Pahalagahan ang Ating mga Dako ng Pagsamba
1-3. Ano ang nag-uudyok sa mga mananamba ni Jehova na mag-abuloy para sa kanilang mga dako ng pagsamba? Magbigay ng halimbawa.
1 Halos 50 taon na siyang masigasig na naglilingkod. Kahit medyo may edad na at mahina, determinado siyang pumunta sa bagong-tayong Kingdom Hall. Akay-akay ng isang brother, pumasok siya at dumeretso sa kaniyang pakay—ang kahon ng kontribusyon. Inihulog niya roon ang di-kalakihang halaga na pinag-ipunan niya. Hindi man siya nakatulong sa aktuwal na pagtatayo ng Kingdom Hall, gusto pa rin niyang sumuporta.
2 Maaalaala natin ang “dukhang babaing balo” na nakita ni Jesus na naghulog ng dalawang maliit na barya sa kabang-yaman ng templo. Sinabi ni Jesus na ang munting kaloob niyang iyon ay katumbas ng “lahat ng taglay niya, ang kaniyang buong ikabubuhay.”—Mar. 12:41-44.
3 Ano ang nag-udyok sa dalawang babaing ito na mag-abuloy? Ang pagpapahalaga nila sa dako ng pagsamba na inilaan ni Jehova. Maliit man ang abuloy nila, kitang-kita ni Jehova ang malaking pagpapahalaga nila sa kaniyang dako ng pagsamba. Ganiyan din ang pagpapahalaga ni Haring David. Sa Awit 27:4 sinabi niya: “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova—ito ang hahanapin ko, na ako ay makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, . . . at tumingin nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.” Ipinakita niya ang pagpapahalagang iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking kontribusyon sa pagtatayo ng templo.
4. Sa anu-anong paraan natin maipapakita ang pagpapahalaga natin sa ating Kingdom Hall?
4 Ipakita ang Iyong Pagpapahalaga: Maraming paraan para ipakita ang pagpapahalaga sa ating mga Kingdom Hall. Makikita ito sa ating pananamit kapag dumadalo sa pulong, sa mainam na paggawi sa panahon ng pulong, at sa pakikibahagi sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Gayunman, ang pagbibigay ng pinansiyal na kontribusyon ay matagal nang bahagi ng ating tunay na pagsamba. Isang paraan ito para ipakita ang ating pagpapahalaga sa mga kaloob ni Jehova. Ang ganitong pagbibigay ay laging nagdudulot ng malaking kagalakan.—1 Cro. 29:9.
5. Ano ang dalawang kaayusan na ginawa ng Lupong Tagapamahala para sa pagtatayo ng presentableng mga Kingdom Hall?
5 Ayon sa simulain ng Bibliya sa boluntaryong pagbibigay, noong dekada ng 1980, naglaan ng walang-interes na mga loan sa Pilipinas para makapagpatayo ng bagong mga Kingdom Hall. Daan-daang bagong Kingdom Hall ang naitayo sa ilalim ng kaayusang ito. At noong 1999, gumawa ang Lupong Tagapamahala ng isang programa. Ang mga pondo mula sa mayayamang bansa ay idaragdag sa pondo ng mga bansang limitado ang kakayahan o pananalapi para maipampatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lugar na iyon. Mula noong 2001, nakinabang sa programang ito ang sangay sa Pilipinas anupat 656 na Kingdom Hall na ang naitayo, at 885 kongregasyon ang nakinabang. Nais naming ipaalam sa inyo ang kasalukuyang takbo ng dalawang kaayusang ito.
6. Ano ang kailangang gawin kung kulang sa ipinangakong halaga ang ipinadadala ng kongregasyon para sa kanilang Kingdom Hall loan? Paano kung higit sa isang kongregasyon ang magkakahati sa Kingdom Hall loan?
6 Mga May Balanse Pa sa Kingdom Hall Loan: Sa pagitan ng dekada ng 1980 at 1990, may mahigit 1,000 loan para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Marami sa mga ito ang bayad na. Pero 538 loan, na ipinampatayo ng mga Kingdom Hall na ginagamit ng 699 na kongregasyon, ang hindi pa tapos bayaran. Bawat kongregasyong ito ay gumawa ng nasusulat na resolusyon na nangangakong magbibigay ng takdang halaga bawat buwan. Ngunit sa aming rekord, mga 40% lamang ng total na halaga ang naibabalik sa sangay bawat buwan. Kung kasama ang inyong kongregasyon dito, tiyak na itatawag-pansin ito ng mga elder sa mga mamamahayag, para malaman nila ito at “magkaroon [sila] ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan.” (2 Cor. 8:4) Sa mga loan na pinaghahatian ng ilang kongregasyon, mahalagang pag-usapan ng lahat ng elder kung paano pa madaragdagan ang ibinibigay ng kanilang mga kongregasyon para maipadala sa tanggapang pansangay ang ipinangakong halaga. Ang mga pondong ito naman ay gagamitin para maipagpatayo ng bagong Kingdom Hall ang mga nangangailangan pa.
7, 8. (a) Paano nagpakita ng pagpapahalaga ang mga kongregasyon habang itinatayo ang kanilang Kingdom Hall? (b) Sa anong dalawang paraan patuloy makapagpapakita ng pagpapahalaga ang mga kongregasyon matapos maitayo ang kanilang Kingdom Hall?
7 Mga Gumagamit ng Kingdom Hall na Pag-aari ng Sangay: Kapuri-puri ang libu-libong boluntaryo na naglaan ng kanilang panahon at kasanayan para tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, kahit na sa liblib na mga lugar. Sa panahon ng pagtatayo, ipinakita ng lokal na kongregasyon ang kanilang pagpapahalaga sa pamamagitan ng paglalaan ng pagkain sa mga boluntaryo at pagtulong sa proyekto. Nakabawas ito sa gastusin ng tanggapang pansangay para sa proyekto. Kapag tapos na ang Kingdom Hall, paano patuloy na maipapakita ng mga kongregasyon ang kanilang pagpapahalaga sa saganang paglalaang ito ni Jehova?
8 May dalawang paraan: Una, sa pamamagitan ng regular na pagbibigay ng donasyon para sa pagmamantini ng mga Kingdom Hall, upang mapanatili itong malinis at magdulot ng papuri kay Jehova. May isinaayos na pondo na magagamit ng operating committee para sa pagmamantini at may ginawang iskedyul para sa paglilinis ng Kingdom Hall. Ikalawa, kusang nagpasa ng resolusyon ang mga kongregasyong ito na magpapadala sila ng isang takdang halaga sa tanggapang pansangay buwan-buwan. Saan pumupunta ang perang ito? Napupunta ito sa Kingdom Hall Fund at ginagamit sa pagtatayo ng iba pang Kingdom Hall. Napakamaibiging kaayusan nga! Maipapakita ngayon ng mga mayroon nang bagong Kingdom Hall ang kanilang pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtulong sa iba pa na makapagpatayo ng Kingdom Hall.
9. Anong tagubilin ni Jesus ang dapat sundin ng mga kongregasyong hindi nakapagpapadala ng kumpletong halagang ipinasiya nila para sa kanilang Kingdom Hall? Bakit ito mahalaga?
9 Ayon sa aming rekord, marami sa mga kongregasyong ito ang patuloy na nakapagpapadala ng ipinangako nilang halaga. Gayunman, sa pangkalahatan, 70% lamang ng kabuuang halagang ipinangako ng 885 kongregasyon ang naipadadala buwan-buwan sa tanggapang pansangay. Kung kumpletong maipadadala ng mga kongregasyon ang ipinangako nilang halaga, lalaki ang pondong magagamit para sa pagtatayo ng iba pang Kingdom Hall sa hinaharap. Yamang ipinasiya ng bawat kongregasyon na magbigay ng itinakda nilang halaga, obligado silang sundin ang tagubilin ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo.”—Mat. 5:37.
10. Bakit dapat dagdagan ang kontribusyon habang lumalaki ang kongregasyon?
10 Maraming kongregasyon ang nag-uulat na matapos maitayo ang bago nilang Kingdom Hall, tumataas ang bilang ng dumadalo. Dahil dito, tiyak na madaragdagan ng ilang kongregasyon ang halagang ipinadadala nila sa tanggapang pansangay bawat buwan. Kung nasa kalagayan ang kongregasyon, isang bagong resolusyon ang maihaharap upang makapagpasiya silang dagdagan ang ibinibigay nilang kontribusyon bawat buwan.
11. Bakit dapat magbigay ng pinansiyal na tulong para sa Kingdom Hall ang bawat isa?
11 Dapat Ibigay ng Bawat Isa ang Kaniyang Bahagi: Nang ialay natin kay Jehova ang ating sarili, sa diwa ay ibinibigay natin sa kaniya ang lahat ng mayroon tayo, lahat ng ating pag-aari. Isinulat ni Brother C. T. Russell noon: “Dapat ituring [ng bawat isa ang] kaniyang sarili bilang hinirang ng Panginoon na katiwala ng kaniyang sariling panahon, impluwensiya, salapi, atb., at bawat isa ay dapat maghangad na gamitin ang mga talentong ito sa abot ng kaniyang makakaya, sa ikaluluwalhati ng Panginoon.” Naibibigay ba ng bawat isa sa atin, mahirap man o mayaman, ang kaniyang bahagi? Makikita ba sa paraan natin ng paggamit ng ating pera na pinakamahalaga sa atin ang paglilingkod kay Jehova?
12, 13. Ano ang dapat na regular na gawin ng bawat isa at bawat pamilya? Ano ang nadarama ni Jehova sa masayang nagbibigay?
12 Bilang isang pamilya, pinasisigla namin ang lahat na gawin ang sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 16:2: “Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan.” Pansinin na ito ay regular na gawain, isang rutin. Kapag regular na nagbibigay ng kontribusyon ang mga magulang, nagiging halimbawa ito para sa mga anak. Gayundin, hindi na kakailanganin ang paulit-ulit na paalaala dahil ginagawa ng bawat isa “ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit.”—2 Cor. 9:7.
13 Oo, kung ibibigay ng bawat isa, bawat pamilya, bawat kongregasyon ang ‘ayon sa ipinasiya nila sa kanilang puso’ bilang pasasalamat sa pagpapalang natanggap nila, matutuwa si Jehova, “sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”