Makinig at Matuto
1. Bakit kailangan ng karagdagang pagsisikap para makapakinig at matuto sa pandistritong kombensiyon?
1 Malapit nang magsimula ang serye ng 2013 na pandistritong kombensiyon. Napakaraming ginawa para maihanda ang programa na tatalakay sa kasalukuyang pangangailangan ng mga kapatid sa buong daigdig. Nakapaghanda ka na ba para madaluhan ang buong tatlong-araw na kombensiyon? Maraming panggambala sa malalaking kombensiyon, kaya kailangan ng karagdagang pagsisikap para makapagpokus sa programa. At dahil mas matagal din ang mga sesyon kaysa sa mga pulong sa kongregasyon, kailangan natin ang mas mahabang konsentrasyon. Bukod diyan, nakakapagod ang biyahe at iba pang bagay. Ano ang tutulong sa atin para makapakinig tayong mabuti at sa gayon ay matuto?—Deut. 31:12.
2. Paano natin maihahanda ang ating puso para sa programa ng kombensiyon?
2 Bago ang Kombensiyon: Nasa opisyal nating Web site na www.pr2711.com/tl ang programa ng kombensiyon. Makikita rito ang pamagat ng lahat ng pahayag na may isa o dalawang susing teksto. Kung may Internet kayo, makatutulong sa paghahanda ng inyong puso kung patiuna ninyong babasahin ang impormasyong ito. (Ezra 7:10) Sa gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba, puwede ba ninyong talakayin ang programa ng kombensiyon para manabik kayo rito?
3. Ano ang tutulong sa atin para makapakinig na mabuti?
3 Sa Panahon ng Programa: Kung posible, magpunta na sa palikuran bago magsimula ang sesyon. I-off ang cellphone mo para hindi ka magambala ng tawag o text o matuksong mag-text sa panahon ng programa. Kung kailangang naka-on ang phone mo, ilagay ito sa setting na hindi makagagambala sa iba sakaling may tumawag sa iyo. Kung gagamit ka ng tablet sa panahon ng programa, huwag hayaang makagambala ito sa iba. Iwasan ding kumain o uminom. (Ecles. 3:1) Manatiling nakatingin sa tagapagsalita. Kapag may babasahing teksto, subaybayan iyon sa Bibliya mo. Kumuha ng maiikling nota.
4. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makinig at matuto?
4 Gusto rin nating makinig at matuto ang ating mga anak. Sinasabi ng Kawikaan 29:15: “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” Kaya mas mainam kung magkakatabi sa upuan ang buong pamilya para matiyak ng mga magulang na nagbibigay-pansin sa programa ang kanilang mga anak sa halip na nagkukuwentuhan, nagte-text, o gumagala-gala ang mga ito. Kahit napakabata pa ng inyong mga anak para maintindihan ang lahat ng tinatalakay, puwede silang sanayin na maupo nang tahimik at huwag matulog.
5. Bakit kapaki-pakinabang na repasuhin ang programa, at paano natin ito magagawa?
5 Pagkatapos ng Programa Bawat Araw: Huwag magpuyat. Matulog nang maaga para makapagpahingang mabuti. Kapag nirerepaso mo ang iyong napakinggan, mas natatandaan mo ito. Kaya kapaki-pakinabang na maglaan ng ilang minuto bawat gabi para mapag-usapan ng pamilya ang programa. Kung pupunta kayo ng mga kaibigan mo sa restawran, bakit hindi dalhin ang iyong mga nota at ibahagi ang isa o dalawang punto na gustung-gusto mo? Pagkatapos ng kombensiyon, puwede ninyong talakayin sa gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba kung paano ikakapit ng inyong pamilya ang impormasyon. Puwede rin kayong maglaan ng panahon linggu-linggo para repasuhin ang isang bahagi ng bagong-labas na mga publikasyon.
6. Sapat ba ang basta pagdalo lang sa kombensiyon? Ipaliwanag.
6 Makikinabang lang tayo sa isang handaan kung kakainin natin ang mga pagkain at nanamnamin ang mga ito. Ganiyan din pagdating sa espirituwal na piging sa pandistritong kombensiyon. Makinabang nawa tayo nang lubusan sa pamamagitan ng pagdalo sa lahat ng sesyon, pakikinig na mabuti, at pagkakapit ng ating natutuhan.