Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jr kab. 9 p. 103-113
  • Huwag Humanap ng “mga Dakilang Bagay Para sa Iyong Sarili”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Huwag Humanap ng “mga Dakilang Bagay Para sa Iyong Sarili”
  • Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANU-ANO ANG “DAKILANG BAGAY” NA IYON?
  • “IBIBIGAY KO SA IYO ANG IYONG KALULUWA BILANG SAMSAM”
  • MAGHAHANAP KA BA NG “MGA DAKILANG BAGAY”?
  • ANG SILO NG “MAHAHALAGANG PAG-AARI”
  • MAKUKUHA MO KAYA ANG “IYONG KALULUWA BILANG SAMSAM”?
  • Si Baruc—Ang Tapat na Kalihim ni Jeremias
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Baruc
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Binabantayan Tayo ni Jehova Para sa Ating Ikabubuti
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Patibayin ang Pagkakaibigan Bago Dumating ang Wakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
jr kab. 9 p. 103-113

KABANATA 9

Huwag Humanap ng “mga Dakilang Bagay Para sa Iyong Sarili”

1, 2. (a) Sa ikaapat na taon ni Jehoiakim, ano ang naging problema ni Baruc? (b) Paano tinulungan ni Jehova si Baruc?

NANGHIHIMAGOD si Baruc, ang tapat na eskriba ni Jeremias. Ikaapat na taon noon ng paghahari ng balakyot na si Haring Jehoiakim, mga 625 B.C.E. Sinabihan ni Jeremias ang eskriba na isulat sa isang balumbon ang lahat ng sinalita ni Jehova tungkol sa Jerusalem at Juda, mga kapahayagang tinanggap ng propeta sa loob ng mahigit 23 taon na. (Jer. 25:1-3; 36:1, 2) Hindi pa binabasa noon ni Baruc sa mga Judio ang nilalaman ng balumbon. Sa susunod pang taon niya gagawin iyon. (Jer. 36:9, 10) Pero ano ang bumabagabag kay Baruc?

2 “Sa aba ko ngayon,” ang buntunghininga ni Baruc, “sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga.” Minsan nanghihimagod ka rin siguro, naibubulalas mo man ito o nasa puso mo lang. Paano man ito naipahayag ni Baruc, narinig iyon ni Jehova. Alam ng Tagasuri ng puso kung ano ang bumabagabag kay Baruc, at sa pamamagitan ni Jeremias, may-kabaitan siyang itinuwid ng Diyos. (Basahin ang Jeremias 45:1-5.) Pero baka maitanong mo, Bakit nga ba nanghihimagod si Baruc? Ang atas ba niya ang problema o ang sitwasyon sa paligid? Hindi. Puso niya ang problema. Kasi “humahanap ng mga dakilang bagay” si Baruc. Anu-ano iyon? Ano ang sinabi ni Jehova na maaasahan niya kung susunod siya sa payo at tagubilin ng Diyos? At ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Baruc?

ANU-ANO ANG “DAKILANG BAGAY” NA IYON?

3. Ano ang ugat ng problema ni Baruc sa espirituwal?

3 Tiyak na alam ni Baruc kung ano ang “mga dakilang bagay” na iyon. Alam ng eskriba na ang “mga mata [ng Diyos] ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya.” (Job 34:21) Nasabi ni Baruc na “wala akong nasumpungang pahingahang-dako” hindi dahil sa atas niya, kundi dahil sa pananaw niya sa kung ano ang dakila​—na siyang laman ng kaniyang puso. Dahil nakatuon sa paghanap ng “mga dakilang bagay,” nakaligtaan ni Baruc ang mas mahahalagang bagay, mga bagay na may kinalaman sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Fil. 1:10) Napalitaw ng Bagong Sanlibutang Salin ang diwa ng orihinal na salitang ginamit at isinalin itong “patuloy [na] humahanap.” Kaya hindi lang iyon basta sumagi sa isip ni Baruc. Naghahanap na talaga siya ng “mga dakilang bagay” nang babalaan siya ni Jehova. Bagaman gumagawa ng kalooban ng Diyos ang tapat na kalihim ni Jeremias, naghahangad ito ng “mga dakilang bagay” para sa kaniyang sarili.

4, 5. Bakit maaaring may kinalaman sa katanyagan at karangalan ang “mga dakilang bagay” na nasa isip ni Baruc? Bakit tama lang na babalaan siya ni Jehova?

4 Isa sa posibleng hinahangad ni Baruc ay may kinalaman sa katanyagan at karangalan. Bagaman si Baruc ay nagsilbing tagasulat ni Jeremias, malamang na hindi lang siya basta personal na sekretaryo ni Jeremias. Ipinahihiwatig sa Jeremias 36:32 na si Baruc ay may opisyal na posisyon bilang “kalihim.” Ayon sa nahukay ng mga arkeologo, lumilitaw na si Baruc ay may mataas na posisyon sa korte ng hari. Sa katunayan, gayunding titulo ang ginamit sa isa sa mga prinsipe ng Juda, si “Elisama na kalihim.” Ipinapakita nito na nakakapasok din si Baruc “sa silid-kainan ng kalihim” sa “bahay ng hari” bilang isa sa mga kasamahan ni Elisama. (Jer. 36:11, 12, 14) Kaya malamang na isang edukadong opisyal si Baruc. Ang kapatid niyang si Seraias ay pinunong tagapangasiwa ni Haring Zedekias at kasama ng hari sa isang mahalagang misyon sa Babilonya. (Basahin ang Jeremias 51:59.) Bilang pinunong tagapangasiwa, malamang na si Seraias ang nag-aasikaso sa pangangailangan at tuluyan ng hari kapag naglalakbay ito​—isa ngang mataas na posisyon.

5 Hindi ka siguro magtataka kung manlambot man ang nasa gayong mataas na posisyon kapag sunud-sunod na mabibigat na hatol laban sa Juda ang ipinasulat sa kaniya. Baka nameligro pa nga ang posisyon at propesyon ni Baruc dahil sa pagtulong niya sa propeta ng Diyos. At paano pa kapag giniba na ni Jehova ang itinayo niya, gaya ng mababasa sa Jeremias 45:4. Ang “mga dakilang bagay” na nasa isip ni Baruc​—karagdagang karangalan man o materyal na kayamanan​—ay maaaring mawalan ng saysay. Kung naghahangad man si Baruc ng magandang posisyon sa Judiong sistema na noo’y biláng na ang mga araw, tama lang na ituwid siya ng Diyos.

6, 7. Kung ang “mga dakilang bagay” para kay Baruc ay materyal na kayamanan, kaninong impluwensiya ang nakaapekto sa kaniya?

6 Puwede rin namang ang hinahangad ni Baruc na “mga dakilang bagay” ay materyal na kayamanan. Ang mga bansa sa palibot ng Juda ay panatag na panatag dahil sa kanilang kayamanan. Nagtiwala ang Moab sa ‘mga gawa at kayamanan’ nito. Ganoon din ang Ammon. At kinasihan ni Jehova si Jeremias na ilarawang ang Babilonya ay “sagana sa mga kayamanan.” (Jer. 48:1, 7; 49:1, 4; 51:1, 13) Pero ang totoo, sentensiyado na ng Diyos ang mga bansang ito.

7 Kung mga ari-arian at kayamanan nga ang hinahanap ni Baruc, maiintindihan mo kung bakit binalaan siya ni Jehova. Nang ‘iunat ni Jehova ang kaniyang kamay laban sa’ mga Judio, ang kanilang mga bahay at bukirin ay kinuha ng mga kaaway. (Jer. 6:12; 20:5) Kunwari ay nabuhay ka sa Jerusalem noong panahon ni Baruc. Karamihan sa iyong mga kababayan​—kasama na ang mga prinsipe, saserdote, at ang hari mismo​—ay nag-iisip na dapat labanan ang pananakop ng Babilonya. Tapos, ito ang maririnig mo kay Jeremias: “Maglingkod kayo sa hari ng Babilonya at patuloy na mabuhay.” (Jer. 27:12, 17) Magiging madali kaya sa iyo na sumunod sa utos ng Diyos kung marami kang ari-arian? Matutulungan ka kaya ng mga pag-aaring iyon na sundin ang babala ni Jeremias o iyon pa ang magtulak sa iyo na sumunod sa karamihan? Ang totoo, lahat ng kayamanan ng Juda at Jerusalem, pati na ang mga nasa templo, ay dinambong at dinala sa Babilonya. Kaya walang kabuluhan ang pagkakamal nila ng materyal na kayamanan. (Jer. 27:21, 22) May matututuhan ba tayo rito?

Paano may-kabaitang itinuwid ni Jehova ang paghahangad ni Baruc ng “mga dakilang bagay”? Sa palagay mo, bakit isang katalinuhang tanggapin ang pagtutuwid ng Diyos?

“IBIBIGAY KO SA IYO ANG IYONG KALULUWA BILANG SAMSAM”

8, 9. Bakit masasabi mong sulit nang makuha ni Baruc ang kaniyang kaluluwa bilang samsam?

8 Ngayon isipin mo: Ano kaya ang tatanggapin ni Baruc kung susundin niya ang Diyos? Aba, ang kaluluwa niya! Garantisado nang magiging “samsam” niya ito. (Basahin ang Jeremias 45:5.) Kung tutuusin, kakaunti lang ang nakaligtas noon. Sinu-sino? Yaong mga sumunod sa utos ng Diyos na kumampi, samakatuwid nga, sumuko sa mga Caldeo. (Jer. 21:9; 38:2) Baka may magsabi, ‘Sumunod sila, tapos iyon lang ang ibinigay sa kanila?’

9 Kumusta ba ang Jerusalem noong kinukubkob ito ng Babilonya? Unti-unting namamatay sa hirap ang mga tao doon; di-tulad ng Sodoma na napuksa sa isang bagsakan lang, wika nga. Waring mas magaan pa ang sinapit ng Sodoma. (Panag. 4:6) Isinulat ni Baruc ang hula na mamamatay ang mga taga-Jerusalem sa tabak, gutom, o salot. At tiyak na nasaksihan niya iyon. Nasaid ang suplay ng pagkain sa Jerusalem. Nakapangingilabot ngang makita ang mga ina, na likas na “mahabagin,” habang pinakukuluan at kinakain ang sarili nilang mga anak! (Panag. 2:20; 4:10; Jer. 19:9) Pero nakasalba si Baruc. Oo, sa gitna ng malagim na pangyayaring iyon, maipagpapasalamat mo nang buháy ka; iyon na ang samsam mo! Maliwanag na sinunod ni Baruc ang payo ng Diyos na huwag nang humanap ng “mga dakilang bagay.” At dahil doon, iniligtas siya ni Jehova.​—Jer. 43:5-7.

Larawan sa pahina 107

MAGHAHANAP KA BA NG “MGA DAKILANG BAGAY”?

10, 11. Ano ang pagkakatulad ng sitwasyon ni Baruc sa panahon ngayon, at sa iyo mismo?

10 Bagaman abala si Baruc sa paggawa ng kalooban ng Diyos, naging hamon pa rin sa kaniya ang paghahangad ng “mga dakilang bagay.” Binalaan siya ni Jehova, at nakaligtas siya sa espirituwal at literal na kamatayan. Tayo kaya, tulad ni Baruc, ay puwedeng matukso at madaig pa nga ng mga pagnanasang nakaugat sa ating puso, kahit pa aktibo tayong naglilingkod kay Jehova?

11 Baka natutukso si Baruc na gumawa ng pangalan sa lipunan. Marahil iniisip niya: ‘Paano na lang ang propesyon ko bilang “kalihim”? Tataas pa kaya ang puwesto ko?’ Ngayon, tanungin naman ang iyong sarili, ‘May mga “ambisyon” ba akong umasenso sa buhay, na baka pinakatatagu-tago ko lang?’ Maaaring pag-isipan ng ilang kabataang Kristiyano ang tanong na, ‘Kung kukuha ako ng mataas na edukasyon para balang-araw ay sumikat at yumaman, hindi kaya ito ang makasilo sa akin para humanap ng “mga dakilang bagay”?’

12. Paano naghanap ng mga dakilang bagay para kay Jehova ang isang brother? Ano ang masasabi mo sa naging desisyon niya?

12 Isang brother na naglilingkod ngayon sa punong tanggapan ang inalukan ng scholarship sa isang unibersidad noong 15 anyos siya. Dismayado ang titser niya dahil imbes na tanggapin ito, pinili niyang magpayunir. Pero hindi naman ibig sabihin na wala na siyang interes sa pag-aaral. Naging misyonero siya sa isang malayong isla. Doon, kailangan niyang matuto ng wikang sinasalita lamang ng mahigit 10,000 katao. Walang diksyunaryo sa wikang iyon kaya gumawa siya ng sarili niyang talasalitaan. Di-nagtagal, naging bihasa siya sa wikang iyon at inatasang magsalin ng ilan sa ating publikasyon. Nang maglaon, ang kaniyang talasalitaan mismo ang naging basehan ng kauna-unahang diksyunaryo sa wikang iyon. Sa isang kombensiyon, sinabi niya: “Kung tinanggap ko ang scholarship na iyon, sa akin mapupunta ang karangalan sa anumang nagawa ko. Pero hindi ako nagtapos at wala akong diploma. Kaya kung may dapat mang papurihan sa nagawa ko, walang iba iyon kundi si Jehova.” (Kaw. 25:27) Ano ang masasabi mo sa desisyon ng brother na ito noong 15 anyos siya? Aba, marami na siyang natanggap na pribilehiyo sa organisasyon. Ikaw, saan mo gustong gamitin ang talento mo? Gagamitin mo ba iyon sa pagpuri kay Jehova, imbes na sa pansarili mong ambisyon?

13. Bakit dapat pag-isipan ng mga magulang ang naging hamon kay Baruc?

13 May isa pang panganib: paghahanap ng “mga dakilang bagay” para sa mga mahal natin sa buhay o sa pamamagitan nila at ng iba na maaari nating maimpluwensiyahan. Siguro may nakikita kang mga magulang na di-Saksi na minamaniobra ang mga bagay-bagay para may marating ang mga anak nila o may maipagmalaki sila. Baka narinig mo na ang ganitong mga linya: “Ayokong danasin ng anak ko ang hirap na pinagdaanan ko” o “Gusto kong makapagtapos ang anak ko para umasenso siya sa buhay.” Baka naiisip din iyan ng ilang magulang na Kristiyano. Oo, maaaring sinasabi nila, ‘Hindi naman ako naghahanap ng mga dakilang bagay para sa sarili ko.’ Pero hindi kaya idinadaan nila ito sa iba, halimbawa, sa mga anak nila? Kung paanong maaaring natukso si Baruc na gamitin ang kaniyang posisyon o propesyon para maging sikat, baka ginagamit din, o iniimpluwensiyahan, ng isang magulang ang anak niya para maabot ang sariling ambisyon. Pero hindi ba ito makikita ng “tagasuri ng mga puso,” gaya ng ginawa Niya kay Baruc? (Kaw. 17:3) Hindi ba dapat nating tularan si David at hilingin sa Diyos na suriin Niya ang ating saloobin? (Basahin ang Awit 26:2; Jeremias 17:9, 10.) Maaaring gumamit si Jehova ng iba’t ibang paraan, gaya ng pagtalakay na ito tungkol kay Baruc, para babalaan tayo sa panganib ng paghahanap ng “mga dakilang bagay.”

Ano ang isa sa “mga dakilang bagay” na maaaring hinahanap ni Baruc? Anong aral ang nakuha mo rito?

ANG SILO NG “MAHAHALAGANG PAG-AARI”

14, 15. Paano maaaring maging “dakilang bagay” sa atin ang kayamanan?

14 Isipin kung materyal na kayamanan ang “mga dakilang bagay” ni Baruc. Gaya ng nabanggit na, kung ganoon na lang ang kapit ni Baruc sa mga ari-arian niya sa Juda, baka nahirapan siyang sumunod sa utos ng Diyos na sumuko sa mga Caldeo. Siguro napapansin mo kung gaano ang tiwala ng isang taong mayaman sa kaniyang “mahahalagang pag-aari.” Pero tinitiyak ng Bibliya na ang proteksiyong ibibigay nito sa kaniya ay “sa kaniyang guniguni” lamang. (Kaw. 18:11) Makikinabang ang lahat ng lingkod ni Jehova kung ipapaalala nila sa kanilang sarili ang timbang na pananaw ng Bibliya sa materyal na mga bagay. (Basahin ang Kawikaan 11:4.) Pero baka may mangatuwiran pa rin, ‘Bakit hindi muna natin i-enjoy nang kaunti ang mga bagay sa sanlibutan?’

15 Kapag napamahal sa isang Kristiyano ang kaniyang mga pag-aari, baka ito ang magtulak sa kaniya na maghangad pa ng mga bagay na bahagi ng sanlibutang lumilipas. Naiwasan nina Jeremias at Baruc na mahulog sa bitag na iyan. Nagbigay ng babala si Jesus para sa mga taong mabubuhay sa panahon “kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” Sinabi niya: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” Kung gayon, makatuwiran ding himukin ang mga Kristiyano: ‘Alalahanin ninyo sina Jeremias at Baruc.’ (Luc. 17:30-33) Kung hindi natin maiwan-iwan ang ating kayamanan, baka mahirapan tayong ikapit ang payo ni Jesus. Pero tandaan​—sinunod ni Baruc ang babala ng Diyos kaya nakaligtas siya.

16. Maglahad ng isang halimbawa na nagpapakitang nanatiling timbang sa materyal na mga bagay ang mga lingkod ng Diyos.

16 Isaalang-alang ang kalagayan ng mga Saksi sa Romania noong panahon ng Komunismo. Nire-raid ang bahay nila at kung minsan, pati personal na mga gamit ay kinukumpiska, lalo na ang mga puwedeng ibenta. (Panag. 5:2) Handa ang maraming kapatid doon na mawalan ng mga pag-aari. Kinailangang iwan ng ilan ang kanilang ari-arian nang ilipat sila sa ibang lugar; pero nanatili silang tapat kay Jehova. Kung sa iyo dumating ang gayong pagsubok, ikokompromiso mo ba ang katapatan mo sa Diyos dahil sa materyal na kayamanang hindi mo maiwan?​—2 Tim. 3:11.

Larawan sa pahina 111

17. Paano maaaring nakapagpatibay kina Jeremias at Baruc ang ilan sa mga kasabayan nila?

17 Nakapagpatibay rin kina Jeremias at Baruc ang ilan sa mga kasabayan nila. Isang propeta si Zefanias noong panahon ni Haring Josias, kasabay ni Jeremias. Ano kaya ang epekto kay Jeremias ng mga salitang nasa Zefanias 1:18? (Basahin.) Malamang na sinabi rin ito ni Jeremias kay Baruc, hindi ba? Isa pang kasabayan niya si Ezekiel, na dinalang bihag sa Babilonya noong 617 B.C.E. Ang ilan sa mga gawain at mensahe ni Ezekiel ay patungkol mismo sa mga Judiong naiwan sa kanilang lupain, kaya malamang na nagkaalaman sina Jeremias at Ezekiel sa mensahe ng isa’t isa. Kabilang na rito ang nakaulat sa Ezekiel 7:19. (Basahin.) Kung paanong nakinabang sina Jeremias at Baruc sa mga kinasihang salitang iyon, makikinabang din tayo. Hihingi ng tulong ang mga tao sa kanilang mga diyos sa araw ni Jehova. Gayunman, hindi sila maililigtas ng kanilang mga diyos ni ng kanilang mga kayamanan.​—Jer. 2:28.

MAKUKUHA MO KAYA ANG “IYONG KALULUWA BILANG SAMSAM”?

18. Kaninong “kaluluwa” ang gusto nating maging samsam? At ano ang dapat nating gawin?

18 Tandaan natin na ang ipinangako ni Jehova na “samsam” ay ang ating “kaluluwa.” Sa panahon ng “malaking kapighatian,” kapag binalingan ng makasagisag na mabangis na hayop ang relihiyon, maaaring mamatay ang ilang lingkod ng Diyos dahil sa pag-uusig. Pero hindi ibig sabihin nito na natalo sila. Tiyak na bubuhaying muli ang kanilang “kaluluwa” at tatamasahin ang “tunay na buhay” sa bagong sanlibutan. (Apoc. 7:14, 15; 1 Tim. 6:19) Makaaasa naman tayo na karamihan sa mga lingkod ng Diyos na mananatiling tapat sa panahong iyon ay makakatawid sa malaking kapighatian. Makakatiyak ka na kapag pinasapit ng Diyos ang kapahamakan sa mga bansa, walang tapat na mapapasama sa “mapapatay ni Jehova.”​—Jer. 25:32, 33.

Mga larawan sa pahina 113

Piliin ang talagang mahalaga (Ihambing ang pahina 46.)

19. Sa pagsasaalang-alang ng halimbawa nina Jeremias at Baruc, paano napatibay ang iyong determinasyon na huwag humanap ng “mga dakilang bagay” para sa iyong sarili?

19 Baka madismaya ang ilan na “kaluluwa” lang nila ang magiging samsam nila. Pero ang totoo hindi iyon dapat maliitin. Tandaan na habang nagkakamatay sa gutom ang mga tao sa Jerusalem, iniligtas ni Jehova si Jeremias. Paano? Inilagay ni Haring Zedekias si Jeremias sa Looban ng Bantay at pinabigyan ng “isang bilog na tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod.” (Jer. 37:21) At nakasalba si Jeremias! Puwedeng gumamit si Jehova ng kahit anong paraan para paglaanan ang kaniyang bayan. Talagang paglalaanan niya sila dahil garantisado ang pag-asa nilang buhay na walang hanggan. Nakaligtas si Baruc sa pagkawasak ng Jerusalem dahil sumunod siya sa utos na huwag nang ‘humanap ng mga dakilang bagay.’ Tayo rin naman ay puwedeng maligtas sa Armagedon at makuhang samsam ang ating “kaluluwa” upang purihin si Jehova magpakailanman.

Bakit tama lang na huwag maghanap ngayon ng “mga dakilang bagay,” kundi magsikap na makuha ang ating “kaluluwa” bilang samsam?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share