y pinagpakitaan ng awa sapagkat sila’y may paggalang sa dugo, bagaman dapat sanang naging lalong masigasig sila tungkol sa pagpapakita ng gayong paggalang.
Isaalang-alang ang situwasyon. Ang mga Israelita sa ilalim ni Haring Saul at ng kaniyang anak na si Jonathan ay nakikipagdigma sa mga Filisteo. Sa isang pagkakataon nang “ang mga lalaki ng Israel mismo ay nagigipit” sa labanan, padalus-dalos na sumumpa si Saul na ang kaniyang mga tauhan ay hindi dapat kumain hanggang sa magapi ang kaaway. (1 Samuel 14:24) Hindi nagtagal at lumikha ng isang suliranin ang kaniyang sumpa.
Nagtatagumpay noon ang kaniyang mga tauhan sa isang digmaang puspusang ipinaglaban, subalit ang pagpapagal ay nagkakaroon ng nakapipinsalang epekto. Sila’y nagugutom at nahahapo. Ano ang ginawa nila sa sukdulang kalagayang iyon? “Ang bayan ay nagsimulang dumaluhong sa samsam at kumuha ng mga tupa at mga baka at mga guyang baka at pinatay ang mga iyon sa lupa, at kinain ng bayan pati ang dugo niyaon.”—1 Samuel 14:32.
Iyan ay paglabag sa batas ng Diyos tungkol sa dugo, gaya ng sinabi sa kaniya ng ilang tauhan ni Saul: “Narito! Ang mga tao ay nagkakasala laban kay Jehova dahil sa pagkain niyaon pati ng dugo.” (1 Samuel 14:33) Oo, ang Batas ay nagsasabi na pagka pumapatay ng mga hayop, ang dugo ay kailangang patuluin bago kanin ang karne. Walang panatikong utos ang Diyos na patuluin hanggang sa masaid ang dugo. Sa pagkuha ng makatuwirang mga hakbangin ng pagpapatulo, ang kaniyang mga lingkod ay makapagpapakita ng paggalang sa kahulugan ng dugo. (Deuteronomio 12:15, 16, 21-25) Ang dugo ng hayop ay magagamit na isang hain sa dambana, ngunit hindi dapat kanin. Ang sadyang paglabag ay pinarurusahan ng kamatayan, sapagkat ang bayan ng Diyos ay sinabihan: “Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang uri ng laman, sapagkat ang kaluluwa ng bawat uri ng laman ay ang dugo niyaon. Sinumang kumakain niyaon ay puputulin.”—Levitico 17:10-14.
Ang mga kawal ba ni Haring Saul ay kusang lumalabag sa Batas? Sila ba’y nagpapakita ng lubos na pagwawalang-bahala sa batas ng Diyos tungkol sa dugo?—Ihambing ang Bilang 15:30.
Tayo’y hindi dapat manghinuha ng gayon. Sinasabi ng ulat na kanilang ‘pinapatay ang mga hayop sa lupa at kinakain pati ang dugo.’ Kaya marahil sila ay nagtatangka na patuluin ang dugo. (Deuteronomio 15:23) Gayunman, dahil sila’y hapô, nagugutom pa, hindi nila ibinitin ang pinatay na mga hayop at nagbigay ng sapat na panahon upang makatulo ang dugo gaya ng karaniwang ginagawa. Pinatay nila ang mga tupa at mga baka “sa lupa,” na maaaring makapigil sa pagtulo ng dugo. At agad na hiniwa nila ang karne buhat sa pinatay na hayop na maaaring nahihiga sa dugo. Kung gayon, kahit na sumasaisip nila ang pagsunod sa batas ng Diyos, hindi nila isinagawa iyon sa angkop na mga paraan ni ginawa man iyon nang lubusan.
Ang resulta ay “kinain ng bayan pati ang dugo niyaon,” na isang kasalanan. Natanto ito ni Saul at iniutos na isang malaking bato ang pagulungin tungo sa kaniya. Kaniyang inutos sa mga kawal: “Dalhin sa akin, bawat isa sa inyo, ang kaniyang baka at, ng bawat isa, ang kaniyang tupa, at gagawin ninyo ang pagpatay sa dakong ito at ang pagkain, at huwag kayong magkasala laban kay Jehova sa pagkain pati ng dugo.” (1 Samuel 14:33, 34) Sumunod ang nagkasalang mga kawal, at “si Saul ay humayo upang magtayo ng isang dambana kay Jehova.”—1 Samuel 14:35.
Ang pagpatay ng mga hayop na nakapatong sa bato ay marahil nakatulong upang tumulo nang husto ang dugo. Ang karne buhat sa mga hayop ay kakainin malayo sa lugar na pinagpatayan ng hayop. Marahil ay ginamit ni Saul sa dambana ang kaunti buhat sa pinatulong dugo upang humingi ng awa ng Diyos may kaugnayan sa mga nagkasala. Si Jehova ay nagpakita ng awa, waring dahil sa alam niya ang ginawang pagtatangka ng mga kawal bagaman sila’y hapung-hapo at nagugutom. Marahil ay isinaalang-alang din ng Diyos na dahil sa padalus-dalos na pagsumpa ni Saul ay nahulog ang kaniyang mga tauhan sa gayong gipit na kalagayan.
Ang ulat na ito ay nagpapakita na ang isang gipit na kalagayan ay hindi dahilan upang ipagwalang-bahala ang batas ng Diyos. Ito’y dapat ding tumulong sa atin na makita ang pangangailangan ng maingat na pag-iisip bago manumpa, sapagkat ang isang padalus-dalos na panata ay maaaring pagmulan ng mga suliranin para sa atin at sa iba pa.—Eclesiastes 5:4-6.