Ikinakapit Mo Ba ang Iyong Natutuhan sa Serye ng 2001 na mga Pansirkitong Asamblea?
1 Katatapos pa lamang nating makumpleto ang serye ng pansirkitong asamblea para sa 2001, na may temang, “Ibigin ang Diyos—Hindi ang mga Bagay ng Sanlibutan,” salig sa 1 Juan 2:15-17. Natatandaan mo ba ang mga pangunahing punto sa programa? Paano mo ikinapit ang payo sa iyong sarili o bilang isang pamilya? Ang sumusunod ay isang repaso ng ilang bahagi ng programa at kung paano magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa atin.
2 “Ang Pag-ibig sa Diyos ay Gumaganyak sa Atin sa Ating Ministeryo”: Ang pahayag na ito noong Sabado ng umaga ay nagpapakita na, bagaman ang pag-ibig sa kapuwa at ang pagkatakot sa Diyos ay mga salik na gumaganyak para sa ating ministeryo, ang pag-ibig kay Jehova ang pinakamakapangyarihang tagapagganyak. Ang pag-ibig kay Jehova ay tumutulong sa atin upang mapagtagumpayan ang mga negatibong damdamin, kagaya ng pagkamahiyain, pagkatakot sa tao, o anumang iba pang hadlang sa ating pangangaral nang may katapangan. (Gawa 4:29, 31) Ang gayong pag-ibig ang nagpapakilos sa atin na mag-auxiliary pioneer o mag-regular pioneer kung kaya natin, at nag-uudyok sa atin na magpatotoo nang di-pormal sa lahat ng nakakausap natin. Mahalaga na palaguin natin ang ating pag-ibig kay Jehova upang hindi ito maglaho kailanman.—Apoc. 2:4.
3 “Mga Umiibig kay Jehova, Kapootan ang Masama”: Ang pahayag na ito noong Sabado ng hapon, salig sa Awit 97:10, ay nagpapakita na dahil sa minanang di-kasakdalan at panggigipit ng sanlibutan ni Satanas, kadalasang mas madaling ibigin ang masama kaysa sa kapootan ito at ibigin ang mabuti. Gayunman, ang ating kaugnayan sa Diyos ay depende sa pagkapoot natin sa kaniyang kinapopootan. (Kaw. 6:16-19) Hindi lamang natin kailangang kapootan kung ano ang talagang balakyot kundi maging ang mapandayang mga bagay, tulad ng labis na pagkagumon sa alkohol, di-maibiging pakikitungo sa ating asawa o mga anak, di-mahinhing pananamit, at nakapipinsalang paglilibang.
4 “Itaguyod ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig”: Ang pahayag na ito, salig sa 1 Corinto 12:31 hanggang 13:8, ay nagdiin na, kung walang pag-ibig, lahat ng iba pang mga kaloob at mga kakayahan na maaaring taglay natin ay walang kabuluhan. Ito ay totoo lalo na sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa mga kongregasyon. Kaya tayo ay pinaaalalahanan na matiyagang pagtiisan ang mga di-kasakdalan ng iba, iwasan ang pagkamakasarili at paligsahan, at huwag magkalat ng nakapipinsalang tsismis. Ang pag-ibig ay gumaganyak sa atin na manatiling matapat sa organisasyon ng Diyos at ito ang nagpapakilala sa atin bilang mga alagad ni Kristo.—Juan 13:34, 35.
5 “Mga Bagay na Nasa Sanlibutan—Paano Natin Minamalas ang mga Ito?”: Ang simposyum na ito noong Linggo ng umaga ay sumaklaw sa tatlong punto ng 1 Juan 2:15-17: (1) “Ang pagnanasa ng laman,” na maaaring maging sanhi upang tayo ay gumugol ng malaking panahon sa paglilibang at pag-aaliw. Kagaya ng mag-asawa sa pagtatanghal, repasuhin natin ang paggamit ng ating panahon at tingnan kung ang ating buhay ay maaaring gawing simple upang unahin ang mga kapakanan ng Kaharian. (2) “Ang pagnanasa ng mga mata” ay madaling magligaw sa atin, kung paanong nailigaw si Eva. Pinatitindi ng mga mata ang hinahangad ng ating puso. Kailangan tayong magbantay laban sa pagnanasa sa materyal na mga bagay anupat tayo ay nababaon sa utang upang makamtan ang mga ito. (3) “Ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” Ito ay maaaring maipakita sa pamamagitan ng pagpapasikat sa may-pangalang mga kasuutan o pagnanais ng mamahaling mga bagay. Kaya makabubuting suriin ang ating sarili upang makita kung ating inuuna ang paglilingkod sa Diyos.
6 “Ang Pagiging Hindi Bahagi ng Sanlibutan ay Nagsasanggalang sa Atin”: Ipinakikita ng 2 Corinto 6:14-17 kung paanong ang ilang paniniwala at mga kaugalian ay maaaring magpangyari na tayo ay hindi maging kalugud-lugod sa Diyos. Ang pahayag na ito noong Linggo ay nagpakita na ang ating pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay nagpapanatili sa ating buhay na maging simple at malaya sa pagiging masalimuot. Ipinagsasanggalang ng ating neutral na posisyon ang pagkakaisa ng organisasyon. Ang pagiging abala sa pangangaral at pagtuturo ay isa ring sanggalang sa atin. Tayo ay naipagsasanggalang mula sa pisikal na mga sakit na maaaring idulot ng imoralidad, paggamit ng droga, at tabako. Tayo ay naipagsasanggalang din sa kaisipan ng apostata, na maaaring lumason sa atin sa espirituwal na paraan.—Deut. 29:18.
7 “Ang Banal na mga Pangako sa mga Umiibig sa Diyos”: Ang huling pahayag na ito ay nagpakita na ang ipinangakong mga pagpapala ni Jehova ay nagdaragdag ng kasiyahan sa ating ginagawa bawat araw. Sa paghahasik nang sagana tayo ay nag-aani ng saganang mga pagpapala sa pagkakaroon ng mga karanasan at ibayong kagalakan. (2 Cor. 9:6) Kung tayo ay bukas-palad at sumusuporta sa pambuong daigdig na gawain ng Samahan at sa mga nangangailangan, gagantimpalaan tayo ni Jehova ng mga pagpapala.—Mal. 3:10.
8 Umaasa kami na ang pagrerepasong ito ay magpapasigla sa lahat upang hindi lamang maging mga tagapakinig, kundi mga tagatupad din ng ating mga napakinggan sa pansirkitong asamblea.—Sant. 1:22.