Ikaw ba ay Lubos na Sumusunod kay Jehova?
“ANG mga matuwid ay matapang na parang batang leon.” (Kawikaan 28:1) Sila’y may pananampalataya, may pagtitiwalang umaasa sa Salita ng Diyos, at humahayo sa may katapangang paglilingkuran kay Jehova sa harap ng anumang panganib.
Samantalang ang mga Israelita ay nasa Sinai matapos na sila’y iligtas ng Diyos buhat sa pagkaalipin sa Ehipto noong ika-16 na siglo B.C.E., dalawang lalaki lalo na ang nagpakita na sila’y parang mga leon kung sa katapangan. Sila’y nagpamalas din ng katapatan kay Jehova sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Isa na sa mga lalaking ito ang Ephraimitang si Josue, na tagapaglingkod kay Moises at nang malaunan ay hinirang na kaniyang kahalili. (Exodo 33:11; Bilang 13:8, 16; Deuteronomio 34:9; Josue 1:1, 2) Ang isa pa ay si Caleb, ang anak ni Jephone ng tribo ng Juda.—Bilang 13:6; 32:12.
Si Caleb ay may katapatan at masigasig na ginawa ang kalooban ni Jehova. Ang kaniyang mahabang buhay ng tapat na paglilingkuran sa Diyos ang nagpapangyari sa kaniya na sabihing siya’y ‘lubusang sumunod kay Jehova.’ (Josue 14:8) “Ako’y lubusang tapat sa PANGINOON, na aking Diyos,” ang sinasabi ng The New American Bible. Si Caleb ay “buong katapatang sumunod,” o “may katapatang isinagawa ang layunin ng,” Diyos na Jehova. (Today’s English Version; The New English Bible) Sa isa pang paraan, ipinahayag ni Caleb: “Ako . . . ay sumunod sa PANGINOON na aking Diyos nang buong-puso.” (New International Version) Kumusta ka naman? Ikaw ba ay lubusang sumusunod kay Jehova?
Paniniktik sa Lupain
Gunigunihin ang iyong sarili na kasama ng mga Israelita hindi pa nagtatagal pagkatapos na palayain sila ni Jehova buhat sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo. Masdan kung papaano may katapatang sinunod ni propeta Moises ang bigay-Diyos na mga tagubilin. Oo, at pansinin ang pagtitiwala ni Caleb na si Jehova ay sumasa-Kaniyang bayan.
Noon ang ikalawang taon pagkatapos ng Exodo (paglabas) sa Ehipto, at ang mga Israelita ay nagkampamento sa Kadesh-barnea sa ilang ng Paran. Sila’y nakapuwesto na sa hangganan ng Lupang Pangako. Sa pag-uutos ng Diyos, halos magsusugo na lamang si Moises ng 12 tiktik sa Canaan. Siya’y nagsasabi: “Sumampa kayo rito sa Negeb, at umakyat kayo sa kabundukan. At tingnan ninyo ang lupain kung ano at ang bayan na tumatahan doon, kung sila’y malakas o mahina, kung sila’y kaunti o marami; at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama, at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento o sa mga nakukutaan; at kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong mga punungkahoy o wala. At ipakikita ninyong kayo’y matatapang at magdala kayo rito ng bunga ng lupain.”—Bilang 13:17-20.
Ang 12 lalaki ay nagsimula sa kanilang mapanganib na paglalakbay. Ang kanilang panggagalugad ay tumagal ng 40 araw. Sa Hebron sila’y nakakita ng mga taong pagkálalaki. Sa libis ng Eshcol, napansin nila ang katabaan ng lupa at minabuti nilang mag-uwi ng ilang mga bunga roon. Pagkabigat-bigat ang isang kumpol ng ubas kung kaya kailangang pasanin sa isang pingga ng dalawang lalaki!—Bilang 13:21-25.
Sa pagbabalik sa kampamento ng mga Israelita, ang mga tiktik ay nag-ulat: “Kami ay dumating sa lupaing pinapuntahan mo sa amin, at ito’y tunay na binubukalan ng gatas at pulot, at ito ang bunga niyaon. Gayunman, ang totoo ang mga taong tumitira sa lupaing yaon ay malalakas, at ang nakukutaang mga lunsod ay pagkálalaki; at, gayundin, aming nakita roon ang mga supling ni Anak. Ang mga Amalekita ay tumatahan sa lupain ng Negeb, at ang mga Hetheo at ang mga Jebuseo at ang mga Amorrheo ay tumatahan sa kabundukan, at ang mga Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat at sa mga pampang ng Jordan.” (Bilang 13:26-29) Sampung tiktik ang hindi handang tumanggap sa mga utos ng Diyos at lumusob sa Lupang Pangako.
“Si Jehova ay Sumasaatin”
Gayunman, taglay ang pananampalataya sa Diyos na Jehova, ang matapang na tiktik na si Caleb ay nanghimok: “Tayo’y umakyat na tuwiran at ating ariin iyon, sapagkat kaya nating lupigin iyon.” Subalit ang sampung tiktik ay tumanggi, at sinabing ang mga tao sa Canaan ay mas malalakas kaysa mga Israelita. Ang nahihintakutan at walang-pananampalatayang mga tiktik ang may akalang sila’y hamak na mga balang kung ihahambing.—Bilang 13:30-33.
“Si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila,” ang himok ni Caleb at ni Josue. Ang bayan ay tumangging makinig sa mga salita nila. Nang mag-usap-usap na ang bayan upang pagbabatuhin sila, nakialam na ang Diyos at hinatulan ang mga reklamador: “Hindi kayo papasok sa lupaing isinumpa ko upang tahanan ninyo, maliban kay Caleb na anak ni Jephone at kay Josue na anak ni Nun. At ang inyong mumunting mga bata . . . ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong tinanggihan. . . . At ang inyong mga anak ay magiging mga pastol sa ilang nang may apatnapung taon, . . . hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang. Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, sa bawat araw ay isang taon, apatnapung taon na inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan.”—Bilang 14:9, 30-34.
Mga Tapat Pa Rin Makalipas ang mga Taon
Ang 40-taóng sentensiya ay natapos, at nangamatay ang isang buong salinlahi ng mga reklamador. Subalit sina Caleb at Josue ay tapat pa rin sa Diyos. Sa kapatagan ng Moab, binilang ni Moises at ng Mataas na Saserdote na si Eleazar ang mga lalaking nasa edad ng pagsusundalo na 20 taóng gulang at pataas. Ang Diyos ay humirang ng isang lalaki buhat sa bawat tribo ng Israel na pagkakatiwalaan ng paghahati-hati sa Lupang Pangako. Kabilang roon sina Caleb, Josue, at Eleazar. (Bilang 34:17-29) Bagaman ngayon ay 79 na taóng gulang na, si Caleb ay malakas pa, tapat, at matapang.
Nang bilangin ni Moises at ni Aaron ang mga mamamayan sa Sinai kaunting panahon lamang bago sila nahihintakutan na tumangging pumasok sa lupain ng Canaan, ang mga kawal ng Israel ay may bilang na 603,550. Makalipas ang apatnapung taon sa ilang, lumiit ang hukbo hanggang sa maging 601,730. (Bilang 1:44-46; 26:51) Subalit, ngayong si Josue na ang nangunguna sa kanila at naroong kasama nila ang tapat na si Caleb, ang mga Israelita ay pumasok sa Lupang Pangako at sunud-sunod ang naging tagumpay nila. Gaya nang sa tuwina’y inasahan ni Josue at ni Caleb, si Jehova ay nananagumpay noon ng mga labanan ukol sa kaniyang bayan.
Sa pagtawid sa Ilog Jordan kasama ang mga kawal ng Israel, ang matanda nang si Josue at si Caleb ay bumalikat ng kanilang mga pananagutan sa sumunod na mga labanan. Gayunman, makaraan ang anim na taon na pakikidigma, malawak na lupain pa ang kailangang sakupin. Palalayasin ni Jehova ang mga naninirahan doon ngunit ngayon ay iniutos na ang lupain ay baha-bahagihin sa pamamagitan ng pagsasapalaran para sa mga tribo ng Israel.—Josue 13:1-7.
Siya’y Lubos na Sumunod kay Jehova
Bilang isang beterano ng maraming labanan, si Caleb ay nakatayo sa harap ni Josue at nagsasabi: “Ako’y may apatnapung taon nang suguin ako ni Moises na lingkod ni Jehova mula sa Kadesh-barnea upang tiktikan ang lupain, at aking dinalhan siya ng sagot na gaya ng nasa aking puso. Gayunman ay pinapanlumo ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan; ngunit sa ganang akin, ako’y lubos na sumunod kay Jehova na aking Diyos.” (Josue 14:6-8) Oo, si Caleb ay sumunod na lubusan kay Jehova, may katapatang ginawa ang kalooban ng Diyos.
“Kaya naman,” isinusog ni Caleb, “Si Moises ay sumumpa nang araw na yaon, na nagsasabi, ‘Ang lupain na tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang mana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman, sapagkat sumunod kang lubos kay Jehova na aking Diyos.’ At ngayon, narito, iningatan akong buháy ni Jehova, gaya ng kaniyang sinalita, nitong apatnapu’t limang taon mula nang salitain ni Jehova ang salitang ito kay Moises samantalang lumalakad ang Israel sa ilang, at ngayon narito, sa araw na ito ako’y may walumpu’t limang taon na. Gayunma’y malakas pa ako sa araw na ito na gaya ng araw na suguin ako ni Moises. Kung papaano nga ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon sa pakikidigma, at gayundin sa paglalabas-pumasok. At ngayon ay ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinalita ni Jehova nang araw na yaon, sapagkat iyong nabalitaan nang araw na yaon kung papaanong naroon ang mga Anakim at ang mga bayang malalaki at nakukutaan. Marahil ay sasaakin si Jehova, at akin silang maitataboy, gaya ng ipinangako ni Jehova.” Ngayon ay nakamit na ni Caleb ang Hebron bilang isang mana.—Josue 14:9-15.
Ang matanda nang si Caleb ang tumanggap ng pinakamahirap na atas—isang rehiyon na punô ng mga taong may pambihirang laki. Subalit ito’y hindi gaanong mahirap para sa 85-taóng-gulang na mandirigmang ito. Nang dumating ang panahon ang mga maton na naninirahan sa Hebron ay nagapi. Si Othniel, na anak ng nakababatang kapatid na lalaki ni Caleb at isang hukom ng Israel, ang sumakop sa Debir. Ang dalawang siyudad na iyan ay nang malaunan inokupahan ng mga Levita, at ang Hebron ay naging isang siyudad na kanlungan para sa isang nakamatay nang di-sinasadya.—Josue 15:13-19; 21:3, 11-16; Hukom 1:9-15, 20.
Laging Sumunod na Lubusan kay Jehova
Sina Caleb at Josue ay mga taong di-sakdal. Gayunpaman, sila’y naging tapat sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Ang kanilang pananampalataya ay hindi nanghina sa 40 taon ng kahirapan nila sa ilang na resulta ng hindi pagsunod ng Israel sa Diyos. Gayundin, hindi pinapayagan ng modernong mga lingkod ni Jehova na ang anuman ay makahadlang sa kanilang paglilingkod sa ikapupuri ng Diyos. Palibhasa’y alam nila na may labanan ngayon sa pagitan ng organisasyon ng Diyos at ng kay Satanas na Diyablo, sila ay matatag, walang-pagbabagong nagsisikap na palugdan ang kanilang Ama sa langit sa lahat ng bagay.
Halimbawa, marami sa mga lingkod ni Jehova ang dumanas ng marahas na trato at maging ng kamatayan upang maipagdiwang lamang ang Hapunan ng Panginoon, o Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. (1 Corinto 11:23-26) Sa bagay na ito isang babaing Kristiyano na kinulong sa isang concentration camp sa Germany noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II ang nag-ulat:
“Lahat ay sinabihan na sila’y dapat naroon sa laundry ng ika-11 n.g. Eksakto sa ganap na ika-11 n.g. kami ay natipon na, 105 ang bilang. Kami’y nakatayong malapit sa isa’t isa sa isang bilog, sa gitna [nito ay naroon ang] isang tuntungan ng paa may takip na maputing tela na kinalalagyan ng mga emblema. Isang kandila ang ilaw sa silid, yamang ang ilaw na de koryente ay maaaring maging sanhi ng paghuli sa amin. Kami’y tulad ng sinaunang mga Kristiyano sa mga katakumba. Iyon ay isang banal na piging. Muling binigkas namin ang aming matinding mga panata sa ating Ama na gamitin ang lahat ng aming lakas para sa pagbabangong-puri sa kaniyang banal na pangalan, manatiling tapat sa Teokrasya.”
Sa kabila ng mga pagsubok sa atin bilang pinag-uusig na mga lingkod ni Jehova, tayo’y makaaasa sa bigay-Diyos na lakas upang makapaglingkod sa kaniya nang buong-tibay ng loob at dalhan ng karangalan ang kaniyang banal na pangalan. (Filipos 4:13) Sa pagsisikap nating palugdan si Jehova, makabubuting alalahanin si Caleb. Ang kaniyang halimbawa sa pagsunod na lubusan kay Jehova ay nakapagbigay ng matinding impresyon sa isang binata na pumasok sa buong-panahong gawaing pangangaral noon pang 1921. Siya’y sumulat:
“Bagaman ang pagiging isang payunir ay nangangahulugang paghinto sa aking maginhawang trabaho sa isang modernong palimbagan sa Coventry [Inglatera], hindi ko pinagsisihan iyon. Nilutas na ng aking pag-aalay ang suliranin; ang aking buhay ay nakaalay sa Diyos. Natandaan ko si Caleb, na pumasok sa Lupang Pangako kasama ni Josue at tungkol sa kaniya ay sinabi, ‘Siya’y lubos na sumunod kay Jehova.’ (Josue 14:8) Waring iyan nga ang sa akin ay kanais-nais na saloobin. Batid ko na sa ‘lubos’ na paglilingkod sa Diyos ay magiging lalong mahalaga ang aking inialay na buhay; ito’y magbibigay sa akin ng lalong malaking pagkakataon na magkaroon ng bunga na tanda ng isang Kristiyano.”
Si Caleb ay tiyak na pinagpala sa may katapatang lubusang pagsunod kay Jehova, laging sinisikap na gawin ang kalooban ng Diyos. Tulad niya, ang iba ay nagkaroon ng malaking kagalakan at ng saganang mga pagpapala sa paglilingkod sa Diyos. Harinawang iyan ang maging iyong karanasan bilang isang taong patuluyang sumusunod na lubusan kay Jehova.
[Larawan sa pahina 26]
Sina Caleb at Josue ay naging tapat kay Jehova sa ilalim ng pagsubok. Ikaw ba’y ganoon din?