Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 2/1 p. 30-31
  • Siya’y Nakinig sa Maling Tinig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Siya’y Nakinig sa Maling Tinig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Lumihis sa Tunay na Pagsamba
  • Nakinig sa mga Tagapayong Walang Karanasan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 2/1 p. 30-31

Siya’y Nakinig sa Maling Tinig

“ANG pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang isang taong may unawa ang siyang magtatamo ng mahusay na gabay.” (Kawikaan 1:5) Ang kawikaang ito sa Bibliya ay nagbibigay-linaw na talagang ang mga taong pantas ay sumusulong sa pagkatuto. Kanilang kinikilala ang mahusay na payo at handa silang sundin ito. Sa gayo’y nagtatamo sila ng “mahusay na gabay,” o mainam na giya, para sa pagpapasiya tungkol sa mahalagang mga pamamalakad ng buhay.

Ang kawikaan mismo ay si Solomon ang sumulat, pinakapantas na sinaunang hari. (Kawikaan 1:1) Kung ang anak ni Solomon na si Rehoboam ay kumilos na kasuwato ng kawikaang ito, disin sana’y nahadlangan niya ang isang malubhang paghihimagsik sa kaniyang kaharian. Subalit ang pinakinggan niya ay ang maling tinig​—ang tinig ng walang karanasan. Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng naging resulta ng kaniyang ginawa, tayo’y matutulungan na pahalagahan ang pangangailangan na sundin ang pantas na payo.

Lumihis sa Tunay na Pagsamba

Sandali, sinikap ni Haring Rehoboam na sumunod sa mga utos ng Diyos. Pagkatapos, dahil marahil sa impluwensiya ng mga Ammonita sa panig ng kaniyang ina sa pamilya, “kaniyang iniwan ang kautusan ni Jehova.” (2 Cronica 12:1; 1 Hari 14:21) Ang mga tao ay sumunod sa kaniya sa pag-alis sa tunay na pagsamba. Tungkol dito, sinasabi ng Bibliya: “Ang Juda ay patuloy na gumawa ng masama sa paningin ni Jehova, at kanilang minungkahi siya sa paninibugho sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat na ginawa ng kanilang mga ninuno. At sila’y patuloy din na nagtayo para sa kanila ng matataas na dako at ng mga sagradong haligi at mga sagradong poste sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat malagong punungkahoy. At naroon din sa lupain ang lalaking patutot sa templo. Sila’y nagsigawa ng ayon sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ni Jehova sa harap ng mga anak ni Israel.”​—1 Hari 14:22-24.

Dahil sa di-pagsunod ni Rehoboam at ng kaniyang mga sakop, binawi ni Jehova ang kaniyang proteksiyon. Noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, ang hari ng Ehipto na si Shishak (Sheshonk I) ay lumusob sa Juda, at sinakop ang sunud-sunod na matitibay na lunsod. Pati ang Jerusalem, na kabiserang lunsod, ay pinagbantaan. Sa pagpapaliwanag ng dahilan, sinabi ni propeta Semeias kay Rehoboam at sa kaniyang mga prinsipe: “Ganito ang sinabi ni Jehova, ‘Ako’y inyong pinabayaan, kaya pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishak.’” Ito ang nag-udyok sa kanila na magsisi. Kaya, hindi tinulutan ni Jehova na wasakin si Shishak ang Jerusalem. Gayunman, pinayagan ng Diyos na madama ni Rehoboam at ng kaniyang mga sakop ang kabagsikan ng mga Ehipsiyo kaya napilitan silang ibigay ang mga kayamanan ng Jerusalem.​—2 Cronica 12:1-12; 1 Hari 14:25, 26.

Nakinig sa mga Tagapayong Walang Karanasan

Noong panahon ng paghahari ni Solomon, marami ang tutol sa pangangalap ng malayang mga Israelita para sa gawain sa mga proyekto ng hari. Kaya naman, nang humalili si Rehoboam sa kaniyang ama sa paghahari, isang delegasyon ng kaniyang mga sakop ang nagharap ng ganitong kahilingan: “Ang iyong ama, sa ganang sarili niya, ay nagpabigat sa aming pamatok, at, sa ganang iyo naman, pagaangin mo sana ang mahirap na gawain na ipinagagawa ng iyong ama at ang kaniyang mabigat na pamatok na iniatang sa amin, at kami’y maglilingkod sa iyo.”​—1 Hari 12:4.

Sumang-ayon ang hari na pag-isipan ang bagay na iyon at pagkatapos ay sumangguni siya sa mga tagapayo na may edad at karanasan. Kanilang inirekomenda na pagaangin niya ang pasanin ng mga mamamayan at sa ganoo’y kanilang suportahan siya at mahalin. (1 Hari 12:6, 7) Ngunit ang ginawa ni Rehoboam ay doon nagtanong sa mga lalaking mga kasimbata niya. Ang kanilang payo ay: “Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay makapal kaysa mga balakang ng aking ama. At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, aking dadagdagan pa ang atang sa inyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, ngunit parurusahan ko kayo ng mga panggulpe.’”​—1 Hari 12:10, 11.

Ang payo ng mga kabataang lalaki ay nakalugod kay Rehoboam. Kaya naman, nang ang delegasyon ng mga Israelita ay dumating doon sa itinakdang panahon upang makinig sa disisyon ng hari, kaniyang sinabi sa kanila ang rekomendasyon ng nakababatang mga lalaki. Ang resulta nito ay paghihimagsik ng sampung tribo, anupa’t natupad ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Ahias (Ahijah) na sampung tribo ang hihiwalay sa anak ni Haring Solomon. (1 Hari 12:14-16) Lahat na ito ay sapagkat sinunod ni Rehoboam ang di-pantas na payo! Siya’y nakinig sa maling tinig.

Sa hangarin niya na ang naghimagsik na mga tribo ay maibalik sa kaniyang kapamahalaan, si Rehoboam, kasama ni Adoram (Hadoram), ang lalaking tagapangasiwa ng kinalap na mga manggagawa para sa puwersahang pagtatrabaho sa buong panahon ng paghahari ni Solomon, ay naparoon sa teritoryo ng mga tribong ito. Marahil nang makita nila ang matanda nang si Adoram ay nagsiklab ang galit ng mga Israelita, sapagkat siya’y kumakatawan sa mabigat, mapang-aping pamatok na pilit na ipinapasan sa kanila. Ang nangapopoot na mga Israelita ang bumato sa kaniya hanggang sa siya’y mamatay, at si Rehoboam ay nakaligtas lamang pagkatapos na tumakas sa kaniyang karo.​—1 Hari 12:18; 2 Cronica 10:18.

Susunod ay tinawagan naman ni Rehoboam ang isang hukbo upang pilit na masakop ang naghimagsik na mga tribo. Gayumpaman, nasugpo ang isang giyera sibil sa panahong ito. Ito’y dahilan sa pinakinggan ng mga mamamayan ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Semeias (Shemaiah) na huwag makipagbaka sa kanilang mga kapatid.​—1 Hari 12:21-24.

Dahilan sa si Rehoboam ay nakinig sa tinig ng mga taong walang karanasan, hindi siya naging isang mabuting hari. Sa kaniyang paghahari ay naganap ang mga pag-aalitan ng kaniyang kaharian at ng sampung naghimagsik na tribo sa ilalim ni Jeroboam. (1 Hari 14:30) Subalit, ang pagpapahintulot ni Rehoboam sa kaniyang sarili na maihiwalay sa tunay na pagsamba ay lalong malubha, sa bagay na siya’y namatay bilang isang hari na “gumawa ng masama, sapagkat hindi niya binuo sa kaniyang puso na hanapin si Jehova.”​—2 Cronica 12:14.

Ang kaso ni Rehoboam ay tunay na dapat magpaunawa sa atin ng kahalagahan ng hindi pakikinig sa tinig ng mga walang karanasan. Anong laking pangangailangan nga na makinig sa mainam na payo, lalo yaong nakasalig sa Salita ng Diyos!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share