Mga Buhay na Nawasak, Mga Buhay na Nasawi
“ANG mga droga ay tulad ng mga maso,” sabi ni Dr. Eric Nestler. Totoo, ang isang dosis ng kimikal na mga masong ito ay maaaring nakamamatay. “Halimbawa, nalalaman na ang crack cocaine ay pumapatay ng mga tao sa kanilang unang paggamit nito,” ang paliwanag ng aklat na Drugs in America.
Ang kausuhan ng sintetik na mga droga ay maaaring gayundin kapanganib. “Ang mapaniwalaing mga kabataan na bumibili ng droga sa isang ‘rave’ parti ay maaaring walang kaalam-alam sa kung ano ang maaaring gawin ng kimikal na halo sa kanilang mga utak,” babala ng World Drug Report ng United Nations. Gayunman, para sa karamihan ng mga kabataan, ang pagbaba sa kalaliman ng pagkasugapa sa droga ay dahan-dahan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa.
“Isang Pagtakas sa Katotohanan”
Si Pedro,a isa sa siyam na magkakapatid, ay ipinanganak sa isang marahas na lugar sa lunsod ng Córdoba, Espanya. Ang kaniyang pagkabata ay traumatiko dahil sa alkoholismo ng kaniyang tatay. Nang si Pedro ay 14, pinasubok siya ng kaniyang pinsan ng hashish. Sa loob ng isang buwan, nagumon na siya.
“Ang paggamit ng droga ay isang libangan,” sabi ni Pedro, “isang pagtakas sa katotohanan, at isang paraan upang maging miyembro ng grupo. Sa edad na 15, sinimulan kong dagdagan ang hashish ng LSD at ng mga amphetamine o pampasigla. LSD ang paborito kong droga, at upang makakuha ng perang pambili nito, ako’y naging isa na nagtutulak ng droga, isang maliit na negosyante ng droga. Ang pangunahing ilegal na ibinebenta ko ay hashish. Minsan, pagkatapos na masobrahan ako ng dosis ng LSD, hindi ako nakatulog sa buong magdamag, at para akong mababaliw. Natakot ako sa karanasang ito. Napagwari ko na kung patuloy akong gagamit ng droga, mauuwi ako alinman sa bilangguan o sa kamatayan. Subalit isinaisang-tabi ng matinding paghahangad para sa droga ang takot na ito. Lubha akong nalulong sa LSD at kinailangan ang mas maraming droga upang malango ako. Sa kabila ng nakatatakot na mga epekto pagkatapos, hindi ako makahinto. Hindi ko alam kung paano tatakas.
“Mahal ang LSD, kaya natuto akong magnakaw sa mga tindahan ng alahas, manghablot ng mga handbag mula sa mga turista, at magnakaw ng mga relo at pitaka sa mga nagdaraan. Sa gulang na 17, ako’y naging isang kilalang negosyante ng droga sa aming bayan, at kung minsan ako’y sumasama pa sa armadong pagnanakaw. Ako’y binansagang el torcido na nangangahulugang ‘ang pilipit,’ dahil sa aking reputasyon sa aming lugar bilang isang marahas na kriminal.
“Kapag sinamahan mo ang droga ng alak, nagbabago ang iyong personalidad, kadalasan ay nagiging marahas. At ang paghahangad mo ng higit pang droga ay napakatindi anupat lubusang nadaraig nito ang iyong budhi. Ang buhay ay nagiging parang roller coaster, at ikaw ay nabubuhay upang malango mula sa paggamit ng mga droga.”
“Nasangkot sa Droga”
Si Ana, ang asawa ni Pedro, ay lumaki sa Espanya sa isang mabuting pamilya. Nang siya ay 14, nakilala ni Ana ang ilang lalaki mula sa kalapit na paaralan na humihitit ng hashish. Sa simula, nakayamot sa kaniya ang kanilang kakatwang paggawi. Subalit si Rosa, isa sa mga kaibigang babae ni Ana, ay nagkagusto sa isa sa mga batang lalaki. Kinumbinsi ng lalaki si Rosa na ang paghitit ng hashish ay hindi makapipinsala at na masisiyahan siya rito. Kaya sumubok si Rosa at saka ibinigay ang sigarilyo kay Ana.
“Nagbigay ito sa akin ng magandang pakiramdam, at sa loob ng ilang linggo, humihitit na ako ng hashish araw-araw,” sabi ni Ana. “Pagkaraan ng isang buwan o mahigit pa, hindi na ako nasisiyahan sa hashish, kaya nagsimula akong gumamit ng mga amphetamine gayundin humitit ng hashish.
“Di-nagtagal, kami ng mga kaibigan ko ay lubusang nasangkot sa droga. Magkukuwentuhan kami hinggil sa kung sino ang makaiinom ng pinakamaraming droga nang walang anumang masamang epekto at kung sino ang nalango nang husto. Unti-unti, ibinukod ko ang aking sarili mula sa normal na daigdig, at bihira akong pumasok sa paaralan. Hindi na nakasisiya sa akin ang hashish at mga amphetamine, kaya nagsimula akong magturok sa aking sarili ng isang deribatibo ng morpina na nakuha ko mula sa iba’t ibang botika. Kung tag-init ay nagtutungo kami sa walang-bubong na mga konsiyertong rock, kung saan laging madaling makakuha ng mga drogang gaya ng LSD.
“Isang araw, nahuli ako ng nanay ko na humihitit ng hashish. Sinikap ng aking mga magulang ang pinakamabuting magagawa nila upang ingatan ako. Sinabi nila sa akin ang tungkol sa mga panganib ng droga, at tiniyak nila sa akin ang kanilang pag-ibig at pagmamalasakit. Subalit minalas ko ang kanilang mga pagsisikap bilang panghihimasok sa aking buhay. Nang ako’y 16, nagpasiya akong umalis ng bahay. Nakisama ako sa isang grupo ng mga kabataang palabuy-laboy sa buong Espanya na nagtitinda ng gawang-kamay na mga kuwintas at gumagamit ng droga. Pagkalipas ng dalawang buwan, nadakip ako ng pulis sa Málaga.
“Nang ibigay ako ng mga pulis sa aking mga magulang, mainit nila akong tinanggap, at nahiya ako sa aking ginawa. Umiyak ang aking tatay—isang bagay na hindi ko kailanman nakitang ginawa niya noon. Ikinalulungkot kong saktan sila, subalit hindi sapat ang nararamdaman kong matinding pagsisisi upang pahintuin ako sa droga. Patuloy akong gumamit ng droga araw-araw. Kapag hindi lango, naiisip ko kung minsan ang mga panganib—subalit hindi naman matagal.”
Tagalatag ng Ladrilyo na Naging Ilegal na Negosyante ng Droga
Si José, isang palakaibigang tao na may sariling pamilya, ay gumugol ng limang taon sa ilegal na pangangalakal ng cannabis mula sa Morocco patungong Espanya. Paano siya nasangkot dito? “Habang ako’y nagtatrabaho bilang isang tagalatag ng ladrilyo, isang kasama sa trabaho ang nagsimulang mangalakal ng droga nang ilegal,” paliwanag ni José. “Yamang kailangan ko ng pera, naisip ko sa aking sarili, ‘Bakit hindi ko rin gawin ito?’
“Madaling bumili ng cannabis sa Morocco—sa daming hanggang sa makakaya ko. Mayroon akong speedboat na madaling makaiiwas sa pulisya. Minsang maihatid ko na ang droga sa Espanya, ipinagbibili ko ito nang maramihan, mga 600 kilo kung minsan. Mayroon lamang akong tatlo o apat na kliyente, at kinukuha nila ang lahat ng droga na maisusuplay ko sa kanila. Bagaman nagmamatyag ang mga pulis, nakapapasok din ang droga. Mas mahusay ang mga kagamitan naming mga ilegal na negosyante ng droga kaysa sa mga pulis.
“Napakadali kong magkapera. Ang isang paglalakbay mula sa Espanya patungong Hilagang Aprika ay mapagkakakitaan sa pagitan ng $25,000 at $30,000. Nang maglaon, 30 lalaki na ang nagtatrabaho sa akin. Hindi ako kailanman nahuli sapagkat nagbayad ako sa isang impormante upang mag-abiso sa akin kung sinusubaybayan ang aking operasyon.
“Kung minsan ay naiisip ko ang tungkol sa maaaring gawin ng lahat ng drogang ito sa iba, subalit kinumbinsi ko ang aking sarili na ang cannabis ay isang mahinang droga na hindi pumapatay nang sinuman. Yamang kumikita ako ng maraming pera, talagang hindi ko na gaanong pinag-isipan ito. Sa ganang sarili ko, hindi ako kailanman gumamit ng droga.”
Ang Iyong Pera at ang Iyong Buhay!
Gaya ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, kontrolado ng droga ang buhay ng mga tao. Minsang magumon, ang pagtakas ay mahirap at traumatiko. Gaya ng binabanggit ng aklat na Drugs in America, “sa Old West, iwinawasiwas ng mga bandido ang mga baril sa mukha ng kanilang mga biktima at hinihiling nila, ‘Ang iyong pera o ang iyong buhay.’ Masahol pa sa sinaunang mga bandido ang ilegal na droga. Kinukuha nito kapuwa ang pera at ang buhay.”
May makapagpapahinto ba sa mapangwasak na droga? Susuriin ng susunod na artikulo ang ilang lunas.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan sa seryeng ito ay binago.
[Blurb sa pahina 8]
“Sa Old West, iwinawasiwas ng mga bandido ang mga baril sa mukha ng kanilang mga biktima at hinihiling nila, ‘Ang iyong pera o ang iyong buhay.’ Masahol pa sa sinaunang mga bandido ang ilegal na droga. KINUKUHA NITO KAPUWA ANG PERA AT ANG BUHAY”
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
TATANGGI BA ANG IYONG ANAK SA DROGA?
SINONG MGA TIN-EDYER ANG MAS NANGANGANIB?
a. Yaong gustong magpakita na sila’y hindi umaasa sa iba at handang sumuong sa mga panganib.
b. Yaong may kaunting interes sa pampaaralan o espirituwal na mga tunguhin.
c. Yaong mga nakikita ang kanilang mga sarili na hindi kasundo ng lipunan.
d. Yaong mga walang malinaw na ideya sa kung ano ang tama at kung ano ang mali.
e. Yaong nakadarama ng kawalan ng alalay ng magulang at hinihimok ng mga kaibigan na gumamit ng droga. Napansin ng mga nag-imbestiga na “ang kalidad ng kaugnayan ng tin-edyer sa kaniyang mga magulang ay waring siyang pinakamabuting salik sa pag-iingat laban sa paggamit ng droga.”—Idinagdag ang italiko.
PAANO MO MAIINGATAN ANG IYONG MGA ANAK?
a. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang malapit na kaugnayan at maayos na pakikipag-usap sa kanila.
b. Sa pamamagitan ng pagkikintal sa kanilang isipan ng malinaw na ideya ng tama at mali.
c. Sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na magkaroon ng tiyak na mga tunguhin.
d. Sa pamamagitan ng pagpapadama sa kanila na sila’y bahagi ng isang maibiging pamilya at ng mapagmahal na komunidad.
e. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila tungkol sa mga panganib ng pag-abuso sa droga. Maliwanag na kailangang malaman ng mga bata kung bakit dapat nilang tanggihan ang droga.
[Credit Line]
Pinagkunan: United Nations World Drug Report
[Larawan sa pahina 9]
Nasamsam na droga sa Gibraltar
[Credit Line]
Courtesy of Gibraltar Police
[Larawan sa pahina 10]
Mayroon akong speedboat na gaya ng isang ito, na madaling makaiiwas sa pulis
[Credit Line]
Courtesy of Gibraltar Police
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Godo-Foto