Kailan ba Talagang Darating ang Walang-Hanggang Kapayapaan?
“ANG digmaan ay isa na sa palagiang kaganapan sa kasaysayan, at hindi nagbabawa sa sibilisasyon man o sa demokrasya,” ang isinulat ni Will at Ariel Durant sa kanilang aklat na The Lessons of History. “Ang kapayapaan ay isang walang-katatagang pagkatimbang, na maaaring mapanatili lamang sa pamamagitan ng kinikilalang superyoridad o katumbas na kapangyarihan.”
Totoo naman, sa kabila ng matitinding pagsisikap, ang walang-hanggang kapayapaan ay mailap hanggang sa ngayon sa sangkatauhan. Bakit? Ang dahilan ay sapagkat ang mga sanhi ng digmaan ay higit na malalim ang pagkakaugat kaysa makapulitika, panteritoryo, o panlipunan na mga paglalabanan na nakikita natin sa panlabas. Ang puna ng mga Durant: “Ang mga sanhi ng digmaan ay kapareho rin ng mga sanhi ng kompetisyon sa pagitan ng mga tao: pangangamkam, pagkapalaaway, at pagmamataas; ang paghahangad ng pagkain, lupain, materyales, panggatong, pagkapanginoon.”
Gayunman, ang Bibliya sa partikular ang nagpapakilala sa pinaka-ugat na sanhi ng alitan at digmaan sa pagitan ng mga tao at nang lalong malawakan. Ating mababasa: “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga paglalabanan sa gitna ninyo? Hindi ba ito ang pinagmumulan ng mga yaon, samakatuwid baga, ang inyong labis na pagmimithi ng mga kalayawan na may paglalaban-laban sa inyong mga sangkap? Kayo’y nagnanasa, gayunma’y hindi ninyo matamo. Kayo’y pumapatay at nag-iimbot, gayunma’y hindi ninyo tinatamo. Kayo’y patuloy na naglalaban-laban at nagdidigmaan.”—Santiago 4:1, 2.
Kung gayon, sa maikli ang isyu ay ito: Upang dumating ang tunay na kapayapaan, kailangang alisin natin hindi lamang ang mga sintomas—mga digmaan, pag-aalsa, coup, rebolusyon—kundi pati na ang pinaka-ugat na pinagmumulan—paghihinala, kasakiman, pagkakapootan, pagkagalit—sa lahat ng tao. Ang mga ito ay kailangang halinhan ng mga gawang kasuwato ng gayong walang-imbot na mga katangian na gaya ng pag-ibig, kabaitan, pagtitiwala, at pagkabukas-palad. Mayroon bang sinuman na may kakayahan na makagawa nito? Kung ito’y nakasalig sa di-sakdal, may kamatayang mga tao sa lupa, ang sagot ay wala. Subalit may isa na para sa kaniya’y hindi lubhang mahirap ito. Ito ang Isa na may kasagutan sa katanungan na: Kailan ba talagang darating ang kapayapaan?
Ang Isa na Makapagdadala ng Kapayapaan
Mga 28 siglo na ang nakalipas, ang propetang si Isaias ay kinasihan na magpahayag: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
Ang pagkakakilanlan sa isang ito na magdadala ng kapayapaan na walang katapusan ay nang malaunan nahayag na walang iba kundi si Jesu-Kristo, “Anak ng Kataas-taasan.” (Lucas 1:30-33; Mateo 1:18-23) Subalit bakit ang isang ito ay magtatagumpay gayong lahat ng iba pang mga prinsipe at mga pinuno ay nabigo? Una sa lahat, pansinin na ang ipinangakong “bata” ay hindi mananatili magpakailanman na isang walang-malay na sanggol, gaya ng paglalarawan sa kaniya ng iba. Bagkus, siya’y maghahawak ng “maharlikang pamamahala” bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” sa walang-hanggang ikapagpapala ng sangkatauhan.
May higit pa riyan ang pamamahala ni Jesus. Bilang ang “Kamangha-manghang Tagapayo,” na may pambihirang pagkaunawa sa kalikasan at nakahihigit na kakayahan ng tao, kaniyang magagawa na lubusang unawain ang mahihirap na mga isyu at sa gayo’y lutasin ang matitinik na suliranin na nakaharap at nagdadala ng kabiguan sa mga pinunong makasanlibutan sa ngayon. (Mateo 7:28, 29; Marcos 12:13-17; Lucas 11:14-20) Kung magkagayon, bilang “Makapangyarihang Diyos,” ang binuhay-muli na isang tulad-Diyos, si Jesu-Kristo, na ngayo’y nakaluklok sa kalangitan bilang Mesiyanikong Hari, ay gagawa ukol sa kapayapaan sa pamamagitan ng paggawa muli nang malawakan sa kaniyang ginawa noong siya’y naririto sa lupa—pinagaling ang mga maysakit na hindi na mapagaling, ang napakaraming mga tao ay kaniyang binigyan ng pagkain at inumin, kontrolado niya maging ang lagay ng panahon. (Mateo 14:14-21; Marcos 4:36-39; Lucas 17:11-14; Juan 2:1-11) Bilang “Walang-Hanggang Ama,” si Jesus ay may kapangyarihan na iuli sa buhay yaong mga nangamatay na at bigyan sila ng buhay na walang-hanggan. At siya mismo ay mabubuhay magpakailanman, sa gayo’y tinitiyak na ang kaniyang pamamahala at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.—Mateo 20:28; Juan 11:25, 26; Roma 6:9.
Sa gayong kakayahan na taglay niya, si Jesu-Kristo ay maliwanag na siyang may kakayahang lumutas sa malalim ang pagkakaugat na mga sanhi ng digmaan at alitan. Hindi siya gagawa lamang ng isang pakikipagkasunduang pangkapayapaan o ng isang plano para sa tinatawag na mapayapang pare-parehong pag-iral para sa mga bansa, upang sirain lamang ng isa pang digmaan. Bagkus, kaniyang aalisin ang bawat makapulitika, teritoryal, panlipunan, at pangkabuhayan na mga kalagayan na di-pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng pagsasailalim ng lahat ng tao sa iisang pamamahala, yaong pamamahala ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Pagka naakay na ang lahat ng tao sa pagsamba sa kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova, kaniyang maaalis na ang malimit na siyang talagang sanhi ng digmaan—ang huwad na relihiyon. Walang anumang duda na si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang makagaganap ng lahat ng ito. Ang tanong ay, Kailan?
Mga Pangyayaring Hahantong sa Walang-Hanggang Kapayapaan
Pagkatapos na siya’y buhayin at makaakyat sa langit noong 33 C.E., si Jesus ay kinailangang maghintay sa itinakdang panahon upang siya’y makagawa ng pagkilos. Ito’y naaayon sa utos ni Jehova: “ ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’ Ang setro ng iyong kalakasan ay pararatingin ni Jehova mula sa Zion, na nagsasabi: ‘Humayo’t manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ ” (Awit 110:1, 2; Lucas 22:69; Efeso 1:20; Hebreo 10:12, 13) Kailan ba nangyayari iyan? Sa loob ng mahigit na 70 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahayag na sa buong daigdig ng mabuting balita na si Jesu-Kristo’y nagsimulang maghari sa Kaharian ng Diyos sa langit noong taóng 1914.a
Ngunit marahil ay sasabihin mo, ‘Walang kapayapaan sapol noong 1914. Bagkus, ang mga kalagayan ay sumamâ sapol noon.’ Tamang-tama ang iyong sinabi. Ito’y aktuwal na nagpapatunay na ang mga pangyayari ay nagaganap ayon sa inihula. Sa ati’y sinasabi ng Bibliya na mismong sa panahon na “ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, . . . nagalit ang mga bansa.” (Apocalipsis 11:15, 18) Imbis na magpasakop sa paghahari ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Prinsipe ng Kapayapaan, ang mga bansa ay napasuong sa isang may kabaliwang paglalabanan ukol sa pananakop sa daigdig at nagbuhos ng galit lalung-lalo na sa mga Kristiyanong nagpapatotoo sa natatag na Kaharian ng Diyos.
Ang aklat ng Apocalipsis ay nagsisiwalat din na nang sandaling si Jesu-Kristo ay mapaluklok sa kapangyarihan sa Kaharian, siya’y kumilos na upang alisin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo buhat sa langit: “Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na, siyang nagpaparatang sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” Ang resulta? Ang ulat ay nagpapatuloy: “Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:10, 12.
Isang Katapusang Hudyat
Ito’y nagbibigay sa atin ng matalinong-unawa sa kung bakit ang mga bansa ay hindi nakapagtatatag ng kapayapaan sa kabila ng lahat ng kanilang pagsisikap. Ang malaking galit ng Diyablo, na ibinabadya ng sariling galit ng mga bansa, ang dahilan ng kaligaligan at ng kaguluhan sa daigdig na wala pang katulad sa kasaysayan ng tao. Kailan ba matatapos ang lahat na ito? Ang Bibliya’y nagbibigay ng isang mahalagang pahiwatig: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.”—1 Tesalonica 5:3.
Pinahahalagahan mo ba ang kahulugan ng babalang ito? Ang mga pangyayari sa daigdig na gaya na nga ng aming tinalakay sa naunang artikulo ay nagpapakita na ang mga pinunò at ang maraming tao ay nag-uusap-usap tungkol sa kapayapaan at higit kailanman sila’y nagsisikap na maabot ito. Ang ilan ay naniniwala na sa pagtatapos ng Cold War, ang banta ng isang nuklear na pagkatupok ay isang bagay na lipas na. Oo, marami nang nasabi ang mga bansa tungkol sa kapayapaan at katiwasayan. Subalit ang situwasyon ba ng daigdig ay patungo sa direksiyong iyan? Tandaan, sinabi ni Jesus tungkol sa mga makatatawid sa mga huling araw, pasimula noong 1914, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito sa anumang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Oo, talagang darating ang kapayapaan sa loob ng lahing ito subalit hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga bansa. Ang matatag, makatarungan, at matuwid na kapayapaan na ipinangako ng Diyos na Jehova ay maaaring dumating tangi lamang sa pamamagitan ng napipintong paghahari ng kaniyang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo.—Isaias 9:7.
Kung inaasam-asam mo na makita ang araw na talagang darating ang kapayapaan at tamasahin iyon kasama ng iyong mga minamahal sa buhay, diyan ka tumingin sa Prinsipe ng Kapayapaan at isaisip mo ang kaniyang mga salitang nagbibigay-katiyakan: “Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina’y dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21:36.
[Talababa]
a Para sa mga detalye sa kronolohiya ng Bibliya at sa natupad na mga hula sa Bibliya, tingnan ang mga kabanata 12 hanggang 14 ng aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 6]
KUNG ANO ANG KAPAYAPAAN
Sa ngayon iniisip ng karamihan ng tao na ang kapayapaan ay ang kawalan ng digmaan o alitan. Gayunman, ito ay isang napakakitid na katuturan ng salita. Nang mga panahon ng Bibliya ang salitang “kapayapaan” (Hebreo, sha·lohmʹ) o ang pananalitang “Harinawang sumaiyo ang kapayapaan!” ay ginamit bilang isang karaniwang anyo ng pagbati. (Hukom 19:20; Daniel 10:19; Juan 20:19, 21, 26) Maliwanag, ito’y hindi lamang tumutukoy sa kawalan ng digmaan. Pansinin na ang aklat na The Concept of Peace ay nagsasabi tungkol sa puntong ito: “Pagka ang salitang shalom ay ginagamit para sa kapayapaan, ang sumasaisip ng mga unang gumamit nito ay isang kalagayan ng daigdig o ng lipunan ng tao na kung saan may kasakdalan, pagkakaisa, kalusugan, kasaganaan. . . . Kung saan may kapayapaan, kapuwa ang kabuuan at ang mga bahaging bumubuo nito ay umabot na sa kanilang sukdulan at lubusang antas ng pag-unlad.” Pagka pinangyari na ng Diyos ang kapayapaan, ang mga tao ay hindi lamang di-na ‘mag-aaral ng pakikidigma’ kundi ‘bawat isa ay uupo sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at punung-igos.’—Mikas 4:3, 4.
[Larawan sa pahina 7]
Ang kawalan ng kapayapaan ay lubhang naramdaman sapol noong Digmaang Pandaigdig I