BAT-SHEBA
[Anak na Babae ng Kasaganaan; posible, Anak na Babae na [Isinilang Noong] Ikapito[ng Araw]].
Anak ni Eliam (Amiel, 1Cr 3:5); posibleng isang apo ni Ahitopel. (2Sa 11:3; 23:34) Asawa noon ni Uria na Hiteo na isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David; nang maglaon ay naging asawa ni David pagkatapos na masangkot sa isa sa pinakamasaklap na pangyayari sa buhay ni David.—2Sa 23:39.
Noong isang gabi ng tagsibol, habang naliligo ang magandang babaing si Bat-sheba na inilalarawan na “may napakagandang kaanyuan,” nakita siya ng kaniyang kapitbahay na si Haring David na noo’y nasa bubong ng kaniyang palasyo. Nang malaman na nasa digmaan ang asawa nito, iniutos ng haring napukaw ang pagnanasa na dalhin si Bat-sheba sa palasyo, at doon ay sinipingan niya ito. “Sa kalaunan ay bumalik ito sa kaniyang bahay,” at pagkaraan ng ilang panahon ay nagpasabi ito kay David na siya ay nagdadalang-tao. Nang magkagayon ay nagpakana si David upang masipingan ni Uria ang asawa nito at sa gayo’y mapagtakpan ang pangangalunya, ngunit nang mabigo ang pakana, ipinapatay ng hari si Uria sa pagbabaka. Nang matapos ang yugto ng pagdadalamhati ni Bat-sheba, siya ay naging asawa ni David at isinilang niya ang kanilang anak.—2Sa 11:1-27.
“Ngunit ang bagay . . . ay naging masama sa paningin ni Jehova.” Sinaway ng Kaniyang propetang si Natan ang hari sa pamamagitan ng isang ilustrasyon kung saan inilarawan nito si Bat-sheba bilang ang nag-iisang “babaing kordero” ng isang taong dukha, si Uria, na kinuha ng taong mayaman, si David, upang ihain sa isang panauhin. Sa kaniyang matinding kalungkutan, nagsisi si David (Aw 51), ngunit ang anak sa pangangalunya, na hindi pinangalanan, ay namatay. (Tingnan ang DAVID.) Makalipas ang mga taon, higit pang kapighatian ang sumapit kay David dahil sa kaniyang pagkakasala, anupat ang kaniyang sariling mga babae (concubine) ay dinungisan ng kaniyang anak na si Absalom.—2Sa 11:27–12:23; 16:21, 22.
Nakadama ng kaaliwan si Bat-sheba mula sa kaniyang nagsising asawa, paulit-ulit niya itong tinawag na “panginoon ko,” gaya ng ginawa ni Sara sa asawa nito (1Ha 1:15-21; 1Pe 3:6), at nang maglaon ay isinilang niya kay David ang isang anak na lalaki na pinanganlang Solomon, na minahal at pinagpala ni Jehova. (2Sa 12:24, 25) Nagkaroon din siya ng tatlo pang anak, sina Simea, Sobab, at Natan; si Natan ang naging ninuno ng ina ni Jesus na si Maria. Yamang si Jose ay nagmula naman kay Solomon, ang pinagmulang angkan ng mga magulang ni Jesus sa lupa ay kapuwa matatalunton kay Bat-sheba at kay David.—1Cr 3:5; Mat 1:6, 16; Luc 3:23, 31.
Muling binanggit sa ulat si Bat-sheba sa pagtatapos ng 40-taóng paghahari ni David. Sumumpa si David sa kaniya: “Si Solomon na iyong anak ang magiging hari kasunod ko.” Kaya nang tangkain ni Adonias, ang nakatatandang kapatid sa ama ni Solomon, na agawin ang trono bago pa mamatay si David, sa mungkahi ng propetang si Natan ay ipinaalaala ni Bat-sheba kay David ang sumpa nito. Kaagad na iniluklok ni David si Solomon sa trono, at sa gayon si Bat-sheba ay naging inang reyna.—1Ha 1:5-37.
Pagkatapos na matibay na maitatag ang trono ni Solomon, pumaroon sa kaniya si Bat-sheba bilang isang maimpluwensiyang tagapamagitan upang iharap ang isang kahilingan para kay Adonias. Si Solomon ay kaagad na ‘tumindig upang salubungin siya at yumukod,’ at nag-utos na maglagay ng isang trono para sa kaniyang ina, “upang makaupo siya sa kaniyang kanan.” Gayunman, ang kahilingan ni Bat-sheba ay nagbunyag lamang sa mapanlinlang na pakana ni Adonias, kaya naman ipinapatay ni Solomon si Adonias.—1Ha 2:13-25.