Ang Mata ni Jehova ay “Nakatingin sa Matatandang Lalaki”
ANG matatanda sa ngayon ay malimit na kinakailangang magpasiya na waring ang lawak ay lampas sa kanilang kaalaman at karanasan. Datapuwat, isaalang-alang ang situwasyon na napaharap sa mga ilang matatandang Judio noong kaarawan ni Ezra.
Pagkatapos na bumalik ang nalabing Judio buhat sa Babilonya, nagsimula ang may 16-na-taóng pagkahinto sa paggawa. Ang mga propetang si Hagai at si Zacarias ay nangyaring gumulantang sa mga Judio sa kanilang pagwawalang-bahala, at muling ipinagpatuloy ang gawain na pagtatayo sa nagibang templo ni Jehova. Subalit, hindi nagtagal at ang gawaing ito ay tinutulan ng mga opisyales ng Persia. “Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito?” ang tanong ng mga mananalansang.—Ezra 5:1-3.
Ang tugon sa tanong na ito ay maselang. Kung hinayaan ng matatanda na sila’y madala ng takot, dagling mapapahinto ang muling pagtatayo sa templo. Kung kikilos naman ang matatanda sa paraan na pupukaw sa galit ng mga opisyales na ito, baka kaagad ipagbawal ang gawain. Kaya’t ang matatanda (marahil pinangunahan ni Gobernador Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Joshua) ay bumuo ng isang mataktika ngunit mabisang tugon. Kanilang ipinaalaala sa mga opisyales ang matagal nang nakalimutang utos ni Ciro na nagbigay sa mga Judio ng pahintulot ng hari na magpatuloy sa gawaing ito. Sa pagkaalam sa patakaran ng mga Persiano na huwag kailanman baguhin ang nailabas nang batas, ang mga opisyales na ito ay may katalinuhan na nagpasiyang iwasan ang pagsalungat sa isang utos ng hari. Sa ganoon ay pinayagan na ang gawain ay magpatuloy hanggang sa nang malaunan nagbigay si haring Dario ng kaniyang opisyal na pagsang-ayon na ipagpatuloy ang gawain!—Ezra 5:11-17; 6:6-12.
Ang kagila-gilalas na resulta bang ito ay dahilan sa karunungan ng tao? Sa kabaligtaran pa nga, sinasabi ng salaysay ng Ezra na “ang mata ng kanilang Diyos ay napatunayan na nakatingin sa matatandang lalaki na mga Judio.” (Ezra 5:5) Maliwanag, si Jehova ang umakay sa kanila sa ganoong tugon nila at sa pagsang-ayon ng haring Persiano. Ang matatandang Kristiyano sa ngayon ay maaari rin namang kay Jehova humingi ng patnubay at giya pagka nakaharap sa mahihirap na disisyon o nakikitungo sa mga mananalansang. Ang katiyakang ibinibigay ni Jehova sa Awit 32:8: “Aking ipaáalám sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran. Papayuhan kita na ang aking mata ay nakatitig sa iyo.”